CHAPTER 1
[20 YEARS AGO]
MATAAS NA ang sikat ng araw nang magising ang walong gulang na batang babae.
Halos isang taon na rin siyang naninirahan sa orphanage dahil na rin sa isang taon na rin nang maganap ang isang masalimuot na pangyayari sa kanyang buhay na pitong taon niyang ininda.
Ang kanyang mga pasa ay naghilom na rin at hindi na makikita sa hitsura nito ang bakas ng sakit at paghihirap na naranasan niya.
"Magandang umaga mga bata. Lumabas na kayo at nang makapag-almusal na tayo." saad ni Sr. Perla nang magising ang mga bata sa loob ng isang kwarto sa orphanage.
Nagsiunahan ang mga bata sa paglabas ng kwarto ngunit sinigurado ni Sr. Perla na walang madi-disgrasya sa kanila.
Nang makalabas ang mga ito ay nagdesisyon ang batang babae na ayusin na muna ang kanyang higaan at bahagyang nagdasal ng taimtim bago umalis ng kanyang kama at nagtungo sa harapan ng madre.
"Kamusta ang tulog mo? Maayos ba?" tanong ng madre at inabot nito ang kanyang kamay na malugot namang tinanggap ng batang babae.
"Opo sister. Maayos naman po ang tulog ko. Medyo maingay lang po yung mga kasama ko po sa loob ng kwarto pero okay naman po silang kasama." masaya niyang saad habang patalon-talon sa tabi ng madre nang hindi binibitawan ang kamay nito.
"Mabuti naman kung ganoon. Mukhang nakakapalagayan mo na ng loob ang ibang mga bata. Masaya akong malaman na magaan na ang loob mo sa kanila." nakangiting saad naman ng madre ng hindi inaalis ang pagkakangiti sa bata.
Bago napunta ang bata sa bahay-ampunan ay dumaan muna ito sa DSWD upang mailayo siya sa mga kapamilya na hanggang ngayon ay pinaghahanap parin ng mga pulis.
Ilang buwan din siyang nag-undergo ng medication. Mahirap noong una dahil hindi niya kayang sabihin sa kahit na sino ang nangyari sa kanya. Ngunit kalaunan ay nakapagsabi na rin siya sa psychiatrist kaya naunawaan nila ang nangyari.
Ilang buwan ang ginugol niya sa hospital hanggang sa napunta na siya sa pangangalaga ni Sr. Perla.
Sa mga unang araw na pamamalagi ng bata sa orphanage ay mapapansing halos araw-araw itong hindi makakain. Lagi niya noong tinatanggihan ang mga pagkaing nakahain para sa kanila, sinasabing hindi siya nagugutom.
Kapag napagbibigyan naman ang mga batang makapaglaro ay lagi niyang sinasabi na wala siyang ganang makipaglaro sa mga bata. Minsan nga, napipilitan na lang siyang makisalamuha sa mga kapuwa bata upang mapagbigyan lang ang pamimilit ng ibang mga matatanda na nagbabantay sa kanila.
Kung wala itong ganang kumain at wala itong balak makipaglaro, minsan nama'y hindi na lang ito umiimik. Pinakamahabang pananahimik nito ay umabot ng dalawang linggo. Akala nga nila Sr. Perla noon ay napipi na siya kaya nagpadala pa sila ng mga taong magtuturo sa kanila ng hand language nang magkaintindihan sila. Pasalamat na lang dahil nagsalita rin ito noong sabihin niyang masakit ang katawan niya.
Gabi-gabing umiiyak ang bata. Walang araw na hindi mapupuno ng impit at ungol sa loob ng kwarto ng dahil sa mga napapanaginipan ng bata. Kahit na tanungin nila kung ano ang nangyari o kung ano ang napapanaginipan niya ay nananahimik lang ito na para bang isang nakatatakot na nilalang ang kinahaharap tuwing pipikit ang kanyang mga mata.
Halatang ayaw niyang pag-usapan ang mga nangyayari at nirerespeto nina Sr. Perla iyon dahil grabe rin ang pinagdaanan ng bata. Pasalamat sa Diyos dahil naka-survive pa siya sa masalimuot na nangyari.
"Sigurado naman akong hindi ka na binabangungot o nakakapanaginip ng mga nakatatakot na bagay?" gusto lang namang itanong ng madre ang tungkol sa mga panaginip nito upang makasiguro kung okay na ba siya. Ngunit nang humigpit ang pagkakahawak ng bata sa kamay ng madre ay iyon na ang naging rason upang bahagyang kabahan si Sr. Perla.
Alam nitong sa simpleng aksiyon ng bata ay mayroon parin itong mga bagay na itinatago na hindi parin kayang sabihin.
"Anak," napatigil sila sa paglalakad at kaagad namang hinawakan ni Sr. Perla sa balikat ng bata sabay ngiti rito. "Hindi ka parin ba okay? Gusto mo bang magpatingin ulit tayo sa mga doktor? Sasamahan kita?"
Ngumiti ang bata na parang walang problema sabay iling sa sinabi ng madre.
"Ayaw ko po sister. Wala naman po akong sakit tsaka mahal po ang magpa-doktor." sagot ng bata tsaka kaagad kinuha ang kamay ng madre at nagtuloy silang pumunta sa cafeteria ng orphanage upang makapag-almusal na sila.
MGA BANDANG HAPON ay masayang naglalaro ang mga bata sa playground ng orphanage ngunit ang walong taong gulang na babae lamang ang hindi nakiki-halubilo sa kadahilanang gusto nitong mapag-isa.
Nagbabasa lang siya ng librong pambata na bigay sa kanya ng mga ginang na nagbabantay sa kanila.
Paboritong-paborito talaga niya ang mga kwento ng Disney princesses lalong-lalo na ang kwento ni Cinderella dahil napakabait ni Cinderella pati na ang mga kaibigan nitong hayop. Kahit na nasasaktan ay naging positibo parin ito sa buhay. At gusto niyang maging kasing-tapang si Cinderella.
Ngunit kaagad namang naistorbo ang taimtim niyang pagbabasa nang marinig niya ang dalawang babaeng nag-uusap, di kalayuan sa kanyang kinatatayuan, habang tinuturo ang direksyon kung saan makikita ang opisina ng orphanage.
"Sana ako na ang ampunin nila. Gusto ko nang magkaroon ng pamilya na bibilhan ako lagi ng mamahaling gamit." maarteng saad ng batang naka-pulang damit. Kung tutuusin ay halatang may lahing dayuhan ang bata. Siguro'y napadpad lang rito ang bata dahil sa hindi ito kayang alagahan ng magulang.
"Ako na lang sana ang kunin nang makaalis na ako rito at nang mahanap ko naman ang kapatid ko." puno ng pag-asang sagot naman ng kasama nito na naka-kulay dilaw na bestida. Halata ang lungkot sa mukha nito pagkabanggit pa lamang ng bata sa kapatid na nauna nang inampon ng mayamang pamilya.
Akala niya'y doon na matatapos ang usapan nang biglang may sumingit sa usapan ng mga ito na isang batang lalake na kilala bilang bibo sa orphanage.
"Kapag ako ang kukunin ng mga iyan, sisiguraduhin kong pagtungtong ko ng 20 ay mayaman na ako tapos babalik ako rito upang hanapin kayong lahat. Pero kung sakaling may umampon na sa inyo, hahanapin ko kayo. Peksam!" siguradong-sigurado naman nitong saad na may pagtaas pa ng kamay na parang nananampalataya at gumuhit ng malaking 'X' sa bandang puso nito.
"Ikaw?" napatingin siya sa batang lalake na nakatingin na pala sa kanya. "Gusto mo bang kunin ka ng mag-asawang iyon? Balita ko sobrang yaman daw nila at kaya ka nilang ibili ng maraming—ano ba iyang binabasa mo?"
Maangas nitong tanong sabay nguso sa librong kanyang binabasa.
Bahagya naman niya g isinara ang libro at ipinakita ang cover ng binabasa sa batang lalake na nakanguso at nakakunot ang noo, "Mga kwento ng disney princesses."
"Yun." napa-palakpak ito sabay ngiti sa kanya, "Kaya ka nilang ibili ng libo-libong libro kung ikaw ang aampunin nila. Gusto mo ba?"
Nilingon niya ang direksyon tinitignan ng tatlong bata at nakita niya ang mag-asawang tumitingin-tingin sa playground habang kausap ang madre.
Ngunit nang tumingin ang babaeng nakasuot ng fedora hat sa kanyang gawi at kumaway pa ito ay nagdesisyon siyang umiwas ng tingin sabay harap sa batang lalakeng kausap.
"Ayoko. Mas okay na akong tumanda rito sa loob ng orphanage kaysa naman bumalik ulit ako sa labas. Ayaw ko nang matakot at masaktan ulit."
TAMA ANG SINABI ng batang lalake. Mayaman nga ang mag-asawa at balak na mag-ampon ng bata. Masaya siya dahil hindi siya ang pinili ng mag-asawa na ampunin ngunit bahagya siyang nalungkot dahil ang inampon ng mga ito ay ang batang lalake na nakausap niya kanina.
Masaya ang batang lalake dahil aa wakas ay magsisimula na itong isakatuparan ang binabalak ngunit bago pa sila makaalis ay lumapit ang batang lalake sa kanya sabay abot ng isang papel sa kanyang harapan.
"Sana maging okay ka na. Kapag lumaki ako, ikaw ang unang hahanapin ko."
"At bakit naman ako? Hindi naman tayo magkaibigan at higit sa lahat, ngayon lang tayo nagkausap."
"Kasi, balak kitang dalhin sa doktor. Kung gusto ko lang sanang maging doktor ay ako na mismo ang gagamot sa 'yo, pero hindi eh. Malay mo, pakakasalan na pala kita kapag nagkita na tayo. Ah basta, tandaan mo, hahanapin talaga kita." saad nito sabay kaway paalis na may ngiti sa labi.
Nang mawala sa kanyang paningin ang bulto ng katawan ng batang lalake ay kaagad niyang dinampot ang papel na inabot nito kanina at kaagad niyang binasa iyon.
Huwag mong kalilimutan ang pangalan ko para kapag nagkita tayo, hindi ka magtataka kung sino ako.
-Geu
ILANG ARAE lang ang lumipas ay nasundan ang mga nagsidatingang mag-asawa na dumadalaw sa orphanage upang mag-hanap ng batang aampunin. At kagaya ng nakagawian, lagi siyang nagtatago upang hindi siya piliin ng kahit na sino upang ampunin at nang manirahan sa bagong tahanan.
Ang mga batang nakikita niyang naglalaro ay unti-unting nababawasan. Pati ang dalawang batang babae noon ay naampon na rin ng mga bigating mga tao. Ngunit hindi siya naiinggit sa mga ito, bagkus ay naaawa pa siya sa mga batang naaampon. Bakit? Dahil sa pagkakaalam niya'y sa oras na makalabas ang mga bata sa bahay-ampunan ay puro na lamang problem ang kahaharapin nila.
Ang masalimuot na nangyari sa kanya ay kailanman di naalis sa kanyang isip. Walang gabi na tahimik ang kanyang tulog ng dahil sa kanyang mga bangungot. Hanggang sa nasanay na lang siya sa mga ito at palihim na lang na sinasabunutan o kinukurot ang sarili upang maibsan ang takot na nadarama.
Ang mga oras ay naging mga nakalipas na araw hanggang sa naging mga nagdaang linggo. Walang araw na napapatulala siya sa kalawakan at tinatanong sa Diyos sa kung bakit kailangan niyang maranasan ang ganitong pag-hihirap. Ngunit wala siyang natanggap na sagot mula sa kanya.
Hanggang sa isang araw ay hindi inaasahang nilapitan ulit siya si Sr. Perla at masaya ang pagkakangiti nito.
"May ipakikilala ako sa 'yo." saad ng madre sabay lakad papunta sa harapan ng mag-asawa na nakasuot ng mga makikintab at nakasisilaw na mga alahas.
"Ang ganda po niya sister. Siya po talaga ang gusto namin." saad ng ginang na kaharap na nasa mid-20's pa lamang. Dalaga pa ang kaharap ngunit mukhang desidido na silang kunin siya palayo sa bahay-ampunan.
"Sister, hindi po ba pwedeng ibang bata na lang po?" mangiyak-ngiyak niyang tanong sa madre. Napaluhof si Sr. Perla at hinawakan sa balikat ang bata.
"Gusto nilang mapabilang sa kanilang buhay at hindi namin iyon ipagkakait sa kanila, anak. Gusto kong huwag kang matakot sa pagtapag paalis sa lugar na ito. Gusto kong maging masaya ka ulit."
Bahagya siyang itinulak ng madre kaya nabaling ang kanyang atensyon sa ginang na nakangiti.
"Ako si Melinda at ito si Teodolfo. Kami ang magiging bago mong magulang. Ano ang pangalan mo?"
Pinahid ng dalaga ang luhang naglandas sa kanyang pisngi bago nito hinawakan ang kanyang mga kamay"Hope po."
Nagkalingunan ang mag-asawa sabay ngiti sa kanya."Hope..Ang gandang pangalan."
Ang lalake naman ang biglang lumuhod sa harap niya at masaya itong ngumiti sa kanya.
The man was about to touch her nang biglang nakaramdam ng takot si Hope kaya kaagad niyang iniwas ang sarili sa lalake at napakapit ng mahigpit sa dalaga.
Nagkatinginan sina Sr. Perla at ang mag-asawa. Naramdaman ni Hope ang kakaibang tensyon na dulot ng hangin. Akala niya'y hindi na siya aampunin ng mag-asawa pero ngumiti lang ang lalake sa kanya at napatayo ng matuwid.
"Halika na Hope. Dadalhin ka na namin sa bago mong bahay."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top