PAGLISAN

Mula sa balkonahe ng aking silid ay tahimik kong tinatanaw ang mga bituin sa kalangitan. Para silang mga brilyanteng kumikislap-kislap at hindi matatawaran ang taglay nilang kagandahan.

Hindi ko mapigilan ang pagguhit ng ngiti sa aking mga labi. "Ganito pala ang pakiramdam." Pinagsalikop ko ang aking mga palad. Hanggang ngayon ay parang nakalutang pa rin ako sa alapaap, walang paglagyan ang tuwa sa aking dibdib.

Mayamaya ay naagaw ang atensiyon ko sa isang papel na lumilipad patungo sa aking kinaroroonan. Saglit akong napaurong, ngunit lalo lamang lumapad ang pagkakangiti ko nang bumagsak ito sa aking paanan.

Marahan kong dinampot ang papel na nakatiklop sa hugis na parang eroplano. Pagkatapos ay agad akong sumilip sa ibaba.

"Arturo!" usal ko habang nakatuon ang aking tingin sa binatang nasa ibaba. Prente siyang nakasandig sa puno ng Mangga na nasa tapat ng balkonahe ng aking silid. "Ano ang ginagawa mo riyan?"

Sa halip na sumagot, matamis na ngiti ang gumuhit sa mga labi niya. Nangungusap ang singkit niyang mga mata habang nakatingala sa akin. Inililipad ng hangin ang medyo may kahabaan at alon-alon niyang buhok. Nakabukas ang ilang butones ng suot niyang polo kaya naman tanaw na tanaw ko ang dibdib niyang maagang hinubog ng panahon. Kahit may mga punit ang kupas na pantalon niya at lumang tsinilas lamang ang sapin sa mga paa, sa aking paningin ay perpekto pa rin siya. Siya na yata ang pinakamakisig na lalaking nakita ko.

"Natulala ka na riyan!" aniya at saka tumawa nang mahina. Tila natauhan naman ako. Nawawala talaga ako sa aking sarili sa tuwing nasa paligid siya. Itinuro niya ang hawak kong papel kaya mabilis ko itong pinasadahan ng tingin.

Isa na namang tula mula kay Arturo, ang lalaking aking minamahal. Hindi talaga siya nagsasawang gumawa ng tula para sa akin. Dinala ko sa aking mga labi ang papel, marahan itong hinalikan, at muli kong itinuon ang aking tingin kay Arturo.

"Salamat," bulong ko.

"Nagustuhan mo ba?"

"Basta galing sa 'yo... kahit ano ay magugustuhan ko." Ngumiti ako at saka hinawi ang ilang hibla ng buhok na kumalat sa aking mukha.

"Mahal kita, Beatrice." Lalong naging malamlam ang mga mata niya, may bakas ng pag-aalinlangan.

Parang kinurot ang puso ko. Batid ko kung ano ang gumugulo sa isipan ng aking nobyo.

"Mas mahal kita, Arturo. Magkita tayo bukas, sa dating tagpuan."

Nagliwanag ang mukha ni Arturo habang nakatingala sa akin. Tumango-tango siya. "Hihintayin kita," aniya.

Akmang sasagot ako nang may kumatok sa pinto ng aking silid.

"Beatrice! Beatrice! Buksan mo ito!" Rinig ko ang malakas na boses ng aking ama. Agad na kumabog nang mabilis ang aking dibdib.

"Si Papa!" usal ko. Sumenyas ako kay Arturo para umalis na siya. Hindi siya maaaring makita ni Papa. "Bukas na lang-dating oras!"

Napakamot siya sa ulo bago tumalikod at mabilis na naglakad paalis.

Bagsak ang aking mga balikat nang tunguhin ko ang pinto para pagbuksan ang aking ama.

"Ba't ang tagal mo?" bungad niya, at saka pinagala ang tingin sa kabuuan ng aking silid.

"W-Wala naman, pa. Nagpapahangin lang ako sa balkonahe."

"Bueno. Gusto kong sabihin sa 'yong bukas ay darating ang mga Santos," aniya.

Sandali akong natigilan sa aking kinatatayuan. "Pero, Pap-"

"Nag-usap na tayo tungkol dito, Beatrice! 'Wag mo 'kong ipapahiya sa aking kumpadre!" Pinanlakihan niya ako ng mga mata at kaagad na tinalikuran. Kulang na lang ay matanggal ang pinto ng aking silid nang marahas itong isara ni Papa.

Ilang minuto akong natigilan. Nagpupuyos ang aking dibdib pero wala akong magawa. Alam ko kung ano ang kayang gawin ni Papa, pero wala akong lakas ng loob para salungatin ang lahat ng kagustuhan niya.

Kinabukasan, mataas na ang sikat ng araw nang nagising ako. Nakatulugan ko na ang sobrang pag-iisip. Medyo sumasakit ang aking ulo pero kailangan kong bumangon. Mabilis kong inayos ang aking sarili. Isang bulaklaking bestidang hanggang tuhod ang napili kong isuot. Hinayaan ko na lamang na nakalugay ang lagpas balikat kong buhok, pagkatapos ay lumabas na ako sa aking silid.

Pababa pa lang ako sa hagdan ay humahalimuyak na ang mabangong amoy ng pagkain na nagmumula sa kusina. Rinig ko rin ang malakas na tawanan sa sala at bukod-tanging nangingibabaw ang boses ni Papa.

Muli sana akong aakyat sa itaas nang marinig ko ang tinig niya.

"Mabuti naman at nagising ka na, Beatrice. Aba'y nakakahiya sa mga bisita natin."

"Pasensiya na, pa, medyo tinanghali ako." Napakamot ako sa aking ulo. Nang idako ko ang tingin sa mga bisita ay tipid akong ngumiti.

"Kumusta ka na, Beatrice?" bati sa akin ni Tita Marga. Malapad ang pagkakangiti niya nang nagmano ako, at alam kong hinagod niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa.

"Mabuti po."

"Mama... 'yan ang dapat mong itawag sa akin, hija."

"Kay gandang dilag. Aba'y ka-swerte nitong binata ko, kumpadre!" bulalas ni Mr. Santos. Sinagot naman ito nang malutong na tawa ni Papa.

Hindi ko pinakinggan ang pinag-uusapan nila. Sa halip, itinuon ko ang aking pansin kay Ricardo na nakatitig din sa akin. Sa totoo lang, hindi ko gusto ang presensiya niya.

"Pwede ba tayong mag-usap?"

Ngumiti siya nang malapad. "Oo naman," sagot niya.

Nagpaalam kami sa aming mga magulang na lalabas muna at pumayag naman sila. Nagpatiuna na ako habang nakasunod sa aking likuran si Ricardo. Ramdam ko ang paghangod niya ng tingin sa aking kabuuan. Lihim na lamang akong napailing at nilabanan ang pagtayo ng aking mga balahibo.

Nagtungo kami sa hardin na nasa tagiliran lamang ng malaking bahay.

"Maupo ka." Itinuro ko ang mga upuang gawa sa kahoy.

"Ano ba ang pag-uusapan natin? Mas maganda kung mamaya na lang natin ito gawin... sa harap nina Papa at Tiyo Fernan," aniya, saka umupo nang nakadi-kuwatro, at nakangising sumandal sa upuan.

Napaismid ako.

"Sinabi ko na sa 'yo na hindi kita gusto, Ricardo. Hindi ako papayag sa kasunduan!" Mahina ngunit matigas ang pagkakabigkas ko. Hindi na ako nagpaligoy-ligoy pa. Talagang kumukulo ang dugo ko sa kanya.

Nawala ang ngisi niya. Namula ang mukha ni Ricardo at naningkit ang mga mata. Ngunit hindi ako natinag, sa halip ay pinukol ko rin siya nang nagbabagang tingin.

"At bakit? Dahil sa trabahador na 'yon? Dahil sa kanya, tatanggihan mo ang isang anak mayamang katulad ko? Ano'ng ibubuhay sa 'yo ng  pobreng 'yon, ha?"

"H-Hindi kita ma-"

Bigla akong nilapitan ni Ricardo at marahas na hinawakan sa magkabilaang braso.

"Ikakasal ka sa akin sa ayaw at sa gusto mo, Beatrice!" aniya na nanlilisik ang mga mata. Kulang na lang ay lunukin niya ako nang buhay. "Itatak mo 'yan sa kokote mo!" Ibinalya niya ako sa upuan, pagkatapos ay nagmamadali siyang umalis.

Naiwan akong tulala, hinahabol ang hininga, iniinda ang kumikirot kong likod at mga braso.

Kusang tumulo ang luha sa aking mga mata. Hindi ko matatanggap na makasal sa hayop na lalaking iyon!

Sumapit ang tanghalian, tahimik lamang akong nakikinig sa pag-uusap nila. Pinipilit kong lunukin ang pagkain kahit na pakiramdam ko'y wala itong kalasa-lasa.

"Ano, Beatrice? Sang-ayon ka bang sa ika-sampu ng Desyembre gaganapin ang kasal ninyo ni Ricardo?" tanong ni Papa.

"Kayong bahala, papa. Halatang planado ninyo ang kasal na 'yan. Wala rin namang halaga kung ano ang pas—"

"Beatrice!" sabat ni Mama. Pinanlakihan niya ako ng mga mata. Si Papa naman ay nag-iigting ang mga panga habang matalim na nakatingin sa akin.

Isa-isa ko silang tinitigan, pagkatapos ay tumayo ako't iniwan silang walang paalam. Bastos man kung ituturing, pero wala na akong pakialam.

"Bumalik ka rito, Beatrice!" Maawtoridad ang boses ni Papa pero hindi ako natinag sa pag-akyat sa aking silid. Ihahanda ko na lamang ang aking sarili sa nag-aapoy niyang galit. Handa kong tiisin iyon kaysa sa patuloy na makinig sa mga desisyon nilang taliwas sa aking kagustuhan!

Pasado ala-una ng hapon nang matanaw kong umalis ang sasakyan nina Ricardo. Ilang sandali lang ay binulabog na ako nang malakas na sigaw ni Papa.

"Beatrice! Buksan mo ang pintong ito! Magtutuos tayo! Walang hiya ka! Buksan mo 'to!"

Pulang-pula ang mukha ni Papa nang pagbuksan ko siya.

"Ang lakas ng loob mong ipahiya ako sa kanila! Wala kang modo!" Mabilis na dumapo ang malaking palad ni Papa sa aking pisngi. Halos mabingi ako, pakiramdam ko'y namanhid ang aking mukha. Hindi nagtagal ay nalasahan ko ang maalat na likido sa gilid ng aking labi.

Hindi na ito bago sa akin. Simula pagkabata, hindi ko na mabilang kung ilang beses na bang dumapo ang palad niya sa aking mukha.

Tila umikot ang aking paningin nang isa na namang sampal ang sumalubong sa akin. Kasunod ang marahas na paghablot ni Papa sa aking buhok. Kulang na lang ay mapunit ang aking anit.

"T-Tama na, Fernan! Baka naman mapatay mo 'yang anak mo!" sigaw ni Mama.

"Hindi ko palalampasin ang kabastusan nito!" sabi ni Papa, sabay tulak sa akin. Dahil sa ginawa niya ay tuluyan na akong sumubsob sa sahig. Kahit sobrang sakit na, tila wala na akong luhang mailalabas pa. Naipon na ang sama ng loob sa aking dibdib!

"P-Patayin mo na lang ako, Papa! Sawang-sawa na ako sa kamay n'yong bakal! Pagod na pagod na akong sumunod sa lahat ng gusto ninyo!"

"Aba't! Talagang lumalaban ka na? Hoy, Beatrice, hindi kita pinag-aral at at pinagtapos ng medisina para lang suwayin ang lahat ng kagustuhan ko... anak lang kita!"

"Matanda na po ako, papa, hayaan n'yong ako naman ang magdesisyon para sa sarili ko." Sinubukan kong lumuhod sa harap niya, pero tadyak lang ang napala ko. Mabilis akong dinaluhan ni Mama habang nakasalampak sa sahig.

"Anak, sundin mo na lang ang papa mo. Humingi ka ng tawad sa kanya," bulong ni Mama. Napailing ako. Kailanma'y nagiging sunod-sunuran lang siya kay Papa.

"Umamin ka nga, Beatrice. Totoo bang may relasyon kayo ni Arturo? Kaya ba ganyan na lang ang pagtanggi mong magpakasal kay Ricardo?"

Tinitigan ko si Papa habang nakapamaywang siya sa aking harapan. "O-Oo, papa. M-Mahal ko si Arturo."

"Hindi ko matatanggap ang isang trabahador! Ngayon pa lang, kailangang putulin mo ang ugnayan ninyong dalawa, lkundi malilintikan sa 'kin ang lalaking 'yon!" ani Papa habang nagtatagis ang mga bagang.

Napayuko na lamang ako at naikuyom ang aking mga palad. Marami akong gustong sabihin, pero alam kong lalo lamang magliliyab ang apoy sa dibdib
ni Papa.

"'Wag mong palalabasin iyang balahura mong anak kung ayaw mong pati ikaw ay malintikan! Ikandado mo ang silid na ito!" aniya kay Mama bago siya tuluyang lumabas.

Hinagod ni Mama ang aking likod. Ngunit hindi niyon natanggal ang bigat na aking dinadala.

"Intindihin mo na lang ang papa mo. Mahal ka lang niya," sabi ni Mama bago lumabas ng aking silid.

Sa pagkakataong iyon ay hindi ko na napigilan ang pagtulo ng aking mga luha. Mahal? Kailanman ay hindi ko iyon naramdaman kay Papa. Lahat ng gusto niya ay sinunod ko. Walang ibang mahalaga sa kanya kundi ang masunod ang lahat ng naisin niya. Sobra na. Hindi na ako makahinga sa bahay na ito!

Pasado alas-tres ng madaling-araw, gamit ang mga kurtina at kumot na pinagdugtong-dugtong ko, maingat akong bumaba sa balkonahe ng aking silid. Nakapagdesisyon na ako. Oras na para lisanin ang bahay na ito.

Malalim na buntonghininga ang pinakawalan ko habang patungo sa bahay nina Arturo na nasa gilid ng malawak na palayang pag-aari ng aking pamilya. Bukas na ang ilaw sa loob at halatang gising na ang mga tao roon. Hindi ko alam kong tama ang gagawin ko, pero mas magsisisi lang ako kung hindi ko ito susubukan.

"Sino 'yan?" tanong ni Nanay Maria, ina ni Arturo nang kumatok ako.

"A-ako po ito, si Beatrice." Mahigpit kong naikuyom ang aking nanlalamig na mga palad.

Agad na bumukas ang pinto at bumugad sa akin si Arturo, nasa tabi niya si Nanay Maria na nakamaang sa akin.

"Mahal ko, bakit may dala kang bag? Aalis ka?"

"Maari ba tayong mag—" Naputol ang sasabihin ko nang mapagmasdan ko si Arturo, puro pasa ang mukha niya at may sugat sa gilid ng kilay. "Si Papa ba ang may gawa niyan?"

"Dapat nga kayong mag-usap na dalawa," sabat ni Nanay Maria at saglit na tumitig sa akin. "Ipagtitimpla ko kayo ng kape," aniya bago siya tumalikod.

Muli kong pinagmasdan si Arturo. Nakakunot ang noo niya at nakatuon ang tingin sa bitbit kong bag na hindi naman kalakihan. Naglalaman ito ng ilang mga personal kong gamit at mga dokomentong kailangan ko para makapasok sa trabaho.

"Iiwanan mo ako? Sasama ka sa hambog na Ricardong 'yon?" Malamig ang boses niya kaya lalong bumigat ang dibdib ko.

"K-Kailangan kong umalis dito. Ayokong makasal kay Ricardo, alam mo naman 'yon."

"Ang sabi ng papa mo, pumayag ka na at namanhikan na sa 'yo kahapon. Kaya ba hindi ka pumunta sa burol?"

"Pasensya na. Dumating sila sa bahay at pinag-usapan ang tungkol sa kasal...hindi ako pumayag." Nakita kong nagliwanag ang mukha niya. "Hindi ako pwedeng magtagal dito. Tumakas ako't baka masundan ako ni Papa rito. Gusto ko lang... magpaalam sa 'yo at makita ka bago ako umalis sa lugar na ito." Biglang nagtubig ang aking mga mata. Naramdaman ko na lang na nakakulong na ako sa mga bisig ng lalaking ayaw ko sanang iwanan.

"Kung aalis ka, sasama ako, Beatrice. Pumunta tayo sa lugar na malayo sa papa mo!" aniya. Hindi ko inaasahan na sasabihin niya iyon pero dahil doon ay lumuwag ang pakiramdam ko.

"Paano ang pamilya mo, iiwanan mo sila?"

Tumango siya. "Maiintindihan  tayo nina Inang at Itang."

Hindi na kami nag-aksaya ng panahon. Nagpaalam kami sa mga magulang niya at wala naman kaming nakuhang pagtutol mula sa kanila. Suportado nila ang napagdesisyunan namin ni Arturo.

Tahimik akong nakatanaw sa labas ng bintana ng bus na aming sinasakyan patungo ng Maynila. Kay gandang pagmasdan ang unti-unting pagsikat ng araw sa silangan. Para bang sinasabing tama ang desisyon ko. Isa itong panibagong araw sa piling ng lalaking pinakamamahal ko.

-----

Pilit kong dinala sa aking dibdib ang maliit at lumang kahon na naglalaman ng mga sulat, tula, at Christmas card ni Arturo. Hanggang ngayon ay patuloy ko pa rin siyang naaalala. Nangungulila pa rin ako sa pagkawala niya. Nakalulungkot nga lang na una siyang kinuha ng Diyos. Limang taon na rin ang nakararaan nang bawiin siya sa akin.

Isang buntonghininga ang pinakawalan ko nang marinig ko ang kantang "Sana Ngayong Pasko" ni Ariel Rivera. Ilang buwan na lang, palapit na nang palapit ang pasko. Akmang-akma sa nararamdaman ko ang sinasabi sa kanta. Kahit wala na siya, narito pa rin ako, nangangarap na muli siyang makita at makasama. Kaunting panahon na lang. Ramdam kong malapit ng mangyari iyon.

"Kumusta na ang pakiramdam mo, dok?" tanong ni Ann, ang isa sa mga nars nakatalaga sa katulad kong tinamaan ng nakamamatay na virus. Balot na balot siya ng PPE.

Pilit akong ngumiti. "H-Hindi pa rin bumubuti. Habang tumatagal, lalo lamang akong nahihirapang huminga."

"Makakayanan n'yo po 'yan. Laban lang! Naghihintay po sa inyo ang mga anak n'yo," aniya.

"O-Oo nga. Mukhang mapapaaga yata ang retirement ko. Ann, kung sakaling mawala ako... pwede bang isama mo sa akin ang kahong ito," usal ko.

"'Wag kang magsalita ng ganyan, dok. Virus lang 'yan, Doctor kayo," aniya.

Iyon nga ang mahirap. Walang pinipili ang covid, kahit sino puwedeng tamaan. Doctor ako, pero narito ako at ilang araw nang nakaratay katulad ng iba pa.

Mayamaya ay gumuhit ang kirot at kasabay ang paninikip ng aking dibdib. Para ding umiikot ang aking paligid. Natanaw ko pang nagsilapitan ang mga nars at ang doctor na nakatalaga nang tawagin ito ni Ann upang daluhan ako. Hanggang sa tuluyang nagdilim ang paligid ko.

------

Marahan kong iminulat ang aking mga mata. May mahihinang tinig akong naririnig na tumatawag sa akin.

"Ma, lumaban ka! Ma, hihintayin ka namin... Magsasama-sama pa tayo sa pasko!" boses ni Andrew, ang panganay naming anak ni Arturo.

Hawak ni Ann ang isang laptop at naaninag ko ang mukha ng aking mga anak, manugang at mga apo. Gustuhin ko mang magsalita, ngunit hindi ko iyon magawa dahil sa nakakabit na tubo sa aking bibig. Ni hindi ko maigalaw ang aking katawan.

"Kayanin mo, ma. Nandito lang kami. Mahal na mahal ka namin," rinig kong sabi ni Zab, ang aking bunso.

Alam kong nahihirapan silang makita ako sa ganitong kalagayan. Pinilit kong itaas ang aking kamay upang abutin ang screen ng laptop. Gusto kong haplusin ang mukha nila. Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng aking luha. Mahal na mahal ko rin sila  ngunit hindi ko na kayang tiisin ang nararamdaman kong panghihina.

Kahit paano'y panatag akong mawawala. Sapagkat maayos na rin naman ang mga buhay nila. Masaya pa rin akong lilisanin ang mundong ito.

Hindi ko na sila makakasama sa darating na pasko ngunit sa pupuntahan ko, siguradong naroon si Arturo. Muli na kaming magsasama sa buhay na walang hanggan...sa kabilang buhay.

Habang dumaraan ang bawat segundo, pasikip nang pasikip ang dibdib ko. Unti-unti na ring humihina ang tinig ng aking mga anak, at para bang kay bigat ng aking talukap, ilang saglit lang ay tuluyan kong naipikit ang aking mga mata.

Walang ingay. Katahimikan lamang ang bumabalot sa buong paligid. Nasa gitna ako ng malawak na harden na punong-puno ng mga naggagandahang bulaklak.

Napangiti ako nang matanaw ko ang lalaking parating. Ngumiti siya sa akin, at inabot ang aking kamay. Sa wakas! Magkasama na kaming muli, magkahawak ang kamay. Kahit walang salitang namutawi sa aming mga labi, punong-puno naman kami ng saya,  nakikita ko iyon sa nangungusap niyang mga mata. Sa mundong ito, walang kamatayang makapaghihiwalay sa mga pusong totoong nagmamahalan.

End!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top