Hi, Ate!
CHAPTER 3: HI, ATE!
Nagising ako dahil sa sobrang init kahit na may electric fan na. Iginala ko ang aking mata at nakitang nakapatay na ang TV. Sa pagkakaalala ko ay bago ako nakatulog ay nanonood ako ng TV na ngayon ay nakapatay na.
Pumunta ako sa likod dahil naalala kong naglalaba pala ako. Pina-ikot ko ulit ang aking labahin at umupo sa upuan sa tapat ng washing machine.
"Sei! Paabot nga ng cellphone ko!"
Walang sumagot sa akin kaya inakala ko na sinunod na niya agad ang utos ko. Ngunit ilang minuto na ang lumipas ay hindi pa rin siya lumalapit sa akin.
Tumayo ako at pumunta sa sala, "Sei nasaa–" napahinto ako at nanlaki ang mga mata. Mag-isa lang pala ako dito. Tinignan ko ang orasan at alas dose y media na ng tanghali. May training nga pala siya ng alas dose y media hanggang alas cinco y media ng hapon. Madalas ay magkasabay sila ni Mama na umuwi. Si Papa naman ay nasa trabaho.
Lumapit ako sa pinto at tinignan kung naka-lock ito. Buti na lang ay ini-lock niya ito bago siya umalis. Kinuha ko ang aking cellphone at bumalik sa likod. Nagdesisyon din ako na hindi na ako kakain ng tanghalian. Ganoon naman talaga ako, nasanay na ang katawan ko na hindi kumakain kahit pa sa paaralan. Alam kong mali pero hindi pa talaga akong nagugutom.
Umupo ulit ako sa upuan sa tapat ng washing machine. Habang gumagamit ako ng cellphone, may narinig akong tumunog bilag sa sala. Hindi ako lumapit doon dahil tinatamad ako. Kung ano man iyon ay wala akong pakialam, gusto ko lang matapos itong labahin ko ng makatulog ulit ako.
Isang oras na ang nakalipas ay nagdesisyon na akong maligo. Dahil sa umiikot pa naman ang labahin ko, banlaw na lang naman ito at malapit ng matapos. Pumunta ako sa kwarto ko para kumuha ng damit at tuwalya. Aaminin ko na natatakot talaga ako. Kung hindi ba naman ako siraulo ay sana binuksan ko ang ilaw sa dining room pero dahil sa katamaran ay hindi ko na ito binuksan. Kahit na ba tirik ang araw sa ganitong oras, hindi umaabot ang liwanag sa dining room namin.
Hindi ako tumayo sa mismong pintuan dahil nga natatakot ako. Tumayo ako sa gilid ng pintuan sa may kanan dahil nandoon ang switch at dahil sobrang dilim sa loob. Pinindot ko iyon at kumurap-kurap ang ilaw. Pagpasok ko ay kinuha ko na ang mga damit ko at ang tuwalya. Paglabas ko ay pinatay ko ulit ang ilaw dahil kailangan magtipid.
Nilapag ko ang aking damit sa lamesa ng dining room at pumunta ako sa sala para isarado ang bintana at ang pintuan ng terrace. Bumalik ako sa dining room at kinuha ang mga damit ko. Pumasok ako ng banyo at isinampay ang mga damit ko pati ang tuwalya. Naghubad ako at binuksan ang pinto para mailagay ang maduming damit sa basket. Hindi ko inilagay sa washing machine dahil huling ikot na iyon ng dark colors.
Pumasok ulit ako at binasa ang katawan ko pati na ang ulo. Dapat ay magsa-shampoo na ako pero pagtingin ko ay wala na palang shampoo sa maliit na basket. Lumabas ako ng nakabuhad dahil ako lang naman ang tao dito. Pumunta ako sa likod ng pinto ng kusina dahil nandoon ang mga stock ng mga sabon.
Pabalik na ako ng banyo pero may bigla akong narinig sa sala. Pumunta ako doon at iginala ko ang aking mata ngunit wala namang nagulo o nahulog. Bumalik na ako sa banyo at naligo na nang tuluyan.
Pagkatapos ko magbihis ay bumalik agad ako sa aking labahin at nagsimulang magbanlaw. Umupo ulit ako at gumamit ng cellphone. Habang gamit ang cellphone ay may nahagip ang mata ko sa kanan.
Isang mabilis na paggalaw.
Tumingin ako sa kanan ko at wala namang akong nakitang kakaiba. Baka guni-guni ko lamang iyon. Nagpatuloy ako sa paggamit ng phone at sa pangalawang beses ay nahagip na naman ng mata ko ang mabilis na paggalaw! Mabilis akong tumingin sa aking kanan at tinitigan ko ito.
Sa isang iglap ay nakita ko na naman ang mabilis na paggalaw! Ngayon ay kita na ng dalawa kong mga mata! Totoo nga ito!
Narinig ko itong tumawa. "Hi, Ate!" Sabi pa nito. Ako naman ay nagulat dahil nakuha pang bumati sa akin! "Anak ng pating naman, oo!"
Patuloy pa rin siya sa pagtawa at pagtakbo pero papunta lamang siya sa lababo ng paulit-ulit. Dahil tumatabok siya mula sa dining room papuntang kusina na kapag dire-diretso ay lababo na.
Bigla siyang huminto sa gitna ng maliit na hallway ng kusina dahil may dalawang banyo doon. Nakaharap pa rin siya sa lababo, "ate, maglaro tayo."
Hindi ako sumagot at parang hindi rin ako humihinga sa sobrang kaba. "Ate, maglaro tayo."
"Ate, maglaro tayo."
"Ate, maglaro na nga tayo."
"ATE, SINABING GUSTO KONG MAGLARO TAYO!"
Nanlaki ang mata ko dahil bigla siyang humarap sa akin at tumakbo ng mabilis. Hindi ako makasigaw dahil sa sobrang pagkabigla. Nagulat na lang ako nang nilulunod niya ako ng patalikod sa tubig ng drum sa likod ko.
Sinusubukan kong i-angat ang aking sarili ngunit hindi ko magawa. Napakalakas niya at hindi ko man lang maalis ang kaniyang kamay sa aking leeg.
Nakikita ko ang itsura ng bata, isa siyang lalaki. Maputla ang kulay, magulo ang itim nitong buhok, wala na itong mga mata, at nakasuot siya ng sando at shorts.
Unti-unti ay nauubusan na ako ng hangin at hindi ko na mapigilan ang bata sa paglunod sa akin. Ngunit naramdaman kong binitawan na niya ako at umalis.
Habol hininga akong umangat sa tubig at tinignan ang bata na naka talikod sa akin. Huminto siya sa tapat ng pintuan ng dining room at humarap sa akin.
Kahit walang mata ay alam kong nasiyahan siya. Kita sa mga labi nito ang saya, saya na parang laro lang talaga sa kanya ang nangyari. Pero ako, nanginginig sa takot dahil sa nangyari.
MUNTIK NA AKO MAMATAY!
Napalitan ang saya nito sa labi ng isang ngisi. Isang nakakikilabot na ngisi. "Sa susunod ulit, ha? Ate."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top