Pri. San. Go.
Freeze and Go.
Palagi namin 'yong nilalaro ni Joy n'ong mga bata pa kami.
Simple lang ang rules.
Titigil ka pag sinabing freeze, at go naman kapag pwede ka na uling tumakbo.
Sa bakanteng lote malapit sa bahay nila Joy madalas kaming tumambay ng mga kaibigan ko at maglaro ng kung anong maisip naming laruin. Pero madalas, freeze and go. Paborito kasi 'yon ni Joy. Ewan ko ba sa kanya, palagi namang natataya pero 'yon pa rin ang gusto.
Una ko siyang nakita no'ng minsang dumalaw sila ng mama niya sa bahay namin. Kalilipat lang nila noon sa sa amin galing America. Nakaupo siya malapit sa t.v habang kumakain ng pansit.
Maputi.
Mamula-mula ang pisngi, at sabog-sabog na ang buhok sa pagka-katirintas. Ang cute na bata.
Mag-bestfriend ang mga nanay namin, kaya madalas na nakikita ko rin si Joy na pagala-gala sa bahay. Nag-iisang anak siya at wala raw itong kalaro kaya ako palagi ang sinusundan.
Parang siyang house dog. Kung nasaan ako, nand'on din siya. Kaya palagi nila kaming pinagma-match make na kesyo ang cute raw naming tingnan, na ganito, ganiyan, blah blah blah.
Baby pa kasi 'yong kapatid kong babae noon kaya parang ako na ang naging instant taga-aliw niya.
Lumipat na rin sa paaralan ko si Joy para raw mas malapit sa kanila, at para may kasama na rin daw ako sa pag-uwi. Kaya pati sa school, inaasar na rin kaming Jack and Joy, Tim and Jerry, Si Pooh at si Piglet.
Ako si Piglet.
Payatot daw kasi.
Nakakaasar no'ng una, pero nasanay na rin. Hanggang isang araw, pag-gising ko isang umaga habang dilat na dilat ang mata kong may muta pa, na-realize ko na lang, Inlab na 'ko sa kanya.
Hindi ko alam kung kelan at paano.
Bakit siya? May nakain ba 'kong panis? Nauntog ba 'ko kagabi?
Parang humihinto ang mundo habang pinapanuod ko siyang nagsusuklay ng sala-salabit na buhok niya, nanghuhuli ng salagubang kung trip niyang takutin 'yong mga kaklase naming nahilig magsabaw ng kape no'ng kabataan. O kahit naglalakad lang siya.
Bakit gandang ganda ako sa kanya?
Ni hindi ko na rin siya matingnan ng diretso sa mata, o batiin man lang na hindi ako nabubulol.
Nababaliw na ba ako?
Kapag malapit siya, pakiramdam ko mag re-recite ako sa harap ng klase sa sobrang kaba.
Nababaliw na nga ako.
No'ng mag-third year high school kami, sinabi niya sa 'kin na kailangan nilang bumalik sa America para sa medication niya. May sakit pala sa puso si Joy.
Ang sabi ng doktor, bawal sa kanya ang mga sobra. Sobrang excitement, happiness, at sadness. Hindi raw kakayanin 'yon ni Joy.
Nakamamatay din ang magmahal para sa kanya. Baka maging dahilan daw 'yon ng pagtigil ng puso ni Joy sa pagtibok.
Mahal ko siya.
Kaso hindi ko pwedeng sabihin.
Kasi bawal.
"Sana parang freeze and go na lang ang buhay, no? Para hindi ko na kailangang umalis."
Hindi ko napigilang umiyak sa sinabi niya. Ang sakit. Wala man lang akong magawa. Unti-unti na siyang kinukuha ng Diyos sa 'kin at nagmumukha na 'kong uhuging bata na inagawan ng kendi sa harap niya. Napayuko na lang ako. Tanda ng pagkatalo.
Ano ba namang laban ko sa Kanya?
Nakakahiya.
Kalalaki kong tao pero napaka-iyakin ko. Pero anong magagawa ko, sa hindi ko mapigilan, e.
Lumapit siya sa 'kin at niyakap ako ng mahigpit. "Masaya ako dahil nakilala kita. Kahit asar ka na sa 'kin minsan kapag nagmumkha ka nang yaya ko."
Gusto kong sabihin. Pero pa'no kung biglang umatake ang sakit niya?
"Buong buhay ko, natatakot ako kung anong mangyayari sa'kin kinabukasan. Kung magigising pa ba 'ko? O hindi na. Naging pangalawang bahay ko ang ospital at naging ninong, ninang ang mga doktor na nag-alaga sa 'kin. Iniisip ko noon, siguro masamang tao ako n'ong nakaraang buhay ko kaya ganito ako ngayon. O kaya naging masyadong mahaba ang buhay ko noon, kaya maiksi ngayon."
Pa'no kung bigla na lang sumakit ang puso niya?
"Mahal kita, Tim, pero masasaktan lang kita kapag umalis na 'ko. Pa'no kung hindi na 'ko makabalik? Maiiwan kang mag isa." Napansin kong umiiyak na rin si Joy. Hindi ko alam ang gagawin ko. "Sorry, ah. Hindi na 'ko makakasama sa mga susunod na birthday mo."
Asar!
Gusto kong patigilin ang oras.
Wala naman siyang kasalanan.
Napakarami namang drug addict at kurakot na nagkalat sa mundo.
Bakit si Joy pa?!
Dama ko ang mahihinang pagtapik niya sa likod ko. "Marami pa sana akong gustong gawin kasama ka. 'Yong, kakain tayo ng halo-halo sa buwan ng tag-ulan, o kaya tatakasan natin sina Mama para manuod ng Titanic sa sinehan. 'Yong ia-angkas kita sa bike, tapos lilibutin natin ang buong San Agustin nang hindi natin kailangang magpalit ng pwesto dahil lang sa hindi na 'ko makahinga. Gusto kong gawin 'yon. Gusto ko pang gawin ang mga 'yon kasama ka. Kung pwede lang sana."
Hindi po ba pwedeng mag-extend?
"Buti na lang nakilala kita."
Hindi na 'ko nagpakita sa araw ng pagpunta nila sa Amerika. Sinabi sa 'kin ni Nanay na nakaalis na sila at hinahanap daw ako ni Joy.
Ayokong magpakita.
Ayokong magpaalam.
Nagpadala na lang ako ng sulat para sa kanya. Hindi pa kasi uso ang cellphone no'ng panahong 'yon. Buwan-buwan ay nakakatanggap ako ng sulat galing sa kanya. Ang saya-saya ko n'on. Kahit na wala ako na taga-bantay niya, alam ko na okay pa rin ang lagay niya.
Hanggang sa naging padalang ng padalang, at pagtagal ay wala na 'kong natatanggap. Hindi ko na alam kung anong nangyari sa kanya, at ayoko rin namang mag-isip ng kung anu-ano.
Pagkalipas ng ilang taon, isa na 'kong propesyonal na Doktor na nagtatrabaho sa isang kilalang ospital sa Pilipinas.
Marami na palang nangyari nang hindi ko man lang namamalayan. Napakarami pero napakalabo naman.
Tanging mga alaala lamang ni Joy noong kabataan namin ang naiwang malinaw sa 'kin. Na parang kahapon lang, isa pa 'kong teenager na makapal ang mukha para kiligin habang hinihila pataas ang medyas na abot hanggang tuhod ko.
Ngayon ay isa na 'ko sa mga nilalang na nakasuot ng puting roba at nilalapitan ng mga taong gustong gumaling.
Kasalukuyan kong binabagtas ang pasilyo ng ospital na pinagta-trabahuhan ko. Pasilyong walang katao-tao. Mukhang adik at walang kabuhay-buhay. Samantalang trabaho ko ang magligtas ng mga taong malapit nang mamatay.
"Nas'an na ba 'yang lintik na mga vending machine na 'yan?"
Kamusta na kaya siya?
Okay na ba siya?
Kilala pa kaya niya ako?
"Pucha, Timothy Vergara. Huwag ka ngang magtatanong ng gan'yan, wala namang sasagot." Yumuko ako para pigilan ang nang-uuyam na ngiti para sa sarili.
May magagawa na 'ko para gumaling siya. Kaya ko na siyang gamutin ngayon nang hindi mangangailangan ng super power para i-freeze ang oras. Hindi na niya kailangang umalis ulit. Pwede ko na ring sabihin sa kanya na—
"Freeze!"
"Anak ng kape—"
"Freeze!"
Sino bang walang hiyang panira sa pag e-emote ko? Istorbo. Dis oras na ng gabi nag-iingay pa rin?
Hindi ko naitago ang inis ko nang sulyapan ko siya ng masama, saka ako nagtuloy sa paglalakad.
"Tim!"
Seryoso? may sira ba siya sa utak? Tumigil ako sa paglalakad para harapin siya. Ano 'to, takas sa mental? Ba't nagdala sila ng ganito dito? Ang lakas ng loob niyang tawagin ako sa first name ko— pa'no niya nalaman ang first name ko—?
"Piglet!"
Piglet?
"Sinabi kong freeze diba? Ba't ka gumalaw?" Tanong niyang may ngiti sa labi.
"Joy?"
Nagbago na ang lahat sa kanya. Ang pananamit niya, ang height niya. Unat na ngayon ang dating kulot na buhok niya. Pero hindi ko nakalimutan ang ngiti niya na laging nagpapabilis ng tibok ng puso ko. Nananaginip ba 'ko?
"Sa wakas nagkalaman ka na rin Piglet. Wow... ang tangakad mo na rin pala. Samantalang dati hanggang balikat lang kita. An'dami nang nagbago sa'yo. Kunsabagay, antagal nga naman nating hindi nagkita."
Bakit ko siya nakikita? Ganito ko na ba siya ka-miss? Nasisiraan na ba talaga 'ko ng bait?
Napaso ako sa hawak kong kape nang wala sa sariling humakbang ako palapit sa kanya. Hindi ako nanaginip.
"Hmmm... Ga'no na ba katagal 'yon? ten years? eleven years? ah, basta 'yon na—"
"Joy!" Dali-dali kong tinawid ang espasyo sa pagitan naming dalawa upang yakapin siya ng mahigpit.
"—'yon."
"Mahal kita, Joy."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top