Chapter 28

DALI-DALI siyang nagbihis papunta sa ospital. Habang nagda-drive siya papunta doon, hindi niya maiwasan na mag-isip. Wala namang detalye siyang nalaman kundi ang na-aksidente si Jethro, hindi na niya natanong pa si Tito Javier sa sobrang pagmamadali niya.

"Nurse, Jethro Capili po?" sabi niya doon sa nurse na nasa reception area habang kabadong-kabado.

"Ma'am, Room 313 po," nakangiting sabi nito.

Nawala naman ng konti ang kaba niya dahil sa sagot noong nurse sa kanya. Ibigsabihin, okay na si Jethro kahit paano. Nagmadali na siyang pumanik sa 3rd floor para makita ang kanyang fiancé.

Pagpasok niya sa loob, nakita niya ang pamilya ni Jethro na nakapalibot sa kanya. Andoon si Angelo.

"Pzalm, nandito ka na pala," tumabi muna ang Mommy ni Jethro para padaanin si Pzalm papunta sa higaan ni Jethro.

Agad na hinawakan ni Pzalm ang kamay ni Jethro at hinalik-halikan, naiiyak siya nang makita ang sitwasyon ng fiancé niya.

Nakabenda ang kanang paa nito. May mga sugat din siya sa mukha dahil sa aksidente.

"Anong nangyari, babe? Sabi ko naman kasi sa'yo, tigilan mo na ang pag-inom hindi ba? 'Yan tuloy nangyari. Paano kung-" natigil si Pzalm sa pagsasalita dahil sumagot na si Jethro sa kanya.

"Hayaan mo na, nandito naman na ako ulit ah. May mga galos nga lang pero gwapo pa rin naman. Mom, Dad, can you take Angelo with you first? May pag-uusapan lang kami ni Pzalm."

Tumango naman ang parents niya sa hiling ni Jethro at niyaya si Angelo na maglaro muna sa labas para may private time sila ni Pzalm.

Dahil wala na ang parents ni Jethro ay biglang hinampas ni Pzalm ang kanyang fiancé dahil sa biro nito kanina.

"Ikaw, naaksidente ka na nga, nagawa mo pang magbiro! Nakakaasar ka."

"Aray ko, masakit ha! Ipapaalala ko lang, nasa ospital pa tayo. Saka, tama naman ako ah? Kahit may mga sugat, gwapo pa rin ako," sabi ni Jethro sabay haplos sa mga sugat niya.

"Hindi na talaga kita papayagan mag-inom, ayaw ko na! Kahit kasama mo pa si Lorenzo, hindi na ako makakampante," inis na sabi niya.

"Hindi naman na talaga ako makakainom. Matagal pa bago ako makakalakad, no. Baka nga naka-wheelchair ako sa kasal natin," may hiya at kaba sa boses ni Jethro noong sinabi niya 'yon.

"Ayos lang, aalagaan naman kita. We will have physical therapy para mabilis din ang paggaling mo, okay?" sabi ni Pzalm habang nakangiti, hinagod niya ang buhok nito.

"Sure ka? Hindi mo ko iiwan kahit na ganito na kalagayan ko?" matapang na tanong ni Jethro.

"Sa dami na nang pinagdaanan natin, ngayon pa kita bibitawan? Kung kalian ikakasal na tayo? Ano ba naman 'yan," sabi ni Pzalm na para bang naiinsulto sa tanong ni Jethro.

"Pzalm, may gusto akong itanong. Sasagutin mo nang deretso at totoo. Okay?" sabi ni Jethro at nakangiti.

"Okay. Ano 'yon? Huwag lang Math ha," asar naman ni Pzalm.

"Masaya ka ba na ikakasal ka sa akin? Noong dumating ba si Sven ulit, nagbago ba ang desisyon mo?" mga tanong ni Jethro na kinagulat ni Pzalm.

"Aamin ako sayo, Jet. May pagmamahal pa rin akong natitira para kay Sven. Hindi na nga yata mawawala 'yon. Sabi naman kasi nila, you cannot unlove the person you once loved," nakangiting sagot ni Pzalm.

"May pagmamahal ako para sa kanya na para sa kanya lang. Na kahit kalian, hindi ko mabibigay sa'yo. Wala akong magagawa roon eh, naging parte na siya ng buhay ko. Habambuhay, dadalhin ko na siya sa puso ko," dagdag pa niya.

"H-Hindi mo ba talaga kayang ibigay sa akin ang puso mo ng buo? Ako kasi, ikaw lang-" natigil si Jethro sa sinasabi nang sumagot si Pzalm sa kanya.

"Ako lang kasi ang minahal mo, Jethro. Sabi mo, simula bata tayo, ako na hindi ba? Maiintindihan mo lang ako kapag may minahal ka nang iba," sabi ni Pzalm.

"Mukhang malabo namang mangyari iyon kasi ikakasal na tayo," natatawang sagot ni Jethro.

"Oo, masaya ako na ikakasal ako sayo. Noong nag-propose ka nga sa akin, iyak ako nang iyak pag-uwi ko noon. Kasi finally, may lalaking tumayo na para sa akin. Iyong lalaki na mamahalin ako at hindi ako iiwan nang clueless. Iyong lalaki na pinili ako," nakangiti pero naiiyak na si Pzalm.

"Pero, nagbago ba 'yon noong makita mo ulit si Sven at nalaman mong pwede na ulit kayo? N-Naisip mo ba na iwan ako?" matapang na tanong ni Jethro.

"Aaminin ko, mga what ifs ang pumasok sa isip ko. What if kami pa rin? Ganoon pa rin ba siya magmahal tulad noong dati? What if hindi niya ako iniwan? Nasaan kaya kami ngayon? Mga ganoong bagay."

"Pero, hanggang what if na lang ako. Hindi ko naisip na iwan ka noon. Alam mo kung bakit?" sabi ni Pzalm.

"Bakit?"

"Kasi, hindi na 'yon ang sitwasyon. Iba na, bakit ko pa ipipilit ang mga what if ko sa buhay kung alam ko naman na hindi na 'yon ang nangyayari? Sinasayang ko lang ang oras ko doon," sagot naman ni Pzalm.

"Di ba, ang sabi naman nila.. Kapag mahal mo ang isang tao, ipaglaban mo 'yon? Bakit hindi mo 'yon gawin?" tanong ni Jethro kahit alam niya na masasaktan siya.

"Hindi naman lagi kailangan na ipaglaban mo ang pagmamahal. Naniniwala ako na kung hindi na 'yon ang sitwasyon mo, hindi na para sa'yo iyon. Isa pa, kung labanan ko pa lahat ng hadlang sa pagmamahalan namin, marami ang masasaktan. Lalo ka na," sabi ni Pzalm.

"Tinitiis mo na lang ba ang sakit para hindi ka makasakit ng kapwa?"

"Hindi ko tinitiis. Desisyon ko 'to, na piliin kang makasama kasi alam ko na kailangan mo ng pagmamahal ko. Nandito ako para sayo at hindi ako mawawala. Okay? Huwag mo nang pagdudahan ang pagmamahal ko, sayong-sayo na ako," nakangiting sagot ni Pzalm at hinalikan niya ang noon i Jethro.

Ngumiti si Jethro pero nagu-guilty siya sa mga ginawa niya. Sinadya niya kasi ang aksidente dahil akala niya ay mas mabuti pa iyon. Ang nararamdaman kasi niya, pipiliin ni Pzalm si Sven over him. Mali pala siya.

Gusto man niyang saktan ang kanyang sarili dahil sa padalos-dalos na sitwasyon, hindi naman niya maamin sa fiancé na siya rin ang may kagustuhan noong nangyari sa kanya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top