CHAPTER 10
Chapter 10: Ang pagkikita
ISANG araw lang ang nakalipas ay nagkaroon agad ako ng flight sa Pilipinas. Ako lang mag-isa pero may susundo raw sa akin sa NAIA pagdating ko roon.
Ilang beses pa akong sinabihan ni Randell na mag-ingat. Dalawang linggo ang ibinigay niyang bakasyon ko at gagawin kong sulit ang mga araw na iyon para makasama ko ang mga kapatid ko. Hindi rin naman ako puwedeng magtagal dito kasi baka maubos ang pera ko at wala na naman akong maibibigay kay tita.
Excited na nga akong makita sina Darlene at Ryry. Ano kaya ang magiging reaksyon ng mga kapatid ko kapag nagkita na kami?
Kung puwede lang ay lumipad nang sobrang bilis itong eroplanong sinasakyan ko pero hindi naman puwede. Gusto kong makarating kami ng safe.
Kumain lang ako tapos natulog. Nagising ulit ako nang makaramdam ako ng panunuyo sa lalamunan ko. Uminom ako ng drinks tapos tulog ulit ako. Paggising ko ay nag-announce na ang pilot na lalapag na raw ang eroplano. Sinuri ko pa ang seatbelt ko. Ayos naman na.
Ang pamilyar na atmosphere ng Pinas ang sumalubong sa akin at ang tirik na tirik na araw. Napangiti ako at may luhang tumulo sa pisngi ko. Ganito pala talaga ang pakiramdam kapag uuwi ka na sa bansa mo. Masarap sa feelings. Miss na miss ko ang air pollution dito at ang maiingay na tunog ng sasakyan. Pati na ang araw-araw na traffic sa EDSA.
Tatlong tauhan ni Randell nga ang sumalubong sa 'kin at sila ang nagdala ng mga bagahe ko.
Ikinangiti ko pa ang van na sasakyan namin. Sasakyan kasi ng airport kapag marami kang bagahe ay puwede mo itong gamitin. Sinadya naman ito ni Randell para hindi halata kung ano talaga ang trabaho ko.
Mahaba-haba ulit ang biniyahe ko pero hindi na ako nakatulog pa kasi pinagsawa ko na lamang ang mga mata ko sa kapanonood sa mga matataas na gusali.
Palapit nang palapit na kami sa probinsya namin at hindi ko maiwasan ang makaramdam ng kung ano sa dibdib ko. Sumisikip ito. Naghalo-halo na ang emosyon ko hanggang sa huminto na ang puting van sa isang pamilyar na tarangkahan.
Ito na ang bahay ng aking tiyahin at sa loob niyan ay nandiyan ang dalawa kong nakababatang kapatid.
Nagpasalamat ako sa mga naghatid sa akin at bumaba ako na bitbit ko naman ang backpack ko.
Naka-pink hoodie ako, sumbrero at puting pants pababa. Saka black na sneakers. Ito lang ang outfit ko, ayokong magmukhang sosyal at baka iba ang isipin ng mga kapitbahay ni tita. Kahit totoong may itinatago naman talaga ako.
Bumukas ang pintuan ng bahay at nagtatakang tumanaw mula roon ang mga pinsan ko. Kumaway ako at nanlaki pa ang mga mata nila.
"Mama! Si Ate Dalia!" narinig kong sigaw ni Honary. Siya namang pagdating ni Rouge na nakabisikleta pa.
"Kumusta, Rouge?" bati ko sa pinsan ko. Salubong ang kilay niya noong una.
"Hindi ka man lang nagsabi na darating ka," seryosong sabi niya at tiningnan ang mga dala ko na isa-isa nang ibinababa ng tatlong lalaking kasama ko. "Ang dami mong dala, ha. Sana lang ay huwag mo nang isipin pa ang bumalik sa abroad," sabi pa niya at bigla na lamang umalis.
Napailing ako. Ganoon na ang ugali ng batang iyon. Sanay na ako sa kaniya. Ganoon lang talaga siya.
Naka-duster pa nga si Tita Araneta at magulo ang buhok niya. Maaga kaming nakarating dito kaya siguro kagigising pa lang niya pero kasi tanghali na rin.
Nilapitan ko ang tiyahin ko para magmano. "Mano po, tita."
"Pagpalain ka ng Maykapal," iyon lang ang sinabi niya at nilapitan ang mga package ko. Nilapitan ko naman ang isang box dahil para naman iyon kina Darlene at Ryry. 'Sakto lang ang laki niyon kaya kayang-kaya kong buhatin.
"Tita, nasaan po ang mga kapatid ko?" tanong ko at nagpalinga-linga pa ako. Ang mga kapitbahay namin ay nakatingin na sa aming direksyon pero ipinagsawalang bahala ko na lamang iyon. Hindi naman sila importante.
Nagulat naman ako nang may umagaw ng box na dala ko. Nang lingunin ko ito ay si Rouge lang pala. Kinuha na nga niya iyon at dinala na sa loob.
"Rouge! Tumulong ka naman dito!" sigaw sa kaniya ng nanay niya.
"Bahala na kayo ni papa riyan!" sigaw lang pabalik ng pinsan ko.
Nahagip naman nang paningin ko ang dalawang batang naglalakad. Magkahawak ang mga kamay nila at may bitbit naman sila ng puting supot. Pandesal yata ang laman niyon.
"Ryry, Len!" sambit ko sa pangalan ng mga kapatid ko at napahinto pa sila nang marinig ang boses ko.
Nang makita nila ako ay napanganga sila sa gulat at patakbo nang lumapit sa kinaroroonan ko. Hinintay ko ang paglapit nila.
"Ate!"
"Si Ate Dalia ay nakauwi na!" Nag-init agad ang sulok ng mga mata ko nang marinig ko na ang matinis nilang boses.
Lumuhod ako at pareho ko silang sinalubong nang mahigpit na yakap. Binuhat ko pa sila isa-isa at ilang beses kong hinalikan ang pisngi nila. Balewala na sa kanila ang laway kong didikit sa mukha nila.
"Na-miss ninyo ba si ate?" masayang tanong ko at naiiyak na tumango silang dalawa.
"Sobra po, ate!" sagot ni Darlene at humikbi lang si Ryry na sumubsob sa leeg ko. Hinalikan ko ang balikat niya.
"Miss na miss din kayo ni ate! Hala, tara sa loob. May pasalubong ako," nakangiting sabi ko at binuhat ko na lamang si Ryry. Di Darlene naman ay humawak sa hoodie ko.
Hinayaan ko na rin sina tita at tito na magdala ng iba kong bagahe kasi sa kanila na iyon. Dinala na ni Rouge sa loob ng bahay nila iyong para sa aking mga kapatid.
May sarili kaming silid kahit maliit lang iyon at alam kong doon natutulog ang dalawa. Nandoon na nga rin ang box. Ibinaba ko si Ryry at iginiya ko sila roon.
"Kumuha ka ng gunting, Len," utos ko sa kapatid ko na agad namang sumunod. Kumandong sa akin si Ryry at hindi na siya umalis sa tabi ko. Bumalik si Darlene at dumikit na nga rin siya. Natatawa ako sa reaksyon nila. Binuksan ko na ang package. May itinabi akong chocolate at chips dito. "Para sa inyo ang lahat ng ito. Sige na, tingnan ninyo na," aniko. Tumango-tango sila at isa-isa na nilang tiningnan iyon.
"Wow! Ang ganda ng mga damit, ate!" masayang bulalas ni Ryry.
"Siyempre, mas gaganda iyan kapag susuotin na ng pogi na katulad mo." Natawa siya sa sinabi ko. Napatingin naman ako kay Darlene dahil sa halip na unahin ang mga gamit ay pagkain ang isa-isa niyang inasikaso. "Darlene, bakit hindi mo muna tingnan ito? May magagandang dress ka rito," aniko.
"Titingnan ko po mamaya, ate. Itatago ko po muna itong mga pagkain," sagot niya at nilapitan ko siya. Para ako naman ang gumawa niyon.
"Ako na lang, Len. Sige na, sukatin ninyo na lang ni Ryry ang mga damit ninyo," sabi ko at napangiti na siya.
Masaya akong makita ulit sila at ngayon nga ay nakangiti pa sila. May pambaon na agad ako pabalik sa Indonesia.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top