The Man with Green Eyes (Part 1)

CHAPTER 5: The Man with Green Eyes (Part 1)

"Ate! Gumising ka na diyan! Anong oras na, o? Wala ka bang balak na gumising diyan?" Rinig kong paggising sa akin ni Sei.

"Ano ba iyon? Sabado naman ngayon eh." Inis kong sagot.

"Gumanyan ka ng sagot kapag may pasok, e bakasyon na ngayon." Tumingin ako sa kanya nang nakabusangot. Akala mo hindi ate kausap ng bubwit na ito.

Oo, bakasyon na ngayon. Pagkatapos ng ilang araw na pananakot sa akin ay nakatapos na ako ng isang school year na nagigising sa madaling araw ng walang dahilan, takutin ng batang lalaki, at paglaruan ng kung sinu-sino rito.

"Ano, ate? Titingin ka lang diyan? Hindi ka gagalaw? Alas nuebe na kaya. Tayo na diyan, magtoothbrush ka na at maghilamos. Huwag kang tamad." Mas lalo akong sumimangot. Ano ba naman itong batang ito! Argh!

Inis akong umalis ng kama at nagtali ng buhok. Padabog kong binuksan ang gripo at naghilamos. Pumunta akong banyo at kinuha ang toothbrush at toothpaste. Bumalik ako sa lababo at nagsipilyo.

Pagkatapos ay nagpalit ako ng damit pambahay at pumunta ng sala. Napatingin ako sa orasan, "alas nuebe pasado na pala." Napasimangot naman ako.

Tinatamad akong gumalaw!

Lumapit ako sa pinto ng terrace at tinanggal ang mahabang bakal doon na nakatrangka para mabuksan ito. Nagpahangin muna ako dahil malakas at maaliwalas ito. Iginala ko ang aking mata sa labas ng bahay namin at may nakita akong lalaking nakatingin sa bahay namin. Naningkit naman ang mga mata ko at tinignan siya.

Mabaha ang kaniyang buhok at magulo ito. Nakasuot siya ng brown na t-shirt at sira-sira ang pantalon niya. Ripped jeans pa nga.

Diretso lang siyang nakatingin sa bahay namin at parang walang balak umalis, lumapit, o kumatok man lang sa gate namin.

Mas maganda na sigurong ganoon iyon.

Isinara ko ulit ang pinto at binuksan ko ang mga bintana. Nagsimula akong magwalis kahit labag ito sa loob ko dahil nga sa tinatamad ako. Pagkatapos ay nag-mop at nag-floor wax kahit na labag talaga ito sa loob ko. Binago ko din ang ayos ng mga gamit sa sala dahil iyon ang utos ni Mama.

Pagkatapos ay nagsimula akong magluto ng tanghalian namin ni Sei. Siya ang nagsaing kaya bawas trabaho at ako naman mamaya sa gabi. Alas dose pasado na nang kumain kami. Siya naman ang naghugas dahil ako naman ang nagluto para sa amin.

Umupo lang ako sa sala at nanood ng TV. Dahil katabi ng sofa ang bintana ay tumingin ako sa labas. Nanlaki ang mata ko sa aking nakita. BAKIT NANDITO PA RIN YUNG LALAKI? Nako naman talaga o! Wala talagang balak umalis ang lalaking iyon.

Tirik na ang araw ay nakatayo pa rin siya doon. Kung manliligaw ko iyon, kikiligin ako pero hindi e. Isang weird na lalaki ang nakatayo sa tapat ng bahay namin! Mukhang kahit isang galaw ay hindi pa niya nagagawa.

Napatingala siya at napatingin siya sa akin. Nagulat siya at sumimangot. Kinabahan naman ako bigla pero naging mataray ang ekspresyon ko. Umiwas ako ng tingin at lumingon sa telepono.

Lumapit ako doon at tinawagan si Papa. "Papa?"

"Ow, ate? Napatawag ka?" Ano ba naman ito sumagot. Akala mo tropa lang ako.

"Pa, may lalaki po sa tapat ng bahay natin. Kanina pa po siya, actually. Mga alas nuebe po ay nasa tapat na siya. Hanggang ngayon po ay hindi pa siya umaalis." Paliwanag ko sa kaniya.

Isang mahabang katahimikan bago siya nagsalitang mula. The silence is very loud.

"Anong itsura ng lalaki?"

"Panget po." Inosenteng sagot ko.

"Bukod pa doon, ano pa?" Mukhang nainis siya sa sagot.

"Mahaba po ang buhok niya. Naka brown po siya na t-shirt at sira-sira po ang pantalon niya."

"Isarado mo lahat ng pinto diyan sa bahay. Pati na rin ang gate ay ikandado. Bilis na, gumalaw ka na agad."

"Opo."

"Sige na, tatawagan ko pa ang Mama mo. Uuwi na kami agad diyan. Maghintay lang kayo at utang na loob, anak. Huwag kang gumawa ng katangahan, a? Sundin mo lang ang pinag-uutos ko. I Love You." At ibinaba na niya.

Magrerekla mo sana ako hindi sa pinag-uutos niya, kung hindi dahil sa tinawag niya akong tanga. Sweet talaga ng tatay ko. Nakakakilig talaga.

Kinuha ko ang susi at bumababa. Chill lang akong naglakad sa baba dahil nakikita niya ako sa baba. Open kasi ang baba, may maliit na hallway sa pagitan ng harang ng bahay at bintana nila Krystyn. Sinusian ko pabukas ang kandado at iniayos ang trangka ng gate.

"HUWAG!" Sigaw ng lalaking nasa tapat ng bahay namin at mabilis na tumabok papunta sa gate.

Mabilis ko rin na inilagay ang kandado at nang mai-abot niya ang trangka ng gate ay nai-kandado ko na. Nagwala siya sa gate at sigaw nang sigaw na buksan ko ang gate. Nanginginig akong tumayo sa pagkaka-upo at kumatok sa pinto nila Tita. Iniyuyugyog pa niya ng malakas ang aming gate. Sobrang lakas na rin kumahol ng mga aso. Nakadaragdag pa ito ng takot sa akin.

"T-tita! Buksan mo ito!" Pagsigaw ko habang kumakatok.

"Sana kapag binuksan mo ito ay totoong tao ka na!" Pahabol ko pang sabi.

Binuksan niya ito at nag-aalala ang kaniyang itsura. "Anong nangyari?" Tinuro ko ang lalaki sa may gate.

Nanlaki ang mga mata niya pati na rin ang mata ng lalaki. Mas lalong nagwala ang lalaki sa gate.

"A-alam na ba i-ito ni Kuya?" Tumango ako.

"Pwede bang sa taas muna kaming tatlo?" Tanong niya. Tumango lang ako bilang sagot at tinawag ko si Kurt habang karga naman ni Tita ang baby na si Krystyn.

Ini-lock muna ni Tita ang pinto nila at sumabay sa akin sa pag-akyat. Tinignan ko ang lalaki habang naglalakad kami. Nagulat siya at lumawak ang ngiti nito. Parang sabik siya nang makita niya ang mga bata.

Kulay berde ang mga mata niya. Parang may gusto siyang gawin na masama. Ano ba talaga ang gusto niya? Bakit ganoon ang reaksyon ni Tita? Ano ang alam ni Papa at Mama sa pangyayari na ito?

Kinilabutan ako bigla.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top