Kabanata VI
Kabanata VI: Pagpatay
◆◇◆
Dedicated po sa aking kaibigang si mary_joyjuani
Thank you, Joy! ;)
◆◇◆
NANG marinig ko ang tiling iyon, ay tila ba napako ako sa aking kinatatayuan. Ano iyon?! Para akong nabingi. Ngunit dahil dito, ay hindi ko na namalayan ang unti-unting paghakbang papalapit ni Ryder. Hawak niya pa rin ang sariwang puso habang nakangising nakatingin sa sakin. Ramdam ko ang pagbigat ng atmospera sa aking paligid, at tila ba sumisikip ang kwarto. Hindi ako makagalaw.
Isa itong bangungot..
Huminto siya.
Limang hakbang mula sa aking kinatatayuan.
At saka siya muling nagsalita,
"Hindi ito isang bangungot. Dahil isa itong laro. At ito pa lamang ang simula.."
Napapaiyak na ako sa takot. Ang sama ng tingin niya. Pinapatay na ako ng kulay itim niyang mga mata. Ngunit kahit ganoon, ay masisilayan mo pa rin ang amusement na nakahalo sa mga nito. Hindi ko na alam kung ano ang aking gagawin. Ni hindi ko na nga maproseso ang kanyang sinabi.
Click.
Muli, ay namatay ang mga ilaw.
Uminit rin ang hanging dumapo sa aking leeg.
Ngunit wala pang isang minuto, ay narinig ko muli ang mahinang pag-'click' bago muli ay bumukas ang mga ilaw. Kasabay noon, ay ang paglaho ni Ryder. Napabaling ako sa sahig, ngunit di tulad ng inaasahan ko, ay wala na ang bakas ng dugo roon.
Malinis muli at tila walang ni isang patak ang nagmantsa roon.
Parang ganito rin ang nangyari sa akin noon sa may clinic. Ganito rin noon. May tumunog rin doong 'click' bago namatay ang ilaw at nangyari ang kababalaghan. Ngunit ang pinagkaiba ngayon..
Ay ang pagdating ni Ryder.
Sino nga ba siya?
Iyan ang naiwang pala-isipan sa akin ngayon. Mabuti pa siguro ay pumuslit ako sa records office mamayang uwian para malaman na ang kasagutang bumabagabag sa akin. Kailangan kong alamin kung sino siya. Siguro naman ay hindi siya pina-transfer rito sa Zeus' Academy nang wala man lang sapat na dokumento, hindi ba?
Ngunit.. ano naman ang ibig niyang sabihin na isa itong laro?
Hindi kaya---
"AAAAAAAAHHHHHH!!!!!!!"
Napahinto muli ang aking pag-iisip nang marinig ko ulit ang isang makabasag-taingang pagsigaw. Bumilis tuloy ang pintig ng aking puso at tila ba namawis agad ang aking mga kamay. Ano kaya iyon?!
At dala na rin ng labis na pag-aalala at kuryosidad, ay napatakbo na lamang ako sa may hallway sa west wing. Ang nakatitiyak kong lugar kung saan nagmula ang pagsigaw na kanina ko pa naririnig..
Sa bawat paghakbang ng aking mga paa, ay ramdam ko agad na may kinalaman si Ryder sa mga nangyayari.. hindi maaaring nagkataon lamang ang lahat. Pakiramdam ko tuloy ay umiikot na naman ang aking ulo sa rami ng katanungang bumabaha rito. Ano ba kasi ang pakay rito ng taong iyon?! Huwag mong sabihin siya rin ang gumagambala sa akin nitong mga nakaraang buwan?
Isa kaya siyang...maligno?
Ryder...
Tsk. Kahit ano ka pa, ay hindi kita hahayaang guluhin ng tuluyan ang buhay ko! Alam kong nananaig ang takot ngayon sa aking puso, ngunit hangga't naimumulat ko pa ang aking mga mata, ay pipigilan kita sa masasama mong mga hangarin. Lalo't ang buhay na ito, ang katangi-tanging ala-alang iniwan ng pinakamamahal kong tao.. Ito na lamang ang mayroon ako matapos ang nangyari, anim na buwan nang lumipas. Isang pilat ng nakaraan.
Isang sugatang pusong walang kalaban-laban sa malupit na tadhana..
Nang makalapit ako sa pinanggalingan, ay bumungad agad sa akin ang nagkukumpulang mga tao. Nakapalibot sila na tila ba may sinusuri. Hindi ko man makita kung ano ang kanilang pinagkakaguluhan, ay nasilayan ko naman sa mukha ng ibang estudyante ang takot at pagkabalisa. Mas lalo lamang ako na-curious sa kung anuman iyon. Akmang papalapit na sana ako para sana makita sa sarili kong mga mata nang bigla na lamang dumating ang mga pulis. Bumilis tuloy ang tibok ng aking puso..
Ano kaya iyon?
At dahil sa determinasyong nadama ko, ay tumakbo na ako papalapit sa kanila. Ngunit muli, ay natigilan ako nang makita ng aking mga mata si Moirra na tila ba umiyak. Pulang-pula ang mga mata niya, at kitang-kita ko pa ang lungkot at takot sa mga ito nang lapitan niya ako. Nanlamig ako bigla..
Hindi kaya...
"Z-Zyra.."
Nang nasa harapan ko na siya, ay tinitigan ko siyang maigi sabay hawak sa magkabilang balikat niya. Kinalabahan na talaga ako. Lalo't nagpakita sa akin kanina si Ryder.. Huminga muna ako nang malalim, at saka ibinaling ang aking atensyon kay Moirra. Ramdam ko ang panghihina niya kung kaya't kaagaran ko na siyang tinanong nang diretso. "Moirra, anong nangyari? May narinig akong pagsigaw kanina kung kaya't napatakbo ako rito. Ayos ka lang ba??"
Ngunit imbes na bigyan ako nang direktang kasagutan sa aking tanong, ay humagulgol siya ng iyak at napayakap sa akin.
"W-Wala na siya....Wa-Wala na siya..Zyra.."
Nanlalaki ang aking mga mata sa kanyang sinabi. W-Wala na siya? Ano naman ang ibig niyang sabihin?! At dahil na rin sa pagtataranta, ay hinila ko siya bahagya palayo upang titigan siya sa kanyang mga mata. Kitang-kita ko pa rin ang pag-agos ng kanyang luha at marahang paghikbi. Kailangan ko nang alamin kung ano ang mayroon.
"Moirra, sabihin mo! Sinong wala na?! Ano ang ibig mong sabihin?!"
Di ko na napigilan ang bugso ng aking damdamin. Pakiramdam ko kasi, sa bawat segundong lumilipas ay nahihirapan na akong huminga. Rinig na rinig ko na rin ang malatambol sa lakas na pagtibok ng aking puso.
"S-Si P-Princess..."
Iyan ang nakuha kong salita mula sa aking matalik na kaibigan.
Agad akong napako sa aking kinatatayuan.
Si...Princess?
At saka lamang naiproseso ng aking utak ang lahat. Naikuyom ko tuloy ang aking mga kamao at saka ko iniwan si Moirra upang masilayan mismo ng aking mga mata ang kanyang sinasabi. Kung tama lang ang kutob ko.. "Aray!" Daing ng isang eatudyanteng nabangga ko, ngunit wala na akong panahon pa para magpaumanhin. Kailangan kong alamin ang totoo..
Nang mga ilang hakbang na ako sa lugar, ay agad na akong hinarang ng otoridad. "Ma'am, hindi pa kayo pwede rito."
Ngunit di ko na inintindi ang kanyang sinabi at saka ako lumusot sa kanilang harang at mabilis na pinuntahan ang natatakpan nang 'bangkay'. Ramdam ko na ang adrenaline rush, kung kaya't wala na akong inaksaya pang panahon at saka ko tinanggal ang telang nakatakip rito.
At gayoon na lamang, at wari bang dahan-dahang nakita ko ang katawan ng biktima.
Muntikan na akong nasuka sa aking nakita, kung kaya natakpan ko na lamang ang aking bibig gamit ang aking kanang kamay. Maya-maya pa, ay nanginig ang buo kong katawan. Nabibingi na rin ako sa ingay ng mga tao sa aking likuran. Nakatuon lamang ang aking buong atensyon ngayon, sa labi.
Si Princess.
Ang tatlong araw nang nawawalang kapatid ni Philip.
Nakamulat ang kanyang mga mata, at nakaawang ang kanyang bibig. Naliligo na rin siya sa sariling dugo at puno ng saksak ang kanyang katawan. Bumaling ang aking paningin sa kanyang dibdib, at napasinghap ako sa aking nakita.
Butas ang dibdib ng dalaga.
At wala ang kanyang puso.
~×~×~×~
PINALAYO na ako ng mga pulis pagkatapos noon. Sinermonan pa nila ako kanina dahil raw sa hindi ko pagsunod sa maghigpit na ibinilin nilang huwag akong lumapit sa bangkay, ngunit lutang pa rin ang aking utak noon kung kaya't hindi ko naintidihan ang iba pa nilang sinabi.
Nang lumayo na ako sa lugar kung saan nahanap ng isang guro ang bangkay ni Princess, ay nakita ko na lamang si Moirra na nakatitig sa akin. Ilang metro ang layo namin sa isa't isa, ngunt kitang-kita ko pa rin ang mapupula niyang mga mata, bunsod ng kanyany pag-iyak kani-kanina lamang. Ang titig niya..
May nais ipakahulugan.
Napakunot tuloy ang aking noo sa kanyang nais iparating.
Ngunit lumipas pa ang ilang segundo... saka ko lamang nakuha ang kanyang ibig sabihin. Nanlalaki ang mga mata kong naglakad papalapit sa kanya at saka siya tinanong nang may pag-aalala.
"Nasaan siya?!"
Nakita ko ang pagtungo ni Moirra. Kaagaran ko ring hinawakan ang kanyang mga kamay na nanlalamig na. Sinubukan kong tingnan muli ang kanyang mga mata at saka siya muling tinanong sa mas mahinahong boses.
"Moirra...Nasaan si Philip?"
Ngunit sa kanyang pagsagot, isang basag na boses ang aking narinig.
"H-Hindi ko rin alam.."
◇◆◇
A/N: every weekends po ang update ng Playing with the Demon. Maraming salamat po sa mga patuloy na nagbabasa/nagvo-vote/nagco-comment! ^___^
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top