Part 1
Copyright © Jay-c de Lente
Self-published under SBC and StorPpy Online Publication (Anino ng Kasikatan)
Cover: Digital Art by © Jay-c de Lente
Photo: iamdreamer28
All rights reserved. This book or any portion thereof may not be reproduced or used in any manner whatsoever without the express written permission of the author/publisher except for the use of brief quotations in a book review.
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
Pinakamaraming Tagahanga (Short Story)
PART 1
Nababalot ng makapal na hamog ang paligid. Hindi mawari ni Jennica ang kinaroroonan niya at tila hinihila siya sa bandang unahan pa. Sa suot niyang sleeveless na loose jersey shirt at maigsing sports shorts, ramdam niya ang basang ere at malamig na temperatura na sumusuot sa kanyang kalamnan. Hirap din siyang huminga. Tila ba may nakadagan na mabigat sa kanyang dibdib at nababalutan ng cellophane ang kanyang ilong. Ang isipan niya ay nagugulo kasabay ng paggalaw at pag-ikot ng makapal na hamog sa palibot. Sa bawat paghakbang, alam niyang may nakaantabay na hindi maganda sa unahan.
Bigla, may lumabas na kamay mula sa hamog! Maputla, kita ang buto, gutay-gutay ang laman at balat—pilit siyang dinadala sa unahan.
Napaatras siya at napasigaw. Subalit walang boses na lumabas sa kanyang lalamunan. Hanggang nahawakan nito ang kanyang braso. Nagpumiglas siya. Ginamit ang mga paa upang masipa ang nilalang at makalayo.
"Aray!" Napabalikwas siya at awtomatikong dinama ang kaliwang paa na tumama sa sinasandalang pader ng bleacher ng sports arena. "Panaginip pala," aniya habang sapo ang noo. Buti't nasa pinakasulok siya at hindi matao. Kanina habang nagwa-warm up, nahirapan siyang huminga kaya namahinga siya roon. Hindi niya inakalang makatutulog siya at mananaginip pa. Gayunpaman, parang konektado ang naramdaman niya at ang panaginip. Lalo pa't hindi niya suot ang kanyang kuwintas.
'Di nagtagal, bumalik na si Jennica sa oval running track at sumabay muli sa pagdya-jogging ng ilang teammates.
"Nakikita mo ba ang mga babaeng 'yon?" sabi ng ka-teammate niyang si Nancy. Itinuro nito ang ilang freshmen students sa bleacher. "Gustong magpa-picture kasama ka."
Nangiti siya. "Sige, mamaya pagkatapos dito."
"At kapag naisipan nilang magpa-picture din sa 'min, sabihan mo lang kami," biro ni Nancy.
"Ako na lang ang maging libero at ikaw ang captain ball," natatawang pasok ng isa.
Lumuwang lalo ang mga ngiti niya at nailing. Isa iyon sa mga hindi niya maiwasan. Hindi man siya ang captain ball ng koponan nila, siya ang may pinakamaraming tagahanga. Bukod kasi sa mabait, maganda, malakas ang karisma, at hindi pa mayabang, puro pag-aaral lang ang inaatupag niya kung hindi nag-eensayo.
Ensayo. Madalas niyang ginagawa iyon tuwing hapon pagkatapos ng klase kahit hindi schedule ng practice. Hindi lang dahil isa siyang varsity player ng pambabaeng junior volleyball team, kundi dahil kailangan din niyang ipakita lalo ang galing at determinasyon upang makuha ang scholarship sa kolehiyo at makapasok sa women's varsity team ng unibersidad.
Nang dahil sa scholarship kaya siya nakapag-high school. 'Di katulad ng ka-teammates niya, galing siya sa mahirap na pamilya sa malayong probinsiya. Huling taon na niya ngayon. At ang volleyball ang pag-asa niya upang makapagkolehiyo.
Nakalilimang ikot na sila sa oval nang mapansin nila ang inihahandang podium. Sa gitna noon ay may napakalaking litrato ng maganda at mestisahing babae na napapalamutian ng mga bulaklak.
"D'yan daw gagawin mamaya ang memorial service para kay Clarisse," saad ng captain ball.
"Kawawa naman. One week na siyang naililibing pero wala pang naaarestong suspect," sabi ng isa.
Tatlong linggo na ang nakararaan pero hanggang ngayon ay usap-usapan pa rin kung paano ito natagpuang patay sa kanilang unibersidad. Nabulabog ang buong campus noon. Nangamba dahil may teorya ang mga pulis na hindi outsider ang kriminal. Na maaaring isa itong empleyado o estudyante ng nasabing unibersidad. Kaya hanggang ngayon, mahigpit ang seguridad.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top