10. GLADIATOR
ZERON
"Ito ang pagkain niyo."
Marahas na ibinagsak ng kusinero ang isang pinggan ng lugaw sa harap ko. Tumalsik ang mainit na sabaw sa mesa, dumapo ang malagkit na butil sa manggas ng aking damit. Naramdaman ko ang bahagyang init nito, pero hindi ako gumalaw. Tinitigan ko lamang ito at hindi ginalaw.
Hindi ako kumakain ng pagkain ng mga hayop. Mas pipiliin ko pang mamatay sa gutom kaysa tanggapin ang pagkaing ito.
"Hindi mo ba gagalawin ang pagkain mo?" Isang mababang boses ang pumukaw sa akin. Napalingon ako sa payat na lalaki sa harap ko, ang mga mata niya'y nag-aapoy sa pagnanasa, hindi sa akin kundi sa lugaw na nasa mesa. "Akin na lang ito kung ayaw mo."
Tiningnan ko siya nang malamig, sapat na para iparating na wala akong pakialam kung kunin man niya ang pagkain o hindi. Binaling ko ang tingin kay Eroth na nakaupo sa gilid, katulad ko, hindi niya ginalaw ang pagkain.
"Saan na kaya ang iba?" mahinang bulong ni Eroth, sapat na upang marinig ko.
"Hahanapin natin sila."
Napalingon sa'kin si Eroth saka ipinatong ang pisngi sa kanyang palad na parang nababagot. "Makakaalis pa kaya tayo rito?"
Hindi ko na nagawa pang makasagot nang humarap sa amin ang isang lalaki na nakasuot ng baluting pandigma. Huminto siya sa harap ko mismo na parang sa akin nakatuon ang tingin niya.
"Ngayon mismo magsisimula ang laban niyo," aniya saka lumabas ng silid.
Isa-isang sumusunod ang lahat sa kanya hanggang sa kaming dalawa nalang ni Eroth ang natira. Nabalot ng nakakabinging katahimikan ang buong silid, hanggang sa binasag ito ni Eroth.
"Kailangan ba talaga natin sumunod sa gusto nila, Zeron?"
"Hangga't hindi natin natatanggal ang tanikalang nakagapos sa paa natin, hindi tayo makakaalis rito," sagot ko saka naunang tumayo at lumabas ng silid.
Sa bawat yapak, naririnig ko ang kalansing ng tanikalang nakakadena sa mga paa namin ni Eroth.
Pagkatapos naming harapin ang lycanthrope, bigla kaming nawalan ng malay. Nagising na lang kami ni Eroth sa loob ng isang malamig at madilim na bilangguan. Hindi malinaw kung paano kami nadala rito, sino ang nagdala sa amin, at higit sa lahat, ano ang dahilan ng aming pagkakakulong.
Naging mga gladiator kami, araw-araw lumalaban para sa aming buhay. Hindi ko inakalang ganito ang magiging kapalaran namin. Sa simula, hirap na hirap kami ni Eroth sa brutal na mga laban at walang humpay na pagsasanay. Ngunit habang tumatagal, natutunan naming tanggapin ang aming sitwasyon at naging sanay na sa karahasan at dugo ng arena.
Sinubukan naming tumakas noon, pero lagi kaming nabibigo. Sa bawat maingat na planong ginawa namin, lagi nila kaming natutunton. Doon namin nalaman na ang mga tanikalang nakagapos sa amin ang siyang nagbibigay sa kanila ng kakayahang tukuyin ang aming lokasyon. Bukod pa rito, ang mga tanikalang ito rin ang pumipigil sa amin na magamit ang aming mga kapangyarihan.
Mahirap ang mawalan ng kapangyarihan, lalo na't sanay na akong gumamit ng mahika sa pang-araw-araw. Ngunit nakita ko rin itong oportunidad para palakasin ang aming pisikal na kakayahan.
Pero hindi magiging hadlang ang mga pagsubok na ito sa aming misyon. Makakatakas kami, hahanapin ang iba pa naming kasamahan, at gagawin ang lahat upang makabalik sa Kaharian ng Vinea, ang aming tahanan.
Pagkatapos ng ilang metrong paglalakad, nakarating din kami sa aming destinasyon. Pagdating namin sa gitna ng battle arena, bumungad ang dagundong ng mga sigawan. Parang nililindol ng ingay ang paligid. May mga pumapalakpak, may nagtatawanan—tila mga asong gutom na nag-aabang ng agahan.
Hindi ko maunawaan kung bakit ganito sila kalupit. Kung paano nila kayang magpustahan sa buhay ng iba. Paano naging libangan ang kamatayan?
Habang pinagmamasdan ko sila, ramdam ko ang bigat ng kanilang kasamaan, na parang usok na dahan-dahang dumidikit sa balat. Ngayon ko lang napansin—dalawang araw lang ako rito, pero sapat na iyon para makita kung gaano kalalim ang sugat ng Endre. Sila ang totoong bilanggo ng lugar na ito, bihag ng kanilang kasakiman at kalupitan.
Napatingin ako sa mga ekspresyon ng ibang mga gladiators. May ilan na tila sabik na sabik na makipaglaban. Ang iba naman ay halata ang takot, nanginginig ang kanilang mga kamay at tila nagdadalawang-isip. Samantalang ang iba'y walang pakialam, tulad ko, parang isa na lang itong normal na bahagi ng aming bagong buhay.
"Is everyone excited for our next battle?" masiglang sabi ng taga-anunsyo. "Our next battle would be, Zero versus Beard!"
Isa-isang umalis ang mga gladiators, maliban sakin at sa lalaking balbas sarado ang mukha. Sa tingin siya ang tinawag nilang Beard. Malapad ang kanyang katawan, pero mas malapad ang kanyang ngisi, para bang siguradong-sigurado na siya ang uuwi nang buhay.
Pero wala akong pakialam.
"Kid!" umalingawngaw sa buong arena ang boses ng aking makakalaban. "This will be your final warning. Surrender or die?" Nakatingin siya sa akin, mayabang ang kanyang ngisi.
Tsk.
Malamig kong sinalubong ang kanyang tingin. Sa palagay niya kaya niya akong takutin. Nakakatawa. Wala akong pakialam kung sino o ano ka. Tingnan natin kung sino sa atin ang matitirang nakatayo mamaya.
"Get ready to fight!"
Nang tumunog ang hudyat ng pagsisimula ng aming laban, mahigpit akong napahawak sa hawakan ng espadang nakatali sa aking baywang. Ito ang laban na hinding-hindi ko uurungan.
Nauna siyang umataki sa akin, pero mabilis akong nakaiwas. Kasabay ng pag-iwas, binunot ko ang espada at sinangga ang kanyang atake. Rinig ang kalansing ng aming mga sandata.
Agad siyang napaatras ng ilang metro, gulat na gulat dahil nasangga ko ang ataki niya. Sa pagkakataong ito, ako naman ang sumugod.
Sa isang mabilis na hakbang, tumungo ako sa harapan niya. Bago pa man siya makabawi, nagpakawala ako ng isang malakas na atake. Ang mga talim ng mga espada namin ay nagbanggaan, at sa bawat pagbangga, napapaurong siya.
Hindi nakawala sa paningin ko ang pagnginig ng kanyang braso habang matalim na nakatingin sa akin.
Ang paggamit ng espada ay isa sa mga nakahiligan nag-eensayo ako. Sa murang edad, hinahasa na ko ni Ama sa paggamit ng espada. Tinuruan niya akong lumaban, hindi lang para manalo, kundi para mabuhay. Kung sakaling mawalan man ako ng kapangyarihan, may armas akong masasandalan.
At si Beard? Akala niya siguro, mahina ako, na wala akong alam sa pakikipaglaban. Siguro iniisip niya na ang espadang hawak ko ay dekorasyon lamang. Pero nagkamali siya—malaking pagkakamali.
Muli akong sumugod sa kanya. Sa isang mabilis na galaw, sinipa ko siya sa kanyang tagiliran na kinadaing niya. Kita ko ang sakit sa mukha niya, pero hindi ako tumigil. Binaliktad ko ang espada, ang dulo ng hawakan ng espada ay nakatutok paitaas, at saka ko buong puwersang inangat ito sa panga niya. Tumapon ang ilan sa kanyang mga ngipin. Pagkatapos ay nawalan siya ng balanse, at malakas na napaupo sa lupa.
Marahas niyang pinunasan ang dugo sa kanyang labi at saka tumayo. Naniningkit ang kanyang mga matang nakatingin sa akin.
Halos hindi gumagalaw ang kanyang panga, pero ramdam ko ang galit sa bawat salita. "I'll make you pay for what you did to me." Ang mga kamao niya'y nakatikom, nanginginig sa pagpipigil ng poot.
Siya naman ngayon ang sumugod, ngunit bawat galaw niya’y madali kong naiwasan. Ang bawat atake niya ay parang mabagal, halos nababasa ko bago pa man siya kumilos.
Wala siyang disiplina—halata ang kawalan ng tamang pagsasanay. Puro lakas ang pinaiiral niya, parang hayok sa laban.
Sa pagkakataong ito, ako naman ang sunod na umataki. Nagpatuloy ang laban namin at palitan ng mga ataki.
Makalipas ng isang oras ng aming paglalaban, bumigay si Beard. Napaluhod siya sa lupa, hingal na hingal, at naliligo sa sariling pawis.
Puno ng paltos ang kanyang mga kamay, nanginginig sa sakit. May mga hiwa sa kanyang balikat, mukha, paa at braso, pero hindi malalim.
"You're really skilled with a sword, mate," hinihingal niyang sabi saka tumingala sa akin. "I underestimated you and overestimated myself. I'm sorry for that, mate."
Sa halip na sumagot ay binigyan ko lamang siya ng blangkong tingin. Marunong din palang humingi ng tawad ang lalaking 'to. Akala ko puro pagmamayabang lang ang kaya niyang gawin.
"You win this time. But next time we fight, I’ll make sure I win," aniya, ang boses niya’y garalgal.
May bahid ng determinasyon sa kanyang mga mata, pero kita ang pagkatalo. Bago pa ako makasagot, bigla siyang bumagsak sa lupa—parang naputol ang lahat ng lakas niya. Nabitiwan niya ang espada, dahilan upang umalingawngaw ang nakakabinging katahimikan sa buong arena. Nawalan siya ng malay.
"And the winner is. . . Zero!" Malakas na sigaw ng tagapag-anunsyo. Muling umugong ang malakas na hiyawan at palakpakan.
Tahimik akong naglakad pabalik sa istasyon na blangko ang ekspresyon. Wala akong maramdaman—ni saya sa aking pagkakapanalo.
Hindi ko binigyang pansin ang paghahagis nila sa akin ng mga gintong barya. Diretso akong naglakad hanggang makarating ako sa aming station.
Ang buhay ng isang gladiator ay mahirap. Lalo pa't nakikipaglaban ka para sa kasiyahan ng iba.
Pagkaupo ko pa lang, sumalubong agad ang payat na lalaki, may ngiti sa labi. "Ang galing mo," sabi niya, tila tuwang-tuwa.
Nagmamadali siyang lumapit sa'kin at iniabot ang maliit na piraso ng tela. Kinuha ko ito nang hindi na nagdalawang-isip at pinahid ang pawis sa noo. Ramdam ko ang init ng katawan ko sa bawat haplos ng basang tela. Sumunod, iniabot niya ang baso ng tubig—malamig, presko. Nilagok ko ito nang walang tanong, ang lamig ay bumaba sa lalamunan ko, tila pinapawi ang pagod ko.
Natatandaan ko ang payat na lalaking ito. Siya ang kumain ng pagkain na binigay sa akin kanina.
"Anong pangalan mo?" tanong ko, hindi maitago ang interes.
Nagulat siya sa sinabi ko. Kita sa mabilis na pag-angat ng kilay niya, pero mabilis din itong napalitan ng malapad na ngiti.
"Tawagin niyo po akong Zephyr, kamahalan," tugon niya saka bahagyang yumuko.
Natigilan ako sa huli niyang sinabi. Kumunot ang noo ko. Kamahalan? May alam ba siya sa totoong pagkatao ko? O marahil nagkataon lang?
"Huwag mo akong tawaging kamahalan dahil pareho lang naman tayong gladiator. Ayos na sa akin ang Zero lang," sagot ko, sinusubukang itago ang pagdududa.
Marahan siyang tumango. "Kung iyan ang nais mo, Zero," sagot niya, walang bakas ng alinlangan.
“Zero.”
Isang malamig na boses ang pumunit sa katahimikan. Humarap sa amin ang lalaking nakasuot ng baluting pandigma. Ang bigat ng kanyang presensya ay agad kong naramdaman. Lumapit siya nang walang alinlangan, at nang magtama ang mga mata namin, ramdam ko ang bigat ng mensaheng dala niya.
“Bakit? May kailangan ka ba sa akin?”
“Pinapatawag ka ni Gobernador Razen. Kailangan mong pumunta ngayon sa kanyang opisina dahil gusto ka niyang makausap,” sagot niya, malamig at walang emosyon. Agad siyang tumalikod at naglakad palayo.
Nagkatinginan kami ni Eroth—ang mga mata niya nagtatanong, pero hindi na kailangan ng salita. Pareho naming naiintindihan. Kibit-balikat akong tumayo at tahimik na sumunod sa lalaki.
Sa likod ko, isang mahinang bulong ang pumasok sa pandinig ko—mula kay Zephyr, na tila may babala sa boses. “Mag-ingat ka.”
Sandali akong tumigil at lumingon sa kanya. Tahimik siyang umupo sa upuang iniwan ko, saka kumaway sa akin na tila nagpapaalam at ngumiti ng matamis.
Marahil may alam ang lalaking ito tungkol sa Gobernador. Ang kanyang babala ay tila may ibig sabihin. Kung nag-aalala siya para sa akin, nangangahulugang may dapat akong paghandaan. Kailangan kong maging maingat. Hindi lang sa Gobernador,kundi pati sa lalaking ito. Mahirap na magtiwala sa taong hindi mo pa lubusang kilala.
– –
Pagdating ko sa harap ng opisina ng Gobernador, huminto ako sandali, hinawakan ang pintuan, at kumatok nang mahinahon. Nang bumukas ito, pumasok ako sa loob.
Una kong nasilayan ang Gobernador na nakaupo sa likod ng kanyang malaki at maayos na mesa. Sa gilid niya, nakatayo ang lalaking nakasuot ng baluting pandigma, tila isang anino na handang protektahan siya sa kahit sinong kalaban.
“Maupo ka, Zero,” sabi ng Gobernador, ang boses niya puno ng awtoridad.
Tinuro niya ang puting silya sa harap ng kanyang mesa. Umupo ako, naramdaman ang lamig ng upuan sa ilalim ko.
"Ano ang maipaglilingkod ko sa inyo, Gobernador Razen?"
Ang nakangiti niyang mukha ay biglang sumeryoso. "Ikaw ang napili ko na magrerepresenta sa akin sa gaganaping patimpalak sa pagitan ng mga magagaling na gladiator."
***
Marvin Wrighttee | M.W.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top