13. BALAT-KAYO
SHIRA
"Ayos na ba lahat ng 'to?" tanong ko, hingal na hingal habang napapaupo sa malamig na lupa.
Hindi ko na alam kung hanggang kailan ko kaya ang ganitong klaseng buhay. Ang bawat araw sa minahan ay parang paulit-ulit na bangungot. Ang mga kamay ko ay magaspang na’t punong-puno ng kalyo. Pansin ko nitong mga nagdaang araw, marami ang nagbago sa pisikal kong katangian.
Kung dati, tatlong oras lang ng trabaho’y sapat na para manghina ako. Ngayon, pinipilit kong tapusin ang walong oras na trabaho, minsan pa nga’y mas higit pa. Pero ngayong araw, ibang klaseng hirap ang naramdaman ko.
Sa bawat hampas ko ng piko, parang nabibiyak ang mga buto ko. Ang mga binti ko’y halos bumigay, nanginginig na sa pagod, habang ang mga kalamnan ko’y parang sinisigawan ako na tumigil na.
Halos hindi ako makapaniwala na labingwalong balde ng ginto at magic stones ang nakuha ko ngayong araw. Kadalasan kasi mga pito o walang balde lang ang nakakaya kong makuha. Pero ngayon, malaking pagbabago ang napansin ko sa aking sarili. Nakaya kong magtrabaho ng labingwalong oras na walang tigil at walang pahinga.
Binitiwan ko ang piko, nanginginig ang mga kamay dahil sa pagod. Walang tigil na tumutulo ang pawis sa aking noo kahit napakalamig ng paligid.
Nanlilimahid sa dumi ang mga kamay ko, nanginginig ang bawat galaw ng braso dahil sa bigat ng trabaho. Paltos sa bawat sulok ng palad ko, tila nag-aalab sa hapdi tuwing dadampi ang hangin.
"Ayos ka lang ba, Shira?" Hindi ko sinagot ang tanong ni Akita, bagkos, nanatili akong tahimik at walang imik.
Sa tingin niya ayos ako sa lagay na 'to. Siyempre hindi. Halata naman siguro sa madungis at pagod kong mukha.
Mahigit dalawang linggo na kaming nakakulong dito. Baka kapag nagtagal pa ko ay maging baliw na ko. Lalo pa't lahat ng mga kasama namin rito ay mga lalaki, mga manyakis na mga lalaki, na kung makatingin ay halos huhubaran ka na.
Mabuti nalang at palaging nasa tabi ko si Akita, dahil kung hindi, marahil ay matagal ng wasak ang perlas ng silangan ko. Kami lang yata ni Lola Berta ang mga babae rito.
Pero kahit iwan niya kami rito, sana naman ay turuan niya na ko ng rune magic. Para maprotektahan ko ang sarili sa oras ng kapahamakan. Dahil sa totoo lang, hirap na hirap na ko. Sa bawat araw, umaasa ako na sana ay simulan na niyang turuan ako ng rune magic.
Pinagmasdan ko siyang nakatayo. Tila malalim ang iniisip sa kung ano na namang palusot ang sasabihin niya sa akin sa tuwing tatanungin ko siya kung kailan niya ko tuturuan. Hindi ko na matiis.
Huminga ako ng malalim, at bago pa magduda ang isip ko, lumabas na ang mga salitang naglalaman ng lahat ng pagkabigo at pag-asa na nag-ipon sa loob ko. "Kailan mo ba ako tuturuan, Akita? Pagod na pagod na ko sa paghihintay."
Nakita ko siyang humugot ng malalim na hininga bago umupo sa tabi ko, tahimik, at seryoso ang mukha. “Diba sinabi ko na sa'yo dati na dapat makakuha ka muna ng isang libong balde ng ginto at magic stones bago kita turuan ng rune magic."
Napahampas ako sa lupa. Mas lalo niya kong pinahihirapan sa ginagawa niya. "Mahigit dalawang linggo na tayo rito pero dalawang daan pa lang ang nakukuha ko. Akita, gano’n katagal pa ba 'to?"
Kailangan kong matutunan ang rune magic. Hindi pwedeng magtagal pa ang paghihintay. Kailangang matanggal ang mga magic sealing chains sa akin. Kailangan kong makita sina Zerena. At kailangan kong makuha ang libro.
"Patience is a virtue, Shira. Kung hindi ka marunong maghintay, hindi kita tuturuan," matigas niyang sagot, hindi alintana ang pag-aalab ng galit sa mata ko.
Tumayo siya at isa-isa niyang inilagay ang mga balde ng ginto at magic stones sa malaking kartilya.
Napabuntong-hininga ako, pilit pinipigilan ang inis sa loob ko. Kahit ano'ng pilit ko ay ayaw niya. Wala na akong magagawa. Kailangan kong maghintay. Kailangan kong magtiis.
Tumayo rin ako at tahimik na sumunod sa kanya, kahit na pagod ang mga paa ko sa pagtatrabaho.
Kahit nandiyan pa si Akita, hindi pa rin ako ganap na kampante. Lalo pa't buhay pa ang mga taong gumawa ng masama sa akin. Hindi ko makakalimutan ang tatlong demonyong gumawa ng kahalayan sa akin.
Nanggigigil talaga ako sa tuwing naiisip ko sila. Nagngingitngit ang ngipin ko sa galit sa tuwing nakikita ko sila. Sa sandaling magamit ko ang aking kapangyarihan, hindi ko sila palalampasin. Gagawin ko silang mga daga. Pinapangako ko sa sarili na naghihirapan ko talaga sila, tulad ng paghihirap na dinulot ng mga ginawa nila sa akin.
"Bumalik na tayo at dalhin ang mga namina natin kay Arthur." Hindi na ko sumagot sa sinabi ni Akita at sumunod nalang sa kanya. Nakakawalang gana siyang kausap.
– –
Pagkaraan ng ilang minutong walang tigil na paglalakad, sa wakas ay nakarating din kami kay Arthur, ang taga-kolekta ng mga ginto at magic stones. Si Arthur rin ang nagbigay sa akin ng mahiwagang diyaket kaya hindi ako giniginaw sa loob ng minahan.
“Tila marami yata ang namina niyo ngayon?” tanong ni Arthur, seryoso ang mukha, pero may bakas ng galak sa boses niya.
Napakunot ang noo ko. Hindi ko maintindihan kung paano nagagawang maging masaya ng boses niya kahit hindi nagbabago ang malamig niyang ekspresyon.
“Dahil gusto namin ng maraming pagkain,” walang gana kong sagot sa kanya. Pagod na ako, gutom pa, kaya wala akong balak makipag-usap nang mahaba.
Marahang umangat ang gilid ng labi niya, parang nagpipigil ng ngiti. “Hindi halata sa’yo na patay-gutom ka, Shira.”
Binigyan ko siya ng isang tipid na ngiti at hindi na sumagot. Kahit sa loob-loob ko, gusto ko na siyang sigawan, suntukin o sabunutan. Parang sinasadya niyang inisin ako. Dati naman, hindi siya ganito. Noong una ko siyang nakilala, seryosong tao siya. Pero ngayon, napakapilyo niya na.
Napailing ako saka inis na kinuha ang tiket sa pagkain mula sa kamay niya. Hindi ko na siya tiningnan pa at tumalikod, pero narinig ko ang pamilyar na tawa niya sa likuran ko. Hindi ko mapigilang mapairap. Araw-araw ko siyang tinatarayan, pero araw-araw din siyang tumatawa.
Hindi ko maintindihan kung ano bang nakakatawa. Nababaliw na yata siya.
Sa una, inakala kong seryosong tao si Arthur, yung tipong tahimik at maingat sa kilos. Pero ngayon, parang laro lang lahat sa kanya. Parang ibang tao na siya ngayon.
"Huwag mo nalang siyang pansinin," mahinang bulong sa'kin ni Akita, sinisigurado ako lang ang makakarinig ng sinabi niya.
Marahan niyang hinawakan ang balikat ko, saka hinila palayo, patungo sa kinukuhanan ng pagkain. Hindi na ko nagreklamo at nagpahila nalang sa kanya.
Tahimik kong inabot ang tiket sa tagapagluto. Habang hinihintay ang pagkain, ramdam ko pa rin ang kamay ni Akita sa balikat ko—magaan, pero sapat para pakalmahin ang namumuong inis sa dibdib ko. Pagkakuha ng pagkain, dumiretso kami sa mesang laging nakalaan para sa amin ni Lola Berta, ang kaisa-isang tahimik na sulok sa magulong kainan.
Pagkalapit namin kay Lola Berta, agad siyang nagtanong. "Ayos ka lang ba, iha?" puno ng pag-aalala ang boses niya.
"Medyo pagod lang po, Lola, pero ayos lang ako," sagot ko habang mabilis na sumubo ng pagkain. Sa kabila ng gutom, dama ko ang bigat ng araw sa bawat galaw ng katawan ko.
"Pagkatapos niyong kumain, imamasahe ko kayo," aniya saka sumubo ng pagkain. "Kahit papaano, makatulong man lang ako sa inyong dalawa."
Napangiti ako nang bahagya, hindi dahil sa sinabi niya kundi dahil sa init ng kanyang malasakit. Tumango ako at itinuloy ang pagkain.
Pagkatapos naming kumain, minasahe niya nga kami. Una, tumanggi kami—ayaw naming abalahin siya. Pero hindi siya nagpaawat kaya wala kaming nagawa kundi ang pumayag.
Ako ang una niyang minasahe. Inikot niya ang kanyang mga palad sa balikat ko, banayad ngunit may diin, at unti-unting napawi ang kirot ng pagod.
Habang patuloy siyang nagmamasahe, naramdaman ko ang malamig na hangin mula sa kanyang palad at ang dahan-dahang pagbigat ng aking mga talukap. Hindi ko namalayan kung paano, pero kasabay ng dahan-dahang paggalaw ng kanyang mga kamay, dinala ako ng antok hanggang sa tuluyan akong nakatulog.
– – –
AKITA
Pagbagsak akong humiga sa kama, kasabay ng malalim kong pagbuntong-hininga. "Parang ayaw ko na talagang magpatuloy," mahinang sabi ko, habang nakatitig sa kisame, ramdam ang bigat ng bawat araw.
"Hindi ka pwedeng sumuko, Akita," mahinang sabi ni Lola Berta na halos pabulong, ngunit puno ng banta. Nanginig ang kanyang mga kamao, at ang apoy sa kanyang nanlilisik na mga mata’y tila kaya akong sunugin. "Nangako kay Alpha na tutulungan mo ako sa misyon na 'to."
Kung gising si Shira ngayon, sigurado akong makikita niya ang galit na wangis ng Lola Berta na akala niya ay mabait at mahina.
Tumikhim ako, tumayo mula sa kama, at sinalubong ang kanyang titig nang buong tapang. "Lola Berta... o mas tama bang tawagin kang Gamma?" Hinagod ko siya ng tingin mula ulo hanggang paa. "Wala kang karapatan na utusan ako. Tanging si Alpha lamang ang makakapag-utos sa akin."
Isang nakakatakot na ngiti ang gumuhit sa kanyang labi. Ang kulubot niyang mukha at payat na katawan ay unti-unting nagbago. Nag-iba ang kanyang anyo. Lumabas ang mala-lobo niyang mga tenga, tumulis ang kanyang mga kuko na parang kutsilyo, at naging matingkad ang nanlilisik na berde niyang mga mata. Tuluyan na siyang naging lycanthrope.
Sa isang kisapmata, nawala siya sa harapan ko. Kasunod nito, naramdaman ko ang malamig niyang kamay sa leeg ko, mahigpit na nakadiin. Napangisi siya, ang matatalim niyang mga pangil ay sumilip mula sa kanyang bibig. Halos marinig ko ang pagngitngit ng kanyang mga ngipin sa galit, ngunit hindi ako natinag.
Mariin kong hinawakan ang kanyang braso at pilit tinanggal ang pagkakasakal niya sa akin. "Hindi mo ako matatakot, Gamma." Malamig kong turan saka tinulak siya palayo. Muling bumagsak ang katawan ko sa kama, ngunit hindi ko siya nilayuan ng tingin. "Kapag sinaktan mo ko, si Alpha makakaharap mo. At alam kong hindi mo gugustuhin iyon, Gamma."
Nakita ko ang pagngingitngit niya, pero bigla siyang umatras. Gayunpaman, may kakaibang liwanag sa kanyang mga mata na nagbigay sa akin ng mas matinding alarma. Isang mapanuksong ngiti ang gumuhit sa kanyang labi.
"Siguro nga, hindi kita kayang saktan," aniya saka itinuturo si Shira na mahimbing na natutulog sa higaan nilang dalawa. "Pero ang babaeng ito? Maaari ko siyang saktan."
Mabilis na nagtaas baba ang dibdib ko sa galit dahil sa sinabi niya. Ang mga kamay ko’y kusang kumuyom, at binigyan ko siya ng matalim na tingin.
"Subukan mong galawin si Shira," madiin kong sabi. "Hawakan mo man lang ang isang hibla ng buhok niya, ikaw mismo ang papatayin ko."
Ang ngiti niya’y nanatili, pero naglaho ang tapang sa kanyang mga mata. Sa kabila ng kanyang mapanuksong anyo, alam kong naiparating ko ang mensahe.
“Well, whatever,” sabi ni Gamma, nakahalukipkip ang mga braso habang padabog na umupo sa tabi ng natutulog na si Shira. “Hirap na akong magpanggap na mahina’t matandang babae. Kailangan na nating tapusin ang misyon sa lalong madaling panahon.”
Nanatili akong nakatayo, sinusukat ang bawat galaw niya. “Matulog ka na, Gamma. Darating ang Nomads sa minahan bukas.” Sinikap kong gawing kalmado ang boses ko, pero hindi ko maiwasang magmatyag, alerto sa anumang kakaiba na gagawin niya.
Napangisi siya, at unti-unting naglaho ang tensyon sa kanyang mga mata. Sa isang iglap, bumalik ang kanyang anyo bilang isang payat at mahina na matandang babae. “Ikaw rin, iho. Magpahinga ka na." Gumuhit ang mapanuyong ngisi sa labi niya. Humiga siya sa tabi ni Shira, na tila walang nangyari.
Patawad, Shira. Alam kong pinapahirapan kita, pero wala akong ibang magagawa. Ginagawa ko lamang ito para sa'yo, kahit pa sa bawat sandali rito’y nagpapahirap din sa akin. Sabik na sabik na akong makaalis rito, makabalik sa Kaharian ng Vinea kasama ka.
Ngayon hindi ko pa iyon magagawa. May pangako akong binitiwan kay Alpha, isang tungkuling hindi ko maaaring talikuran, kahit labag sa kalooban ko.
Kapag nalaman mo ang katotohanan, natuklasan mo ang pagpapanggap ko, ang kasinungalingan ng Lola Berta na minahal at tinulungan mo, alam kong masasaktan ka.
Pero pangako, Shira, hindi ko hahayaang mapahamak ka. Kahit gaano kahirap, gagawin ko ang lahat para protektahan ka. At kapag dumating ang araw na malaman mo ang totoo, hiling ko lang. . . huwag mo akong kamuhian. Huwag mo akong talikuran.
- - -
Hindi pa sumasapit ang alas singko ng umaga, nasa minahan na kami ni Shira, handa na sa panibagong araw ng pagtatrabaho. Ngunit bago pa mag-umpisa ang aming trabaho, pakiramdam ko'y pagod na ang utak ko kakaisip ng mga bagay na nangyari kagabi.
Hindi ako makapokus sa ginagawa lalo pa't ang tahimik ni Shira ngayon. Nakakabingi ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Parang may malalim din siyang iniisip katulad ko. Huwag mong sabihin narinig niya ang pag-uusap namin kagabi.
"Umm... Shira, ba't ang tahimik mo ata ngayon," nag-aalangan kong tanong. Malalim akong napalunok nang marahan niyang binaling ang tingin sa akin.
"Nag-iisip kung hanggang kailan mo ituturo sa akin ang rune magic," ang diin ang bawa't salitang binitiwan niya, halata na galit siya sa'kin. Muli niyang tinuon ang atensyon sa pagtatrabaho at hindi na muli ako pinansin.
Pakiramdam ko'y nabunutan ng tinik ang dibdib ko at agad akong nakahinga ng maayos. Akala ko'y narinig niya na ang pag-uusap namin ni Gamma kagabi.
Mariin akong napapikit, humugot ng malalim na paghinga, saka bumalik sa pagtatrabaho. Kahit paano, nabawasan ang mga agam-agam sa aking isipan.
Pagkaraan ng ilang oras ng walang tigil na trabaho, napahinto ako, hingal na hingal, habang nakahawak sa pickaxe na tila doon humuhugot ng lakas. Pinunasan ko ang tumatagtak na pawis sa noo gamit ang marurumi kong guwantes. Lumingon ako kay Shira na katulad ko, hinihingal din sa pagod.
"Let's take a short break," hinihingal kong wika, saka umupo ako sa malamig na lupa, pinakikiramdaman ang sakit ng katawan mula sa maghapong trabaho.
"Alam mo, Akita," biglang nagsalita si Shira, dahilan upang mabasag ang katahimikan na namayani sa pagitan namin. Napatingin ako sa kanya. Kunot ang kanyang noo habang titig na titig sa akin. Tila malalim ang kanyang iniisip.
Hindi ko mapigilan ang magtaka sa kung ano ang sasabihin niya. "Ano 'yon, Shira?"
"Napapansin ko, parang sanay ka nang magsalita ng Anglicus. Halos natural na sa 'yo ang lenggwahe ng mga Endrian," turuan niya na may halong pagtataka sa boses.
Napangiti ako nang bahagya, pilit hinuhugot ang lakas para sumagot. "Siguro kapag matagal kang nanatili rito sa kanilang bansa, matutunan mo rin ang kanilang lenggwahe. Saka hindi naman mahirap matutunan ang anglicus. Sa katunayan, para sa akin, tila mas madaling gamitin ang kanilang lenggwahe kaysa sa sarili nating wika." Bumuntong-hininga ako at sumandal sa malamig na pader ng minahan, ramdam ang bigat ng pagod sa bawat galaw.
"May balak ka pa bang bumalik sa Kaharian ng Vinea?"
Halos magsalubong ang kilay ko sa uri ng mga tanong ni Shira sa akin. Parang may malalim itong kahulugan. Ano kaya ang iniisip niya ngayon.
"Sa totoo lang, gustong-gusto ko ma bumalik sa ating inang bayan. Pero ngayon, may pangako pa ko na dapat isakatuparan. Isang pangako na hindi ko maaaring sabihin sa'yo, Shira. Sana maintindihan mo," pigil hininga kong sagot at tinignan ang reaksyon niya. Nanatili lamang seryoso at saka napatango na parang naiintindihan niya ang gusto kong iparating.
"Naiintindihan kita, Akita," mahinahon niyang sagot. Bumigat ang mga salita niya sa dibdib ko, hindi ko alam kung nakagaan o lalo lang nagdulot ng pangamba. "Matanong ko lang, may tinatago ka ba sa akin, Akita?"
"Shira—" Naputol ko ang sasabihin nang biglang marinig ang malamig na boses mula sa likuran.
"Here you are, Akita."
Nanlaki ang mga mata ko sa gulat pagkalingon ko. Sa harap ko, nakatayo ang limang nomads—mga taong kilalang hindi kailanman mapagkakatiwalaan. Sila ang madalas naglilingkod sa Alpha, ang mga anino ng kanyang kapangyarihan.
Bakit hindi ko napansin ang pagdating nila. Hindi ko man lang naramdaman ang paggamit nila ng mahika.
"Anong kailangan ninyo sa akin, nomads?" tanong ko, pilit pinapanatili ang kalma sa boses ko.
Marahan akong tumayo saka pinagpag ang dumi sa makapal kong itim na pantalon, habang ang mga mata ko'y hindi naalis sa kanila.
"May nais lang kaming sabihin sa'yo," sagot ng lalaking nasa gitna, malinaw na lider ng grupo.
"Iha!" Nagulat kami nang biglang lumitaw si Gamma mula sa kawalan, nagmamadaling lumapit kay Shira.
"Ayos lang ba kayo?" tanong ni Gamma kay Shira na nanginginig ang boses na tila takot na takot. "Hinahanap nila si Akita. Natakot ako kung baka anong gawin nila sa akin kaya tinuro ko kayo saka dinala nila ako rito."
Traidor. Hanggang kailan ay hindi ka mapagkakatiwalaan Gamma. Halatang siya ang tumawag ng mga nomads na nandito ako.
Nakita ko mula sa gilid ng mata ang pagyakap ni Shira kay Gamma, na nagpanggap na nanginginig sa takot. Pero alam ko na sa loob niya ay nagbubunyi siya sa saya.
"Ayos lang po kami, Lola Berta," sagot ni Shira, halatang nag-aalala habang nakatingin sa akin. "Kakausapin lang naman nila siguro si Akita. Babalik din naman siya siguro kapag nasabi na kanya ng mga nomads ang gusto nilang sabihin."
Hindi ko pa dapat ibibigay ito kay Shira. Alam kong hindi pa siya handa. Pero wala na akong magagawa—narito na ang mga nomads, at tiyak, ibabalik nila ako kay Alpha.
Lumapit ako kay Shira, ramdam ang bigat ng bawat hakbang. Isinuksok ko ang kamay sa bulsa ng pantalon, hinugot ang makapal na librito na matagal ko nang tinatago. Ito ang magbibigay sa kanya ng kakayahang ipagtanggol ang sarili—laban kay Gamma, laban sa kahit anong panganib.
Ito na rin ang daan para matupad niya ang matagal na niyang hiling: makaalis sa minahan at makabalik sa kanyang mga tunay na kaibigan.
Nakita ko ang pag-aalala sa kanyang mga mata nang tumigil ako sa harap niya. Tahimik kong isiniksik ang librito sa bulsa ng kanyang dyaket. Nakaawang ang labi niya, tila may sasabihin, pero mabilis kong tinaas ang kamay para pigilan siya.
"Kailangan mo 'yan," bulong ko, pilit na pinapatatag ang boses.
Tumalikod ako at humakbang papunta sa mga nomads. Sa gilid ng paningin ko, nahuli ko ang nanunuyang ngisi ni Gamma, tila nanalo siya sa sarili niyang laro.
Napakuyom ang mga kamao ko habang naglalakad, pilit nilalamon ang galit na bumibigat sa dibdib ko. Agad na sumunod ako sa mga nomads.
Siguraduhin mo lang na hindi mo sasaktan si Shira, Gamma. Dahil kapag nalaman kong may ginawa kang masama sa kanya, gagawin ko ang lahat upang paslangin ka.
– – –
(A/N: Quick trivia. Anglicus is the language, Endrian are the people of Kingdom of Endre.)
***
Marvin Wrighttee | M.W.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top