1. WUDUWEARD
SHIRA
Marahan kong minulat ang mga mata at isang pamilyar na mukha ang bumungad sa akin. Pilit kong inaninag ang kanyang itsura dahil sa bahagyang panlalabo ng aking paningin. Iniangat ko ang kamay at hinawakan ang kanyang mukha. Malambot at makinis.
"May problema ka ba sa mukha ko?"
Bigla akong natigilan nang marinig ang kanyang baritonong boses. Agad kong kinusot ang mga mata upang luminaw ang paningin. Nang luminaw ang paningin ko, para akong binuhusan ng malamig na tubig nang makilala ang taong kaharap. Naniningkit ang kanyang mga mata habang nakatingin sa akin.
Awtomatikong napatakip ako ng mukha nang maramdaman ang pag-init ng pisngi. Hiyang-hiya akong tumingin sa kanya dahil sa paghawak ko sa mukha niya. Parang gusto ko ulit mawalan ng malay. Hinihiling ko na sana lamunin nalang ako ng lupa.
Maya-maya pa naramdaman ko ang paglayo niya sa akin. Ibinuka ko ang dalawang daliri na nakatapat sa mata ko at tiningnan siya. Malalim akong napahugot ng hininga nang makita ang pagtayo niya
Agad kong pinagdikit ang dalawang daliri nang muli siyang lumingon sa kinahihigaan ko. Bakit lumingon pa siya sa gawi ko?
"Bumangon ka na diyan," muli kong narinig ang kanyang boses.
Muli kong binuksan ang dalawang daliri na nakatapat sa mata ko upang tingnan kung nasaan siya. Pero isang malaking pagkakamali yata ang aking ginawa. Dahil nandoon pa siya sa kanyang kinatatayuan at nakatingin pa rin sa akin.
"Bilisan mo at hahanapin pa natin ang ating ibang kasamahan," dugtong pa niya.
Pwede ka namang mauna at hanapin ang kapatid mo, Zeron. Nag-aksaya ka pa ng oras sa paghihintay sa akin. O marahil nagkakagusto na siya sa akin.
Nahuhulog na ba siya sa beauty ko? Hindi ko naman siya masisisi. Sa ganda kong 'to siguradong maaakit talaga siya sa alindog ko. Char!
"Bumangon ka na diyan kung ayaw mong iwanan kita rito."
Nanlaki ang mga mata ko nang bigla niya akong hilahin patayo. Wala na akong nagawa kundi ang magpahila sa kanya. Pero ang sunod na nangyari ay hindi ko inasahan. Biglaan niyang tinangal ang mga kamay kong nakatakip sa mukha saka inilapit ang kanyang mukha sa akin.
"Wala akong panahon sa mga kalokohan mo, Shira."
Ngayon ko lang nakita ng mas malapitan ang bawat detalye ng gwapo niyang mukha. Bagsak ang magulo niyang olandes na buhok, matangos ang pinong ilong, makapal ang kilay, asul na asul ang mga mata, mapula ang labi at makinis ang pisngi.
Hindi ko maiwasan na mag-init ang pisngi dahil sa lapit ng kanyang mukha. Iniwas ko ang tingin sa sa kanya at pinaling sa bilog na buwan.
Kita sa gilid ng aking paningin ang pagkunot ng kanyang noo na mas lalong nagpagwapo sa kanya.
"Kanina ko pa napapansin na pana'y ang pamumula ng mukha mo," wika niya na kinalaki ng mga mata ko.
"Ano, umm.. mainit kasi oo," iyon na yata ang pinakawalang kwenta kong sagot.
Naningkit ang kanyang mga mata na tila hindi kumbinsado sa sagot ko. Ilang beses akong napalunok at malalim na nag-isip ng sasabihin upang mawala ang tingin niya sa akin. Kasi kanina pa ko ihing-ihi rito sa kilig.
"Malamig sa lugar na 'to."
Sa hindi inaasahang pangyayari, nakita ko ang pagdapo ng lumiliyab na ibon sa sanga ng puno hindi kalayuan sa amin. Pumasok ang isang ideya sa aking isipan.
"Naiinitan ako dahil sa nagliliyab na ibon na iyon," sagot ko sabay turo sa ibon.
Nilingon niya ang tinuro ko at hinanap ang ibon. Napapikit ako sa kahihiyan nang makitang lumipad papalayo ang ibon.
"Kaso biglang lumipad," awtomatiko kong sinabi. Na tila iyon na ata ang pinakamagandang palusot na sinabi ko upang mawala ang hiya. "Hindi mo tuloy nakita..." Bumilis ang kalabog ng puso ko nang tinuon niya ang tingin sa akin.
Bigla niyang hinawakan ang aking mga balikat saka ako tiningnan ng deretso sa mga mata. "Kailangan na nating umalis at hanapin ang ating mga kasamahan."
Tumalikod siya sa akin at naunang naglakad. Sa sandaling iyon, doon lang ako nakahinga ng maluwag. Napahawak ako sa dibdib at marahan itong minasahe. Unti-unting bumalik sa dati ang kalabog ng dibdib ko.
Akala ko lalabas na ang puso ko sa pagkabog. Ngayon ko lang napagtanto na kakaiba ang pakikitungo ni Zeron sa akin tuwing kasama namin ang lahat, at sa tuwing kaming dalawa lang.
Nahuhulog na ba siya sa kagandahan ko? O ako ang nahuhulog sa kagwapohan niya? Ito marahil ang dahilan kung bakit ang lakas ng dating niya sa akin. Gwapo siya, diyosa ako, bagay kaming dalawa. Napahawak ako sa labi at tahimik na napahagikhik. Ang likot talaga ng imahinasyon ko katulad ng aking mga mata.
"Gusto mong iwanan kita rito?" seryosong wika ni Zeron sabay halukipkip ng mga braso.
Napakamot ako ng batok at nahihiyang ngumiti. Muli siyang tumalikod sa akin at pinasok ang mga kamay sa bulsa ng suot na pantalon at nagpatuloy sa paglalakad. Malalim akong napabuntong-hininga at sumunod sa kanya.
Tinangay ang ilang hibla ng aking buhok nang umihip ang malamig na hangin dahilan upang mapayakap ako sa sarili habang paglalakad. Nililibot ko ang tingin sa paligid at inoobserbahan lahat ng naaabot ng paningin ko.
Nadadanan namin ang mga matatayog na puno na halos umabot sa kalangitan; mayroon itong baluktot na mga baging na nakapulupot sa mga kahoy na tila nagsilbing disenyo sa malahigante nitong katawan. Umalingawngaw sa buong gubat ang tunog ng kuliglig at pagkanta ng mga ibon.
Napatingala ako sa kalangitan at napatingin sa bilog na buwan na napalalibutan ng nagniningning na mga bituin. Ngayon ko lang napagtanto na umabot kami sa bahagi ng gubat na walang mga puno ang naroon. Tanging malawak na damuhan at ilang mga bulaklak ang tumutubo.
Napatigil ako sa paglalakad nang makita ang pagdapo ng alitaptap sa aking kamay. Mahigit isang taon na akong hindi nakakakita ng alitaptap simula nang pumasok ako sa Akademya de Minika. Gumuhit ang mapait na ngiti sa aking labi kasabay ng paglaylay ng aking balikat nang pumasok sa isipan ko si Akita.
Hindi ko napigilan ang mapabalik-tanaw. Ang masasayang panahon namin noong magkasama pa kami nina Akita at wala pang mga problema sa buhay. Tandang-tanda ko pa dati ang palagi namin pagpunta ni Akita sa tuktok ng bundok tuwing gabi, hihiga sa damuhan, papanoorin ang buwan at mga bituin sa kalangitan. Tapos hihintayin namin ang paglabasan ng mga alitaptap sa paligid at huhulihin ito isa-isa.
Pero ngayon hindi ko na iyon magagawa. Hindi na ako ang dating Shira. Marami ng nagbago sa akin at isa na roon ang takbo ng aking buhay. Dati tipid na tipid kami sa pagkain dahil ang mahal ng mga bilihin. Ngayon pwede ko kainin ang kahit anong pagkain na gusto ko at bilhin ang kahit anong bagay na gagamitin ko.
Ano kaya sasabihin ni Akita sa akin ngayon na naabot ko na ang isa sa mga pangarap ko na makapag-aral sa Akademya de Minika. Ano ang magiging rekasyon niya na naging kasapi ako ng electus. Ano kaya ang sasabihin niya sa akin ngayon? Kumusta na kaya ang lagay niya. Sana nasa maayos siyang kalagayan kung saan man siya ngayon.
"Shira?" tawag ni Zeron sa akin.
Binaling ko ang tingin sa kanya, pero nagulat ako pagkaangat ko ng tingin. Maraming mga alitaptap ang nagkalat sa paligid, kumikislap na parang mga bituin sa kalangitan, lumilipad sa liwanag ng buwan.
"Shira..." bigla akong napaatras sa gulat nang makita na nasa harapan ko na pala si Zeron. Hindi ko naramdaman ang paglapit niya sa akin dahil sa pagiging abala ko sa pagtingin sa mga alitaptap.
"Patawad sa paghinto, Zeron. May naalala lang ako---"
"Zeron at Shira!"
Agad kong inilibot ang tingin sa buong paligid at hinanap kung saan nanggaling ang boses. Napangiti ako nang makita si Zerena na tumatakbo patungo sa gawi namin.
Pagkalapit niya ay mahigpit na niyakap ang binigay niya sa bawat isa sa amin. Nakasunod sa likuran niya sina Eroth at Simon.
"Nangulila ako sayo ng sobra, Shira. Nangulila ako sa iyong magandang mukha pati na rin ang sa iyong seksing katawan," nagagalak na wika ni Simon pagkalapit nila sa amin.
Mabilis na lumapit sa akin si Simon na nakalahad ang mga braso at sinubukang yakapin ako. Ngunit agad kong iwasan ang kanyang yakap at inis siyang inismiran. Umaandar na naman ang kamanyakan niya. Bakit napasama pa ang isang 'to sa amin kahit hindi naman siya electus.
"Hinanap namin kayo ngunit kahit anino niyo ay hindi namin nakita," saad ko at saka lumapit kay Zerena. Pinaling ko ang tingin kay Eroth na kanina pa tahimik. "Ikaw, Eroth, ayos ka lang ba?"
"Ayos lang ako, Shira." Tipid niyang sagot at hindi na umimik pa. Naiintidihan ko ang nararamdaman niya. Alam ko na hanggang ngayon ay nangungulila pa rin siya sa pagkamatay ng kanyang kapatid na si Hanila.
Ang sakit ng pagkawala ni Hanila ay nag-iwan ng isang hindi mapalitan na puwang sa puso ni Eroth. Alam ko ang sakit na nararamdaman niya ngayon dahil napagdaanan ko na rin ito dati.
Ang paglisan ni Hanila ay nag-iwan ng isang malalim na sugat kay Eroth. Na kahit kailan hindi kayang gamutin ng kahit anong mahika. Kahit anong gawin niyang pagtago sa totoong nararamdaman gamit ng pekeng mga ngiti, kitang-kita ko pa rin sa mga mata niya ang sakit na kanyang dinaramdam.
Nakakapanibago rin minsan dahil hindi ko na naririnig ang bangayan nina Eroth at Hanila. Wala ng kukulit kay Eroth at mang-iinis dito. Hindi ko na makikita at maririnig pa ang mga tawa ni Hanila. Ang sakit tanggapin na mawalan ng kaibigan na isa sa tumatanggol dati sa akin mula kay Sierra.
Kaya pinangako ko sa sarili na hindi ko hahayaan na mawalan pa ako ulit ng kaibigan. Gagawin ko ang lahat upang protektahan sila laban sa kahit anong kapahamakan.
Sabay kaming naglakad papasok sa masukal na bahagi ng kakahuyan. Habang lumalalim ang gabi at dumidilim ang kagubatan, ang aming mga pandama ay nasa mataas na alerto. Nagmamasid at palaging handa sa kahit anong panganib na dumating.
Bigla akong napatigil sa paglalakad nang mararamdaman ko ang presensya ng itim na mahika sa paligid. Namuo ang butil sa aking noo kasabay ng pagtayo ng mga balahibo sa aking katawan. Binaling ko ang tingin sa aking mga kasama at kita sa ekspresyon nila na naramdaman din nila ang naramdaman ko. Ngunit nagpatuloy kami sa paglalakad at walang balak na tumigil upang makarating sa aming destinasyon: ang Kaharian ng Ende.
Habang lumalalim ang aming paglalakbay sa loob ng kagubatan, hindi inaasahan na nakatagpo kami ng mga kakaiba't nakakatakot na mga nilalang. May mga dambuhalang gagamba na may makamandag na mga pangil, mga puno na may matitinik na mga sanga, at mga multo na bigla nalang nagpapakita ng walang anunsyo.
Sabay kaming lahat napatigil sa paglalakad nang makadama ng isang malakas at delikadong presensya. Presensya ng itim na mahika. Hindi maganda ang pakiramdam ko rito. Mukhang mapapalaban kami nito.
Sa hindi inaasahang pangyayari, sumulpot mula sa malalim na kadiliman, isang napakalaking silweta ang lumitaw sa aking paningin hindi kalayuan sa amin. Ang silweta nito ay kita sa madalim na sulok ng gubat, na may mapulang mga mata na tila kumikislap sa dilim.
Nanlaki ang mga mata ko sa gulat nang makita ang paggalaw ng mga ugat sa lupa. Lumitaw ang mga mukha mula sa bawat magaspang na kahoy, mga mukha na may kakaibang anyo at tila may buhay. Lumukob sa akin ang takot dahilan upang mabilis na kumabog ang aking dibdib.
Malalim akong napabuntong-hininga. Marami na akong nakaharap at napaslang na diablo, ngayon pa ba ako matatakot. Walang lugar ang takot sa sitwasyon namin ngayon. Mas malakas at nakakatakot si Azazel sa mga punong ito. Walang dahilan upang matakot ako.
Walang pag-aalinlangan na sinambit ko ang isang inkantasyon, ang mga salita'y umaagos mula sa aking mga labi tulad ng isang ilog, at nilikha ko ang isang pananggalang upang protektahan ang lahat. Pumalibot sa amin ang lahat ng mga puno at sabay-sabay na umatake. Umangat ang mga ugat nito sa lupa at humampas sa aking pananggalang.
Malalakas ang bawat hampas ng ugat ng mga puno na parang gusto kaming saktan at patayin sa pagpasok namin sa teritoryo nito. Hindi ko alam kung ano tawag sa mga nilalang na ito. Kanina lang ay may nakita akong silweta sa dilim, pero mga puno ang umaatake sa amin. Marahil iyon ang komokontrol sa mga puno na ito.
"Pero ano ang mga nilalang na ito? May sarili bang pag-iisip ang mga punong ito?" hindi sinasadyang naisinawika ko ang tanong na dapat ay sa isipan ko lang.
Naramdaman ko ang paghawak ni Zerena ni Zerena sa balikat ko saka tumingin sa akin ng seryoso. "Ang mga nilalang na iyan ay ang mga Wuduweard. Sila ang espiritu ng kalikasan na nangangalaga sa kagubatan. Sinasabi na ang mga Wuduweard ay may kapangyarihan na gumamot ng kahit anong sakit o karamdaman. Pero ang nakakabilib sa kapangyarihan ng Wuduweard, kaya nitong magbigay sa kahit na sino ng imortalidad."
Ilang beses akong napatango sa sinabi niya. Naiintidihan ko na. Ibig sabihin ay ibang nilalang ang mga Wuduweard sa nakita ko kaninang silweta.
Nakakabilib isipin na may ganito palang mga nilalang na hindi matatagpuan sa Kaharian ng Vinea. Kaya hindi pamilyar sa akin Wuduweard dahil ngayon ko lang ito nakita sa tanang buhay ko. Dayuhan lang kami sa lugar na ito kaya posibli na marami pang nilalang ang aming makikita maliban sa Wuduweard.
Napakakapanabik na makakita ng iba't ibang uri ng mga nilalang katulad ng Wuduweard. Ang lupaing ito ay tunay na misteryoso. Hindi na ako magtataka kung biglang may sumlpot na kakaibang entidad mamaya.
Pinaling ko ang tingin kay Zerena na may ngiti sa labi. Ngayon, wala na akong kabang nararamdaman. "Zerena, sa tingin mo mamamatay ang mga Wuduweard kapag pinatay ko sila kahit may kakayahan silang magbigay ng imortalidad?"
Napahawak siya sa kanyang baba at malalim na nag-isip. Ngayon ko lang nakita si Zerena na malalim na napaisip, ibig sabihin wala siyang sagot sa tanong ko. Binalik ko ang tingin sa mga Wuduweard at pinagmasdan ang mga wangis nito.
Sa tingin ko imortal ang mga entidad na ito sa kadahilanan na isa silang mga espiritu ng kalikasan. At kahit burahin ko man ang kanilang kaluluwa, hangga't nandiyan ang kalikasan ay mabubuhay pa rin sila. Pero paano kung ang kalikasan mismo ang mawasak? Mabubuhay pa kaya sila?
"Sa tingin ko, alam ko na kung paano mapapaslang ang mga Wuduweard," nakangising turan ko at lumabas sa aking pananggalang.
Tignan natin kung gagana ang plano na naisip ko.
Tinapat ko ang palad sa mga Wuduweard sabay na nagbaybay ng inkantasyon. "Deus Explodoré!"
Sumabog ang lahat ng mga Wuduweard na nakapalibot sa amin dahilan upang mawasak ang katawan nito. Ngunit lumipas ang ilang sandali, ang nawasak nitong katawan ay unti-unting lumutang sa ere at bumalik sa pagiging isa.
Sumilay ang ngiti sa labi ko nang nakompirma ang hinala ko. Imortal nga ang mga Wuduweard.
"Anong mangyayari sa mga Wuduweard kung ang kalikasan mismo ang mawawasak--"
Naudlot ang sunod kong sasabihin nang maramdaman ang hindi pamilyar na presensya sa paligid. Pinasadahan ko ng tingin ang buong lugar at muling nakita ang silweta na nakita ko kanina na nagtatago sa likod ng mga Wuduweard.
––
TRIVIA:
The Anglo-Saxon word for a talking tree is "wuduweard" (wood-ward), which translates to "guardian of the woods." In Anglo-Saxon mythology and folklore, wuduweards were often depicted as sentient trees that could speak and possess knowledge of the natural world.
***
Marvin Wrighttee| M.W.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top