1. Application Process

"Next applicant, please."

Kabadong-kabado na 'ko, nakakasampu na kasi silang tawag sa mga applicant, alas-siyete na ng gabi. Ako na lang yung natitira sa waiting area.

Buti sana kung yung waiting area, hindi mukhang creepy. Ang tahimik tapos puro pa salamin. Paglingon mo, parang ang daming nakatingin sa 'yo.

Alas-diyes pa 'ko nang umaga rito sa building ng Jagermeister, biskuwit lang yung pinananghalian ko, super kawawa ko naman talaga, oo.

"Wait po!" Pinaiwan lahat ng gamit namin sa security. Ang nadala ko lang, yung kaluluwa ko.

Ang haba ng hallway na color white ang sahig tapos glass wall na sa paligid. Nasa 30th floor ang building ng CEO, at hiring kasi ng corporate secretary niya. At dahil siya ang final interviewer, siya ang kailangan kong harapin ngayong gabi.

Nagtataka ako, lahat ng pumasok sa opisina niya sa dulo ng hallway, hindi na nakakalabas. Inisip ko nga na baka may iba pang exit sa loob ng office niya na hindi lang visible sa labas.

Grabe yung mga kasabayan ko kanina, sobrang ang gaganda saka ang se-sexy. Mayaman daw kasi yung CEO. E obvious naman kasi CEO siya kaya mayaman siya. Pero sa aming mga aplikante kanina, ako lang yung mukhang chimimay. Samantalang sila, mukhang mga model ng Victoria's Secret. Ang tatangkad saka ang papayat. Hindi ako sobrang matangkad, pero hindi rin naman ako maliit. Saktuhan lang. Hindi ako mataba, pero hindi rin naman ako sobrang sexy. Saktuhan lang din. Nakaabot ng last applicant na ako pa yata. Ibig sabihin ba n'on, wala silang natanggap sa lahat ng sexy kanina?

Napaka-choosy naman ng CEO, ayaw sa maganda. O baka naghahanap siya ng pangit? Sobra naman sa pangit, mukha naman akong tao kahit paano, grabe naman siya.

"Ack! Cardio is real!" Halos hingalin ako makalapit lang sa pinto ng CEO's office. Napakalayo naman sa waiting area! Akala ko, malapit lang kanina! Nakakapeke yung mga salamin a. Issa scam.

Lumunok muna ako bago nagbukas ng malaking pinto.

Akala ko, magtutulak ako. Magaan naman pala yung pintuan kahit gawa sa makapal na salamin.

"Hello . . . sir?" Sumilip ako sa loob ng opisina. Ang lawak. Parang tennis court ang sukat. Mas malaki pa sa apartment unit ko. Iyon lang, walang laman maliban sa mesa sa dulo na may lampshade na nakabukas. "Sir?" Tumingala pa 'ko kasi madilim, walang nakabukas na ilaw. Pero tanaw sa kabilang glass wall yung night city view ng buong Metro. May nakatalikod na upuan doon sa table paharap sa overlooking ng 30th floor.

Loner ba yung CEO? Ay, grabe siya.

Naghanap ako ng ibang exit sa loob. Wala akong ibang makitang daan maliban sa pintong pinanggalingan ko.

Isinara ko na ang pinto at nag-ayos ng suot kong pencil skirt.

"Sit down."

"Whoah." Nandilat agad ang mga mata ko kasi boses demonyong . . . ewan? yung boses ng CEO. "Y-Yes, sir."

Wala akong ibang makitang upuan kundi yung wooden arm chair sa harap ng table. E di naupo na 'ko kahit natatakot na.

"You're the last applicant."

"Y-Yes, sir."

Grabe, seryoso ba siya sa boses niya? Paos ba siya? Para siyang limang Vin Diesel na pinagsama-sama sa iisang katawan. Wow, grabe. Mas malalim pa sa Mariana's Trench yung boses niya.

"What's your name?"

Nag-e-echo yung boses niya sa buong office. Naninindig ang balahibo ko. Nakakatakot na nakaka-amaze.

"I'm Chancey Revamonte . . . sir."

"Chancey."

Napapikit ako pagkabanggit niya ng pangalan ko. Shit, habang tumatagal, nakakasanayan ko na yung boses.

Ano na? Tell me something about myself na ba? Magsisimula na ba 'kong magsalita? Binabasa ba niya yung résumé ko behind that tall chair? Ano na?

"You think you're qualified to be my secretary?"

Torn between iisipin kong demon personified yung CEO na 'to o talagang ganito lang ang boses niya. Pangit ba siya? Bakit ayaw niyang humarap sa applicant?

"I'm competent enough to be your secretary, sir," sagot ko agad na may kaunting confident nang slight sabay hugot ng hininga.

"How competent are you, Chancey?"

Bigla akong napaatras sa sandalan ng upuan ko nang biglang may humarang sa harapan ko. Shit! Saan siya galing?! Wala pala siya sa may upuan sa harapan ko! Whut?

Hindi ko siya maaninag nang sobrang linaw kasi madilim at nakatalikod siya sa lampshade, pero base sa silhouette niya, gusto ko nang bawiin yung demon personified description ko para sa kanya.

Yumuko siya hanggang matapat siya sa mukha ko. Lalo tuloy akong napaatras para makalayo.

Wow, grabe naman, ser. Kung buksan mo kaya yung ilaw at nang di mo idukdok 'yang mukha mo sa mukha ko para makita ako? Di uso common sense?

"Sir, farsighted ka ba?" tanong ko habang lumiliyad palayo sa kanya. Napalingon ako sa kanan para hindi magtama ang mga mukha namin. Shit, yung amoy, amoy-vanilla siya! Nagmemeryenda ba siya bago ako dumating? Naabala ko ba siya sa pagkain? E di sana, hindi muna niya 'ko tinawag.

"Look at me."

Sinulyapan ko siya saglit. "Sir, it's too dark here. I can't see you."

"I said look at me."

Grabe, demanding. Sige na nga kahit di ko siya makikita.

Tiningnan ko siya kasi sabi niya. Nakikita ko naman siya nang slight, pero sobrang dilim talaga. Nakatabing pa siya sa kakarampot na liwanag na meron ang office niyang super dark. Kung emo siya, sabihin na niya agad para hindi kami mukhang timang dito na nagtitinginan sa wala.

Snap!

Biglang lumiwanag sa buong office kaya mabilis akong napapikit dahil sa pagkasilaw.

Grabe naman siya, ano bang klaseng interview 'to? Gusto ko lang namang magkatrabaho! Ihe-hazing ba 'ko?

"Now, look at me."

Dahan-dahan akong dumilat at mabilis na nanlaki ang mga mata ko nang magsalubong ang tingin naming dalawa—nitong CEO. Nitong maputlang lalaking may matangos na ilong at mapungay na mga mata. Wow, tapos ang lalim pa ng boses niya. Wow na wow. Kaya pala kung makapagpaganda yung mga kasabay ko kanina, ganito pala ang sasalubong sa kanila rito sa loob.

"Did you hear me?"

"Ha?"

"Narinig mo ba 'ko?"

Dahan-dahan akong sumimangot. Shit, may sinasabi ba siya?

"Sir?"

"Repeat what I said."

Anak ng palakang malaki, ano yung uulitin ko? OMG, may sinabi ba siya? Hindi naman ako sobrang na-out of zone, malamang na maririnig ko naman kung may sinabi siya, grabe naman.

"Ano yung sinabi ko?" pag-uulit na naman niya.

"N-Narinig mo ba 'ko? Iyan po?"

"Before that."

"D-Did you hear me?"

"Before that."

"Uhm . . ." Ngumiwi na ako. "Look at me?"

Hindi ko alam! Wala naman kasi talaga siyang sinabi!

Tumayo na siya nang diretso at umatras. Pinanood ko siyang sumandal at bahagyang umupo sa glass table niya.

OMG, mas malakas pala ang dating niya sa malayuan. Wala siyang suit. White na long sleeves lang na pinatungan ng blue vest at blue trousers. May designer stubbles siya na hindi naman mukhang rugged. Halatang pinasadya para makuha ang ganda ng hulma ng panga niya. Sobrang pula ng labi niya, at OMG, kinakapa ng dila niya yung . . . pangil? Whoah, ang haba ng pangil niya! Legit ba?

Inayos niya yung bumagsak na ilang hibla ng buhok sa mukha niya. Medyo mahaba rin kasi. Hindi naman aabot nang lampas sa tainga, pero mahaba na rin.

Biglang nagtama ang mata naming dalawa. Lalo akong napatitig doon kasi . . . kulay ginto. Wow, ser.

Cosplayer din ba siya?

"Why are you here?" tanong niya, at parang hindi ako dapat narito.

"Uhm, I'm applying for corporate secretary position . . . sir."

"Call me Mr. Phillips."

Napalunok ako. "Okay, Mr. Phillips, sir."

"You think you're qualified?"

"I-I'm qualified enough, sir—Mr. Phillips."

"Enough. We'll see." Sumaglit siya sa mesa at may kinuha roon. Kumunot ang noo ko kasi magandang klase ng dagger 'yon. Parang sa mga movie na pinansasaksak sa mga bidang suicidal. "Can you kill yourself for me?" Inalok niya ang patalim sa 'kin.

Tumaas agad ang kilay ko.

Wow, ha. Ako? Papatayin ko? Yung sarili ko? Para kanino? Sa kanya? Utot niya!

"Kill yourself. Now." Inaabot niya yung kutsilyo sa 'kin na lalong nakapagpasimangot sa mukha ko.

Wow naman, ser, grabe siya. Nandito ako para magkatrabaho hindi para magpakamatay. Kung ganito lang pala ang gagawin ko rito, e di sana nagpasagagasa na lang ako kanina sa kalsada kaysa pinahirapan ko pa ang sarili ko tumambay rito sa opisina niya, di ba?

"Sir, I'm here for the job, not to kill myself. Secretary po ang ina-apply-an ko, baka nagkakalimutan lang ho tayo." Tumayo na ako para maghanda sa pag-alis. Mukhang nagkakalokohan na lang kami rito e. "Sir, di po ako nakikipagbiruan. Sana po seryoso tayo next time."

Mabilis akong naglakad papunta sa pintuan. Grabe, kung alam ko lang talaga na ganito ang final interview, sana nag-apply na lang ako sa McDo kahit service crew na lang.

"Excuse me, Chancey."

Napahinto ako at pairap na humarap sa kanya. Ano? Sasabihin niyang joke lang? E kung ibato ko kaya sa kanya yung upuan, makita niya.

"Inuutusan kita, hindi mo ba 'ko susundin?" tanong pa niya. At ang kapal niya talaga in all level, di kinakaya ng powers ko, ha.

"Sir, applicant pa lang ako. Hindi mo pa 'ko secretary. Hanap na lang kayo ng ibang susunod sa utos n'yo." Umirap ako at tatalikod na sana pero nagsalita na naman siya.

"You're hired."

Bigla akong bumuga ng hangin at mataray na tiningnan siya. Seryoso na ba siya?

"Sir, I was expecting you'll ask me to tell something about myself. Not to kill myself."

"You already told me something about yourself, and that's enough."

"Ha?" Lalo akong nalito.

"Proceed to the lobby. Take your schedule. You'll start by tomorrow."

"Sir?"

"Basic salary is one hundred dollars daily. For the rest of the benefits, the front desk attendant will inform you. Be here at seven. You may go."

Sa sobrang hindi ko nasusundan ang nangyayari, hindi ko na-gets kung ano na ang nagaganap. Hired ako, saan? Kailan? Sino? Bakit? Sa paanong paraan? Whut?

"Saan po yung exit?" tanong ko kasi entrance lang ang alam ko.

"There." Itinuro niya yung pintong pinanggalingan ko sa labas.

"There?" Itinuro ko rin yung tinuturo niya. "Akala ko, may iba pang . . ." Tumango na lang ako habang nakatitig sa kanya na seryoso talaga sa pinto. "Sabi ko nga po, there."

Saan yung ibang applicant dumaan palabas?

"Thank you, sir."

"Mr. Phillips."

"Thank you, Mr. Phillips, sir." Para akong tanga na bow nang bow bago ako lumabas sa pinanggalingan kong pinto.

Napapaling tuloy ako ng ulo sa kanan pagbalik ko ng tingin sa mahabang hallway na nakakahingal lakarin.

So . . . may trabaho na 'ko?

Binalikan ko yung lobby kasi sabi ni Mr. Phillips, doon daw kukunin ang schedule ko. At ewan ko, medyo weird na kung tingnan ako ng mga nakakasalubong ko na office staff, para akong bumangon sa hukay.

"Uhm, excuse me," sabi ko sa lalaking nasa front desk. "Sabi ni Mr. Phillips, kunin ko raw yung schedule ko rito."

Ang tamis ng ngiti sa akin ng lalaking may nametag na Eul. Kahit awkward, naki-smile na rin ako. Baka sabihin niya, snob ako, babalik pa naman ako rito bukas. Mukha naman siyang mabait. Parang butler na manager.

"Nakakatakot pala si Mr. Phillips," kuwento ko sa kanya habang nakatunghay sa tina-type niya sa computer. "Ang laki ng boses niya, 'no?"

"Yes."

"Gano'n ba talaga kapag final interview? Inabutan ako ng kutsilyo, di ko tinanggap. Buti hindi nagalit."

"Hindi siya nagagalit sa qualified applicant."

"Ilan kaming nakapasa?"

Nakarinig ako ng pini-print na papel, at ilang saglit pa, nginitian na naman ako ni Eul at inabot ang schedule ko. "Isa lang ang kailangan niyang secretary. Congratulations."

Naiilang akong inabot yung papel sa kanya. "Paano yung ibang kasama ko kanina?"

"The company will handle them. Have a great night, Miss Chancey."



---12/07/2020

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top