CHAPTER FIVE (Interrogation)


Always trust your gut feelings. If you feel that something is wrong, that's because it usually is.

Riel

            Tahimik akong nakatayo sa loob ng opisina ni Chief Gardo Magtanggol. Nakalatag sa mesa niya ang mga litrato ng mga pusher na under surveillance. Kung tutuusin, hindi naman ako dapat kasali dito. Kabago-bago ko pa lang sa serbisyo. Bagitong pulis. PO1. 'Yan ang mga tawag sa katulad naming baguhan sa serbisyo. Errand boy pa nga madalas ng mga may ranggo na dito. Pero hindi ako nagrereklamo. Ginusto kong maging pulis. Mataas ang tingin ko sa mga katulad nila at kapag nagtagal, gusto kong maging katulad ni Tatay Javier na isang matino at disenteng pulis.

            Kaya talagang nagulat ako na isang araw ay sinabihan akong kasama ako sa operation na ito. Sabagay maraming pulis ang kailangan nila. Hindi kasi iisang tao lang ang huhulihin namin. Marami itong mga drug pusher na nagkalat sa Barangay Trinidad. Notorious ang isang lugar doon na talamak sa bentahan ng ipinagbabawal na gamot. Ang front ng supplier ay taga-gawa ng mga ensaymada at doon sa loob ng tinapay na iyon inilalagay ang mga naka-paketeng shabu. Ilang linggo din naming sinundan ang mga key person na under surveillance. Ang napunta sa amin ay isang teenager na babae. Napapailing ako nang maalala ko ang hitsura ng babaeng iyon. Neneng na neneng. Kapag kumuha nga ng mga ensaymada sa bahay ng supplier ay nakapambahay lang. Hindi mapagkakamalan na drug pusher sa batang edad.

            "Silva. Varona. Ngayong gabi ay isasagawa ang paghuli sa mga under surveillance targets 'nyo. Siguraduhin 'nyong madadampot silang lahat ngayong gabi. Dahil siguradong kapag nabulabog ang mga iyan, wala na tayong ibang pagkakataon na mahuli pa sila." Iyon ang narinig kong sabi ni Chief Magtanggol. Muli ay tinitingnan niya ang mga litratong ipinasa sa kanya ng mga kasali sa operation na ito.

            "Masyado na akong nadidikdik ng media. Sinasabing mga inutil ang kapulisan dahil hindi na masugpo ang talamak na bentahan ng droga sa lugar na iyan." Dinampot nito ang litrato ng babaeng teenager na naglalakad na may dalang supot. "Tingnan 'nyo ito. Pabata nang pabata ang mga drug pusher. Ilang taon na ito? Disi-sais? Disi-otso? Sa ganyang kamurang edad namulat na sila sa bentahan ng droga. Ngayon pa lang kailangan na nating masugpo ito."

            Hindi ako kumibo. Naramdaman kong siniko ako ni Varona.

            "Saan tayo pagkatapos? Dating gawi? Miss ko na si Daisy." Kumindat pa ito sa akin kaya natawa ako. Muli ay tumingin ako sa gawi ni Chief Magtanggol na patuloy sa pagsasabi kung ano ang dapat naming gawin sa operation na ito.

            "Intindihin na muna natin ito. Alam mong mas importante ito kaysa kay Daisy," natatawang sagot ko sa kanya. Ang Daisy kasi na sinasabi niya ay ang babaeng nakilala niya sa bar na pinupuntahan ng mga kasama namin. Minsan akong naisama doon dahil birthday ng isang pulis. Ayos lang naman. Pero wala naman akong hilig sa babae. Ayaw kong magkaroon ng distraction sa trabaho.

             "Lumakad na kayo. Ayaw ko ng kahit anong sablay sa operation na ito. Tandaan 'nyo na ang mata ng media ay nasa atin." Muli ay paalala ni Chief.

            Dinampot ko ang folder at sumabay sa ibang mga pulis na palabas ng silid niya. Nakasunod sa akin si Vic tapos ay dumeretso kami sa mesa ko. Tiningnan ko ang service fire arm ko, ang mga dokumento na kailangan ko para sa operation namin.

            "Ano? Tara? Sagot ko," pambubuyo pa ni Vic habang naglalakad kami pasakay sa sasakyan na issue sa amin. "Type ka 'nong kaibigan ni Daisy. 'Yong magiling gumiling. Panigurado gigilingan ka din 'non sa kama." Nanunukso pa ang tono ni Vic.

            "Tigilan mo na muna si Daisy. Ito na muna ang intindihin natin. Kailangan nating hindi sumablay dito." Sagot ko sa kanya at sumakay sa driver's side at ini-start ang kotse.

            "'Tangina kasing mga pusher 'to. Salot sa mundo. Kung puwede lang pagbabarilin na lang lahat nang mabawasan naman." Inis niyang binuklat ang folder namin. "Tingnan mo ito. Kababaeng tao, pagtutulak ng droga ang alam. At ang bata pa. Sigurado ako na marami na ring lalaki ang pumipila dito kapag sabog. Ilang beses na akong nakakita ng mga ganito. Itong mga babaeng addict na giyang na giyang makahithit, pumapayag na yariin sila ng kahit na sino. Kapalit na may magamit lang silang drugs," isinara ni Vic ang folder at naiiling na tumingin sa kalsada.

            "Lulong na kasi. Kaya nga dapat masugpo ang talamak na paglaganap ng illegal drugs," tanging sagot ko habang patuloy na nagmamaneho.

            "Malabong masugpo 'yan. Bakit? 'Tangina, ang hinuhuli natin mga galamay lang 'yan. Kumbaga sa puno, sanga lang. Kahit putulin paulit-ulit may tutubo at tutubo pa rin. Ang dapat na hinuhuli at dinudurog ay ang ugat kung saan nagmumula ang mga droga na 'yan. May nahuli na ba?" Naiiling na natawa si Vic. "Kaya kahit tumanda tayo sa paghuli sa mga pusher na 'yan, kung hindi naman nahuhuli ang pinaka-ugat ng supplier nila, hindi sila mauubos."

            Hindi ako kumibo at napahinga ng malalim. May punto naman doon si Vic. Sabay kaming napasok sa serbisyo at ilang beses na rin kaming nakakahuli ng mga drug pusher na karamihan ay mga small time lang talaga. Kung magkakataon, itong operation na ito ang pinakamalaking drug bust operation na magaganap kung hindi magkakaroon ng aberya.

            Pumosisyon kami sa napag-usapan namin naming puwesto. Kunwa ay maglalagay kami ng checkpoint sa area na iyon dahil alam na namin na ganitong oras dadaaan ang babaeng sinusundan namin. Muli ay kinuha ko ang folder at tiningnan ang litratong naroon. Napapailing ako. Nanghihinayang ako sa babaeng nakikita ko sa litrato. Karamihan sa mga litratong kuha nito ay malalayo pero sigurado na kami sa identity nito. Ilang araw na ring sinusundan at minamanmanan. Magaling magtago ang babae. Sa umaga ay isang pangkarinawang estudyante lang ang drama nito kaya walang mag-aakala na malakas itong magbenta ng shabu.

            "Ano? Tara na. Panigurado pagkatapos nito si Chief na naman ang bida. Tayong mga PO1 tae na naman sa isang gilid." Pangungulit pa ni Vic.

            Hindi ko na siya pinansin at tumingin na lang sa papalapit na tricycle. Sigurado na akong ito na ang huhuluhin namin. Agad kong pinara ang tricycle at huminto naman ito. Umikot ako at sumilip sa loob. Positive. Ito ang babaeng minamanmanan namin. Inosenteng-inosente ang mukha niya na nakatingin sa akin at nagtataka kung ano ang nangyayari.

            "Saan ang punta 'nyo?" tanong ko habang si Vic naman ay ang driver ng tricycle ang tinatanong.

            Halatang kinakabahan ang babae at nakatitig lang sa akin. Kinailangan ko pang ulitin ang tanong ko para lang sagutin niya.

            "Maghahatid lang po ng ensaymada." Sagot niya.

            Natawa na ako. Ang galing umarte ng isa ito. Kapanipaniwala ang hitsurang inosente na walang alam sa nangyayari. Sabagay. Halos lahat naman ng mga nahuhuli naming kriminal, lahat sinasabing inosente sila. Walang kriminal na aamin sa kasalanan nila kahit mamatay pa ang mga iyon.   

            Maraming mga dahilan ang babae sa akin sa mga tanong ko. Pero talagang gusto na niyang umalis doon. Pilit ko siyang pinapababa sa tricycle pero ayaw niyang gawin. Sinasabi niyang kailangan niyang mai-deliver ang mga tinapay na iyon sa customer. Inutusan lang daw siya ng tiyo niya na kuhanin ang mga iyon at ihatid. Convincing ang arte niya. Konti pa nga at malapit na akong maniwala.

            Pero nagulat kami nang biglang tumakbo palayo ang driver ng tricycle. Siguradong nakatunog na ito na isa itong buy bust operation. Hinabol ito ni Vic at ako naman ay dinukot ang baril ko at tinutukan ang babae. Mahirap nang maunahan. Pilit ko siyang pinababa sa tricycle na ginawa naman niya pero umiiyak na ito. Kinuha ko ang mga supot na dala niya at isa-isang binuksan ang mga iyon.

            Mahina akong napamura. Positive. Ang mga drugs ay nakalagay sa loob ng ensaymada. Walang mag-iisip na sa ganoong paraan idini-distribute ang mga droga na iyon.

            Humihingal na bumalik si Vic. Tumingin pa sa akin sa mga hawak ko. "Positive?" Ang mga droga ang tinatanong niya kaya tumango ako. Hindi ko na pinagkaabalahan na buksan ang lahat ng ensaymada dahil sigurado ako na lahat iyon ay may lamang droga.

            Paulit-ulit ang pakiusap ng babae habang pinoposasan ko. Ang dami niyang sinasabing dahilan na wala siyang alam tungkol doon. Narinig ko na iyon. Pare-pareho lang ang tono ng mga drug pusher na ito. Iiyak. Walang alam. Dapat alam nila ang consequence ng pinapasok nila. Si Vic na ang pilit na nagpapasok sa sasakyan ng babae. Nakita kong parating na ang iba pa naming mga kasama at ayaw kong makigulo sa mga ito. Huli namin ito ni Vic. Ito ang first big case namin.

            Walang tigil sa kakaiyak ang babae habang nakasakay sa likod ng kotse. Hindi ko pinapansin kahit na talagang nagmamakaawa na ito. Si Vic ang panay daldal. Walang tigil sa kakasermon sa babaeng nasa likod namin. Na bakit sinisira ang buhay sa pagtutulak ng droga. Kahit ano naman ang sabihin niya, ang mga taong ito ay pinili ang ganitong buhay. Kahit makatakas, sigurado akong ilang linggo ay balik na naman sa pagtutulak. Kamatayan lang talaga ang makakapagpahinto sa kanila.

            Papunta na kami sa presinto nang makatanggap ako ng tawag galing kay Chief Magtanggol. Huwag daw sa presinto i-deretso ang huli namin. Sa isang safehouse ipinapadala. Pareho kaming nagtataka ni Vic pero wala naman kaming magagawa. Pagdating doon ay sinabihan kami ni Chief na paaminin ang babae kung sino ang supplier nito. Gawin ang lahat nang magagawa para lang umamin ito.

            Kitang-kita ko ang kaba sa mukha ng babae habang pinapapasok namin sa warehouse. Sabog ang luha sa mukha. Ipinasok namin sa isang silid na mayroong isang silya at nanatiling nakaposas doon.

            "Sino ang supplier mo?" Si Vic ang nagtanong noon.

            Bakas na bakas ang kainosentahan sa mukha nito. "Supplier po? Ng tinapay? Si Mang Herman. Siya po ang nagbibigay ng ensaymada sa akin tapos dadalhin ko po kay Mrs. Suarez. Puwede 'nyo ho siyang puntahan para tanungin," humihikbing sabi nito.

            Nagkatinginan kami ni Vic at napailing.

            "Wala po talaga akong alam sa sinasabi 'nyo. Hindi ko po alam ang mga droga na 'yan. Hindi po ako nagbebenta ng droga. Inutusan lang po ako ng Tiyo ko. Puwede 'nyo po siyang tawagan. Sasabihin po niya ang totoo." Patuloy pa nito.

            Napahinga ako ng malalim at naupo sa harap ng babae.

            "Miss. Hindi biro ang kaso mo. Kahit anong pagsisinungaling ang gawin mo, ito ang ebidensiya. Milyon ang halaga ng droga na nakuha sa iyo. Walang bail ang kaso mo." Paliwanag ko sa kanya.

            "Po?" Napapiyok pa ito nang sabihin iyon at nagpapalit-palit ang tingin sa amin. "Ano pong bail? W-wala po talaga akong alam. Sir. Maniwala po kayo. Estudyante lang po ako. Milana Zaragosa po ang pangalan ko."

            "Naku, Miss. Mabigat talaga 'tong kaso. Siguradong sa bilangguan ka na mamamatay." Napapa-tsk-tsk pa si Vic kaya lalong umatungal ng iyak ang babae.

            Sinamaan ko ng tingin ang kasama ko. Paano namin mapapaamin ito kung tatakutin pa niya? Umayos ako ng upo at muling humarap sa babae.

            "Makipag-cooperate ka lang sa amin at sabihin mo kung sino ang supplier mo." Sabi ko.

            "Sir, makikipag-cooperate naman ako at sasabihin ko ang lahat ng alam ko. Pero iyon lang talaga. Si Mang Herman ang gumagawa ng mga ensaymada. Si Mrs. Suarez ang binabagsakan niyan. Negosyo 'yan ng tiyo ko. Si Tiyong Lando. Ako lang ang inuutusan na mag-deliver. Bakit ba ayaw 'nyong maniwala sa akin?"

            Napatingin kami sa pinto ni Vic nang bumukas iyon at pumapasok doon si Chief Magtanggol at ilang mga senior police.

            "Kami na ang bahala dito." Sabi ni Chief at nakatingin sa babae.

            Nagkatinginan kami ni Vic at alam kong ayaw din niyang umalis dito. Case nga naman namin ito. First big case namin at kapag si Chief na ang nag-take over, siguradong wala na naman kami.

            "Chief, hindi pa kami tapos na tanungin ang babae." Katwiran ko.

            "Ako na nga ang bahala. Lakad na. Gawin 'nyo na lang ang report sa nangyari kanina at kailangang makuha ko ang report na iyon bukas. Dapat pagpasok ko nasa ibabaw na ng mesa ko iyon. Alis na," pagtataboy niya sa amin.

            Kahit kumontra pa kami ay alam ko naman na wala kaming magagawa. Sinenyasan ako ni Vic na umalis na kami at kita kong lalong napuno ng takot ang mukha ng babae habang nakatingin sa akin.

            "S-Sir. Maawa ka naman sa akin. Wala akong kasalanan. Pakawalan 'nyo ako dito. Tatawagan ko ang Tiyo ko. Magpapasundo ako." Umiiyak na sabi nito.

            Pakiramdam ko ay pinupunit ang dibdib ko sa naririnig kong pag-iyak nito kaya inis na akong lumabas. Nauna na ako kay Vic at dere-deretso ako sa kotse.

            "'Tangina. Ano sabi ko sa iyo? Siguradong si Chief na naman ang bida. Huli natin tapos siya at mga tao niya ang makikinabang." Naiiling na sabi ni Vic habang nakatingin sa safehouse na pinanggalingan namin.

            Hindi na ako kumibo at pinaandar ko na lang ang sasakyan. Dumeretso kami sa presinto para makagawa ng report na kailangan ni Chief. Habang nagta-type ako ng at naisulat ko ang pangalang Milana Zaragosa, saglit kong naisip ang sinasabi ng babae.

            Tatawagan ko ang Tiyo ko. Magpapasundo ako.

            Napahinga ako ng malalim. Isang bahagi ng pagkatao ko ang nagsasabi na totoo ang sinasabi ng babaeng iyon pero nananaig ang pagiging pulis ko na hindi dapat paniwalaan ang mga sinasabi ng mga kriminal na nahuhuli namin. Na dapat mas maniwala ako sa mga ebidensiya na nakita ko. Ebidensiya ang nagsasabi ng totoo. Inis kong itinigil ang ginagawa kong report. Tumayo na ako at binitbit ang mga gamit ko.

            "Saan ka pupunta?" Taka ni Vic.

            "Uuwi. Matutulog. Wala akong pakialam sa sermon ni Chief. Inangkin na naman nila ang kaso natin, sila na ang gumawa ng report." Hindi ko pinansin ang pagtawag sa akin ni Vic at dere-deretso akong umalis doon. Pagdating ko sa bahay ay naligo ako at pinilit matulog. Ini-off ko din ang telepono ko para walang makaistorbo.

            Kinabukasan ay tunog ng alarm sa telepono ko ang nagpagising sa akin. Kahit tamad akong kumilos ay pinilit kong ayusin ang sarili ko para pumasok. Naka-receive ako ng text galing kay Vic at nasa presinto na siya. Natawa ako. Ang aga ng gago. Ano kayang nakain at maagang pumasok? Nang makarating ako sa presinto ay kausap niya ang ilang mga tao ni Chief. Nakikipagtawanan pa nga siya. Nang makita ako ay agad na nagpaalam sa mga iyon at lumapit sa akin.

            "Late ka na." puna niya.

            Weird. Napaka-upbeat ni Vic ngayon. Masiglang-masigla kumilos.

            "Did I miss something?" Tanong ko sa kanya at muling tumingin sa mga kausap niya kanina. "Kailan ka pa naging close sa mga kupal na 'yan?"

            Kumunot ang noo niya sa akin. "Miss something? Wala." Natatawa pa siya. "Maganda lang ang mood ko kasi maaga akong pumasok. New day, new beginnings. New day, new case. Excited lang ako. Saka mababait naman sila. Wala ka pa kaya nakipagkuwentuhan muna ako. Ayos naman silang kausap."

            Tiningnan ko siya ng makahulugan at naupo ako sa table ko. Tiningnan ko ang report ko doon at iyon pa rin naman. Kung ano ang iniwan ko kagabi ay iyon pa rin ang naroon.

            "Silva. Varona. Sa opisina ko." Boses ni Chief iyon at agad kaming sumunod ng kasama ko. Katulad ni Vic, maganda din ang mood ni Chief.

            "Case closed na tayo sa mga drug pusher na nahuli kagabi. Labas na tayo sa kaso." May inilapag siyang mga folder sa harap namin. "New cases"

            "Told you," kumindat pa si Vic sa akin pero hindi ko pinansin.

            "Chief, ano hong nangyari sa babae kagabi?" Tanong ko.

            Kumunot ang noo nito sa akin. "Babae? Sinong babae?" Nagtatanong ang tingin niya sa amin ni Vic.

            "'Yong drug pusher na nahuli namin. Anong nangyari sa kanya?"

            Saglit na nag-isip si Chief tapos ay nagliwanag ang mukha.

            "Ah. Si Zaragosa." Napakamot pa ito ng ulo. "Wala na. Kinuha ng PDEA. Under surveillance din pala doon ang babaeng iyon. Saka huwag na nating pag-aksayahan ng panahon ang pusher na 'yan. Kahit kailan mga salot ang mga iyon. Sakit sa ulo. Iyan ang intindihin 'nyo ngayon. Bagong case. Pag-aralan 'nyo. Labas na." pagtataboy nito sa amin.

            Gusto ko pang magtanong sa kanya. Ganoon na lang ba iyon? Ganoon kabilis lang bibitiwan ang kaso na iyon?

            Palabas na lang kami nang muli akong tawagin ni Chief.

            "Kailangan ang report mo tungkol sa babaeng nahuli kagabi. Iti-turnover iyon sa mga bagong may hawak ng kaso."

            Tumango na lang ako at dumeretso sa puwesto ko. Hindi ko na pinansin si Vic na ngayon ay nakikipagkuwentuhan na naman sa mga tao ni Chief. Biglang-bigla ay naging close siya mga ito.

            Inabala ko na lang ang sarili ko sa report na kailangan kong tapusin. Saglit akong napatitig sa mukha ni Milana Zaragosa sa nakita kong picture.

            She was my first big case.

            And I knew, I couldn't forget her in my entire life.

            Because deep inside, my gut tells me that she was telling the truth.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top