R E P L E K S I Y O N
📌
Nakaupo ako sa isang sulok at nagmumuni-muni,
Tinatanong ang aking sarili,
Ano kaya ang mangyayari sa akin makalipas ang ilang taon mula ngayon?
Maaabot ko kaya ang pangarap kong maging tagapagtanggol sa hukuman?
Ano kaya ang aking magiging itsura?
Ilang tao pa kaya ang dadaan sa akin at magpapakilala?
Hindi ko tuloy maiwasang matakot at mangamba,
Paano kung sa panahong iyon, ang mga pangarap ko'y hindi ko pa nagawa?
📌
Napa-angat ako ng tingin,
Napatitig sa aking repleksiyon sa salamin,
Bakit tila hindi ko kilala ang nasa harap ko?
Ako pa ba talaga ito?
Sapagkat sa aking pagkakaalala'y hindi ako ganito,
Dahil ang alam kong ako ay hindi titigil hangga't hindi nakakamit ang inaasam-asam,
Samantalang ang kaharap ko'y puno naman ng agam-agam,
Walang tiwala sa sariling kakayahan.
📌
Magalak ka sa problemang iyong kinakaharap,
Ang sabi ng ilang taong kakilala ko,
Ngunit paano akong magagalak kung lahat ay sobrang napakahirap?
Na sa sobrang hirap ay nais ko na lamang sumuko.
📌
Napakasayang magkaroon ng kalayaan,
Kahit pa walang kasiguraduhan sa daang tatahakin,
Ayos lang, basta't malaya akong makapipili,
Kahit pa alam kong posible kong mailigaw ang aking sarili,
Ang mahalaga'y mayroong akong pananagutan,
Handang harapin ang kahihinatnan,
Maging ito man ay kawagian o kabiguan,
Maluwag kong tatanggapin,
Sapagkat alam kong sa dulo ng aking buhay,
Kasiyahan ay ganap ko ring makakamtan,
Hindi man sa ngayon,
Pero sa pagtatapos ng aking paglalakbay.
📌
May tila bombilyang umilaw sa itaas ng aking ulo,
Hindi dapat ako sumuko,
Dapat ay tapusin ko ang aking nasimulan,
Dahil tiyak ako'y makararating din sa aking paroroonan,
Kasama ko ang Diyos kaya't lahat ay aking mapagtatagumpayan,
Sa hinaharap man yan o maging sa kasalukuyan,
Dahil taglay ko rin ang pagmamahal at katatagan,
Na kaloob ng Diyos na kailanma'y hindi ako iniwan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top