Chapter 1

"May gustong umampon sa 'yo, neng," wika ni papa sa akin. Napatingin ako kay mama at sa dalawa ko pang nakababatang kapatid na nakaupo sa may gilid. "'Yong kaibigan kong pulis. Kung gusto mong ipagpatuloy pa rito sa Laguna ang pag-aaral mo, pwede kang tumira sa kaniya pansamantala."

"Eh, kayo po? Saan po kayo?"

"Sa Isabela, anak. Naroon ang trabaho ko, hindi ba? Nakausap ko na ang boss ko, at habang ginagawa namin ang gasolinahan niya, pwede raw tayong makitirik muna roon. Doon kami titira ng mga kapatid mo."

Oo nga pala. Umuwi lang si papa rito sa Laguna nang malaman niyang tatamaan ng bagyo ang lugar namin. At tama nga, dahil kahapon rumagasa ang bagyo at umabot ng lagpas tao ang baha. Malas lang dahil tabi ng dagat ang bahay namin kaya kinain ng baha ang tinitirhan namin, at ngayon, narito kami sa pinsan ni papa at nakikitulog.

"Hindi naman kasi pwedeng habang-buhay tayo rito sa mga pinsan ko. Pinatuloy lang nila tayo saglit. Kailangan din nating umalis dahil ayokong maging malaking abala sa kanila, at magiging magastos kung dito pa tayo makikiligo at makikikain."

Napakagat ako sa labi ko. Hindi ko inakalang iko-consider nilang ipaampon ako.

"Kailangan ba talagang doon siya tumira sa pulis? Labing-siyam na taong gulang na si Ayumi, baka kung ano lang ang gawin sa kaniya ng pulis na 'yon."

"Ma, kaibigan ko 'yon at may anak siyang disabled. Sigurado akong hindi niya gagawin sa anak natin ang iniisip mo."

Umiling si mama. "Hindi, hindi ako papayag na magkahiwa-hiwalay tayo. Kakayanin natin nang magkakasama. Kung pwedeng mag-transfer na lang siya sa Isabela, gawin natin."

"Pero mahihirapang mag-adjust ang anak mo. Ika-tatlong taon niya na sa kolehiyo. Agriculture pa ang kinukuha niya. 'Yong kaibigan ko, may malawak na hardin na pwedeng gamitin ni Ayumi sa pag-aaral."

Nasasaktan akong naririnig ang mga salitang iyon kay papa na para bang desidido na siyang ipaampon ako. Alam ko namang iniisip niya lang ang kapakanan ko, pero hindi kinakaya ng kalooban ko na ipamimigay niya akong basta-basta.

"Kung gano'n, hindi na lang ho ako mag-aaral kaysa mapahiwalay sa inyo. Magtatrabaho na lang ako sa Isabela."

Pareho silang napatingin sa akin. "Naku! Hindi pwede, anak! Iyan ang hinding-hindi ako papayag na gawin mo! Ang edukasyon lang ang tangi naming maipamamana sa inyo, kaya hindi pwedeng tumigil ka sa pag-aaral. Pa naman, huwag mong hayaang tumigil sa pag-aaral ang anak mo. Nakikita mo naman, ayaw niyang ipaampon mo siya. Bakit ba ang tigas mo?"

Nakatitig si papa sa akin na para bang sinasabi niyang mali si mama, dahil ako ang mas matigas sa kaniya.

"Sige, walang ipaaampon. Walang maiiwan. Sama-sama tayong pupunta sa Isabela."

*****

Nakadungaw ako sa bintana ng jeep. Kasalukuyan na kaming bumibiyahe papunta sa Isabela, dala ang ilang piraso ng damit para magsimulang muli ng panibagong buhay. At alam kong kanina pa ako pinagmamasdan ng ibang pasahero dahil sa paraan ko ng pagkakaupo.

"Neng, ayos ng upo. Huwag kang tumagilid," utos ni papa. Napabuntong-hininga ako, bago ako umupo nang maayos at bumukaka na lamang tsaka itinuon ang dalawa kong braso sa mga hita ko. Napailing na lang siya.

Ilang oras pa ang lumipas nang tuluyan na kaming makarating sa lugar na tinutukoy ni papa na pinagtatrabahuhan niya. Isang bakanteng lote na may tinatayong gasolinahan, habang sa gilid ay may garahe kung saan may mga sasakyang inaayos ng mekaniko na nagpakilala kay papa bilang Mang Rey.

"Oh, ayan ba ang anak mo?"

"Oo, Mang Rey, siya si Ayumi. Awa't tulong ng Diyos, 3rd year college na."

"Ah, college na siya? Anong course?"

"Ano ngang course mo, neng?"

"Ah, Bachelor of Science in Agriculture Business po," sagot ko.

"Magandang course 'yan, ah. Saan siya mag-aaral, Allan? Dito na rin ba?"

"Oo, sana. May malapit bang university dito sa Santiago?"

"Oo, sa University of St. De San Pablo. Walking distance lang 'yon dito."

Tumingin naman si papa sa akin na para bang binibigyan ako ng pag-asa. Simple lang din akong nagsukli ng ngiti at pilit na kinalilimutan na binalak niya akong ipaampon.

"Ayos lang ba kayo rito?" tanong ni papa. "Pasensya na kayo. Dito na muna tayo titira sa gasolinahan, malapit sa talyer ni Mang Rey. Hayaan niyo bukas, aayusin ko itong bahay natin at lalagyan ng dingding."

"Okay lang kami, pa," wika ng kapatid kong si Aldrin na dalawang taon ang pagitan sa akin. Mas bata siya.

"Oo nga pa, wala namang problema. Ang mahalaga, magkakasama tayong lahat. Kasama natin si ate," singit naman ng bunso kong kapatid na si Aldrich tsaka niya hinawakan ang dulo ng damit ko. Apat na taon ang pagitan niya sa akin.

"Mabuti pa, magpahinga na muna tayong lahat. Anong oras na rin tayo nakaratin," sambit naman ni mama.

"Hindi po ba tayo kakain? Gutom na po ako." Napalingon ako kay Aldrin. Sabagay, kahit ako naman ay gutom na. Nagkatinginan naman si mama at papa na tila ba nag-uusap gamit ang kanilang mga mata.

"Gabi na kasi, eh. Wala nang mabibilhan ang papa niyo. Hayaan niyo, bukas na bukas, gigising ako nang maaga para makapag-almusal din kayo agad."

"O-okay po, mama."

Pumunta na ako sa sulok para humiga kung saan tumabi naman sa akin ang bunso kong kapatid at yumakap. Wala kaming latag at kahit na anong unan o kumot. Braso ko lang ang patungan ng ulo ko habang nakatingin ako sa malawak na kalangitan na puno ng bituin. Naroon din ang buwan na para bang dinadamayan ako sa malungkot na gabing ito.

"City of stars, are you shining just for me?"

Napalingon ako sa labas nang may marinig akong kanta. Nagmumula ito sa radyo na dala ni Mang Rey.

"Oh, Allan. Ito ang radyo, regalo ko na 'to sa inyo para kahit papaano ay may mapaglibangan kayo. Tsaka pala, ito ang lechong manok, pinabibigay ni Boss Jun. May isang kabang bigas din na dadalhin dito at tsaka rice cooker para naman may lutuan kayo."

Bumangon ako para panoorin sila.

"City of stars, there's so much that I can't see."

"Naku, Mang Rey! Maraming salamat! Malaking tulong ito sa amin!" Maluha-luhang sambit ni papa.

"Huwag ka sa akin magpasalamat kundi kay Boss Jun. Napakaswerte mo, ninyo, dahil napakabait ni Boss Jun sa inyo. Oh, nariyan na pala 'yong bigas tsaka rice cooker! Sakto may bagong saing na rin! Sige na, kumain na kayo, Allan! Pakainin mo na ang pamilya mo!"

"Who knows? I felt it from the first embrace I shared with you."

"Anong nangyayari, Ate Ayumi?" tanong ni Aldrich habang nakayakap sa akin.

Gumuhit ang ngiti sa mga labi ko. "Binigyan nila tayo ng pagkain, Aldrich. Kakain na tayo."

"Wow! Talaga? Sakto! Ang sakit sakit na ng tiyan ko sa gutom!"

"Mga anak, kumain na tayo!" pagyaya ni mama habang binibigyan kami ng paper plate.

"Maghugas muna ng kamay," pag-alok naman ni Aldrin sabay abot ng tabong may tubig.

"Oh, saan ka nakakuha ng tubig?"

"D'yan sa gilid. May poso."

"Talaga? Ang swerte naman! Sige na, kain na!"

"Kain na, Ayumi," wika ni papa na nagpalingon sa akin sa kaniya.

"That now, our dreams... they've finally come true."

"Opo, pa. Salamat."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top