Siete

Nagmulat ng isang mata si Vivi, nabulag siya sa sinag ng araw na nagmumula sa bintana ng kaniyang kuwarto. Tantiya niya ay mag-hahapon na.

        "Gising ka na Hija..?" Isang malumanay na boses ang bumalot sa pandinig ng dalaga.

Marahan niyang kinusot ang kaniyanng mga mata at pinilit na umupo mula sa kaniyang hinihigaan. Ngunit agad din naman siyang napayuko sa sakit ng kaniyang ulo.

        "Huwag mo munang pilitin ang iyong sarili." Sabi ng matandang babae sa kaniya.

        "T'ya... Puring?" Dahan-dahan niyang sinabi habang ang matanda ay hinihimas ang kaniyang likuran. Tsaka lamang bumalik sa katinuan ang kaniyang utak. "Ba-bakit po ako nandito?" Naaalarmang sambit niya.

        "Dinala ka dito ni Sebastian na wala nang malay. Tumawag na rin kami ng albularyo at sa aming palagay ay bubuti na ang iyong kalagayan." Inabutan siya nito ng tubig.

Tinanggap naman niya agad iyon at lumagok siya ng tubig. "Ngunit, nasaan na po ngayon si Sebastian?" Nag-aalalang tanong niya rito.

Sa kaniyang pagkakatanda ay tinakot siya ng Engkantada tungkol sa pagkasangkot ni Sebastian sa kaniyang problema. Marapat na lamang na ito ay makita niya.

        "Huwag kang mag-alala Hija, nasa hardin lamang ang binata. "

        "Maaari ko po ba siyang makita?"

Agad naman nakuha ng matanda ang ibig sabihinng dalaga at walang kung anu-ano pa'y tinulungan siya nitong makapag-ayos upang makaharap ang binata.

##

"Sebastian!" Sigaw ni Vivi mula sa tarangkahan ng bahay nina Ka Tiago.

        "Hija ang iyong pagsasalita..." Pag-papaalala ng matanda.

Tsaka lamang naalala ng dalaga na nasa ibang panahon nga pala siya at ang mga babae dito ay tikom kung magsalita.

        Tikom kung magsalita? Buti nakakapagtsismisan pa ang mga iyon. Sarkastikong pagsasabi sa sarili.

Napailing na lamang siya at bumaba sa may hagdanan at pumunta sa tabi ni Sebastian na nagpuputol ng halaman.

Sumalubong ulit ang kilay ng binata sa oras na makita siya nito.

        "Hindi ba dapat ikaw ay nagpapahinga Vivi?" Antipatikong tanong nito.

Inikot ni Vivi ang kaniyang mga mata. "Hindi." Mataray na sagot niya dito. "Ikaw, ayos ka lang ba? Wala bang nangyari sa iyo?" Biglang pagbabagong tono ni Vivi.

Kumunot pa lalo ang noo ng binata atsaka binaling muli ang atensyon sa mga halaman. Saglit itong napatigil. "Hindi ba dapat ako ang nagtatanong niyan sa iyo? Bigla na lamang dumugo ang iyong ilong at hinimatay. Bakit ka pa kasi dumiretso sa palengke? Isa kang  dalaga at nararapat ay nasa loob ka lamang ng bahay--"

        "At magpaganda? Sebastian-- Masyadong mahaba ang iyong pangalan. Basti, kita mo naman sa pagtatrato ko sa iyo ay hindi ako ganoong dalaga."

        "Siya nga, at ikaw ay nakakaburyong-!"

        "Sebastian!" Halatang hindi sang-ayon si T'ya Puring sa sinaad ni Sebastian sa harap ng dalaga. Ito ay nakikinig sa kanilang usapan.

Hindi naman nailang ang dalaga sapagkat alam niya na noong panahon ng mga Kastila ay normal lamang na sila ay may kasamang matanda o nakikita ng ibang tao upang hindi sila magkaroon ng usap-usapan.

Napabuntong hininga  na lamang ang binata at nagpatuloy sa kaniyang mga sinasabi sa dalaga, ngunit ngayon ay bumaling siya rito. "Ano ba naman iyang ibinigay mo sa aking ngalan?"

Napangiti ng matamis ang dalaga, " 'Basti', mas madali iyon sambitin hindi ba? Siya nga pala, balik tayo sa usapan, wala ka talagang naramdamang kakaiba ngayon? Pag-aalalang tanong niya sa binata.

Napaisip naman si Sebastian, Bakit kaya nag-aalala itong dalaga sa akin? Hindi ba dapat siya ang mag-alala sa kaniyang sarili.

        "Wala po Senyorita, ngunit kayo ay marapat nang bumalik sa inyong kuwarto, baka masaktan pa ang iyong balat sa init ng panahon."

        "Init ng panahon?" Nakakunot noong tanong ng dalaga, "Ano ba ang iyong sinasabi? Kay lamig ng klima ngayon. Gusto mo lamang ata akong paalisin dito." Nakapagisip ang dalaga. "Kung sa bagay, nakakapagod rin naman dito sa labas. Makapasok na nga, basta Basti, kung may bumabagabag sa iyo, nandito lamang ako. Maaaring na sa kuwarto, kusina kubeta-- este, terasa o hardin. Huwag ka sa aking mahiya kung ikaw ay lalapit." Iyon lamang at pumasok na sa loob ang dalaga kasama ang Tiya.

Agad naman napangiti ang binata sa narinig. Wala pang nagsasabi ng ganoon sa kaniya, at hindi niya inaakalang iyon ay manggagaling sa isang dalaga na katulad ni Vivi.

Naramdaman niyang muntik nang tumigil ang pagtibok ng kaniyang puso.

Napahawak siya sa kaniyang dibdib at lalo siyang napangiti. Para tuloy siyang nawawala sa kaniyang ulirat. Mabuti na lamang at mag-isa lamang siya sa hardin, kung hindi, pamihadong iisipin ng iba ay siya ay nababaliw.

Pumitas siya ng isang bulaklak roon at pinagmasdan iyon. Itinago niya iyon sa kaniyang bulsa at nagpatuloy sa kaniyang trabaho.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top