Chapter 26

NAKAPASOK na si Sven sa PFB Express. Wala nang nagawa si Jethro noon dahil na-approve na ni Pzalm ito kahit walang paalam. Hindi na rin niya nagawang magalit kasi pagod na rin siya makipag-away sa isang bagay na alam niyang hindi sa kanya.

Pagkatapos niya sa trabaho sa school ay kinuha niya ang kanyang cellphone. Gusto na niyang kausapin si Sven dahil may mahalaga siyang sasabihin dito.

"Nasaan ka?" tanong niya kay Sven gamit ang cellphone.

"Pauwi na, s-sino 'to?" nagtataka si Sven sa kabilang linya.

"Jethro, nakuha ko ang number mo sa staff ng PFB Express. Kailangan lang nating mag-usap," sabi ni Jethro, malinaw na malinaw.

"B-Bakit? Para saan?" tanong ni Sven, kabado siya at naguguluhan.

"Siguro naman, alam mo kung bakit. Ite-text ko na lang sa'yo kung saan. Salamat," sabi ni Jethro at binaba na ang kanyang cellphone.

Nag-ayos na siya ng gamit pagkatapos ay nagtungo na siya sa kotse niya. Tinext niya muna si Sven kung saan sila magkikita. Hindi niya alam kung tama ba ang gagawin niya pero gagawin niya pa rin 'to para kay Pzalm.

Pagdating niya sa restaurant kung saan sila magkikita ay wala pa doon si Sven kaya umupo muna siya sa bakanteng upuan. Nag-order lang siya ng kape para naman kumalma siya kapag nakausap na niya si Sven.

Ilang minuto pa ay nagmamadali na pumasok si Sven sa restaurant at noong nakita niya si Jethro ay lumapit na siya dito. Hindi niya nagawang ngumiti dahil naghahalo ang inis, kaba at kuryusidad niya sa kung ano ba ang pag-uusapan nila.

Umorder lang si Sven ng juice dahil alam niyang mabigat ang topic na 'to. Iniisip niya pa lang ang mga sasabihin ni Jethro, nasasaktan na siya.

"Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa, gusto kong pag-usapan natin si Pzalm," sabi ni Jethro, kabado siya pero hindi niya pinahalata kay Sven.

"A-Anong meron sa kanya?" tanong ni Sven na nauutal pa.

"Mahal mo pa ba ang fiancée ko?" deretsahan niyang tanong.

"Paano kung sabihin kong oo? Susuntukin mo ba ako dito?" deretsahan ding sagot ni Sven.

"Kung hindi ko iniisip si Pzalm ngayon, kanina ko pa 'yon ginawa. Nagtitimpi lang ako dahil mahal ko siya," sabi ni Jethro.

"Oo, mahal ko pa rin siya. Mamahalin ko siya nang walang kapalit, kahit hindi na niya ako balikan ay mamahalin ko pa rin siya," sagot naman ni Sven.

Tumango-tango si Jethro pagkatapos ay uminom ng kape niya.

"Mahal ko rin siya kahit na naguguluhan siya sa pagmamahal niya sa akin ngayon dahil bumalik ka sa buhay namin," sagot ni Jethro, tumango naman si Sven.

"Hindi ako bibitaw sa kanya, Sven. Sana alam mo 'yon at malinaw sayo. Bata pa lang tayong tatlo, mahal ko na siya at lagi ako ang nandyan para sa kanya kaya ako ang para sa kanya," buong tapang na sabi ni Jethro.

"Alam ko, kaya nagpapa-salamat ako sa iyo kasi inalagaan mo siya at minahal noong wala na ako sa buhay niya. Pero, hindi mo naman mapipilit ang isang tao kung sino talaga ang mahal niya. Kahit na hindi niya sinasabi, alam kong meron pa siyang natitirang pagmamahal sa akin," sabi ni Sven.

"Nagagawa niya lang 'yon dahil may pinagsamahan kayo at naaawa siya sa'yo dahil wala na si Kiera sa tabi mo," sabi ni Jethro.

"Nakikita mo ba kung paano siya ngumiti kapag kasama ka niya? Doon mo malalaman kung masaya siya o hindi sa piling mo," sabi ni Sven, alam niya kung paano ang galaw ni Pzalm kapag tunay itong masaya.

Tumahamik nang konti si Jethro dahil alam niya rin na may lungkot sa mga mata ni Pzalm kapag magkasama sila. Pilit na niya itong pinapasaya pero wala pa rin, hindi gumagana.

"Oo, masaya na siya dahil wala na ang sakit na dinulot mo," pagsisinungaling ni Jethro.

"A-Ano bang pinupunto mo dito? Ipapamukha mo ba sa akin na kayo ang para sa isa't isa at hihilingin mo sa akin na bumitaw na ako? Kasi kung iyon ang pinaparating mo, hindi ko 'yon ibibigay sayo," matapang na sabi ni Sven.

"May isang malaking desisyon lang akong gagawin, nasagot mo naman na kaya pwede ka nang umalis," sabi ni Jethro, tumayo na si Sven at palabas na nang restaurant nang biglang tinawag ulit siya ni Jethro.

"S-Sven, two months from now ay ikakasal na kami. Pumunta ka, ha?" sabi ni Jethro, nagtaka naman si Sven.

"P-Paano kung ayaw ko?" matapang na tanong ni Sven.

"Kahit na sabihin mo 'yan ngayon, alam ko naman na lihim ka pa ring pupunta sa kasal namin. Sa mga sagot mo kanina, mahal na mahal mo nga talaga si Pzalm," sabi ni Jethro.

Tumingin ng halos isang minuto si Sven bago tuluyang nagsalita.

"Kapag ba pumunta ako sa kasal niyo, may magbabago ba sa desisyon mo? Magpapaubaya ka ba?" tanong ni Sven, halatang iniinis niya lang nang mabuti si Jethro.

"Kaya kailangan mong pumunta, malalaman mo ang sagot ko kung nandoon ka," matapang na sagot ni Jethro.

Kahit naguguluhan ay hindi na lang pinansin ni Sven ang sinabi ni Jethro. Lumabas na siya ng restaurant at umuwi.

Si Jethro naman ay nag-stay pa doon sa restaurant ng ilang oras. Umalis lang siya noong inabot na siya ng ulan at wala na ring tao gaano. Ang dami na ngang naghahanap sa kanya pero ni isa ay wala siyang sinagot. Ultimo si Pzalm, hindi niya pinapansin.

Nang makapasok na sa loob ng kotse ay agad na tumawag naman si Pzalm kaya sinagot na iya ito.

"Hello?"

"Nasaan ka ba?" nag-aalalang tanong ni Pzalm.

"Pupunta ko kina Lorenzo. Mamaya pa ko uuwi," sagot niya, para bang wala siyang paki sa pag-aalala ni Pzalm sa kanya.

"Iinom ka na naman? Huwag na, umuwi ka na dito sa condo. Please?" pagmamakaawa ni Pzalm.

"Kailangan eh, may pag-uusapan pati kaming importante. Uuwi na lang ako dyan mamaya. Huwag mo na kong hintayin, okay lang naman ako," sagot ni Jethro at binuksan na ang makina ng kanyang kotse.

"S-Sige, ikaw ang bahala. Hihintayin pa rin kitang umuwi, agahan mo ha?"

"Sige, hindi naman ako iinom masyado. Hayaan mo," sagot naman ni Jethro at binaba na 'yong tawag.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top