Kabanata X

Kabanata X: Forbidden Maze

◆◇◆

"PERO totoo! Hahaha, nabasa ko nga iyon sa isang libro eh!" Mula sa malayo, nakita kong umirap si Jalen Mae Bautista, isa sa mga kaklase ko sa Mathematics, sa kaibigan niyang si
Karloe Ramos.

Narito kasi ako ngayon sa may cafeteria, at hinihintay si Moirra at Philip na dala ang mga order namin. Di sinasadya, ay narinig ko ang kanilang pinag-uusapan. Bakit hindi? Magkatabi lang kasi kami ng mesa. At gayon din, pumukaw sa aking atensyon ang topic ng kanilang usapan.

"Loka! Haha, huwag ka nga magpapaniwala sa mga binabasa mong libro! Mamaya niyan ay puro walang katuturang bagay na ang lamang niyang utak mo!" Pabirong sambit ni Karloe sa matalik niyang kaibigan. Ngunit di nagpatinag at tumayo na si Jalen, nang nakatingin ng diresto sa kanyang kausap. Inilapag na niya ang hawak niyang milkshake at saka nagsalita. "Pero, kahit nabasa ko lang iyon sa libro, naniniwala pa rin akong meron talagang palaruan ng isang demonyo!"

Napailing na lamang si Karloe sa kanyang narinig at saka nagpalinga-linga sa paligid. Nakatingin na rin pala ang iba pang mga estudyanteng nasa loob ng cafeteria sa kanila. Ang iba pa nga ay nagbubulungan na't nagpipigil ng tawa. Maski naman ako, hindi maniniwala sa ganoong kahibangan, kung kaya't di ko rin sila masisisi.

"Zyra, halika na kain na tayo!"

Nang marinig ko ang tawag sa akin ni Moirra, agad kong binawi ang aking tingin kina Jalen at saka tiningnan sina Philip na pumwesto na sa aking harapan. Hindi ko na rin tuloy pinansin ang aking narinig kanina at saka tuluyan nang binale-wala ang patungkol sa 'di umano, palaruan ng demonyo...

HUMUGOT ako nang malalim na hininga at kasabay noon ay ang pagdilat ng aking mga mata. "Aray.." mahina kong pagdaing nang maramdaman ko ang pagkirot sa aking dibdib. Para yatang nanghina ako bigla!

Ang ala-alang iyon..

Ngayon, ay masasabi kong, dapat ay naniwala ako.

Sinunbukan kong umupo, mula sa pagkakahiga ko. Kahit na mahirap, ay nagawa ko pa rin naman ito nang di tuluyang natutumba sa hilo. Napahawak na lang tuloy ako sa aking ulo at saka ko inilibot muli ang aking mga mata. Hindi ko alam kung nasaan ako. Iba na ang paligid..

Puro pader na tila nilulumot na sa katandaan at mga daanan ang nakita ko. May mga di-pangkaraniwang mga halamang may tinik ring tumutubo nang patagilid sa lugar na ito. Ibinaba ko ang aking paningin at napagtantong ito pa rin ang suot kong damit. Isang bestidang puti na abot hanggang sa aking talampakan. At nang madako naman ang aking atensyon sa aking leeg, ay nakita ko muli ang kulay itim na kwintas na nakasabit pa rin sa aking leeg. Hinawakan ko ang itim na hiyas nito na tila ba kumikinang sa ganda. At saka parang sampal na bumalik sa aking isipan ang pagsaksak sa akin ni Ryder kanina.

"Susko.."

Nasabi ko na lang at saka ako tumayo sa aking mga paa. Parang bumalik uli yung takot na naramdaman ko, at tila ba mas lalo lamang akong nahilo. Sinuri ko ang aking sarili, ngunit bukod sa maliit na hiwa sa aking paa, ay wala naman nang ibang pinsala sa aking katawan. Teka, paano nga ako nagkasugat roon? Wala naman akong naaalalang nahiwa ako sa paa o kung ano, ha?!

Hm.. ito na ba, ang lugar kung saan ko hahanapin ang isa sa pitong nawawalang hiyas?

Kung ganoon, ngayon pa lang sa tingin ko ay susuko na ako! Napakalaki ng lugar na ito!

Tumingala ako, pero gaya nga ng aking inaasahan, sa taas ng mga pader na nakapalibot sa akin, ay ni hindi ko na makita pa ng langit. Ang tingin ko tuloy, para na akong langgam sa liit! Pero mabuti naman at medyo maliwanag pa rin dito, kahit pa wala akong nakikitang daan na pagsisikatan pa ng araw. Napakamisteryoso talaga ng lugar na ito..

"Maligayang pagdating, sa unang lupain.."

"R-Ryder?"

Naririnig ko siya! Malalim at buo ang boses na iyon, kung kaya't nakatitiyak akong si Ryder ang aking naririnig! Luminga uli ako sa paligid, at sinubukang hanapin ang pinanggalingan ng boses ngunit wala akong ibang makita kundi puro naglalakihang mga pader! Nasaan ba siya?

"Tangkain mo mang hanapin ang kinaroroonan ko ngayon, ay wala iyang silbi. Ngayon, ito ang isa sa pitong kasuklam-suklam na lupain rito sa Vercalease.."

"I-Ibig sabihin..." tama lamang ang hinala ko. Dito ko hahagilapin ang isa sa pitong itim na hiyas! Ngunit paano ko naman ito magagawa?! Napakalaki pa nitong 'lupain' niyang ito..

"Ito ang Forbidden Maze, Zyra.. bawat liko mo sa mga daanan rito, ay kamatayan ang nag-aabang mo. Isang maling hakbang, at tapos na ang laro."

"Pero, paano ko naman mahahanap ang isang maliit na hiyas sa lugar na ito?! Hindi---"

"Kung ako sa iyo, sisimulan ko nang tumakbo. Magpakasaya ka.."

Ha?!

At tuluyan nang nawala ang boses na ni Ryder sa aking pandinig. Bumigat lalo ang atmospera sa paligid at para na naman akong pinagpapawisan nang malamig.. iba ang pakiramdam ko rito. Mabuti pa siguro, ay simulan ko na ang paghahanap nang makaalis na ako sa impyernong ito. Hahakbang palang sana ako, ngunit bigla na lamang akong inatake ng mga uwak!

"A-Ah! Umalis nga kayo! Alis!"

Patuloy na pagtataboy ko rito, at saka napapahakbang patalikod. Ang iyak ng mga uwak, parang isang di-tapos na musika sa aking pandinig. Isang hiyaang kaluluwa't durog na pag-asa. Aaminin kong masakit sa tainga, ngunit ramdam mong may nais silang pakahulugan.

Nang napasandal na ako sa isang pader, ay saka lamang nila ako nilubayan.

Hingal na hingal akong napahawak muli sa aking nananakit na ulo at saka huminga nang malalim.

Zyra, kailangan mong gawin ito..

Sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit. Kung bakit kailangan ko pang hanapin ang mga hiyas ng aking buhay. Hindi nga ba kasi at wala na ring saysay ang aking buhay sa lupa? Hindi ko alam. Ngunit mananatili talagang isang palaisipan sa akin kung bakit ko gustong mabuhay..

Nasa kalagitnaan ako nang aking pag-iisip, nang may mapansin akong lumabas mula sa mga anino. Napalingon tuloy ako sa aking kanan at saka ko napagtanto kung ano iyon..

Mga.. naglalakad na tao-- hindi! Mga bangkay na naglalakad papalapit sa akin! Mga zombies!

Itutuloy sa susunod na Kabanata...

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top