7. SIYUDAD NG ENDRE

ZERENA

Binalot ng nakakabinging katahimikan ang buong biyahe at walang sinuman ang nagtangkang basagin ito. Tanging ang nakakarinding mga hilik ni Simon ang maririnig habang komportableng natutulog na parang sanggol.

Tila wala siyang pakielam sa paligid at kung ano man mangyari sa kanya. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ayaw ko siyang makasama. Masyado siyang pabaya at walang ingat. Lalo pa't hindi namin lubusang kilala ang lalaking ito at kung ano ang pakay niya bakit niya kami iniligtas.

Kung kasama ko lang ngayon si Zeron o si Shira, marahil hindi ako mahihirapan sa sitwasyon ko. Sa dami ng problema ko sa buhay, dumagdag pa si Simon. Pakiramdam ko parang nag-aalaga ako ng bata.

Malalim akong napabuntung-hininga hininga at naghintay kung kailan kami makakarating sa siyudad ng Endre. Maya-maya pa'y biglang bumagal ang lakad ng karwahe. Naging alisto ako at pinakiramdaman ang paligid, naghihintay kung ano ang susunod na mangyayari.

Pagkaraan ng ilang minuto, bigla itong huminto dahilan upang mapatuwid ako ng upo sabay hampas kay Simon upang magising ito. Ngunit imbis na magising siya ay mas lalo pang lumakas ang hilik niya. Inis na napakamot ako sa leeg dahil sa pagiging tulog-mantika niya. Upang siguradong magising siya, malakas kong tinampal ang kanyang noo dahilan upang mapabalikwas siya ng bangon.

Kunot-noo siyang bumangon sabay kamot sa batok. "Umaga na ba?" tanong niya habang humihikab. Napailing ako at napatampal sa noo. Si Simon talaga, pakiramdam niya parang nasa loob lang siya ng kanyang kwarto.

"Nandito na tayo," saad ni Sinbad dahilan upang matuon ang tingin namin sa kanya.

Agad niyang binuksan ang pinto ng karwahe at naunang lumabas. Sumunod ako sa kanya at inilalayan niya akong bumaba. Kahit na hindi ko pa siya pinagkakatiwalaan, masasabi kong maginoo siyang uri ng lalaki.

"Salamat sa tulong mo, Sinbad," pagpapasalamat ko kay Sinbad saka mabilis na bumaba ng karwahe.

Pagkalapag ng paa ko sa lupa, agad akong sinalubong ng ingay ng siyudad—mga boses ng tao, kaluskos ng mga karwahe, at tunog ng mga nagtitinda. Ramdam ko ang masiglang enerhiya ng Endre, parang humihinga ang buong lungsod sa bawat galaw.

Ang hangin ay may halong alikabok at amoy ng inihaw na pagkain, at saan man ako lumingon, abala ang lahat. Saglit akong huminto nang hinaplos ng malamig na hangin ang mukha ko. Mukhang maayos ang siyudad at mahusay ang pamamalakad ng kanilang pinuno.

"Ito pala ang siyudad ng Endre. Hindi na rin masama," pabulong kong sabi sa sarili na tanging ako lang ang nakakarinig.

"Welcome to the City of Endre!" nakangiting saad ni Sinbad at tinuro ang bawat sulok ng lugar, saan ang pwedeng pagkainan, at ang lugar kung saan siya palagi pumupunta.

Masigla akong naglakad at kinabisado ang bawat sulok ng daan. Habang abala sa pamamasyal, hindi nakatakas sa paningin ko ang mga lalaking nababalot ng kakaibang kasuotan at itim na maskara. Ang bawat isa sa kanila ay may hawak na mahahabang tungkod, na naglalaman ng kumikislap na bato na may nakaukit na mga symbolo sa tuktok.

Sino naman ang mga asungot na 'to? Kahit saan ako magpunta, palagi talaga akong nakakakita ng mga hindi ordinaryong tao.

Maigi ko silang pinagmasdan upang alamin kung ano ang kanilang pinagkakaabalahan. Nanlaki ang mga mata ko nang nakita kong binuhat ng apat na lalaki ang isang malaking bakal na kulungan. Hindi hayop ang laman kundi mga tao—marurungis, nanginginig, at halos walang buhay.

Bigla akong natigilan nang may isang taong nakasuot ng pamilyar na damit sa loob. Kilala ko ba siya? Pilit kong inalala kung saan ko siya nakita. Napatampal ako ng noo upang alalahanin kung saan ko ito nakita. Pero hindi ko talaga maalala. Napabalik ako sa reyalidad nang marinig ang pagmamakaawa nila.

Pero ang mas nakakagulat ay nang inihagis nila ang kulungan sa loob ng karwahe nang walang pag-aalinlangan, na parang wala itong laman. Napasinghap ako nang marinig ang ungol ng mga nasa loob, ramdam ko ang sakit at takot sa kanilang tinig. Mahigpit na napakuyom ang mga kamao ko, sinisikap pigilan ang galit na biglang bumalot sa akin.

Malalim akong bumuntong-hininga at napagdesisyunang lapitan sila. Ngunit bago ko pa magawang lumapit, bigla kong naramdaman ang mga braso ni Sinbad na pumigil sa akin. Matalim ko siyang tinitigan. "Bitawan mo ko. Kailangan nila ang tulong ko." Mariin kong utos sa kanya, ngunit hindi niya ako binitawan. Bagkos ay mas lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa akin nang nagsimula akong pumiglas. Parang mga bakal ang braso niya at hindi ko magawang makaalis.

Inilapit niya ang mukha sa tenga ko at mahinang bumulong. "Alam ko na gusto mo silang tulungan, ngunit pagmamay-ari ng Alpha ang mga nomads na iyan. Wala tayong kapangyarihan na pigilan sila."

Halos magsalubong ang kilay ko sa sinabi niya. Ngunit ang mas tumatak sa isipan ko ay ang mga salitang "nomads" at "alpha" na binanggit niya. Isa bang organisasyon ang mga nomads at pinamunuan sila ng alpha?

O marahil isa silang malaking grupo ng sindikato na malakas ang kapit sa mga nakakataas sa palasyo. Habang tumatagal ang pamamalagi rito sa Kaharian ng Endre, mas dumadami ang natutuklasan ko tungkol sa Endre. Mga bagay na hindi ko nais mangyari sa sarili kong Kaharian.

Habang palayo nang palayo ang karwahe, tumindi ang kirot sa dibdib ko. Hindi ko sila natulungan. Wala akong nagawa. Ang mga daing ng mga nasa loob nito ay parang mga sugat sa puso ko na mas lalong humahapdi sa bawat sandaling lumilipas. Kung may kapangyarihan lang ako, kung may paraan lang para pigilan at tulungan sila—baka may nagawa akong tama.

“Saan sila dadalhin?” tanong ko kay Sinbad, hindi ko naitago ang galit sa boses ko. Hindi ko inalis ang tingin hanggang sa tuluyang naglaho ang karwahe sa paningin ko.

"Sa kulungan ng Neofero at gagawing alipin," seryoso niyang tugon na para bang normal lang ito sa kanya, at saka niya ako binitiwan.

"Alipin?" Hindi ko napigilang mapasigaw dahilan upang mapatingin sa amin ang ilang dumadaan. "Hindi na sila makakatakas kahit kailan?"

Tumango siya bilang tugon at hindi na nagsalita pa, pero ramdam ko ang bigat ng sinabi niya. Tahimik niya akong tinitigan, tila sinusuri ang bawat pagbabago sa mukha ko. Nag-init ang katawan ko—hindi dahil sa init ng araw kundi sa sumisiklab na galit sa loob ko. Paano nila nagawa iyon? Mga tao sila, hindi hayop!

Kasabay ng galit, naramdaman ko ang malamig na pagdampi ng takot. Paano kung hindi na sila makaalis roon? Paano kung iyon na ang katapusan para sa kanila?

Mabilis na kumabig ang dibdib ko, galit sa mga taong iyon at takot sa mga bagay na wala akong kontrol.

Narinig ko si Simon mula sa likuran ko. Maingat niyang hinawakan ang balikat ko at pinisil ito nang marahan. "Prinsesa," panimula niya, rinig ko ang malalim niyang paghinga. "May mga sitwasyon na hindi natin kontrolado at may mga pagkakataaon na hindi natin inaasahang mangyari. Mas mabuti na sumabay nalang tayo sa agos ng tadhana."

Nagulat ako sa mga binitawan niyang salita. Ang lalaking ito na dati ay nakaka-inis ngayon ay nagbigay ng payo na nagbigay sa akin ng kapayapaan. Tila unti-unting nawawala ang bigat ng galit at takot ko sa puso ko.

Humarap ako kay Simon at ngumiti. "Salamat, Monsi," sabi ko, tinawag siya sa ibang pangalan upang itago ang kanyang pagkakakilanlan. Bahagyang lumaki ang mga mata niya sa gulat dahil sa bago niyang pangalan. Ngunit maya-maya, tila naintindihan niya ang ibig kong ipahiwatig at ngumiti siya ng matamis.

Pagpasok namin sa hindi pamilyar na establisimyento, agad akong napatakip ng ilong dahil sa matinding amoy ng sigarilyo at alak. Sa loob ng medyo madilim na silid, ang malalakas na sigaw at tawanan ay tila sintunadong musika na nagpasakit ng tenga ko. Ang mga tao sa paligid ay nagtatampisaw sa kasiyahan, ang kanilang mga mukha ay namumula sa kakatawa na parang wala ng bukas.

Nakapamaywang akong tumingin kay Sinbad habang hinahanap niya ang aming mauupuan. Mabilis ang mga hakbang niya, para bang kabisado na niya ang lugar. Huminto siya sa isang mahabang parisukat na mesa at sa halip na umupo nang maayos, pabagsak siyang umupo dahilan upang umuga ito ng bahagya.

Kitang-kita sa kilos niya na pamilyar siya sa lugar na ito, na para bang bahagi na siya ng kasaysayan ng bawat sulok. Umupo siya nang walang pakundangan, parang hindi alintana kung masira man ang upuan sa bigat ng kanyang pabagsak na kilos. Wala siyang pakialam, hindi niya iniintindi kung anong pinsala ang magawa, basta’t komportable siya sa pagkakaupo.

Talaga bang dito kami kakain? Paano kami makakakain sa ganitong sitwasyon? Hindi ko inaasahan na dito niya kami dadalhin—isang lugar na parang kalilimutan mo ang sarap ng pagkain dahil sa gulo ng paligid.

Marahan akong napahimas sa tiyan ng biglang kumalam ang sikmura ko. Malalim akong napabuntong-hininga bago sumunod kay Sinbad. Gusto ko sanang lumabas ng establisimyento, dahil sa ingay at baho ng lugar. Pero gutom na talaga ako. Wala na akong ibang pagpipilian kundi ang manatili, sa ayaw ko man o gusto.

Lumapit ako sa napiling puwesto ni Sinbad para sa amin at umupo sa tabi ni Simon. Agad akong napaiwas ng tingin nang bigla siyang napalingon sa akin. Maya-maya biglang siyang sumigaw ng malakas, tinatawag ang serbidor sa resepsyon, na para bang siya ang may-ari ng lugar at nagpapasuweldo sa kanila.

Nagmamadali ang serbidor, halos matalisod habang papalapit kay Sinbad, may hawak na papel na iniabot nang may bahagyang panginginig. Hindi na ako nag-abala pang tignan ang mga binebenta nilang pagkain. Hinayaan ko na si Sinbad, kampante ako na siya na ang bahalang pumili ng kakainin namin. Siya rin naman ang bibili nito. At saka libre niya ito kaya siya na ang bahala sa lahat.

"Gutom ka na ba, Zera?"

"Busog pa ako," tugon ko sa kanya. Ramdam ko ang mga tingin ni Sinbad sakin kahit hindi ako nakaharap sa kanya.

Marahan akong umiling, upang ipabatid na hindi ako nagugutom. Pero biglang tumunog ang tiyan ko na kinangisi ni Sinbad. Ang tunog ay tila umabot sa buong silid, lantad na lantad sa harap ng lahat, kasabay ng ingay ng mga tao. Ramdam ko ang init na umaakyat sa aking mga pisngi, ang pamumula dulot ng matinding kahihiyan.

Nakakahiya talaga. Sana lamunin na lang ng lupa sa sobrang hiya. Ito ang unang pagkakataon na naranasan kong mapahiya sa harap ng ibang tao, at hindi ko ito matanggap. Kung si Zeron o Shira ang kasama ko, baka hindi ko ito masyadong ramdam, pero sa harap ng maraming tao, tila hindi ko kayang tiisin ang sitwasyon.

Pakiramdam ko, sa halip na isang prinsesa, nagmumukha akong ordinaryong tao na walang kaalaman sa wastong asal. Parang hindi ako pinalaki sa palasyo. Parang pinalaki ako sa kalye.

"Gutom ka na nga," turan niya na mas lalong nagpapula ng mukha ko. Kita ko mula sa gilid ng paningin ko ang malapad niyang ngisi habang nakatingin sa akin.

Gusto ko ng umuwi! Nakakahiya!

Pagkalipas ng ilang sandali, bumalik ang serbidor, dala ang lahat ng mga binili ni Sinbad. Isa-isang inilapag niya ang pagkain sa mesa, ang bawat putahe ay mainit at bagong luto. Nang huminto siya sa harap ko, inilagay niya ang isang buong letsong manok sa harap ko, ang amoy nito ay tila nag-aanyaya sa akin.

Kasunod nito, iniabot niya ang isang baso ng sariwang katas ng kahel. Ang kulay ng katas ay umaakit sa akin, tila ito ang perpektong panulak sa lutong manok. Sa kabila ng mga pagkain sa aking harapan, nanatili akong tahimik at hindi ginalaw ito.

“Hindi mo ba gusto ang pagkain mo, Prinsesa?” tanong ni Simon, dahilan upang umangat ang kilay ko.

Lumingon ako sa kanya at nakita kong masigasig siyang kumakain, walang pakialam sa paligid. Nang akmang kukunin niya ang pagkain ko, tinampal ko agad ang kamay niya at inilayo ang pinggan ko mula sa kanya.

Inilapag ko ito sa lugar na alam kong hindi niya maaabot. Kinuha ko ang mga kubyertos mula sa gilid ng pinggan at nagsimulang kumain. Nilasap ko ang bawat pagkagat sa pagkain, kahit namumula ang buo kong mukha dahil sa hiya.

Pagkatapos kong maubos ang pagkain, dahan-dahan kong pinunasan ang mga mantsa sa gilid ng labi ko gamit ang likod ng palad. Nilagok ko ang buong baso ng katas ng kahel, ramdam ang malamig at matamis na likido na dumaloy pababa sa lalamunan ko. Agad kong tinakpan ng kamay ang bibig ko at mahinang dumighay.

Sa wakas, nabusog din ako. Salamat kay Sinbad at nagkalaman ang tiyan ko.

"Salamat sa pagkain, Sinbad," nakangiti kong pagpapasalamat sa kanya.

"Walang anuman," sagot niya, ang ngiti niya ay biglang napalitan ng seryosong ekspresyon. "Mamaya, ipapakilala ko kayo sa brother-in-arms."

Napaangat ang kilay ko sa huling sinabi niya. Ipapakilala niya kami sa kanyang brother-in-arms? Sino kaya ang taong iyon? Mabait kaya siya? Kung ano man ang mangyayari, palagi kaming handa. Sa panahon ngayon, mahirap ng magtiwala lalo na sa taong hindi mo lubusang kilala. Natutunan ko ang leksyon ko. Hindi ko na hahayaang may makapanloko sa akin ulit.

***

Marvin Wrighttee | M.W.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top