10. Curfew Hours

Iisa lang ang dinner ni Mr. Phillips araw-araw: rare steak at Red Water. Second day ko sa trabaho at napapaisip na ako kung sino ba talaga si Mr. Phillips kasi sa bahay na nga niya ako nagtatrabaho pero hindi ko siya lubusang kilala.

Ang alam ko lang, chairman siya ng Prios Holdings, nakatira at may-ari siya ng The Grand Cabin, at  calm and collected siyang tao. Other than that, wala na akong idea, at wala akong matanungan.

Sinubukan kong madaliin ang pagluluto kasi ayokong maabutan niya akong pinag-iinteresan yung steak niya. Sumilip ako sa pinto ng kusina pagkarating niya at nagpapasalamat naman akong nakasuot na siya ng vintage blouse this time. Naglinis na lang ako ng pinaglutuan ko at nagluto rin ng dinner ko habang nagdi-dinner siya. Kasi sobrang awkward na hihintayin pa niya akong matapos sa pagkain ko.

Kaya nga pagkatapos niyang kumain, tapos na rin akong kumain. Sumaglit lang ako sa banyo sa tabi ng kusina, paglabas ko, nasa lababo na yung pinagkainan ni Mr. Phillips.

Napapansin kong siya ang nagsisinop ng mesa pagkatapos niya. Hindi niya iniiwan lang sa mesa basta.

Pangalawang araw at napapansin kong ang lungkot ng buhay sa Cabin. Klase na kahit may bahay ka at secured ka, parang wala kang buhay. Naaawa na nga ako kay Mr. Phillips kasi kung wala pala siyang secretary mula pa noon, ibig sabihin, tuwing gabi, mag-isa lang siya rito sa Cabin.

Umakyat na ako sa kuwarto niya pagdating ng 7:30. At hindi gaya kagabi, mukhang bati na kaming dalawa at hindi na niya ako babatuhin ng punyal.

"Mr. Phillips, narito na po ako." Tumayo ulit ako sa likuran ng pinto habang nakapatong ang mga kamay sa may tiyan.

Ang tipid ng smile ko habang sinusundan siya ng tingin. Galing na naman siya sa may office table niya at may hawak na naman siyang diyaryo.

Sabado, hindi ko alam ang schedule ko ng day off. Pero base naman sa trabaho ko, kahit wala akong day off, parang ayos lang. Wala nga ako halos ginagawa sa buhay ko bilang secretary niya, magde-day off pa ako? Ang kapal ko naman.

"Fix my table."

Iyon lang ang sinabi niya at umupo na naman siya sa red velvet chair sa gitna ng kuwarto.

Sobrang boring talaga sa Cabin. Tahimik din naman ako sa apartment unit ko kapag nangangalampag si Mrs. Fely, pero wala naman si Mrs. Fely rito. Nakakaantok kaya nang sobrang tahimik.

Umupo ulit ako sa swivel chair ni Mr. Phillips para mag-ayos ng office table niya.

Hindi ko alam kung saan niya kinukuha yung mga bagong folder niya sa mesa. Bago na naman kasi yung i-o-organize ko. O baka kasi matagal nang nakatambak iyon tapos inuunti-unti lang niya. Hmm . . .

Sinulyapan ko si Mr Phillips na tahimik lang na nagbabasa ng newspaper. Hindi naman siguro siya magagalit kapag kumanta ako para hindi kami sobrang tahimik.

Inipon ko yung mga folder sa harapan ko para isa-isahin at inayos yung clipboard para pagsulatan.

Nag-hum na lang ako sa tono ng Can't Help Falling in Love para hindi rin ganoon kaingay. Sinulyapan ko si Mr. Phillips kung pagagalitan ako pero patuloy lang siyang nagbasa.

"Shall I stay . . . would it be a sin?"

Sinalansan ko yung mga report sa dulong kaliwa.

"If I can't help falling in love with you."

May piano nga pala sa indoor garden. Tulog naman bukas si Mr. Phillips, baka puwedeng gamitin pagkaalis nina Mrs. Serena.

"Take my hand, take my whole life through . . ."

Nakaka-miss kumanta. Pagkatapos ko rito kay Mr. Phillips, gusto kong bumalik sa hotel para mag-piano.

"For I can't help—" Napahinto ako sa pagkanta nang pag-angat ko ng tingin, nakatitig na sa akin si Mr. Phillips. "Sorry po."

Bumalik ako sa pagsasalansan ng folder at itinikom na lang ang bibig. Ang tahimik kasi talaga, ayoko nang walang ingay. Para akong nasa kawalan kapag wala akong naririnig.

"It's okay," sabi ni Mr. Phillips, napasulyap tuloy ako sa kanya. "You said you sing for special occasions."

"Ha?" Bigla akong napangiti at pinigil ko lang din kasi . . . eeeh! Natatandaan niya 'yon? Grabe naman, ser! Kinilig ako nang ten percent.

"I love your voice. Masyadong mahinhin."

Ay, telege be?

Dinampot ko agad yung binabasa kong folder at pinantakip sa mukha ko dahil sa kilig. Shocks naman kasi! Bakit naman kasi gano'n?

Kung anong ikinahinhin ng boses ko, siya namang ikinabrusko ng kanya. Para tuloy akong pinupuri ng kampon ng dilim.

Kinagat ko na lang ang labi ko habang pinipigilang ngumiti.

Mr. Phillips, kakantahan na lang kita araw-araw, basta ba may additional rate sa sahod.

Chika lang. Ang kapal ko namang mag-request ng dagdag-sahod, wala naman akong ginagawang mabigat.

Mas kaunti ang folder ngayong gabi kaysa noong unang salansan ko. Hindi ko tuloy naiwasang magtanong.

"Mr. Phillips, anim lang po ba ba yung reports ngayon?" tanong ko kasi tapos na ako agad. "For review lang lahat ng nandito sa table."

"Alright." Tumango lang siya at ibinalik ang atensiyon sa binabasang diyaryo. "If you're done, you may go. I'll see you tomorrow night."

"O-Okay po, Mr. Phillips, sir." Tumayo na ako at bahagyang nag-bow. "Mr. Phillips, wala na po ba kayong iuutos?"

"We're good. You may take your rest."

"Okay, Mr. Phillips." Nag-bow na naman ako saka lumabas ng kuwarto niya.

Pagbalik ko sa kuwarto, 9:23 pa lang sa orasan. Ang layo pa sa alas-dose. Parang nakakahiya na ganito lang pala ang trabaho ng secretary, hindi naman pala mabigat.

Bakit kaya walang nagtatagal kay Mr. Phillips e kahit sino, kayang gawin yung trabaho ko?





Pangalawang gabi sa Cabin, at wala naman talagang kakaiba noong unang araw maliban sa dapat alas-dose, nasa kuwarto na, at alas-sais ng umaga iyon matatapos. Ang lalim kong matulog, maliban na lang kapag sobrang lakas ng ingay sa paligid.


Baag!

Baag!

Baag!

Sunod-sunod na kalampag ang narinig ko sa pinto kaya napabalikwas agad ako sa higaan. Ang lalim ng tulog ko, para tuloy akong binagsakan ng mabigat na bagay sa dibdib kaya ang hirap huminga.

"Mmm . . . ano ba 'yon?"

Bumangon agad ako habang kakamot-kamot ang ulo. Binuksan ko ang ilaw at nakasimangot na tiningnan ang wall clock sa tabi ng bintana.

"Alas-tres pa lang, ano ba'ng—haay." Nagkamot na naman ako ng ulo.

Walang trabaho nang alas-tres nang umaga dahil hindi naman ako 24/7 convenience store. Ang ikinatataka ko, bakit naman kasi madaling-araw na madaling-araw, binubulabog yung beauty sleep ko?

Nagbukas na ako ng pinto at dilim agad ang bumungad sa akin. Ano na naman ba yung maingay? Sa ground floor ba? May sunog ba? Ano bang meron? May nagra-rally ba sa ibaba in the middle of the night?

Baag!

Baag!

Baag!

"Shit." Biglang nagising ang diwa ko dahil nasa katapat palang pinto yung kumakalabog. "Mr. Phillips?" pagtawag ko sa saradong pinto sa dulo ng hallway. Ibinalik ko ang tingin sa black door.

Baag!

Baag!

Baag!

Nagtitindigan na naman ang mga balahibo ko sa katawan. Eto na naman yung tibok ng puso kong panay ang kalabog. Dumadamay sa kalabog sa kabilang pinto.

"Mr. Phillips, may maingay po sa kabilang kuwarto!" pagtawag ko mula sa pinto kung nasaan ako. Yung boses ko, masyado nang obvious na kinakabahan, para akong nawawalang bata sa mall, ang pangit ng echo sa hallway.

Baag!

Baag!

Baag!

"Mr. Phillips, gising pa po ba kayo? Maingay po sa kabila!"

Wala talagang sagot sa kuwarto niya. Hala, ano na'ng gagawin ko?

"Mr. Phillips, bubuksan ko na po yung black door, baka po may nakapasok na magnanakaw!" paalam ko sa pinto sa dulo ng hallway.

Nanlaki agad ang mga mata ko pagtingin ko sa sahig. "Mr. Phillips, marami na naman pong dugo sa black door! Ano pong gagawin ko?!" natatakot kong sigaw.

Grabe naman, ano? Araw-araw bang dinudugo 'tong kuwartong 'to?

Mabilis kong inikot yung doorknob saka ako tumakbo pabalik sa pintuan ng kuwarto ko.

"Mr. Phillips, bukas na po yung black door! Natatakot na po ako! Ano pong gagawin— Mr. Phillips!"

Sa sobrang gulat ko, sinalo ko agad yung katawang pabagsak sa madugong sahig.

"Mr. Phillips, ano'ng nangyari?!"

Ang gulo! Sobrang gulo!

Hindi ko alam kung sana ako mag-fo-focus!

Ang bigat ng katawan ni Mr. Phillips, at wala na naman siyang damit. Maliban doon, ang dami  niyang dugo sa dibdib.

"Close . . . the door—"

Nanlaki ang mga mata ko nang may makita kong malaking bagay na papalapit sa bintana sa loob ng black door.

"I said—"

Mabilis akong umalis sa katawan ni Mr. Phillips at inabot ang doorknob ng black door. Nanlalaki ang mga mata ko nang makitang may malaking itim na asong pilit umaakyat sa bintana ng third floor. Kumikinang ang balat n'on gawa ng sinag ng buwan sa madaling-araw.

"Shit!"

Isinara ko na lang agad ang pinto nang pabagsak at saka umatras.

Baag!

Baag!

Baag!

Bigla akong hiningal sa nakita ko, namingi ako sa nangyari.

"Mr. Phillips!" Napalingon agad ako sa likuran at nakitang nakahandusay sa madugong sahig si Mr. Phillips.

Inakay ko agad siya papasok sa kuwarto ko at pinaupo sa wooden chair ng dresser.

"Mr. Phillips, ayos ka lang ba?"

Ang tanga rin minsan ng tanong ko kasi duguan siya at hinihingal pa. Obviously, hindi siya okay. Ang bobo ko naman nang slight.

Hindi ko alam kung saan galing yung dugo. Sa katawan ba niya o yung dugo galing sa sahig. Nakapikit lang siya at sobrang bigat ng paghinga niya. Kahit ako na wala namang ginawang marami, hiningal na rin at sinabayan ang bigat ng pagbuga niya ng hangin.

Ano'ng nangyayari?

Bakit may nakaabot na aso sa third floor?

Saan galing 'yon?

Yung dugo, paano nagkaroon ng ganoon karaming dugo?

Galing ba kay Mr. Phillips?

Sinaktan ba siya n'ong malaking aso? Kinagat ba siya?

"N-Nauhaw ako . . ." sabi niya, at kitang-kita ko ang pag-angat at baba ng Adam's apple niya.

"Tubig? Gusto n'yo po ba ng tubig?" Tumayo agad ako at nagpalingon-lingon sa sahig. Hindi ko alam kung lalabas pa ba ako o ano. Baka mamaya, nasa labas na yung aso, paano kung ako naman yung kagatin? Wala akong tubig sa mini ref, puro ako soft drinks. "Mr. Phillips, wala akong tubig. Okay lang po bang mag-soda—araaaay!"

Ang lakas ng tili ko nang bigla niyang kunin ang braso ko saka kinalmot sa may galang-galangan. Napaupo ako sa sahig habang hatak-hatak niya ako.

"Mr. Phillips! Ano ba'ng ginagawa mo?!"

Hawak-hawak lang niya yung kanang braso ko habang sinisipsip ang sinugatan niya.

"Aaahh! Tama na! Tama na!"

Ang lakas ng tili ko habang pinanonood ko siya.

Hindi naman masakit yung ginagawa niya, gusto ko lang sumigaw kasi natatakot ako.

Nararamdaman ko yung init ng labi niya sa puno ng kamay ko. Parang pinapaso ang loob ng braso paakyat sa balikat. Ano ba kasing ginagawa niya sa dugo ko?!

Ilang pagtili ko pa at binitiwan na rin niya ako. Umayos na rin siya ng upo at kumpara kanina, mas kalmado na ang paghinga niya.

"M-Mr. Phillips . . .?" Tiningnan ko pa ang puluhan ng kamay kong sinugatan niya. Mahapdi yung sugat, pero tumigil na sa pagdugo. Wala pang isang pulgada iyon pero malalim para makita ang laman. Pag-angat ko ng tingin, nakatitig na siya sa akin. At mas lalo lang akong kinilabutan dahil ang inaasahan kong gintong mata niya . . . naging pula na. "Mr. Phillips, yung mata mo . . ."

Napagapang na lang ako paatras nang kapain na naman ng dila niya yung pangil niya.

Baag!

Baag!

Baag!

"Ah—!" napahiyaw na lang ako kasi bumalik na naman yung kalampag sa kabilang kuwarto.

"You should be sleeping . . . Chancey."

Hala. Ibig bang sabihin, si Mr. Phillips . . .

"Don't . . . open . . . that door." Napalunok siya habang tinuturo ang direksyon ng pinto.

Lalo akong nagsumiksik sa paanan ng kama habang nakatitig sa kanya. Pinunasan niya ng duguang kamay yung bibig niyang puro din naman dugo.

Ano ba'ng klaseng tao siya? Halimaw ba siya?

"Can you . . . get me towel?" mahinahon na niyang utos habang bagsak ang mga braso sa magkabilang gilid.

Napalunok na naman ako habang nakatitig sa kanya.

"Please?"

Humugot ako ng malalim na hininga habang pinag-iisipan kung susundin ko pa ba siya o hindi na.

"M-Mr. Phillips . . . gusto ko lang po ng trabaho . . ." nanginginig ang labing sinabi ko. Naiiyak na ako sa sobrang takot. Parang may kung anong madilim na awra ang nakapalibot sa puwesto niya.

Lalo lang bumagay sa nakakatakot niyang boses ang mga pulang mata niyang ayoko nang tingnan.

"I won't hurt you," sabi niya. Ang hirap maniwala dahil sa boses at itsura niya. "I promise."

Napasinghot na lang ako nang tuluan na ako ng luha sa pisngi.

Paano ako maniniwala, puro siya dugo? Sinugatan pa niya yung braso ko?

"Please . . . Chancey."

Kinagat ko na lang ang labi ko saka ako nagpunas ng pisngi. Tinitigan ko pa siya kung kikilos siya, pero tinitigan lang niya ako nang matiim.

Napalunok na lang ulit ako at tumango.

Gumapang ako papuntang banyo habang nakatitig pa rin sa kanya sa upuan.

Hindi pa rin kumikilos si Mr. Phillips kahit nabuksan ko na yung pinto ng banyo.

Mabilis akong tumayo at pumasok sa loob.

Namimingi na naman ako dahil sa takot. Ayaw huminto ng luha ko sa pagtulo habang naghahanap ako ng magagamit pantakip sa sugat ko sa kamay na dumudugo na naman gawa ng paggapang ko.

May medical kit sa likuran ng salamin. Pansin kong matagal na iyon dahil naipunan na ng alikabok, pero ginamit ko na lang din kahit may dumi ang puting gasa. Ipinalibot ko iyon sa galang-galangan ko hanggang maubos.

Hinatak ko agad yung nakasampay na face towel sa rack at kinuha ko yung metal bowl na ginagamit ko panghilamos. Malalaman pa tuloy ng may-ari ng bahay na ginagamit kong planggana yung malalaking bowl sa kusina.

Kapag sinaktan ako ni Mr. Phillips, tatakbo na lang ako palabas. Pero hindi rin pala ako makakatakbo palabas kasi mas masama ang nasa labas, baka mamatay lang ako lalo.

Nagsahod ako ng tubig sa bowl at ibinagsak ko roon yung towel.

Alas-tres y medya na ng madaling-araw pagtingin ko sa wall clock. Tiningnan ko si Mr. Phillips na nakapikit na lang at bagsak pa rin ang mga braso sa magkabilang gilid.

"Mr. Phillips . . .?" Dahan-dahan akong lumapit sa kanya at napansin kong hindi talaga siya kumikilos. Lumuhod ako sa harapan niya at inilapag sa sahig yung dala kong bowl.

"Did I disturb your sleep?" mahina niyang sinabi, at nabawasan na ang takot ko dahil parang bagong gising na ang boses niya. Garalgal pa rin pero mas mahinahon na.

Umiling na lang ako habang iwas ang tingin sa kanya. Piniga ko ang towel kahit nanginginig ang kamay ko.

"You shouldn't open that door, Chancey."

Marahan kong pinunasan ang katawan niyang puro dugo habang nanginginig ang labi ko para pigilan ang pag-iyak.

"I told you not to."

Napapalunok na lang ako habang pasinghot-singhot.

Papatayin din ba niya ako pagkatapos nito? Pinatay rin ba niya yung ibang gaya ko? Kaya ba walang tumatagal sa kanya, dahil dito?

"Are you scared of me, Chancey?"

Pinunasan ko na lang ang tumulong luha ko bago ko ipinagpatuloy yung paglinis sa katawan niyang puro dugo.

Tumango ako sa tanong niya. Sino ba'ng hindi matatakot?

"Can you sing for me?"

Ayaw tumigil ng panginginig ng labi ko at pagtulo ng luha ko. Lalo lang akong naluha sa tanong niya.

"Can you . . .?"

Suminghot ako at marahang tumango.

"Thank you."

Pinagpatuloy ko ang pagpunas sa kanya at napansin kong ang dami niyang kalmot sa katawan. Siguro, gawa ng malaking aso kanina na nasa bintana umaakyat.

"You are . . . You are pulled from . . . the wreckage . . ." Napahugot ako ng hininga habang binabanggit ang linya ng kanta. "Of your silent . . . reverie. You're in the arms . . . of an angel . . ."

Saglit akong huminto habang pinipiga sa bowl ang lahat ng dugong naipon ko sa towel.

"May you find . . . some comfort . . . here."

Lalo akong naiyak at saka siya tiningala.

"Gusto ko lang po ng trabaho . . ." umiiyak na sinabi ko sa kanya. "Ayoko na po rito. Gusto ko na pong umalis."

-----

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top