5. RUNE MAGIC
SHIRA
Marahan kong hinaplos ang pisngi niya, damang-dama ang init ng kanyang balat sa aking mga daliri. Nang magtama ang aming mga mata, mas lalo akong napaiyak. Hinila ko siya palapit at ikinulong sa mga bisig ko. Sa sandaling iyon, naglaho ang lahat ng takot at pangamba; ang tanging naririnig ko ay ang tibok ng kanyang puso.
"Hindi ako makapaniwala na dito kita makikita, Akita," bulong ko, hindi maalis ang pagkabigla sa boses ko.
"Masaya ako na makita kang muli, Shira," tugon niya, ang kanyang mga mata'y malamlam na nakatuon sa akin. Marahan niya akong hinawakan sa magkabilang pisngi, at tinitigan niya ako ng matagal, na para bang sinasaulo ang bawat detalye ng aking mukha.
"S-Shi-Shira..."
Bigla akong natauhan nang marinig ang naghihingalong ungol ni Lola Berta. Agad akong kumalas mula kay Akita at nagmamadaling lumapit sa matanda. Kinuyom ko ang aking mga kamao, pilit pinipigilan ang buhos ng luha nang makitang walang malay ang matanda.
Lumuhod ako sa tabi niya, pilit na nilalabanan ang takot. Ang kanyang mukha, dating masigla, ngayo'y maputla at tila nawalan ng buhay. Nanginginig ang mga kamay na hinaplos ko ang kanyang noo na dumudugo. Halos hindi ako makahinga habang nakaluhod, walang magawa, at halos madurog ang puso sa awa.
"Mas malala ang ginawa ng mga gagong iyon sa matanda," sabi ni Akita, na hindi ko agad napansin na nasa tabi ko na pala. "Mabuti na lang at nakarating ako bago mahuli ang lahat."
Biglang bumalik sa akin ang mga alaala—ang mga lalaking iyon, ang kanilang kalupitan, ang pagmamakaawa ni Lola Berta. Dahan-dahan kong inihiga si Lola sa lupa, bawat galaw ko’y puno ng ingat bago ako tumayo. Itinuon ko ang tingin sa mga demonyong nanakit sa amin.
Napakuyom aking kamao at ramdam ko ang paninikip ng dibdib ko sa galit. Hindi ko inalis ang tingin ko sa kanila. Ang galit ko ay parang apoy na nagbabaga sa loob ko; lalong tumatagal, lalong lumiliyab. Mabilis akong naglakad papalapit at handang gumanti.
Pero bago ko pa maabot sila, hinawakan ni Akita ang braso ko, ang malamig niyang kamay ay tila bakal na humarang sa akin. Binigyan ko siya ng matalim na titig. "Bitiwan mo ako," mariin kong utos, bawat salita ay puno ng galit at panggigigil. Pero hindi siya nagpatinag; matatag siyang nakatitig sa akin, hindi bumibitaw.
"Naiintindihan ko ang galit mo," sabi niya, mabigat at seryoso ang boses. "Pero unahin mo si Lola. Mamaya mo na sila harapin."
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Ang mga salita niya’y tumagos sa akin, pinapatay ang apoy ng galit na nagliliyab sa loob ko. Tama si Akita. Mas kailangan ako ni Lola Berta ngayon. Nilunok ko ang galit, huminga nang malalim, at bumalik sa tabi ni Lola.
"May kilala ka bang marunong manggamot dito, Akita?" mahinahon kong tanong sa kanya habang nakatuon ang buong atensyon kay Lola Berta. Pero hindi siya sumagot. Sa halip, lumuhod siya sa harap ko at naglabas ng isang maliit na bagay mula sa kanyang bulsa. Napaarko ang kilay ko nang makita ang magic stone na hawak niya. "Ano ang plano mong gawin, Akita?"
Hindi siya nagbigay ng sagot. Sa halip ay inilapat niya ang magic stone sa noo ni Lola. Nang dumampi ang bato, kumislap ang simbolo na nakaukit rito.
"Ang kapangyarihan ng runes ang siyang gagamot sa kanya," napakunot ang noo ko sa sinabi niya. Ngunit ang mas tumatak sa isipan ko ay ang salitang "runes" na binanggit niya.
Ilang sandali ang lumipas hanggang nawala ang liwanag ng magic stone. Muli niya itong binalik sa kanyang bulsa, at ngumiti siya sa akin, ang mga mata niya ay nagpapahiwatig na ayos na ang lahat.
Agad kong hinawakan ang noo ni Lola Berta upang tiyakin kung may kakayahan nga ang runes na pagalingin siya. Pagdampi ko sa kanya, napatakip ako sa labi nang makitang nawala ang sugat sa noo niya. Ang kanyang balat, na dati’y maputla at sugatan, ngayo’y muling nagbalik sa dating kulay. Tuluyang naghilom ang kanyang sugat. Kahit maliit na peklat ay wala akong nakita.
Hindi ako makapaniwala at agad akong napatingin kay Akita. "Kaya mong gumamit ng mahika kahit nakagapos sayo na magic sealing chains?"
Ngumiti siya, may misteryo sa kanyang mga mata, bago tumawa nang mahina. "Hindi ito simpleng mahika," boses niya’y puno ng kumpiyansa. "Ito ay rune magic."
Habang nakatingin ako sa kanya, ramdam ko ang bigat ng kanyang mga salita. Hindi lang basta mahika ang hawak ni Akita, may kapangyarihan siyang higit pa sa inaasahan ko. Isang pambihirang mahika na hindi ko inakalang umiiral sa Kaharian na 'to.
"Kung ang rune magic ay isa ring uri ng mahika, bakit nagawa mo pa rin itong gamitin kahit nakagapos ka sa magic sealing chains?" Tanong ko, ang boses ko’y puno ng kalituhan habang pilit kong inuunawa ang nangyayari.
Sumandal si Akita sa pader ng kuweba, ang mga mata niya’y seryoso ngunit kalmado. "Totoo, ang rune magic ay isa ring mahika," panimula niya. "Pero ang kapangyarihan ng magic sealing chains ay gumagana lamang sa may mga buhay. Ang magic sealing chains ay may kakayahang pigilan ang pagdaloy ng mahikulas sa ating katawan. Ngunit ang rune magic ay kumukuha ng mahika mula sa magic stones—isang bagay na walang buhay."
Napatango ako, unti-unting luminaw sa isip ko ang kanyang paliwanag. Ngayon, naunawaan ko na ang kapangyarihan ng magic sealing chains at kung paano ito naglilimita ng mahika. Pero higit akong humanga sa rune magic—sa kakayahan nitong magdala ng kapangyarihan kahit pa tila imposibleng magawa iyon.
"May tanong ulit ako," sabi ko, hindi mapigilan ang lumalalim na kuryusidad. "Paano gumagana ang rune magic kahit walang binibigkas na inkantasyon?"
Mabilis niyang inilabas ang magic stone mula sa bulsa at itinuro ang kumikislap na simbolo na nakaukit dito.
"Iyan ang rune symbol," paliwanag niya saka tinuro ang ang nakaukit na simbolo sa bato. "Kung sa mahika kailangan nating bumigkas ng inkantasyon, sa rune magic, kailangan ang rune symbol upang gumana. Bawat rune symbol ay kumakatawan sa bawat uri ng mahika. Katulad ng rune symbol na ito na kumakatawan sa kapangyarihan ng paggagamot."
Habang pinag-iisipan ko ang kanyang mga sinabi, naramdaman ko ang pag-usbong ng bagong pang-unawa. Ang mga rune symbol ay hindi basta guhit lamang—sila ang susi sa isang mas malalim at bihirang uri ng mahika. Lumalim pa ang aking pagnanais na matutunan ito, at ang apoy ng determinasyon sa loob ko ay lalo pang naglagablab.
Ramdam ko ang pagtibok ng puso ko, mabilis at puno ng determinasyon. Kailangan kong matutunan ang rune magic, hindi lamang para makaligtas kundi upang hanapin ang iba ko pang mga kasamahan.
Habang iniisip ko ang posibilidad, naramdaman ko ang poot na humahalo sa aking pag-asa. Ang mga pader ng kulungan ay tila mas makitid, mas nakakasakal, ngunit ngayon, may pag-asa. Ang pagnanasa kong matutunan ang rune magic ay nag-uumapaw, parang apoy na hindi kayang patayin ng takot o pag-aalinlangan. Kailangang makatakas ako, at ang mga rune ang magiging susi ko.
Desidido na ako. Tinitigan ko si Akita nang diretso, ipinapakita ang determinasyon ko. "Puwede mo bang ituro sa akin ang rune magic, Akita?"
Nagulat si Akita, kita ko ang bahagyang pagkunot ng kanyang noo. Ilang sandali siyang tumahimik, tila pinag-iisipan ang sinabi ko. "Bago mo matutunan ang rune magic, kailangan mong maunawaan ang kahalagahan nito at kung paano ito gamitin."
"Makikinig ako sa'yo," agad kong pagsagot, matatag ang boses, walang bahid ng pag-aalinlangan.
Ramdam ko ang dagundong ng puso ko habang bumibilis ang tibok nito. Biglang nagbago ang ekspresyon ni Akita dahilan upang lumakas ang kabog ng dibdib ko, na parang may mabigat na tanikalang sumasakal sa puso ko. Naging seryoso ang mukha niya, saka iniwas ang tingin sa akin. "Ganyan ka na ba kapursigido na umalis rito, Shira? Hindi ka ba masaya na makita akong muli?"
Napaawang ang labi ko sa pagkagulat sa tanong niya. Hindi ko mahanap ang tamang sagot. Napayuko ako saka mahigpit na kumuyom ang mga kamao. Nahalata ba ni Akita na desperada na kong umalis rito.
Totoong gusto kong umalis rito. Ngunit tila matatagalan siguro akong makalabas rito sa kulungan ng Neofero. Ngayon lang ulit kami nagkita ni Akita, sa ganito pang sitwasyon. Ayaw ko ng mawala pa siya sa akin. Isa siya sa mga matalik kong kaibigan na kahit kailan nanatili sa piling ko. At nakipagsapalaran sa ibang lugar upang makahanap ng lunas upang magising ako. Teka lang. Parang may kakaiba kay Akita ngayon. Paano siya napunta sa kulungang ito at paano niya natutunan ang tungkol sa rune magic.
Napalunok ako saka iniangat ang tingin kay Akita. Nakatingin siya sa kawalan, tila malalim ang iniisip. Ramdam ko ang bigat ng bawat segundo, na para bang may pader na namamagitan sa aming dalawa.
“Akita,” basag ko sa katahimikan, pilit kinakalma ang sarili. “Hindi ko naman gustong umalis dito. Gusto ko lang matutunan ang rune magic kung sakaling may magtangka ng masama sa akin.”
Hinapit niya ang tuhod, ipinatong ang siko, at saka dahan-dahang ibinaling ang malamig niyang tingin sa akin. Tumama ang mga mata niya sa akin na parang yelo, walang emosyon. “Shira, bakit ka napunta rito? Bakit ka nila hinuli?”
Napalunok ako, hindi inasahan ang bigat ng kanyang mga tanong. Dapat ako ang nagtatanong niyan sa’yo, Akita. Ngunit kailangan kong magpakatatag. Pigil ang hininga, tinitigan ko siya. “Napunta ako rito dahil hinahanap kita,” sagot ko, pilit pinipigilan ang nanginginig kong boses dahil sa pagsisinungaling.
Bigla niyang iniwas ang tingin saka malalim na bumuntong-hininga. Dahan-dahan niyang isinandal ang ulo sa pader, at tumitig sa ibabaw ng madilim na kweba. “Alam kong nagsisinungaling ka, Shira,” malamig niyang sagot. Ang lamig ng kanyang pananalita ay parang kutsilyo na bumaon sa dibdib ko.
Sumikip ang dibdib ko sa bawat salitang binitiwan ni Akita. Hindi na siya ang Akita na kilala ko noon. May nagbago na sa kanya. Gusto kong magsalita, pero parang may nakabara sa lalamunan ko, humahadlang sa bawat salita. Alam niyang nagsisinungaling ako, at naramdaman ko iyon sa malamig niyang mga mata. Dapat ko bang sabihin ang totoo? Ang dahilan kung bakit ako narito sa Kaharian ng Endre?
Nasa isip ko pa rin ang bilin ni Propesor Eros na huwag ipagsabi ang misyon namin, lalo na sa mga tagalabas. Pero si Akita… siya ang taong pinagkatiwalaan ko noon. Hindi niya ako ipagkakanulo, sigurado ako. Alam kong mapagkakatiwalaan siya.
"Akita—" sinubukan kong magsalita, pero pinutol niya agad ang mga sasabihin ko.
"Alam ko, Shira," malamig niyang sagot, at napaangat ang kilay ko, hindi maintindihan ang tinutumbok niya. "Alam kong narito ka para sa isang misyon."
Nanlaki ang mga mata ko, at naramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng puso ko sa kaba. Paano niya nalaman? Kanino siya kumuha ng impormasyon? May iba pa bang nakakaalam? Nakaramdam ako ng takot na baka may pinagsisilbihan siyang iba upang tugisin kami.
"Akita, paano mo nalaman ang tungkol sa misyon?" tanong ko, pilit itinatago ang kaba sa boses ko.
Ngumiti siya saka bahagyang iniangat ang balikat. "Ngayon ko lang nalaman," makahulugan niyang tugon.
Halos magkasalubong ang kilay ko, pilit na iniintindi ang mga sinasabi niya. "Sino ang nagsabi sa'yo?" tanong ko, hinahabol ang mga sagot na tila naglalaro sa pagitan namin.
"Walang nagsabi," ngumiti siya, parang natatawa sa sarili. "Ikaw mismo ang nagkumpirma sa hinala ko. Biro lang ang tanong ko kanina, pero sineryoso mo pala."
Hindi ko iniwas ang tingin ko sa kanya, pinipilit unawain ang bawat galaw niya. "Ngayon, ako naman ang magtatanong, Akita. Bakit ka narito? Bakit ka nila hinuli?" Tiningnan ko siya nang diretso, hindi ko hinayaan na palampasin ang pagkakataong malaman ang katotohanan.
"Basta na lang nila akong hinuli," sagot niya na parang wala siyang pakielam na ikinulong siya rito. "Akala nila illegal immigrant ako dahil sa blonde kong buhok. Kung napansin mo, lahat ng mamamayan dito sa Kaharian ng Endre ay itim ang buhok."
Bawat sagot niya ay tila isang piraso ng palaisipan na pilit kong binubuo, pero sa kabila ng mga sinabi niya, parang may bahagi pa rin ng kwento na hindi ko maabot. May lihim pa ba siyang tinatago?
“May plano ka bang lumabas rito, Akita?” tanong ko, sinusubukan basahin ang kanyang mga mata.
“Syempre,” sagot niya, agad na tumayo, tila handa na sa susunod na hakbang. “Lalo pa’t nandito ka na. Halika, umalis na tayo rito.” Tumalikod siya at naglakad palayo.
Habang tinitingnan ko ang papalayong pigura niya, may mabigat na pakiramdam na bumalot sa akin. Kahit anong pilit niyang itago, alam kong may mali. May mga bagay siyang hindi sinasabi. Nakikita ko sa paraan ng kanyang paggalaw, sa tono ng kanyang boses, na may mga lihim siyang kinikimkim. At iyon ang kailangan kong alamin.
***
Marvin Wrighttee| M.W
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top