CHAPTER 13

Chapter 13: A friend

GABI na ako natapos sa pag-aayos ng mga gamit namin sa kuwarto. Iyong mga pambahay nina Darlene at Ryry ay tinupi ko sa basket para hindi sila mahirapan na kumuha ng susuotin kapag magbibihis na sila. Iyong mga pabango nila at iba pang gagamitin ay nasa mesa na. Ang mga laruan ni Ryry ay nasa divider na rin. Maayos na itong nakasilid.

Pinunasan ko ang namumuong pawis sa noo ko at nilapitan ko silang dalawa. Napangiti na lamang ako dahil nang pagmasdan ko lang ang mahimbing nilang pagtulog ay nawala bigla ang pagod ko at hinanakit sa dibdib sa aking dibdib dahil sa ginawa ni tita sa pera na sana ay sa amin.

Mag-iipon na lamang ulit ako ng pera para sa kanila. Kayang-kaya ko naman sigurong gawin ulit iyon.

Kinumutan ko na muna sila. Mabuti na lang ay hindi ginalaw ni tita ang mga pagkain ng kapatid ko. Halos mangalahati rin iyon dahil kay Ryry.

Lumabas ako ng kuwarto at naisipan ko lang din ang magpahangin. May hardin pa at may upuan doon sa labas. Napatingala ako sa langit at nagpakawala nang malalim na hininga.

'Nay, 'Tay, sa susunod na linggo po ay babalik na ako sa Indonesia. Kayo na po ang bahala sa mga kapatid ko at huwag ninyo po sila pababayaan. . .

Biglang lumamig ang hangin na tila niyayakap ako nito at may tumulo pang luha sa aking pisngi bago ako nagpasyang bumalik sa loob.

Si Tita Araneta ang nagluto ng hapunan namin. Masarap ang ulam ngayon dahil para na rin daw iyon sa warm house. Oo, naghanda talaga siya.

Katabi kong nakaupo ang mga kapatid ko at nasa dulo ay si tita. Sa tapat ng aming upuan ay ang tatlong magkapatid. Tapos nasa unahan naman si Tito Carlo na tahimik lang kumakain.

"Sa susunod na linggo na ang alis mo, Dalia?" tanong ni tita.

"Opo, tita," sagot ko nang hindi ko siya sinusulyapan. Inaasikaso ko kasi ang pagkain ni Ryry.

"May pera ka pa naman siguro diyan, 'no?" tanong ulit niya dahilan na mapatingin ako sa kaniya.

"'Ma, ano ba? Kumakain tayo," sabat ni Rouge sa malamig na boses.

"Tumahimik ka na muna riyan, Rouge. Hindi pa ako tapos," mausngit na sabi ni tita.

"Bakit po, tita? May kailangan po ba kayo sa pera?" tanong ko bago pa man sila magkasagutan ng anak niya.

May galit naman sa kanila ang panganay nilang anak pero kapag hindi nito nagustuhan ang ginagawa nila ay talagang sasagot-sagutin sila ni Rouge.

"Wala naman, Dalia. Ang mga kapatid mo ay kailangan ng pera dahil maililipat na sila ng paaralan. Ayaw mo naman sigurong bumiyahe sila sa malayo, 'di ba?" Hindi ko naisip ang bagay na iyon.

"Sige po, tita. Ako na po ang bahala," sabi ko na lamang.

Si Rouge naman ay napatayo na lamang siya at nakita kong hindi pa siya tapos kumain pero dinala na niya agad sa lababo.

"Tapos ka nang kumain, Rouge?" nagtatakang tanong ni Tito Carlo sa kaniyang anak.

"Nawalan na po ako ng ganang kumain, 'Pa," malamig na sagot nito at lumabas na rin sa kusina.

"Sakit talaga ng ulo itong panganay mo, Carlo! Nagtatapon na lamang siya ng pagkain!" sigaw ni Tita Araneta at napatingin pa nga siya sa basurahan. Nanghihinayang sa tira-tirang pagkain ni Rouge. Kung sabagay naman ay mahalaga ang pagkain at hindi dapat nagsasayang.

"Hayaan mo na siya," mahinahon na saad lang ni tito.

"Kunsintidor ka talaga sa anak mong iyon!" asik pa niya at galit na galit na agad siya.

May humila naman sa damit ko at nang yumuko ako ay nakatingala na sa akin si Ryry.

"Tubig po, ate. Iyong matamis na tubig po sana," sambit niya at napangiti ako. Juice ang ibig niyang sabihin.

Nagsalin ako ng juice sa maliit na baso at ibinigay ko iyon sa kaniya. Tahimik na rin namang kumakain ang dalawa kong pinsan pero nakahawak naman sila sa cellphone. Mayamaya lang ay sinita na nga sila.

Nang matapos kami ay sila pa ang nautusan na maghugas ng pinagkainan namin. Siyempre nagreklamo pa sila pero takot lang sila sa mama nila.

Pinauna ko nang magpahinga sina Ryry at Darlene. Pero alam kong mamaya pa iyon makatutulog dahil palagi nila akong hinihintay para lang kuwentuhan ko sila sa nangyari sa akin sa Indonesia. Ako rin naman ay gustong-gusto kong kuwentuhan nila ako sa nangyari sa kanila habang wala ako.

Nagtimpla ako ng gatas, hindi iyon para sa mga kapatid ko. Kumuha ako ng short cake sa ref at nagtungo ako sa kuwarto ni Rouge. Kumatok lang ako at binuksan ko agad ito.

Nadatnan ko siya sa study table niya. Nagsalpak ng earphone at may isinusulat siya. Binuksan ko ang ilaw kasi iyong sa mesa niya lang ang mayroong ilaw.

Napahinto siya sa ginagawa niya at napatingin sa direksyon ko. Inilapag ko roon ang dala kong tray.

"Gatas?" kunot-noong tanong niya.

"Hindi ka puwedeng uminom ng kape habang nag-aaral ka. Pero magpahinga ka rin, Rouge. Huwag puro aral," sabi ko. Ang dami niyang mga papel na nakakalat sa mesa at naka-organize agad ang mga libro niya.

"Huwag kang masyadong mabait," malamig na turan niya. Alam ko ang ibig niyang sabihin.

"Ano'ng year ka na ulit, Rouge?" pag-iiba ko ng topic.

"Dalawang taon pa akong magsusunog ng kilay," sagot niya. Hindi niya talaga sinasabi na nasa third year college na siya. Engineering kasi ang kurso niya.

Alam kong mahal din ang tuition niya pero nagdodoble kayod din naman ang papa niya para lang mapag-aral siya. Alam kasi ng mga magulang niya na balang araw ay siya na naman ang maghahanap-buhay para sa pamilya nila. Mabuting bata naman si Rouge kahit na mukha siyang masungit.

"Kung ganoon pagbutihin mo. Para naman may maipagmamalaki ako na isa sa miyembro ng pamilya natin ang nakapagtapos sa pag-aaral," sabi ko. Kahit achievement iyon ng pinsan ko ay masaya na ako. "Sige na. Ubusin mo na iyang gatas mo," aniko at tinapik ko siya sa balikat saka ako naglakad patungo sa pintuan.

Hindi pa man ako tuluyang nakalabas nang magsalita na siya. "Salamat," tipid na sambit niya lamang. Hindi ko na siya sinulyapan pa. Kasi alam kong nahihiya siya sa akin. Hindi siya ang tipong tao na nagsasabi ng saloobin niya. Madalas ay kinikimkim pa niya.

Pagbalik ko sa aming silid ay naabutan ko pang umiiyak si Ryry kahit tulog siya. Normal itong nangyayari sa kaniya, kasi minsan ay nananaginip siya. Ginising ko siya at nang makita ako ay yumakap ito sa 'kin.

"A-Ate. . ."

"Hush now, Ryry. Panaginip lang iyon," sambit ko at marahan kong hinagod ang likuran niya. Si Darlene ay hindi nagising. Madalas din kasi na mga magulang namin ang napanaginipan niya.

"Ate. . . I-Iiwan mo raw ulit kami ni Ate Len," umiiyak na sumbong niya. Hinalikan ko siya sa noo.

"Aalis si ate hindi dahil iiwan kayo ni Len. Aalis si ate para mag-iipon ulit ng pera. Sa susunod ay tayo na naman ang magkakaroon ng sariling bahay. Gusto mo ba iyon, Ryry?" tanong ko para lang hindi na siya malungkot.

"O-Opo. Gusto ko po, ate," sagot niya at hinigpitan ko ang pagkakayakap ko sa kaniya.

"Sige na. Matulog ka na ulit," aniko.

Ilang minuto lang ang nakalipas ay nakatulog na agad siya. Tumunog naman ang ringtone ng cellphone ko at inabot ko lang iyon sa bedside table.

Kumunot pa ang noo ko nang makitang unregistered number ito. Sinagot ko naman agad para malaman kung sino ang tumatawag sa akin.

"Hello?" sagot ko.

"Dalia?! Si Rainelle ito!" sagot ng taong nasa kabilang linya at nakilala ko agad ang pangalan niya.

"Rain? S-Saan mo naman nakuha ang cellphone number ko?" nagtatakang tanong ko.

"Kay Randell! Hello, nandito siya at kasama ko! Malapit ka na raw bumalik sa abroad! Girl, kitain mo naman ako bago ka maglalayas sa bansa!" natatawang sabi pa niya na ikinailing ko.

Si Rain ang kasama ko sa dati kong pinagtatrabahuhan at oo, isa rin siyang prostitute. Mabait siya at madaldal.

"Nandiyan si Randell?" tanong ko.

"Yup! So, ano na? Bisitahin mo naman ako rito!"

"Iyan pa rin ang trabaho mo, Rain? Hindi ka umalis?" curious na tanong ko.

"Oo, girl! Nag-aaral pa kasi ang pinsan mo! Hindi pa niya ako afford," sabi niya.

"Gaga. Huwag ang pinsan ko. Hindi kayo bagay. Gurang ka na," naiiling na sabi ko. Paano kasi crush niya si Rouge pero hindi naman siya pinapansin nito kaya kawawala siya.

"Joke lang! Ikaw naman, hindi ka na mabiro. Grr!"

"Sige na. Bibisitahin kita riyan pero baka sa susunod pang araw," sabi ko lamang at saka ako nagpaalam.

Nandito rin pala si Randell. Hindi siya tumawag sa 'kin. Pero siguro nag-iingat din siya dahil kay Archimedes.

Napanguso ako, naalala ko bigla ang lalaking iyon. Isang linggo ko na rin siya hindi nakikita. Kumusta na kaya siya?

Napailing na lamang ako dahil bakit ko nga ba siya inaalala? Gayong may asawa na siya na nag-aalaga naman na sa kaniya, 'di ba?

Pero kasi ewan ko lang, kung bakit noong nasa Indonesia ako ay siya rin ang naaalala ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top