8. SILAMID
ZERENA
Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong bumuntong-hininga habang nakaupo sa tabi ng bukas na bintana, mahigpit na yakap ang sarili at nag-iisa.
Tahimik kong tinititigan ang mga bituin na nagliliwanag sa kalangitan, na tila mga kumikinang na perlas na nagbibigay ng liwanag sa madilim na gabi. Napakatahimik ng paligid, maliban sa mahinang ingay ng mga dumadaang karwahe, na tila pinapaalala sa akin ang bigat ng gabi at ang kalungkutan ng sandali.
Sinabi ni Sinbad sa amin na ipapakilala niya daw kami sa kanyang kaibigan na tinawag niyang brother-in-arms. Ngunit sumapit na ang gabi at hindi pa ito dumating. Mahigit limang oras kaming naghintay doon sa aming pinagkainan, hanggang napagdesisyunan ni Sinbad na umalis nalang, at humanap ng bahay-tuluyan upang may mapaghingahan kami.
Hindi ko alam kung bakit hindi ito sumipot at nagpakita sa amin. Siguro marahil may inasikaso itong mahalagang bagay kaya hindi siya dumating.
Interesado pa naman akong makilala kung sino itong kaibigan ni Sinbad, dahil tila gustong-gusto niya kaming ipakilala rito.
"Prinsesa," agad akong napalingon nang narinig ang mahinang boses ni Simon na tumawag sa pangalan ko. Tahimik kong pinagmamasdan ang ang pagtayo niya mula sa kanyang kinahihigaan.
"Bakit? May problema ba, Monsi?" tanong ko rito pagkalapit niya sa akin.
Kinuha niya ang silya malapit sa akin saka umupo rito. Isinandal niya ang ulo sa gilid ng bintana na parang pagod na pagod saka tumingala sa kalangitan. "Hanggang kailan tayo magpapapanggap? Kailangan ba talaga nating ilihim ang ating pagkakakilanlan mula kay Sinbad?"
Malalim akong napaisip sa tanong ni Simon. Kailangan ba talaga naming ilihim ang totoo naming pagkakakilanlan?
Sa tingin ko ay mas mainam na ilihim muna namin ito sa kanya lalo pa't hindi namin alam ang tunay na pakay niya kung bakit niya kami iniligtas.
Nagkataon lang ba na nandoon siya nang nangyari na hinabol kami ng halimaw? Nagkataon lang ba na napadaan lang siya roon kaya natulungan niya kami? O marahil may maitim siyang balak sa amin kaya niya kami niligtas.
Hindi ko alam kung may binabalak ba siya sa aming masama o wala. Lalo pa't hindi niya tinanggal ang tanikala na nakagapos sa leeg namin.
Ngunit isang bagay lang ang nakatatak sa isipan ko: kailangan naming hanapin ang iba at kompletuhin ang misyon na ito. Ang mahalaga sa akin ngayon ay maresolba ang misyon at maibalik ang Primordium Histoire sa aming Kaharian.
"Kailangan nating gawin ito, Simon," tugon ko rito saka muling binaling ang tingin sa mga bituin. "Hindi pa natin siya lubos kilala kaya dapat tayong maging maingat sa kung sino ang pagkakatiwalaan natin."
"Matanong ko lang, Prinsesa," muling tanong ni Simon saka binabaling ang tingin niya sa akin. "Bakit ako ang sinama niyo sa misyong ito kahit hindi ako miyembro ng Electus tulad niyo?"
Tinitigan ko siya, alam kong kailangan niyang marinig ang totoo. Huminga ako nang malalim bago sumagot. Kailangan niyang maramdaman ang bigat ng sitwasyon. "Kailangan namin ang kapangyarihan mo. Mahalaga ka sa misyong ito, Simon. Ikaw ang magiging susi para mahanap natin ang Primordium Histoire."
Hindi lang ito tungkol sa misyon, kundi tungkol sa pagpapaintindi sa kanya kung gaano kalaki ang papel na ginagampanan niya. Alam kong hindi pa niya lubos na nauunawaan, pero kailangan niyang malaman na siya ang kakailanganin namin para magtagumpay.
Kumislap ang mga mata ni Simon matapos kong magsalita, parang bigla siyang nawala sa kanyang pag-aalinlangan. Isang maliit na ngiti ang dahan-dahang gumuhit sa kanyang labi. "Salamat sa tiwala niyo, Prinsesa."
Naramdaman ko agad ang pagbabago sa pagitan namin—mula sa tensyon at pagdududa, naging mas magaan ang lahat.
"Gising pa pala kayo?"
Agad akong napalingon nang bumukas ang pintuan ng silid namin. Nakita kong nakatayo si Sinbad sa nakabukas na pinto saka pumasok sa loob.
Napansin kong nakatingin siya sa akin, pero hindi ko masabi kung narinig ba niya ang pinag-usapan namin ni Simon. Ayoko namang magbintang nang walang sapat na pruweba, pero may kutob ako—alam niyang may pinag-usapan kami na hindi niya dapat marinig.
"Hindi ako makatulog," tugon ko habang ang mga mata ay nakatingin kay Sinbad.
"May bumabagabag ba sa isipan mo?" muli niyang tanong saka humiga sa kama ni Simon.
"Wala. May iniisip lang ako---"
"Sinbad!"
Mabilis akong napabaling sa bintana at nakita ang lalaking lumilipad patungo sa amin. Agad akong tumayo at hinila sa kwelyo si Simon saka lumayo mula sa bintana.
"Silamid." Mariing bigkas ni Sinbad sa pangalan ng lalaking bagong dating.
Silamid pala ang pangalan niya. Bakit siya nandito at ano ang pakay niya kay Sinbad? Sa uri ng pagbigkas ni Sinbad sa pangalan nito, halatang hindi sila magkaibigan.
"Sino siya, Sinbad? Kaaway mo ba ang taong 'yan?"
Imbes na sumagot ay iniangat niya ang daliri, tila sumesenyas na tumahimik ako. Napaangat ay kilay ko dahil sa pagsenyas niya. Binitawan ko si Simon at umupo sa dulo ng kama.
Siya na ang bahala na humarap sa taong dumating. Bahala siya sa buhay niya kung mag-away man sila.
Nilabas ng nagngangalang Silamid mula sa bulsa niya ang isang kakaibang bagay. Isang kulay itim na patpat na may gintong mga linya, matulis ang dulo, at may malaking asul na bato na may nakaukit na simbolo sa gitna.
Nang itinaas niya ito sa ere ang kakaibang bagay, kumislap ang asul na bato sa gitna, parang may sariling buhay. Saglit akong napahinto, hinihintay ang mangyayari. Pagkaraan ng ilang sandali, unti-unting naglaho ang pader sa harap namin, tila natutunaw na yelo sa ilalim ng araw.
Ngayon lang ako nakasaksi ng ganitong uri ng mahika. Hindi ito ordinaryong mahika; may mas malalim na puwersang kumikilos dito, isang puwersang hindi ko pa ganap na nauunawaan.
Kailangan kong maging maingat. Ang Silamid na ito ay hindi basta-basta. Sa bawat kilos niya, ramdam ko ang bigat ng kakaibang kapangyarihan sa likod ng kanyang mga mata. Hindi siya pangkaraniwn at ang mahika niya ay malayo sa karaniwang alam ko.
"Nahanap rin kita, Sinbad," sumilip ang dalawang matalim na pangil sa labi ni Silamid nang gumuhit ang ngisi sa kanyang mukha. "Dapat nasa kulungan ang bandidong tulad mo."
"Bandido?" malakas kong bulalas dahil sa narinig.
Isang bandido si Sinbad? Ibig sabihin isa siyang kriminal sa lugar na ito. Ngayon, may alam na ko kung bakit niya kami niligtas. Marahil ay ibebenta niya kami sa taong tinawag niyang brother-in-arm. Isa rin siguro sa mga dahilan kung bakit hindi niya tinanggal ang tanikala sa mga leeg namin, upang hindi kami makatakas.
"Simon," mahina kong tawag kay Simon saka tumayo at muli siyang hinila. "Kailangan nating umalis sa lugar na 'to."
Ngunit bago pa kami makahakbang, humarang si Sinbad sa harap namin.
Mariin siyang napahawak sa balikat ko, ang mga mata niya ay nangungusap. "Pakiusap, kailangan ko ang tulong niyo," hindi ako umimik at nanatiling tahimik. "Sasabihin ko sa inyo ang totoo, after I deal with him."
Ano ang kailangan mo sa amin Sinbad? Bakit kailangan mo ang tulong namin?
Sa ngayon, hindi muna kami aalis. Bibigyan ka pa namin ng ikalawang pagkakataon upang ipaliwanag ang panig mo.
"May mga bago ka na palang kasama," nakangising wika ni Silamid saka tumingin sa amin na parang nandidiri.
Tiningnan niya ko mula ulo hanggang paa na parang isang nakakadiring bagay. Napaangat ang kilay ko dahil dun. Hindi ako nagpatalo; sinukat ko rin siya ng tingin, mula sa ulo hanggang sa paa. Tinitigan ko siya na parang isang malansang isda.
Anong akala niya? Na siya’y malinis at walang bahid ng dumi? Hindi niya ako kilala. Wala siyang karapatang titigan ako ng gano’n.
"Huwag mo silang idamay sa away natin, Silamid," mariing bigkas ni Sinbad saka kumuyom ang mga kamao.
Halata ang galit niya sa Silamid na ito—ramdam ko sa bigat ng kanyang tingin at sa bahagyang panginginig ng kanyang mga kamay.
Kung ano man ang pinagdaanan o pinag-awayan nila noon, hindi ko alam, at ayokong makialam. Pero kung madamay kami sa laban nila, hindi ako magpapatinag. Kahit hindi ko man magamit ang aking mahika, hindi ako uurong. Kasama o kalaban, handa akong harapin ang kahit sino.
"Kung madamay man sila, kasalanan mo na iyon!"
Muling kumislap ang mahiwagang patpat ni Silamid, at ang sunod na nangyari ay hindi ko inasahan. Bigla kong naramdaman ang puwersa sa ilalim ng aking mga paa. Ang mundo ay umikot, at bago ko pa man maunawaan, nakalutang na ako sa ere. Isang malakas na puwersa ang tumulak sa akin at ramdam ko ang hampas ng pader sa likod ko. Nanlabo ang paningin ko, habang sinusubukang bumangon mula sa pagkakabagsak.
Matalim kong pinaling ang tingin kay Silamid na malawak na nakangiti. Iniangat niya muli ang mahiwagang patpat, pero bago pa niya magamit ang kanyang mahika, biglang umangat ang lupa sa ilalim niya patungo sa kalangitan. Nagdaan ang ilang sandali at biglang natunaw ang umangat na lupa at muling bumalik sa Silamid.
Bago ko pa man magawang humakbang, mabilis na tumakbo si Sinbad patungo sa akin, saka humarang sa harapan ko. "Hindi ko hahayaang saktan mo pa siya ulit, Silamid!"
At bago pa ako makapaghanda, yumanig ang lupa dahilan upang mawalan ako ng balanse at muling napaupo sa sahig. Mula sa lupa, isa-isang umusbong ang dalawang goylem—malalaki, gawa sa bato, at handa nang sumabak sa laban.
Agad na umataki ang mga goylem kay Silamid, mabilis at walang babala. Pero mabilis niya lang ito naiwasan. Maya-maya pa'y biglang naglitawan ang mga naglalakihang bola ng apoy, at isa-isang sumugod patungo sa mga goylem. Pero hindi natinag ang mga ito—ni gasgas, walang bakas ng pinsala.
Biglang tumalon ang mga goylem, sapat para abutin si Silamid. Bago pa siya makaiwas, tinamaan siya ng malakas na suntok, tumilapon siya pabalik sa lupa, at sumabog ang paligid sa ingay ng pagbagsak niya. Umalingawngaw ang tunog ng pagsabog at nabalot ng makapal na usok ang paligid. Hinintay kong makita ang resulta—tiyak na may sugat siya ngayon.
Pero nang unti-unting maglaho ang usok, si Silamid ay naroon pa rin, nakatayo, walang galos ni kaunting gasgas. Ang mas nakakagulat, nakatayo siya sa loob ng isang pananggalang—isang proteksyon na tila hindi kayang daigin ng kahit ano.
Muling lumutang si Silamid sa ere. "Ito lang ba ang kaya mo, Sinbad? Wala kang silbi. Ang hina mo!" natatawa niyang sigaw na parang naaaliw.
Nagliwanag ang mahiwagang patpat ni Silamid, at parang biglang nilamon ng dilim ang gabi. Ang dating maliwanag na paligid ay napalitan ng malalim na kadiliman. Biglang dumagundong ang kulog, malakas at nakakabingi, at sinundan ng nakakasilaw na kidlat.
"Magtago kayo sa likod ko, Zera!"
Hindi na ko nagdalawang-isip pa at agad na sinunod ang utos niya. Mabilis akong tumakbo at hinila si Simon. Pareho kaming nagtago sa likod ni Sinbad.
Isang malaking kidlat ang bumagsak mula sa kalangitan, tumama sa mga goylem nang walang pag-aalinlangan. Isa-isa silang nagkadurug-durog, parang mga salaming nawasak.
Muling bumagsak ang dambuhalang kidlat diretso sa amin. Ramdam ko ang panginginig ng lupa at ang pag-init ng hangin sa paligid. Napakunot ang noo ko nang iniharang ni Sinbad ang kanyang kamay, upang protektahan kami.
Tumama ang kidlat sa kanyang kamay, at sa isang iglap, ang malakas na boltahe ng kidlat ay unti-unting lumiit. Walang ingay, walang bakas ng pagkawasak—bigla itong naglaho na parang bula.
Napasinghap ako sa gulat. Hindi ako makapaniwala sa nasaksihan ko.
Paano nagawa ni Sinbad iyon?
Isang kidlat na kayang wasakin ang kahit ano ay naglaho lang na parang walang saysay. Nakakamangha.
Anong uri ng mahika ang ginamit niya?
"You always impressed me, Sinbad," nakangiting wika ni Silamid saka bumaba sa lupa. "It's such a waste to get rid of you with your talents. However, we need to kill you—both you and the Alpha!"
Isinuksok niya sa bulsa ang mahiwagang patpat at iniangat ang mga kamay sa ere.
"Anong gagawin mo, Silamid?" nagtatakang tanong ni Sinbad rito. Ngunit nanatiling nakangiti lamang ito.
Mabilis na kumilos si Sinbad—isang walang pag-aalinlangan na pag-atake. Ang kamao niya’y naglakbay sa ere, nakatutok kay Silamid, ngunit sa isang iglap, para bang hangin lang ang kanyang tinamaan. Si Silamid ay biglang lumipad paitaas, naglaho sa abot ng mga kamay ni Sinbad.
"Rigura Derknesse!"
Alam ko ang mga salitang iyon. Isang itim na mahika. "Sinbad, umalis ka riyan!" sigaw ko, ngunit huli na ang lahat.
Biglang bumuka ang lupa sa ilalim ni Sinbad. Isang itim na usok ang mabilis na umakyat, bumalot sa kanya, sinakmal ang bawat himaymay ng kanyang katawan.
Hindi ko alam kung paano ko siya matutulungan. Pa'no na 'to. Hindi ko kayang labanan si Silamid. Hindi ko magagamit ang aking kapangyarihan.
Nang naglaho ang usok, nakita ko ang pagbagsak ng katawan ni Sinbad—manghihina, walang kalaban-laban.
Halos walang ingay ang mga hakbang ko, ngunit ang puso ko’y parang paputok sa loob ng dibdib ko. Nang makarating ako kay Sinbad, mabigat ang kanyang paghinga, namumutla, para bang hinihila ng kamatayan.
Naupo ako sa tabi niya, nanginginig ang mga kamay habang marahang inilapat ang ulo niya sa aking hita.
“Sinbad…” bulong ko, pilit na pinapanatiling kalmado ang boses ko. Hinawakan ko ang mukha niya, dahan-dahan, tulad ng paghawak sa isang sirang bagay na baka tuluyang mabasag. “Matutulungan kita… pero kailangan mong tanggalin ang tanikalang ito sa leeg ko.”
Nagtagpo ang mga mata namin, at sa sandaling iyon, tila naintindihan niya ang sitwasyong kinalalagyan namin. Dahan-dahan niyang tinanggal ang maliit na supot mula sa beywang niya. Nang iabot niya ito sa akin, walang alinlangan ko itong tinanggap.
Pagkabukas ko, agad kong iniangat ang susi, at nagmamadaling tinanggal ang malamig na tanikalang nakabalot sa leeg ko.
Pagkatapos ay inabot ko ang susi kay Simon. Alam niyang oras na para alisin din ang sa kanya. Sa isang mabilis na galaw, tinanggal niya ang tanikalang bumabalot sa leeg niya, at kami’y parehong huminga nang maluwag.
Mariin akong pumikit, dama ko ang muling pagdaloy ng kapangyarihan sa katawan ko. Pagkadilat ko ay siya ring paglabas ng halo sa aking ulo.
Matalim kong pinaling ang tingin kay Silamid. Nakangiti siya, para bang iniisip na siya pa rin ang may kontrol sa lahat ng ito. Ngunit ngayon, hindi ko hahayaan na siya muli ang magwagi.
“Tikman mo ang bagsik ng aking paghihiganti!”
Iniangat ko ang palad ko sa ere, ramdam ang bigat ng enerhiyang dumadaloy sa akin. Kasabay nito, parang pinunit ng aking kapangyarihan ang langit, at mula roon, isang liwanag ang bumaba, patungo sa direksyon ni Silamid.
Sinubukan niyang tumakas at kumawala sa bitag na itinakda ko, ngunit walang hindi siya makaalis. Parang mga tanikala ang liwanag, nakabalot sa kanya, unti-unting sumisipsip ng kanyang kapangyarihan.
“Sandata ng katarungan…” Nararamdaman ko ang sigla ng hangin na bumabalot sa akin habang ang bawat salita’y umaalingawngaw sa paligid. “Puksain itong kadiliman… Sagradong espada ng kalangitan…” Nakatingin ako sa kanya, wala nang awa, wala nang alinlangan. “Sundin ang aking utos. Magliwanag! LUCERÉ SIRDO: SANCTUS LUCERÉ!”
Ang buong paligid ay nabalot sa nakakasilaw na liwanag, para bang ang mundo’y natunaw sa kislap ng sagradong kapangyarihan. Ilang sandali akong hindi nakakita.
Nang unti-unting humupa ang liwanag, nakita ko si Silamid na bumagsak mula sa ere. Pinilit niyang bumangon kahit nanginginig ang mga tuhod.
Nang mapagtagumpayan niyang makatayo, nakita ko ang nanlilisik na galit sa mga mata niya. Hindi pa siya tapos. Tila ang pagkatalo’y nagpainit pa ng dugo niya, at kahit nanghihina, tila handa pa rin siyang lumaban.
“Pagbabayaran niyo ito!” Ang boses ni Silamid ay umalingawngaw sa buong paligid, parang kulog na nagmumula sa kailaliman ng lupa. Ramdam ko ang poot sa bawat salitang kanyang bitawan.
Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang paglabas ng itim na usok mula sa kanyang katawan—makapal, parang buhay na pwersa na bumabalot sa kanya.
Sa bawat segundo, lalo itong dumadami, lumalawak, hanggang hindi ko na makita ang anino ng kanyang anyo.
"Simon, ngayon na!" sigaw ko, hindi ko na kayang maghintay pa.
Ramdam ko ang kilabot na bumabalot kay Silamid, ang itim na usok na parang multo ng kamatayan.
Agad na tumango si Simon, walang sinayang na segundo. Agad niya kaming hinawakan ni Sinbad, at sa sandaling iyon, parang bumaliktad ang mundo.
Pagdilat ko, naramdaman ko agad ang init ng lugar. Isang dagat ng buhangin ang bumungad sa amin. Tumingin ako sa paligid—wala nang kadiliman, wala nang Silamid. Nasa gitna kami ng disyerto. Ang disyerto kung saan una naming nakita si Sinbad.
***
Marvin Wrighttee | M.W.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top