Sais

      Binalewala na lamang ni Vivi si Sebastian na nasa kaniyang likuran lamang. Patuloy lang siya sa pamimili ng gulay. Mukhang tinupad nga ni Ka Tiago ang "Pangako" sa kanilang dalawa nito, tunay nga silang pinagsama nito sa may bayan. Ngunit hindi iyon ang nagpabuti sa dalawa. Hindi sa pagpapapansin kundi dahil sa kanilang katahimikan.

       Labis naman ang pagkabagot ng binata. Kanina pa kasi pili ng pili ang dalaga ng gulay. Ngunit hindi siya nagpahalata, dahil tungkulin ng isang binata na tulungan ang isang dalaga.

      Ngunit kung ganitong dalaga naman ay huwag na. Tahimik na kinurot ni Sebastian ang sarili at napa-iling. Ano ba ang kaniyang iniisip?

       Nais nang lapitan ni Sebastian si Vivi at tanungin kung kailan ito matatapos sa walang kamatayang pagpili nito sa talong at patatas.

       Pero hindi pa siya nakakahakbang ay bumaling na ito sa kaniya.

       "Saglit lamang." Sabi nito sa kaniya.  Nang mataray.

       Bumuntong hininga na lamang siya. Ano ba kasi ang ipinagkukumpara ng dalaga sa talong at patatas?

       Nang muli niyang balikan ng tingin si Vivi ay sa wakas, tinanong na nito kung magkano ang isang balot ng talong. Ngunit may napansin siya dito.

       Ito ay namutla, natigilan at bigla siyang nakadama ng kaba.

       Sa kabilang dako naman, nang makapili na si Vivi sa dalawa ay tumunghay na siya upang tanungin ang matanda kung magkano ang kaniyang pinamili.

       "Paumanhin po, magkano po--" Nanlaki ang kaniyang mga mata. Naramdaman niya ang pagkaubos ng dugo sa kaniyang mukha.

        Isang matandang babae ang nakaharap sa kaniya ngayon, at kilalalang kilala niya ito.

        Ang Engkantada.

        Bumilis ang tibok ng puso niya. Nabitiwan niya ang talong.

        Napansin niya ang pagtigil ng oras sa kaniyang paligid parang noong una silang nagkita.

         Nang bumaling siya sa likod ay nakita niya ang binatang nakahinto ngunit seryoso ito.

       Tutulungan niya ako?

       Binalikan niya muli ang matanda na ngayon ay nakangiti sa kaniya. "Ano bang gusto mo?" Walang paggalang na tanong niya dito.

       "Bastos!" Pagrereklamo nito. Wala na siyang panahon para bigyan ito ng paggalang niya, magsasayang lang siya ng laway.

      Naningkit ang mga mata nito at itinuro si Sebastian, "Siya..."

      "Anong gusto mo sa kaniya?" Nagtaka si Vivi at napatingin sa likod niya.

      "Siya... kayo... May kinalaman siya sa lahat. Protektahan mo siya."

      Lalo pa siyang nagulat. "A-ano?!"

      "Limang pagkakataon Venus. Lima lamang. Pag iyon ay iyong inaksaya, pati siya ay mawawala."

       Magulo. Naguguluhan siya. "Ano ba ang ibig mong sabihin?!"

       Nakaramdam siya ng isang malakas na sampal. Hangin lamang iyon ngunit napakasakit.

       "Si Sebastian! Kayong dalawa! Protektahan mo siya ngunit huwag na huwag kang iibig sa kaniya. Hampaslupa."

      Iyon lamang at nawala na ang matanda.

      Hindi maaaring may kinalaman si Sebastian sa lahat. At lalong-lalo na hindi siya papayag na pag hindi niya nagawa ang misyon na hindi naman niya alam ay madadamay rin ito.

      Bumalik na ang lahat sa normal. Iba na rin ang matandang nasa harapan niya. Agad niyang hinanap si Sebastian, nang makita ito sa likuran niya ay agad niya itong nilapitan kahit na naguguluhan ito at seryoso.

       Sa pagdaiti ng kaniyang kamay sa braso nito ay nakaramdam siya ng matinding hilo. Pakiramdam niya ay may nagmamartilyo sa kaniyang ulo. Napapikit siya sa sakit at napahigpit ang kaniyang paghawak sa binata.

       Naalarma ito at agad siyang hinawakan. Tinitigan na lamang niya ito sa mata ng mabuti. Nanghihini siya at hindi na rin siya makahinga.

       "...Hinta...yin..." Iyon ang lumabas sa kaniyang bibig kahit na hindi niya naman iyon intensyon.

       Nakaramdam siya ng tulo mula sa kaniyang ilong.

       "Nagdurugo ang iyong ilong!" Bulalas ni Sebastian at humingi agad ito ng tulong. Ramdam na ramdam ni Vivi ang pagkataranta nito at takot.

       "...Sebastian." Iyon na lamang at nagdilim na ang kaniyang paningin.

       "Vivi!" Nasambot siya ni Sebastian.

       Agad na may tumulong sa kanila. Labis ang takot niya. Hindi niya ata maatim na masaktan ang dalaga.

      Hintayin?

     

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top