Chapter 4

"Siguro kung hindi kita naging kaibigan ay matatakot akong pumasok sa akademyang iyon," pahayag ni Prinsipe Panav sa katabing si Prinsipe Cynfal habang nakatayo sila sa harapang bahagi ng sinasakyang galyon at tinatanaw ang Isla ng Badington. "Hinihiling ko na sana ay madali nating makasundo ang iba pang mga prinsipe."

"Siguro kung hindi naman kita naging kaibigan ay nasisiguro ko na hindi ako masasabik tanawin ang isla na iyon hindi tulad ngayon na magkasama natin iyong pupuntahan." Ngumiti muna si Prinsipe Cynfal kay Prinsipe Panav bago siya nagtuon muli sa tanawin sa kanilang harapan.

Isang kasunduan kasi ang nabuo ng mga kaharian ng mundo na ideya ni Haring Leroy at iyon ay ang magtayo ng isang akademya para sa mga prinsipe na tutuntong ng labingwalong edad. Ang layon ng naturang proyekto ay ang ihanda ang mga prinsipe sa kani-kanilang responsibilidad bilang magigiting na na mga prinsipe na maaaring maging tagapagmana ng trono ng kani-kanilang kaharian at upang mabuo na rin ang pagkakaibigan sa kanila bago pa sumapit ang kani-kanilang debut na magaganap sa kanilang ikadalampu't isang kaarawan. Nakita kasi ng hari ng Bottomocco na naging magandang karanasan para sa kanyang unico hijo ang pagkakaroon nito ng isang kaibigang prinsipe kung kaya nais niyang mas dumami pa ang mga nakakasalamuha nitong kapwa prinsipe na nakikita niya ring magpapanatili sa pandaigdigang kapayapaan. Ang Isla ng Badington na nasa dagat ng Acclahoma na teritoryo ng kaharian ng Bakladesh ang nakita nilang perpektong lokasyon para sa proyektong iyon.

Matatanaw na rin ang iba pang galyon ng iba pang kaharian na naglalayag din sa ilalim ng maaliwalas na papawirin at sa ibabaw ng kalmadong dagat. Ang nagtataglay ng watawat na kulay pulay na may marka ng itim na dragon ay ang galyon ng kaharian ng Dakskota. Ang kulay kahel naman na may watawat na may nakaguhit na isang tansong martilyo ay sa kaharian ng Dildonesia. Ang kulay dilaw na watawat naman na may burda na hugis cobra na kulay pula ay sa kaharian ng Taruba. Kulay asul na watawat na may disenyong pilak na agila ang sa kaharian ng Tulinasya. At kulay indigo naman na napapalamutian ng sinulsing puting sinulid na korteng oso sa gitna ang sa kaharian ng Maysupotamia. Habang kulay berde naman na may nakaguhit na ginintuang kandado ang watawat ng kaharian ng Bottomocco at ang kulay lila na pinatigkad lalo ng disenyong ginintuang susi sa gitna ang para sa kaharian ng Toplandian na parehas nakataas sa pangunahing poste ng sinasakyang galyon nila Prinsipe Panav at Prinsipe Cynfal. Sila lamang ang mga kaharian na nakapagdala ng mga prinsipe sapagkat sila lamang ang mayroong mga prinsipeng sasapit na sa ikalabingwalong taon sa taong kasalakuyan.

Naunang dumaong ang galyon ng magkaratig-kaharian ng Toplandian at Bottomocco. Nang makababa na sa pantalan ng isla ang magkaibigang prinsipeng lulan niyon ay sinalubong sila ng tumutugtog na moseko at ng mga tauhan ng akademya na sinabitan pa sila ng mga garland sa kanilang mga leeg.

Isang lalaki naman ang lumapit sa kanila na nakasuot ng puting baro at may koronang napapalumitian ng makukulay na bato na kinorteng bahaghari. Kaagad naman tumungo ang dalawa sa kanyang presensiya.

"Maligayang pagdating sa International Academy for Prince Charmings, mga kamahalan: Prinsipe Cynfal ng Toplandian at Prinsipe Panav ng Bottomocco. Hayaan ninyo akong magpakilala, ako si Prinsipe Nkosana ang punong guro ng akademya. Ikinagagalak ko na kayo ay malugod na tanggapin bilang mga mag-aaral nito. Maaari na kayong sumakay sa karwahe na mahahatid sa inyo sa inyong tutuluyang palasyo habang hinihintay pa nating dumating ang iba pang mga prinsipe."

"Maraming salamat, Prinsipe Nkosana, sa mainit ninyong pagtanggap."

Habang lulan ng karwahe ay hindi maiwasang matanaw ng magkaibigan sa may bintana ang istrukturang may kulay pulang mga atip at tila isang kastilyong gawa sa bato na nakatayo sa itaas ng pinatag na bundok sa gitna ng isla. Maging ang tarangkahan nitong gawa sa sedro ay hindi rin nalalayo sa kanilang mga kaharian.

"Prinsipe Cynfal, tignan mo, marami rin ditong mga bulaklak!" Sa lapad ng ngiti ni Prinsipe Panav ay hindi makakaila ang kanyang pagkamangha matapos matanaw ang hardin na bubungad pagkabukas ng tarangkahan.

Napangiti rin si Prinsipe Cynfal na kinurot pa ng mga kamay ang mga pisngi ng kaharap. "Ikaw talaga hanggang ngayong binata na tayo mahilig ka pa rin sa mga bulaklak."

Sa hiya ay tinapik ni Prinsipe Panav ang mga kamay ni Prinsipe Cynfal at pagkatapos ay ibinaling na lang muli ang atensiyon sa pagtanaw sa bintana at pilit iniba ang usapan. "May gloryeta rin pala rito!"

Matapos malagpasan ang may kalawakang lawa sa kanang panig ng hardin, huminto na ang karwahe sa isang istrakturang napapalibutan ng maraming balkonahe ang mga pader. Maya-maya ay nagbukas na ang pinto ng karwahe na binuksan ng kutsero na siya ring nagsabi kung nasaan na sila. "Mga kamahalan nandito na po tayo sa Palazzo Dormitorio."

Pagbukas ng ginintuang pinto ng palasyo ay bubungad ang bulwagan na pinaliliwanag ng isang aranyang gawa sa tanso na nakasabit sa kisame na siya ring nagsisilbing tanglaw para sa mga balak umakyat sa ikalawang palapag sa pamamagitan ng dalawang malalaking hagdanan. Nagbigay pugay naman sa kanila ang mga naghihintay sa kanilang mga alalay bago sila lumapit sa maliit na trono roon na nasa gitna ng mga hagdanan upang magbigay pugay rin kay Haring Kgosi na nakaupo roon.

"Kamahalan." Panandaliang tumungo ang dalawang prinsipe.

"Maligayang pagdating sa kaharian ng Bakladesh mga prinsipe nawa ay magkaroon kayo rito ng mga masasayang alaala na babaunin ninyo sa inyong pagbalik sa inyong mga kaharian. Narito ang mayordomong si Darian para ihatid kayo sa inyong mga silid upang kayo ay makapagpahinga na muna habang hinihintay pa natin ang pagdating ng iba pang mga prinsipe na magiging kapwa ninyo mag-aaral upang samahan tayo sa isang maliit na salu-salo ngayong tanghalian.

"Maraming salamat, kamahalan."

Matapos magpasalamat ng dalawa ay nilapitan na sila ng apat na mga alalay sa pangunguna ng mayordomong si Darian.

Magkatapat lang ang silid ng magkaibigan. Gaya ng kanilang mga silid sa kanilang mga kaharian na may kalakihan din, ngunit hindi gaya ng kay Prinsipe Panav sa kaharian ng Bottomocco na maala-silid-aklatan. May ilan pa rin namang mga aklat na nilaan talaga para sa kanilang mga leksyon na nakaayos sa estante na katabi ng isang mesang may mga scroll, pluma, tinta at globo sa ibabaw. Sa loob naman ng aparador—na nasa kabilang panig ng silid—ang iba't ibang klase ng kasuotan at iba't ibang klase ng sapatos ang nasa isa pang aparador. Napapalumutian din ng mga berdeng kurtina ang kama pati na rin ang mga bintana bilang simbolo ng kanilang kaharian. Ngunit ang nakapawi talaga ng pagod ni Prinsipe Panav ay ang matanaw ang hardin mula sa balkonahe at malanghap ang preskong hangin na nagmumula roon na dala ang samu't saring samyo ng iba't ibang mga bulaklak na matatagpuan doon.

"Ramdam na ng aking damdamin na magkakaroon nga kami ng mga masayang alaala sa lugar na ito."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top