Knock, Knock! Who's there?
CHAPTER 1: KNOCK, KNOCK! WHO'S THERE?
Idinilat ko ang aking mga mata na para bang napapikit lang ako pero galing ako sa mahimbing na pagkatulog.
Umupo ako sa aking kama at kinuha ang cellphone ko. Sinaksak ko ang charger sa aking cellphone at ang earphones. Sinuot ko ang aking earphones at nagpatugtog habang nagbabasa sa Wattpad.
Tinignan ko ang oras, "ay 1:50 am palang pala."
Nagpatuloy lang ako sa aking pagbabasa. Minsan ay palinga-linga ang mata ko sa loob ng kwarto namin. Kasama ko ang mga magulang ko pati na rin ang aking nakababatang kapatid sa iisang kwarto.
Ang bahay namin ay may dalawang pamilya. Sa 1st floor ang pamilya ng aking tita at kami naman dito sa 2nd floor. Nakapatay lahat ng ilaw sa labas ng kwarto. Mayroong midnight light dito sa loob ng kwarto dahil sanay kasi si Mama na may kahit kaunting ilaw sa kwarto habang si Papa naman ay gustong nakapatay ang lahat ng ilaw.
Kaya ngayon ay nakikita ko sila. May dalawang kama dito sa kwarto, isang single bed para kay Papa habang isang queen size naman para sa aming tatlong babae. Dapat ay sa isang kwarto si Papa ang kaso ay mainit doon at dito lang ang may air conditioner.
Ako ang malapit sa bintana habang nasa gitna si Sei at si Mama naman ay malapit sa pintuan. Parehas sila ni Papa pero may isang aparador ang nasa pagitan ni Mama at ng pintuan. Nasa may ulunan naman ni Papa ang pintuan at dikit siya sa pader.
Nakasandal ako sa pader habang tinitignan sila. "Hay nako, bakit nga ba ulit ako nagising sa madaling araw?"
Hindi ko rin naman masagot ang sarili ko dahil ako mismo ay hindi alam ang sagot. Nagpatuloy lang ako sa pagbabasa ng kwento at naramdaman kong gumalaw si Mama.
Nako! Hindi niya ako pwedeng makitang gising! Mapapagalitan na naman ako nito kung sakali. Ilang beses na kasi akong nahuhuli nito na gising sa madaling araw at gumagamit ng cellphone.
Dali-dali akong humiga ng maayos sa pwesto ko at pinatay ang cellphone ko. Tinanggal ko din ang nakasaksak na charger pati na rin ang earphones sa tainga ko.
Umakto akong natutulog at pinakiramdaman siya. Naramdaman kong gumalaw siya at tumayo. Narinig kong binuksan niya ang pinto at lumabas. Inilagay ko agad ang cellphone, charger, at earphones sa ilalim ng kama. Madali na lang sa akin ito dahil madalas ko na itong ginagawa.
Pinakiramdaman ko siya dahil gawa sa kahoy ang sahig namin. Maririnig din kaagad ang bawat yapak ng kaniyang paa dahil sa nagagawang tunog ng mga kahoy. Binuksan niya ang pinto at pumasok. Ini-lock niya ito at bumalik sa kama.
Gaya ng aking inaasahan ay tinanggal niya ang kumot ko at iniangat ang mga unang hinihigaan ko. Hinahanap niya ang cellphone ko, dahil baka gumagamit ako sa madaling araw. Ibinalik niya ang kumot ko at bumulong, "akala ko nagising ka na naman sa madaling araw para mag-cellphone."
Bumalik na siya sa pagkakahiga at nagtaklob ng kumot.
Habang ako naman ay nakahinga ng maluwag dahil nailagay ko agad ang cellphone ko sa ilalim ng kama. Napangisi dahil sa pagkakataong ito ay hindi ako nahuli ni Mama. Pinakiramdaman ko kung tulog na ba ulit siya at naghintay pa ng mga ilang saglit.
Nang masigurado kong natutulog nga siya ay inabot ko ng hindi tinitignan ang aking cellphone. Nagdadasal na sana ay walang humawak ng aking kamay at hilain ako o kaya ay ilayo ang cellphone ko.
Nang maabot ko ito ay isinaksak ko kaagad ang charger at isinuot ang earphones. Nagpatugtog at nagpatuloy sa pagbabasa ng kwento.
Habang tumatagal ay hindi na ako nakararamdam ng antok at nakaka-ilang kabanata na rin ako sa aking binabasa.
Maya-maya pa ay may narinig akong mahinang katok sa pinto. Hindi ako sigurado kung ito ba ay galing talaga sa pinto o sa kantang pinakikinggan ko. Hindi ko na lang ito masyadong pinansin at nagpatuloy sa pagbabasa.
Makailang saglit pa ay nakarinig ulit ako ng katok. Para makasigurado ay tinanggal ko ang aking isang earphone sa kanan at hinintay na may kumatok ulit pero wala na akong narinig.
Binalik ko ito ulit at nagpatuloy sa pagbabasa. Nakarinig na naman ako ng isa pang katok! Pero mas malakas na ito kumpara sa dalawang nauna.
Napatingin lang ako sa pinto at hinintay na may kumatok. Ngunit walang katok ang narinig.
Hinayaan kong hindi nakasuot ang isang earphone sa aking kanang tainga para masigurado ko na maririnig ko ang katok.
Habang nagbabasa ay napatingin ako kay Papa na mahimbing ang tulog, kay Sei, at kay Mama. Napabuntong hininga lang ako at ipinagpatuloy ang pagbabasa.
Bigla na lang akong may narinig na isang mas malakas na katok kumpara sa pangatlong katok. Nanlaki ang mata ko sa narinig ko.
Totoo nga! H-hindi ko lang i-iyon guni-guni!
Palakas ng palakas ang katok niya.
Lima!
Anim!
Pito!
Walo!
Sa pang-siyam ang kinakalabog na niya ang pinto! Sobrang lakas ng kabog ng dibdib ko. Halos hinahabol ko ang hininga ko. Nangilid ang mga luha ko at napatingin kaila Papa.
BAKIT HINDI NAGIGISING SA KATOK?
BAKIT HINDI SILA NAIINGAYAN?
BAKIT HINDI SILA NAGREREKLAMO?
Dahil sa sobrang takot ay binunot ko ang charger ko at pinatay ang cellphone ko. Inilagay ko ang mga ito sa ilalim ng mga unan ko at nginginig na nagtaklob ng kumot kahit na naririnig ko pa rin ang mga katok.
Nagdasal ako bago ulit matulog at pumikit pagkatapos. Hinihiling na sana ay guni-guni ko lamang iyon at walang iba pa. Sana ay hindi ito totoo, na masamang panaginip lang ito.
Kinabukasan ay naalala ko na naman ang nangyari kagabi. Bawat katok ay kabog ng puso ko sa sobrang kaba. May biglang pumasok sa isip ko.
"T-teka nga, h-hindi ba't lahat ng pinto rito sa second floor ay sarado? Lahat ng ilaw ay patay? Ang pinto sa terrace ay nakatrangka at ini-lock ni Mama ang pinto ng kwarto." Nangilid ang luha ko sa takot.
"S-sino iyong kumakatok kagabi sa p-pinto? A-ano kaya ang p-pwedeng mangyari sa a-akin kung lumapit at b-binuksan ko a-ang p-pinto?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top