♦️Rainbow After the Rain♦️
Madilim ang kalangitan. Kasabay nang pagbuhos ng malakas na ulan ay ang pag-ihip ng malamig na hangin, na tila isinasayaw ang hindi naman kataasang mga damo sa gilid ng pilapil. Sa gitna ng malawak na bukirin ay matatanaw ang isang lalaki, maputik ang kanyang damit na hindi malaman kung ano ang totoong kulay dahil sa kalumaan. Nakatupi hanggang tuhod ang itim na pantalon.
Nagmamadaling umuwi si Rico mula sa pag-aararo sa bukid na kaniyang sinasaka. Mas lalo kasing sumama ang panahon at lalong lumakas ang patak ng ulan. Ramdam niya iyon dahil sa malabutil ng mais sa laki ang ulan na pumapatak sa kanyang suot na salakot. Wala siyang dalang kapote kaya naman halos nanginginig na siya sa lamig sa gitna ng malawak na bukid.
Hatak-hatak niya ang lubid ng kanyang kalabaw na si Munding. Ito lang ang tanging katuwang niya sa pagtatrabaho sa bukid, kaya naman higit pa sa isang kaibigan ang turing niya rito.
"Tsk. Bilisan mong maglakad Munding. Kailangang makauwi na tayo bago pa tumaas ang tubig sa ilog," sabi niya sa kaniyang kalabaw habang hinahatak ito para bumilis ito sa paglalakad.
Tila naintindihan siya ni Munding. Bumilis ang kilos nito at halos pumantay na ito sa kanya sa paglalakad. 'Di nagtagal ay narating nila ang bahay.
Itinali niya ang tali ni Munding sa puno ng Mangga, malapit lang iyon sa bahay nila.
"Sumilong ka na ro'n," sabi ni Rico. Inginuso niya ang silungan nito na may bubong na gawa sa pawid. Sinadya niyang gawan ito nang masisilungan sa mga panahong tulad nito. "Para hindi ka ginawin," dagdag pa niya. Kahit naman isa itong hayop ay batid niyang may pakiramdam din ito. Hinaplos niya ang likod nito bago siya tumalikod at naglakad patungo sa kanilang bahay.
Nabungaran niya ang asawang si Amor na abala sa pagsisilid ng kanilang damit sa bag na gawa sa sako at pagkatapos ay binalot ito sa malaking plastic. Lumingon ito sa kanya nang mapansin ang kaniyang pagdating. Nangislap ang maamong mukha nito nang makita siya.
"Mabuti naman at umuwi ka na." Ngumiti ito sa kanya at kinuha ang tuwalya saka nito pinunasan ang ulo pati ang mukha niya na nabasa ng ulan. "Dumaan dito si Kapitan kanina, pinapalikas tayo," turan nito matapos punasan ang ulo at mukha niya.
"Bakit? May bagyo ba?" nagtatakang tanong niya. Wala naman kasi siyang naririnig na balita tungkol sa panahon.
"Low pressure lang pero ilang araw ng umuulan. Tumataas na raw ang tubig sa ilog kaya kailangan na nating lumikas," paliwanag ni Amor habang kumukuha ito ng damit sa aparador.
"Napansin ko nga kanina na medyo mataas na ang tubig sa ilog. Kung ganoon ay kailangan na nating magmadali," nag-aalalang sabi niya. Alam din niya na delikado para sa kanila ang lugar na iyon. Malapit sila sa ilog at ilang beses na rin silang binaha. Noong nakaraang bumaha sa lugar nila ay natangay pati ang mga alaga nilang baboy at manok. Iyon na nga lang ang nagsisilbi nilang hanap buhay maliban sa pagsasaka niya sa bukid pero tinangay pa ng baha.
Nag-iba na nga ang panahon kung dati ay lumilikas sila tuwing may bagyo lang, ngayon kahit low pressure pa lang ay kailangan na rin nilang lumikas dahil mabilis tumaas ang tubig sa ilog. Hindi lang talaga ang mga tao, bilihin at kung anu-ano pa ang pabago-bago. Pati ang panahon ay nakikiuso na rin.
"Magpalit ka muna ng damit," sabi ni Amor. At iniabot sa kanya ang kupas na pantalon dahil sa kalumaan, at isang t-shirt na kulay dilaw na halos mabura na ang pangalan ng kandidato na nakasulat sa likod nito. Ibinigay pa iyon ng kandidato noong nakaraang eleksiyon, magtatatlong taon na ang nakakaraan.
Matapos magbihis ni Rico ay tinulungan niya si Amor na itaas ang ibang gamit nila. Para kung sakali mang tumaas ang tubig ay hindi ito anurin. Wala na nga silang pera pati ba naman ang kakapiranggot na gamit nila ay mawawala pa dahil sa baha.
Payak lang ang pamumuhay nilang mag-asawa at pareho silang anak ng magbubukid. Hindi rin siya nakatapos ng pag-aaral dahil kapos din sila sa pera. Mas pinili niyang tumulong na lang sa ama sa pagtatrabaho sa bukid para makatapos ng pag-aaral ang isa niyang kapatid. Sa awa naman ng Diyos ay nakatapos ito at ngayon ay maganda na ang trabaho sa Manila. Samantalang siya ay isang dakilang magsasaka pa rin, siya na lang ang nagsasaka dahil matanda na ang kanyang ama at hindi na nito kaya ang trabaho sa bukid.
Sa tatlong taon nilang pagsasama ng asawang si Amor ay hindi pa rin sila binibiyayaan ng anak. Iyon na lang ang kulang sa kanilang dalawa para maging buo ang kanilang pamilya. Pangarap niya ang magkaroon ng anak. Sa katunayan ay naiinggit siya sa kanyang mga kaibigan, dahil may mga anak na sumasalubong sa mga ito tuwing uuwi galing sa maghapong pag-aararo sa bukid.
Matapos nilang maitaas ang mga gamit na maiiwan nila ay naghanda na sila para umalis. Bitbit ni Rico ang mga damit nila at kaunting pagkain na nakalagay sa maliit na supot. Si Amor naman ay karga-karga ang alagang aso na si Twinie, parang anak na ang turing nito sa alagang aso kaya hindi pwedeng maiwan ito.
"Sandali lang," sabi ni Rico. Naglakad siya palapit sa puno ng Mangga. "Isasama natin si Munding hindi siya pwedeng maiwan dito," turan niya sa asawa.
Tumango naman si Amor sa asawa at saka siya ngumiti. Parang anak ang turing nila kay Twinie, kay Munding naman ay para nila itong kapatid kung ituring dahil malaking tulong ito kay Rico pagdating sa mga trabahong bukid.
Naglakad ang mag-asawa paakyat sa mataas na lugar kung saan naroon ang eskuwelahan na nagsisilbing evacuation center. Wala paring tigil ang malakas na buhos ng ulan at may kasama pa itong hangin na halos liparin na ang dala nilang payong.
"Ihahatid ko lang kayo roon," turan ni Rico.
Nagtatakang lumingon ang asawang si Amor. Bakas ang pag-aalala sa mukha nito nang lumingon sa kanya.
"Bakit? Masama na ang panahon. Saan ka pa pupunta?" nag-aalalang tanong nito.
"Pupuntahan ko sina Amang at Inang sa ilaya. Kinakabahan ako, eh. Baka may masamang mangyari sa kanila. May katigasan pa naman ang ulo ni Amang baka hindi sila lumikas." Bakas sa mukha ni Rico ang labis na pag-aalala para sa kanyang mga magulang.
"Kung ganoon ay sasamahan kita," ani ni Amor.
"'Wag na. Ako na lang. Bantayan mo na lang iyang si Twinie, silip-silipin mo rin itong si Munding," bilin ni Rico.
Nakarating sila sa evacuation center, marami na ring pamilya ang naroon. Hinanap ni Rico ang kaniyang mga magulang ngunit wala ito roon. Tama nga ang kaniyang hinala. Marahil ay nagmatigas na naman ang kanyang amang na huwag nang lumikas.
"Wala sila rito," wika niya. "Pupuntahan ko muna sila, mahal. Dito ka lang. Si Munding silip-silipin mo, ha?" Sinilip nito sa bintana ang kalabaw na nakatali sa puno ng Acacia sa likod ng paaralan.
"Huwag ka na kayang pumunta," nag-aalalang sabi ng kanyang asawa.
"Mabilis lang ako. Susunduin ko lang sila. 'Wag kang masyadong mag-alala, mahal ko. Oragon ata itong asawa mo," pabirong sabi ni Rico. Kumindat pa siya kay Amor saka yumuko at binigyan nang banayad na halik sa pisngi ang nag-aalalang asawa.
"Tsk. Nakuha mo pa talagang magbiro d'yan. Sige na. Pumunta ka na para makabalik ka kaagad dito," nakangiting sabi nito.
Humalik muli siya sa pisngi ng asawa bago siya tuluyang umalis.
"Mag-iingat ka," pahabol ni Amor.
Bilang sagot ay kumaway na lang siya rito.
Mabilis ang mga hakbang ni Rico. Hindi niya alintana ang malakas na ulan marating lamang ang bahay ng kanyang mga magulang. May kalayuan ang bahay ng mga ito dahil nasa paanan ito ng bundok. Kailangan pa niyang tawirin ang ilog para lamang makarating doon.
Nang makarating sa ilog ay nakita niyang malapit na itong umapaw. Malakas ang agos ng tubig at halos kulay chokolate na iyon. Marahan siyang humakbang sa tulay na gawa sa pinagdugtong-dugtong na kawayan. Dahan-dahan siyang naglakad sa ibabaw noon, kaunting pagkakamali lang tiyak na sa kabaong ang bagsak niya. Siguradong hindi siya mabubuhay kung sakaling malaglag doon kahit pa marunong siyang lumangoy.
Matagumpay siyang nakatawid sa tulay at agad naglakad sa maputik na daan paakyat sa paanan ng bundok. Hindi naman siya nag-aalala kahit pa umapaw ang tubig sa ilog dahil alam niyang nasa mataas na lugar ang mga magulang niya. Gusto lang talaga niyang masiguro na ligtas ang mga ito.
Kakaiba kasi ang kabang nararamdaman ni Rico at hindi rin niya matukoy kung ano ang dahilan noon.
Napangiti siya nang matanaw ang kanyang inang na nakasilip sa bintana, maging ang kanyang amang ay nakita niyang nakasuot ng kapote at sinisinop ang mga alaga nitong panabong. Nakahinga siya nang maluwag dahil sa kanyang natatanaw.
Bigla siyang huminto sa paglalakad nang marinig na parang kumulog. Hindi niya alam kung saan nanggaling ang tunog na iyon, nakakakilabot. Naramdaman niyang umuga ang lupa kaya napahinto siya sa akmang paghakbang.
Mula sa kaniyang kinatatayuan ay dumako ang paningin niya sa mataas na bahagi ng bundok 'di kalayuan sa bahay ng kanyang mga magulang. Halos lumundag ang puso niya palabas sa kanyang dibdib nang matanaw ang mabilis na pagragasa ng malalaking bato at lupa pababa sa bundok. Idagdag pa ang mga punong kahoy na tila tinatangay ng agos ng lupa patungo sa bahay ng kanyang ama't ina.
Kasabay ng malakas na buhos ng ulan na pumapatak sa suot niyang kapote, ay ang mabilis na pagragasa ng kanyang mga luha pababa sa pisngi niya. Sinubukan niyang sumigaw at tawagin ang amang nasa labas ng bahay ngunit walang boses na lumabas sa kanyang bibig. Nakita niya ang labis na takot sa ama sa pamamagitan ng kilos nito. Bigla itong tumakbo papasok sa loob ng bahay at ilang saglit lang ay natanaw niyang magkahawak kamay ang mga magulang niya habang palabas sa pintuan ng bahay. Bakas ang takot sa mukha ng mga ito at pinipilit takasan ang nangangalit na kalikasan.
"Amang! Inang!"
Isang malakas na sigaw ang kumawala sa bibig ni Rico. Gustuhin man niyang tumakbo at tulungan ang mga magulang ngunit ang mga paa niya ay tila naging paralisado na. Natuod siya sa kanyang kinatatayuan, tila dumikit ang mga paa niya sa makapal na putik na nakalatag sa kanyang paanan.
Parang pinipiga ang kanyang puso nang matanaw ang unti-unting pagkalugmok ng bahay nila. Ilang sandali lang ay natabunan na ang tahanang kinalakihan niya. Puro lupa at nakatumbang puno na lang ang nakikita niya.
Maging ang kanina'y magkahawak kamay na mga magulang ay kasamang natabunan. Wala siyang kwentang anak dahil wala man lang siyang nagawa upang tulungan ang mga ito.
Unti-unting nanghina ang mga tuhod niya. Bumagsak siya sa putik habang hilam sa luha ang kanyang mga mata. Naglupasay siyang parang bata na inagawan ng paboritong laruan. Ubod lakas siyang humagulgol, sinisisi niya ang kanyang sarili. Wala man lang siyang nagawa.
SA TULONG NG MGA rescuers at ng mga kababayan nila ay matagumpay naman na nakuha ang katawan ng mga magulang ni Rico. Inilagak ang bangkay ng mag-asawa sa maliit na kapilya sa kanilang baryo.
Marami ang nagpaabot ng tulong sa pamilyang naiwan ng dalawang matanda. Dahil sa mga taong may mabuting loob ay mabibigyan ng maayos na libing ang mag-asawa.
Dalawang linggo ang matuling lumipas.
"Rico, halika na... umuwi na tayo," pag-aaya ni Amor sa asawa.
"Mauna ka na, susunod na lang ako," saad ni Rico.
Nakauwi na ang lahat ng mga nakipaglibing. Tanging sila na lamang dalawa ang naiwan sa harap ng puntod ng kanyang mga magulang.
Naramdaman niya ang pagyakap ng asawa sa kanyang baywang. Hindi niya ito pinansin, sa halip ay itinuon niya ang paningin sa dalawang lapida na nasa harap niya.
Muli na namang tumulo ang luha ni Rico. Hanggang ngayon ay patuloy pa rin siyang binabagabag. Simula nang maganap ang trahedya ay palagi siyang ginugulo nito. Maging sa kanyang pagtulog ay nakikita niya kung paanong namatay ang kanyang ama't ina.
"Asawa ko, hindi mo kasalanan ang lahat. 'Wag mo naman sanang pahirapan ang sarili mo," malungkot na saad ni Amor.
"Wala akong silbi!" tiim bagang na sabi niya.
"Rico. Wala kang kasalanan dahil aksidente 'yon. Kalikasan ang may gawa, hindi ikaw! Isa pa'y hanggang doon na lang talaga ang buhay nina Inang at Itang ."
"Nasasabi mo lang 'yan dahil wala ka roon noong mga panahong iyon. Hindi mo nakita kung paano silang nilamon ng lupa na wala man lang akong nagawa. Sana ako na lang ang namatay!"
"Naririnig mo ba ang sarili mo, Rico? Paano naman ako! Paano ako kung ikaw naman ang nawala? Hindi ko kakayanin 'yon, asawa ko."
Narinig niya ang mahinang paghikbi ng asawa. Para siyang binuhusan ng malamig na tubig, saka lang niya napagtanto na mali nga ang mga binitiwan niyang salita. Batid niyang mahal na mahal siya ng asawa at ganoon din naman siya rito. Nang mawala ang mga magulang niya ay para na ring namatay ang kalahati ng kanyang katawan. Buhay pa ang kalahati dahil narito pa sa tabi niya ang asawang si Amor. Mayroon pang isang taong naniniwala sa kanya kaya may dahilan pa siya upang magpatuloy sa buhay.
Ang kapatid niya ay mukhang siya rin ang sinisisi nito. Siguro'y darating din ang panahon na magkaayos-ayos sila. Sasapit ang oras na mapapatawad niya ang kanyang sarili, may kasalanan man siya o wala. Matatanggap niya rin ang lahat ng nangyari.
Agad niyang niyakap ang asawa.
"Patawad, asawa ko," ani niya. Habang hinahaplos ang likod nito. Ngunit bigla itong nawalan ng malay-tao kaya nataranta siya. Agad niya itong binuhat, ni hindi na siya nakapagpaalam sa puntod ng mga magulang.
"A-amor! Anong nangyayari sa 'yo?" tanong ni Rico. "Wag mo akong iiwan, ah? Dadalhin kita sa ospital."
Mabuti na lang at may mga tricycle na nakaparada sa tapat ng sementeryo. Agad niyang dinala sa pinakamalapit na ospital ang asawa.
Kabado siya habang nasa labas ng emergency room. Ang inaalala niya ay baka inatake ito sa puso, pero wala naman siyang alam na may ganoong sakit ito. Ipinilig niya ang ulo at saka pumikit at taimtim na nagdasal. Hindi niya kakayanin kung pati si Amor ay iiwan din siya. Ikamamatay niya iyon.
"Kumusta po, dok. Ano po ang lagay ng asawa ko? Maayos na po ba siya?" sunod-sunod na tanong niya sa doktor na sumuri kay Amor.
Ngumiti ang may katabaang doktor.
"'Wag kang mag-alala, ligtas na ang asawa mo. Sa katunayan ay wala naman siyang sakit. Normal lamang sa nagdadalang tao ang mawalan ng malay, pagsusuka o paiba-iba ng nararamdaman," nakangiting pahayag nito.
"A-ano ho, buntis po ang asawa ko?" hindi makapaniwalang tanong niya. Gusto lang niyang makomperma kung tama nga ang narinig niya.
Tumawa ang doktor. "Oo. Buntis ang asawa mo. Kailangan mo siyang ingatan at alagaan dahil sa pagsusuri ko kanina sa asawa mo ay kambal ang magiging anak n'yo."
"T-talaga, dok?"
Napailing na ang doktor. "Oo. 'Wag kalimutan ang check up buwan-buwan. Sige na, puntahan mo na 'yong asawa mo."
Hindi mabura ang malapad na pagkakangiti sa mga labi ni Rico. Daig pa niya ang nanalo sa lotto. Sa tagal ng pagsasama nilang mag-asawa, sa wakas ay biniyayaan na sila ng Diyos. Hindi lang isa kundi dalawa pa. Kahit magkayod kalabaw siya sa pagtatrabaho sa bukid ay gagawin niya maibigay lang ang lahat ng kailangan ng kanyang mga anak.
Tunay ngang pagkatapos ng unos ay may lumilitaw na bahaghari. Nagpapahiwatig na muling magkakaroon ng kulay ang buhay. Muling sisikat ang bagong umaga at bagong pag-asa sa buhay niya.
Nawala man ang kanyang mga magulang ngunit pinalitan naman ito ng Diyos. Binigyan siya ng dalawang anghel na siyang dahilan upang magpatuloy sila sa buhay. God is good all the time talaga.
END
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top