Flashback# 2

“Okay. Naniniwala na nga ako sa’yo na naging ex mo ang Gelo na ‘yan o kung sinuman siya.”

Kumunot ang noo ni Anya dahil sa tinuran ni Arturo habang magkasama sila pabalik sa Playful Dreams, at kailangan ni Anya na asikasuhin pa ang shop bago ito tuluyang isara. May kukunin din siyang mahalagang bagay doon. Ang ibang mga defective toys ay balak na rin niyang hakutin at ibebenta naman ni Arturo ang iba sa mga ‘yon.

“Bakit naman bigla mo siyang nabanggit?” tanong ni Anya.

“Dahil tinanong ko lang naman siya kay Ate Shantel,” aburidong sagot naman ni Arturo na halatang may hindi magandang nalaman patungkol sa kanyang ex-boyfriend.

“Siya pala ‘yong travel buddy mo sa Bataan, last year nang makulong ka?” Arturo threw a look of disappointment. “Pagkatapos, nauna siyang umuwi. Gawain ba ‘yon ng gentleman?”

“Wait. Ika-clarify ko ang tungkol dyan.” Kasabay ng pagtayo ni Anya sa kinauupuan, ay ang pagtayo rin ng kanyang mga balahibo. Clearly, there was a misunderstanding from the start. Kaya hindi malabong maging civil si Arturo kay Gelo.

“Umalis siya dahil kailangan. Halos masira na ang image niya dahil sa’kin. Kailangan niyang um-attend sa mga event dahil may biglaan silang schedule. Isa pa, nakipag-coordinate naman siya noon kay Shantel kahit hindi kami nakapag-usap agad. Saka sa totoo lang, ako rin ang may kasalanan kung bakit ako nalagay sa alanganin,” mahabang depensa ni Anya.

“Paano naman ‘yong nag-break kayo tapos hindi siya nagpakita man lang?” Bakas na bakas ang galit sa boses ni Arturo. “Sige nga? Maipapaliwanag mo ba ‘yon? Nagpakita ba siya after that? Kung hindi, galit na galit ako sa kanya. Alam niyang magulo pa ang isip mo, nilapitan ka niya kahit busy ka tapos siya ang makikipaghiwalay? Dahil ano? Sa schedule? Sa trabaho niya? Kapag ako talaga mag-rant sa FB.”

“Kapag nag-rant ka do’n, walang maniniwala. Saka mabuti siyang tao. Okay? Ang mahalaga. Mag-move forward na. Hindi na siya babalik. Okay na ‘yon.” Humugot ng malalim na buntonghininga si Anya.

“Isa pa, hindi rin kayo bagay. Matanda lang siya ng isang taon sa'kin. Para ka na lang niyang sugar mommy!” protesta pa ni Arturo saka mas lalong bumusangot.

“Ang OA mo naman, apat na taon lang ang age gap namin. Sugar mommy ka dyan?” inis na singhal pa ni Anya at napasulyap sa poster na nasa dingding na kaagad din namang napansin ni Arturo.

“Iyan pala siya,” sabi nito, referring to Gelo. Ilang saglit ay pumunta siya sa cashier area ng Playful Dreams para maghanap ng kung anong gamit.

“Hoy!” awat ni Anya sa kapatid habang sinusundan ito. Napansin niyang may hawak na stickers si Arturo at pinili lang nito ang green frog sticker.

“Ito ang nararapat sa lalaking ‘yan.” Nakabusangot si Arturo nang pilasin ang likod ng sticker at idinikit iyon sa poster, sa bandang mukha pa talaga ni Gelo.

“Kung gusto mong maka-move on. Dapat hindi mo na siya makita. Akin na rin ang cellphone mo. Ide-delete natin ang pictures ng lalaking ‘yan,” dagdag niya at muntik nang maagaw kay Anya ang phone sa mesa. Mas alisto lang si Anya kaya nailayo niya ang pakay ng kapatid.

“Masyado ka na. Hindi mo ba alam na official poster ‘yan?” Humaba ang nguso niya habang tinitingala ang larawan ni Gelo na may sticker ng palaka.

“So what? Hindi na kayo official, dapat nga binaklas mo na ‘yan, eh.” Ngumisi lang si Arturo na parang may matinding pang-aasar sa kanyang ate.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top