3. ALIPIN
SHIRA
Bigla akong nagising nang maramdaman ang pagbuhos ng malamig na tubig sa aking mukha. Napakislot ako at agad na dumilat dahil sa paggapang ng lamig sa buong katawan ko. Dahilan upang tuluyang nawala ang aking antok.
Pagkabangon ay agad na kumunot ang noo nang napansin ko ang maraming tao na naglalakad sa harap ko. Saglit akong napatigil at luminga-linga sa paligid. Anong lugar ito?
"Gising ka na pala."
Bigla akong napalingon upang hanapin kung sino ang nagsalita. Nakita ko ang isang matandang babae na nakaupo sa likuran ko. Halos puti na ang lahat ng buhok, marumi ang suot na damit at walang sapin sa paa. Bawat tadyang niya ay makikita sa ilalim ng kanyang damit, at ang mga braso niya ay payat na payat. Nang iniunat niya ang mga kamay, ang kanyang mga daliri ay tila mahahabang mga sanga—maninipis at malambot, tulad ng mga sanga na sumasayaw sa ihip ng hangin.
"Naaan po tayo... Lola?" Nag-aalangan kong tanong.
"Hindi mo pa ba napansin kung nasaan tayo ngayon, iha?" anya at tinuro ang paligid.
Pinasadahan ko ng tingin ang kabuuan ng paligid at doon ko lang napansin ang makakapal na bakal na rehas na may makikitid na espasyo. Tila naestatwa ako sa kinaroroonan nang napagtanto ko ang ibig sabhin ng matanda. Nasa loob kami ng isang kulungan.
Hindi ito maaari. Paano ako napunta rito? Bakit hindi ko makita sina Zerena at ang iba pa naming mga kasamahan? Ako lang ba ang nakapiit dito?
Kailangan kong makaalis dito at hanapin silang lahat. Hindi ko alam kung nasaan sila o pareho ba kami ng sitwasyon ngayon katulad ko. Hindi ko lubos mabatid kung paano ako napunta rito.
Pero isang bagay ang alam ko: kagagawan ito ng lycanthrope na iyon. Kailangan kong sirain ang kulungan na ito upang makaalis at mahanap sila sa lalong madaling panahon.
Itinapat ko ang mga palad sa malamig na bakal saka ipinikit ang mga mata upang magbaybay ng inkantasyon. Ngunit bago ko pa maisagawa ang orasyon, bigla akong pinigilan ng matanda. Kunot-noo na tinitigan ko siya dahil sa kanyang pagpigil sa akin.
"Kung ako sa'yo, hindi ako magsasayang ng laway," anya saka tinuro ang pulso ko.
Ngayon ko lang napansin na may nakapulupot na mga kadena sa akin. Agad kong sinubukan na tanggalin ito ngunit hindi matanggal. Sinubukan kong bumaybay ng inkantasyon upang wasakin ito, pero ang mas ikinagulat ko ay walang may nangyari. Tila hindi gumagana ang kapangyarihan ko.
Anong nangyayari? Bakit hindi ko magamit ang kapangyarihan ko. Muli akong tumingin sa matanda na kanina pa pala nakatingin sa akin. Siya lang ang makakasagot sa tanong ko.
"Anong nangyayari? Bakit hindi ko magamit ang kapangyarihan ko?" tanong ko rito.
"Ang mga kadenang nakagapos sa pulso mo ay isang magic sealing chains," sagot niya at halata sa tono ng kanyang boses ang kalungkutan, habang ang mga mata niya ay nakatingin sa akin ng diretso. "Ito ay may kakayahan na ipawalang bisa ang kahit anong uri ng mahika."
Bigla akong natigilan sa mga sinabi niya. Bumilis ang tibok ng puso ko nang maunawaan ko na wala akong magagawa upang makatakas sa kulungan na ito.
Panghabang buhay na ba akong makukulong dito? Wala na bang paraan upang makatakas ako?
Pero kailangan naming mahanap sina Hayanaré at Busa. Kailangan naming maibalik ang Primordium Histoire sa Akademya de Minika. Kailangan namin silang mahanap sa lalong madaling panahon. Kailangan namin makompleto ang misyon na ito.
Hindi ako papayag na masayang ang lahat ng pinaghirapan ko. Ibinuhos ko ang lahat ng makakaya ko, mga oras ng pagsasanay at pag-aaral, upang makamit ang kinalalagyan ko ngayon. Hindi ko hahayaan na maging hadlang ang problemang ito sa pag-abot ko sa aking pangarap na maging Magister Praecantator.
Kaya’t hindi ako titigil hanggang sa matagpuan ko ang solusyon at mapagtagumpayan ang hamong ito. Sa bawat hakbang, sa bawat pagsubok, maghahanap ako ng paraan upang makalabas sa kulungang ito.
Muli kong itinuon ang tingin sa matanda na siyang nakatingin din sa akin. Siya ang magiging daan ko upang makatakas na kulungan na ito.
“Paano po ninyo natutunan ang kakaibang lenggwahe ng mga travellers?”
Sabihin niya man ang totoo o hindi, alam ko ang tungkol sa kanilang lenggwahe. Lenggwahe na kapareho ng mga travellers. Napag-aralan ko na ang bagay na ito bago pa kami makapunta rito. Pero limitadong impormasyon lamang ang alam ko. Masyadong masikreto ang Kaharian ng Endre. Kailangan kong maghakot ng mga impormasyon upang mas mapadali ang misyong ito.
“Hindi ka ba taga rito sa Kaharian ng Endre?” tanong niya, ang tinig niya ay naglalaman ng pagkamangha na parang hindi niya inaasahan ang tanong ko.
Malalim akong napabuntung-hininga saka tumango sa kanya. “Oo, nanggaling po ako sa ibang lugar. Isang lugar na mas malayo rito sa Kaharian ng Endre."
Marahan siyang napatango sa naging sagot ko. “Ang salitang ginamit kong kakaibang lenggwahe ng travellers ay tinatawag na Anglicus. Pangalawang lenggwahe na namin ang salitang ito. Karaniwan na itong ginagamit sa buong kaharian, kaya’t hindi na ito kakaiba para sa amin.”
Patawad po sa inyo Lola kung gagamitin man kita upang makahakot ng impormasyon tungkol sa Kaharian ng Endre. Pangako, tutulungan din kitang makatakas sa kulungang ito.
"Maaari po ba magtanong ulit ako tungkol sa mga nangyayari rito sa Kaharian ng Endre?"
Agad siyang tumango at tipid na ngumiti, saka nag-umpisa sa pagkukuwento. Hindi ko namamalayan na lumipas na ang maraming oras habang kami’y nag-uusap. Sa aming pag-uusap, natutunan ko na ang pangalan ng matanda ay Berta.
Habang patuloy ang aming pag-uusap, marami siyang ibinahaging detalye tungkol sa kasalukuyang kalagayan sa Kaharian ng Endre. Binuksan niya sa akin ang mga pangyayari at mga balitang dapat kong malaman. Ang kanyang mga kwento ay nagbigay liwanag sa maraming bagay, ngunit higit sa lahat, nalaman ko ang dahilan kung bakit kami narito sa loob ng kulungan. Ang malungkot na katotohanan na kung bakit narito kami sa loob ng kulungan ay sa kadahilanang kami’y ibebenta bilang mga alipin.
Napag-alaman ko rin na ang pamilya niya ang nagbenta sa kanya bilang alipin. Ang mas masakit pa ay ang anak niya pa mismo ang nagbenta sa kanya. Naaawa ako sa kanya. Hindi niya deserve ang mapasok sa sitwasyong ito. Kahit sinuman ay hindi nila deserve ang maging alipin. Isasama ko si Lola sa pagtakas ko. Kaya mula ngayon, tatawagin ko na siyang Lola Berta.
"Maraming salamat sa mga ibinahagi mong impormasyon sa akin, Lola Berta."
"Huwag kang mag-alala iha. Isasama kita sa pagtakas ko," nakangiti niyang tugon.
Halos matunaw ang puso ko sa awa. Hindi ko akalaing iniisip din niya ako—na pareho kaming naghahangad na makatakas sa kulungang ito. At higit sa lahat, nais niya akong isama sa kanyang plano. Ang kaalamang hindi ako nag-iisa ay nagbigay sa akin ng bagong pag-asa. Deserve niya talaga maging Lola ko. Naaalala ko tuloy sa kanya ni Nanay Kiva.
Ang ngiti sa kanyang mukha ay unti-unting naglaho at napalitan ng pangamba. "Nandiyan na sila," bulong niya, na may halong takot at pagkabahala sa tinig.
Dali-dali akong tumingin sa likuran, at doon ko nakita ang grupo ng mga kalalakihan na papalapit sa amin. Ang kanilang mga hakbang ay mabibigat at balot ang buong katawan nila ng kakaibang kasuotan.
Nang sila’y nasa magkabilang gilid na namin, hindi ko na nagawang kumilos. Parang may mabigat na pwersang pumigil sa akin na kumilos. Pilit kong igalaw ang aking katawan, pero tila nawalan ako ng kontrol. Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari.
Wala silang sinabi—walang babala—basta na lamang nila binuhat ang kulungan namin na parang wala kaming halaga. Ang malamig na bakal ay humapdi sa aking balat nang kami’y walang ingat na itinapon sa loob ng isang malaking karwahe.
Nang maramdaman ko ang matinding kirot mula sa sugat dahil sa pagkakatapon nila sa amin, doon lang ako muling nakagalaw. Ang sakit ay tumagos sa bawat himaymay ng aking katawan. Sa gitna ng takot at pangamba, pilit kong inangat ang sarili para tiyakin kung ayos lang si Lola Betta nang narinig ko ang impit na ungol mula niya sa tabi ko.
Ang tingin ko’y nagtagpo sa kanya, at doon ko nakita ang kanyang braso, napansin ko agad na nabali ito. Mabilis ko siyang nilapitan, ang puso ko’y kumakabog sa kaba at awa, at marahang hinawakan ang kanyang braso. Halata sa mukha niya ang matinding sakit na tinitiis niya lang.
"Lola, ibabalik ko po sa dati ang hugpungan ninyo," sabi ko, sinusubukan kong gawing matatag ang boses ko kahit ako man ay kinakabahan. "Tiisin niyo lang po sandali."
Tumango siya, ngunit kita ko ang takot sa kanyang mga mata. Huminga ako nang malalim at marahan kong minasahe ang kanyang braso, hinahanap ang tamang posisyon. Nang handa na ako, bigla kong binalik sa tamang lugar ang kanyang nabaling hugpungan. Umalingawngaw ang kanyang malakas na sigaw, at sabay nito’y narinig ko ang malutong na tunog ng kanyang hugpungan na bumalik sa tamang posisyon. Para bang sumabay sa sigaw niya ang puso kong naninikip sa awa, habang pinagmamasdan ko ang matinding sakit na bumalatay sa kanyang mukha.
Nangilid ang ilang butil ng luha sa kanyang mga mata, ngunit may bahid ng pasasalamat ang kanyang titig.
"P-Patawad, Lola...Berta," paghingi ko ng paumanhin, pinigilan ang sarili na huwag umiyak.
"Huwag kang humingi ng tawad, iha. Kung hindi dahil sa iyo ay marahil hindi naibalik sa dati ang nabali kong braso," mahinang sagot niya, saka ngumiti sa akin ng matamis. "Salamat."
Agad akong napaupo nang biglang umandar ang karwaheng kinalalagyan namin. Marahan akong umupo sa tabi ni Lola Berta. Agad na sumipsip ang lamig pagka-upo ko sa bakal, at tila gumapang ang lamig sa kalamnan ko. Napasinghap ako, sinubukang ayusin ang pag-upo, ngunit kahit anong gawin ko, hindi ko matakasan ang nanunuot na lamig.
Biglang umingay ang sikmura ko, sabay tingin ko sa mga prutas at pampalasang nakalagay sa harapan ng kulungan namin. Ang makukulay at mababangong prutas ay halos tinutukso ako, lalo na’t ramdam ko ang matinding gutom.
Sa gitna ng gutom at pagod, hindi ko napigilan ang sarili ko. Dahan-dahan akong lumapit, inilabas ang kamay sa makitid na butas ng kulungan saka sinubukang abutin ang pinakamalapit na hinog na mansanas. Ngunit bago ko pa man mahawakan ito, biglang sumiklab ang matinding sakit—nakuryente ako! Napaatras ako ng husto, saka marahang hinimas ang napasong kamay.
"Pati ba naman pagkain ipagkakait sa atin!" inis kong bulyaw saka bumalik sa tabi ni Lola Berta.
Nakita ko ang pagkabahala sa mga mata ni Lola Berta habang tinitingnan niya ang namumulang kamay ko. "Iha, kailangan nating mag-ingat," sabi niya ng mahina ngunit may halong pangaral. "Hindi nila tayo basta-basta palalabasin. Nakakulong tayo at gagawing alipin. Sa tingin mo ilalagay nila tayo rito kung malaya tayong makakakuha ng mga prutas."
Mas lalo akong nainis. Hindi lang sa pagkakakulong, kundi sa kawalang-kapangyarihan sa sitwasyon namin ngayon. Bwisit talaga ang magic sealing chains na ito.
Bigla akong napalingon kay Lola Berta nang marinig kong umingay ang kanyang sikmura, mas malakas pa kaysa sa akin kanina. Kita ko ang hiya sa mukha niya, kahit pa pilit niyang itinatago ito sa pamamagitan ng isang payak na ngiti.
"Lola, pati kayo po nagugutom na rin."
Natawa siya ng bahagya, kahit pa halata ang pagod sa kanyang mga mata. "Iha, matagal na akong sanay sa gutom," sagot niya, tila binabalewala ang tunog ng kanyang sikmura. "Sanay na palaging tumunog ang aking sikmura."
Hinawakan ko ang kamay niya, ramdam ang paninigas nito dahil sa gutom at lamig. "Huwag kayong mag-alala, Lola," pangako ko, pilit pinapakalma ang sarili. "Gagawin ko po ang lahat para makaalis tayo rito. Makakain din tayo nang maayos."
Sa pangangatawan niya ngayon, halatang hindi siya nakakakain ng maayos. Marahil ay pinapabayaan siya ng kanyang mga anak noong siya'y nasa pudir pa nila.
Ngumiti si Lola Berta, kahit pa may bahid ng lungkot sa kanyang mga mata. "Makakain din tayo nang maayos," pag-uulit niya sa sinabi ko.
Tumango ako, pinipilit ang sarili na manatiling matatag para sa kanya.
Pagkalipas ng ilang oras na tila walang katapusang pag-alon ng karwahe sa daan, bigla itong huminto. Napabalikwas ako at pinakiramdaman ang paligid, naghihintay kung ano ang susunod na mangyayari. Saglit na katahimikan ang namayani.
Maya-maya, muling umandar ang karwahe, pero ngayon ay mas mabagal. Hindi ko maiwasang mag-isip ng mga negatibong bagay.
Pagkaraan ng ilang minuto, muli itong huminto saka bumukas ang pinto ng karwahe. Muling humarap sa amin ang mga lalaking nababalot ng kakaibang kasuotan. Ngayon ay mas lalo ko silang napagmasdan ng mas malapitan. Sila ay nakasuot ng makintab na damit at itim na maskara. Ang bawat isa sa kanila ay may hawak na mahahabang tungkod, na naglalaman ng kumikislap na bato na may nakaukit na mga runa. Tila, aware sila sa kakayanan ko.
"Lola, sa tingin niyo ay narito na tayo sa ating destinasyon?" tanong ko kay Lola Berta sa mahinang bulong.
Tinitigan niya ako, puno ng pag-aalala ang kanyang mga mata. "Kahit ako ay walang alam kung nasaan tayo, iha. Pero kailangan nating maghanda. Anuman ang mangyari, huwag kang susuko," pabulong din niyang sagot sa akin.
Napakunot ang noo ko nang binuksan ng mga lalaki ang aming kulungan. Tahimik nila kaming pinagmasdan, na parang hinihintay kaming lumabas.
Nagkatinginan kami ni Lola Berta, at sa mga mata namin, naisip namin ang parehong tanong: ano ang naghihintay sa amin sa labas? Malalim akong napabuntong-hininga at nagpasya na lumabas. Sa bawat hakbang ko palabas ng kulungan, ramdam ko ang panginginig ng aking mga tuhod, ngunit hindi ko pinansin ito. Sumunod si Lola Berta sa akin, dahan-dahan siyang bumaba na may pag-iingat, nakaguhit sa mukha niya ang kaba at pag-asa.
Kung ano man ang kapalarang naghihintay sa amin sa lugar na ito. Magkasabay namin itong haharapin.
***
Marvin Wrighttee| M.W.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top