Kabanata II
Kabanata II: Misteryoso
◆◇◆
Dedicated kay aShimmerInShadow o Moirra :)
◆◇◆
Hindi na ako muli pang pumasok sa iba ko pang mga subject nang umagang iyon. Para kasing biglang sumama ang pakiramdam ko, kung kaya naman ay pumunta na lang ako dito sa clinic upang makapagpahinga. Mabuti na lang talaga at nasa klase pa sila Moirra at Philip. Ayoko muna kasi silang harapin, at baka kung ano na naman ang isesermon nila sa akin sa mga ikinilos ko kanina. Ganoon kasi sila. Dinaig pa nila ang lolo at lola ko sa panenermon. Noon, ay natutuwa ako sa kanilang ginagawa, pero ngayon ay naiinis na ako. Bakit? Tsk. Palibhasa kasi ay hindi nila nararamdaman ang sakit na aking dinarama ngayon. Kung kaya't hindi ko na kailangan pang may mangaral pa sa'kin tungkol rito.
Wala silang pakialam.
Napabuntong-hininga na lamang ako at ipinikit ang aking mga mata. Ang malambot na kama ang siyang dumadampi sa pagod kong katawan habang di sinasadyang marinig ko ang pag-uusap ni Ms. Arceo, ang school nurse, at ng isang gurong hindi ko kilala. Ipagsasawalang-bahala ko na lamang sana ang aking mga naririnig, ngunit ang paksa ng kanilang usapan ang agad na nakapukaw sa aking atensyon.
"..Pero alam mo, sa tingin ko ay may pumatay talaga doon sa bata." Narinig kong sambit ng gurong, tila sinadyang hinaan ng kaunti ang boses para walang ibang makarinig. Pero ganooon pa man, ay hindi ito nakaligtas sa matalas kong pandinig. Agad na ikinakunot ng noo ko ang kanyang sinabi.
Pumatay?
Sinilip ko si Ms. Arceo, at nakita ko ang nag-aalalang ekspresyon sa mukha nito. "Paano mo naman yan nasabi? Hindi ba't sabi na ng mga pulis ay nagpakamatay siya?"
May nagpakamatay? Tsk. Naguguluhan na ako. Pero bakas naman sa guro ang di pangsang-ayon sa huling sinabi ni Ms. Arceo.
"Nagpakamatay? May magpapakamatay bang dudukutin ang sariling puso? Kalokohan ang sinabi ng mga pulis, lalo pa't ito ang ika-anim na kaso ngayong buwan!"
Nanlalaki ang mga mata ko sa aking narinig. Tila rin nanigas ang buong katawan ko at nahirapan akong huminga sa labis na pagkabigla at takot sa sinabi ng guro. Dukutin ang sariling puso? Sino namang matinong tao ang gagawin iyon sa kanyang sarili? Maraming katanungan ang naglaro sa isip ko, ngunit agad kong ibinalik ang atensyon ko nang magsalita si Ms. Arceo.
"Ngunit paano mo naman masasabing hindi niya pinatay ang kanyang sarili, kung naka-lock mula sa loob ang kwarto ng biktima? Hindi ba't nakapagtataka naman iyon?"
Nakita ko ang marahang pag-iling ng guro bago itinali ang mahabang buhok nito at saka sumagot ng seryoso.
"Hindi ko rin alam kung bakit ganoon..Nahanap na ba raw ang patalim na ginamit?"
Nakita ko namang ang makahulugang pag-iling ng nurse. "Hindi. Hanggang ngayon pa rin, ay hindi nila ito mahagilap."
"Naku, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa."
Napalunok ako. Nakapangingilabot naman iyon..Hindi ko talaga lubos maisip kung bakit ganoon ang kaso. Kung pinatay nga siya, ay bakit naka-lock pa rin ang pinto mula raw sa loob? At saka, nasaan na ang ginamit na patalim? Kung suicide nga ang nangyari, ay dapat makita nila iyon sa tabi ng bangkay. Ang gulo. Nakakalito naman.
"Zyra, pinapatawag kasi ako ng principal. Okay lang ba kung ikaw na lang muna mag-isa rito?"
Nabigla ako nang bigla na lamang akong kinausap ni Ms. Arceo. Nakaalis na rin pala yung gurong kausap niya kani-kanina lang. Hindi ko na naman namalayan ang mga nangyari sa paligid ko. Agad akong tumingin kay Ms. Arceo at saka marahang tumango bilang sagot.
Nginitian muna niya ako, bago tuluyang tumalikod at nilisan ang silid.
Mag-isa na lang tuloy ako dito.
Hindi ko alam kung bakit, pero parang hindi ako kumportable sa katahimikang bumalot sa akin. Dahil ba sa narinig kong kaso ng pagkamatay kanina? Naku, parang napaka-imposible naman, lalo pa't hindi ako yung klase ng babaeng masyadong matatakutin. Ngunit, aaminin kong nakakabahala nga ang nangyari doon sa bata. Ilang taon kaya siya? Kawawa naman..
Napabuntong-hininga na lamang ako uli at saka dahan-dahang bumangon mula sa aking pagkakahiga. Umupo ako sa kama at isinandal ang likod ko sa katabi nitong pader. Sinilip ko ang orasang nakasabit malapit sa may pinto.
3:30 pm.
Thirty minutes na lang at uwian na. Pero parang hinang-hina pa rin ako sa di maipaliwanag na dahilan. Medyo gumaan naman na ng pakiramdam ko, ngunit pinalitan naman yata ito ng pag-ubo.
Makalipas ng ilang sandali,
"Cough! Cough!"
Malakas ang aking naging pag-ubo, kung kaya naman ay kinuha ko na mula sa aking bulsa ang aking panyo para matakpan ang aking bibig.
"Cough! Cough!"
Ito ba naman ang ayoko sa lahat. Ang inuubo. Huminga muna ako nang malalim at saka tinitigan ang pintuang nilabasan ni Ms. Arceo.. Di talaga ako makapaniwala sa mga narinig ko kani-kanina lang. Mabuti pa siguro, ay mag-ingat na lamang ako.
Ngunit nang ibaling ko na ang aking mga mata sa panyong ipinantakip ko sa aking bibig, ay napaatras pa ako nang kaunti sa gulat nang makitang may pula sa aking panyo.
Dugo.
At sa labis na pagkabigla, ay naitapon ko na lamang ito sa sahig. Nanlalaki ang mga mata kong hinawakan ang labi ko. Paano naman----
Click.
Nang marinig ko ang tunog na iyon, ay agad kong inilibot ang mga mata ko sa kwarto. Hinanap ko ang pinanggalingan, ngunit wala akong makitang kung anumang bagay na maaaring magdulot ng ganoong klaseng tunog. Saan naman kaya galing iyon? Maya-maya pa, ay may nahagilap ako sa gilid ng aking mga mata..
Parang taong nakatayo?
Teka, wala naman ibang tao rito sa loob bukod sa akin ah!
Pero nang nilingon ko ang aking kanan para makita ito nang maigi, ay bigla na lamang namatay ang ilaw..
Bumilis ang tibok ng puso ko, at ramdam ko ang pagpatak ng pawis mula sa aking noo. Kinakabahan na talaga ako. Sa apat na taon ko rito sa eskwelahang ito, ay ngayon lang namatay ang mga ilaw rito. Ang akala ko ba ay may generator sila?
Lumipas pa ang ilang segundo, ay nakaramdam na ako ng kakaiba.
Agad ring nanigas ang buo kong katawan. Ano ba ang pakiramdam na ito? Alam kong hindi ito simpleng takot lamang, nguni--
Click.
"Wala ka nang kawala."
Nanginig ang buo kong katawan nang may parang bumulong sa tainga ko. Ipinikit ko na lamang ang mga mata ko at inisip na pinaglalaruan lamang ako ng aking imahinasyon. Ngunit kasunod noon, ay ang mahinang pagtawa bago may nag-'click' muli at nang imulat ko na ang aking mga mata, ay nakabukas na muli ang mga ilaw.
Ibinaling ko ang aking paningin sa lugar kung saan ko itinapon ang aking panyong may dugo, ngunit wala na akong nakita pa roon.
Nang makabawi ako sa mga nangyari at naikilos na ang aking katawan, ay mabilis akong tumayo mula sa pagkakaupo ko sa kama at saka nagmamadaling lumabas ng clinic.
◇◆◇
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top