PKL: Siyam
---x
May program na ginaganap ang eskuwelahan nila at kasalukuyang nasa center building kung saan nandoon ang stage. Buwan ng Wika at pakalat-kalat lang ang mga estudyante lalo na 'yung mga hindi kasali sa program. Nanalo ang ilan sa mga kaklase nila sa sabayang pagbigkas at kasali roon sina Daisy at Raspberry na siya ring gumawa ng tula para sa munting patimpalak. Ang iba naman ay nanood lang kung kaya't pinagsamantala niya ang pagkakataong iyon na umupo sa upuan ni Daisy.
"Nagtataka na talaga ako sa 'yo, Noah." Humila ng upuan si Lirio at pabaliktad na umupo roon, nakaharap sa kanya. "Lagi ka na lang umuupo sa silya ni Daze pag wala siya. Ayaw mo siyang panoorin?"
Noong una, napapakunot-noo siya sa pagiging malapit nang dalawa tipong may nickname ang mga ito pero nang malaman niyang may pinopormahan si Lirio na girlfriend na nito ngayon ay may bahaging napanatag siya. Siya lang ata ang nagbibigay ng kahulugan sa hindi naman dapat.
"Nagkataon lang na upuan niya 'to. Malapit kasi sa bintana," katwiran na lamang niya at ipinatong ang paa niya sa isang bakanteng silya.
"Sus! Sa maniwala." Wala talaga itong tiwala sa kanya pagdating kay Daisy. Wala naman siyang sinabi pero ang lakas ng pang-amoy nito.
Nandoon lang naman siya sa silya ni Daisy dahil nandoon pa rin ang amoy ng cologne nito pati polbo nito na halatang-halata dahil pinapaligo nito sa sarili nito, maliban sa mukha. Napapansin kasi niyang madaling pagpawisan si Daisy kaya siguro halos ubusin na nito ang polbo. Ang cologne nito amoy sunshine samantalang, parang sa ulan ang polbo. Pinaghalo kaya gustong-gusto niya ang amoy. At nuncang sasabihin niya iyon sa mga kaibigan niya. Kakantiyawan lang siya ng mga ito.
"Bakit andito kayong dalawa?" Napabaling tuloy sila kay Shawn na nasa bungad ng pinto ng classroom nila. Ito ang representative ng batch nila sa SSG at SSG treasurer na rin. Bossy ito at wala lang rito ang mga itinambak na trabaho ng SSG kahit hindi naman sakop ng position nito.
"Chilling. Ikaw? Bakit andito ka? Di ba dapat nasa center building ka? Kasama ka sa organizers, di ba?" paalala nito sa mocking voice nito. Seryuso lang ang hilatsa ng mukha ni Shawn. "Ano ba, masyado naman kayong seryuso. Canteen tayo."
"Kilos na diyan. Pumunta na tayo sa center building. Di n'yo alam na may attendance? Kaya kayong dalawa lang ang narito," sambit ni Shawn at bago pa man sila makahuma ay iniwan na sila roon.
Sabay tuloy silang napatayo mula sa kinauupuan at hinabol ito pagkarinig ng attendance.
"Oh? Ayaw n'yong mamarkahan ng absent?" nakangising sabi ni Shawn nang makahabol sila rito at bumaba ng hagdan.
"Hapit muna tayo ng canteen. Merienda lang sandali. Libre ko na kayo. Marami naman akong pera," hirit ni Lirio at umakbay pa sa kanilang dalawa.
"Pera ng mga magulang mo kamo," basag ni Shawn rito. "Yung sandali sa 'yo, mga thirty minutes."
"Ang sungit mo ngayon ah. Nahawaan ka ba ni Jenny?"
"Sinong Jenny?" Binaklas ni Shawn ang nakaakbay na braso ni Lirio rito nang tuluyan na silang makababa ng RSD Building. Tumungo lang ito sa center building habang siya'y nagpahila kay Lirio sa canteen. Gutom na naman ang mga alaga nito.
"Kunyari di pa niya kilala," nakangusong banggit ni Lirio habang pumipila sila para bumili ng pagkain. Si Jenny ang transferee na galing sa rival school nila na private. Magkagalit ang dalawa, parehong ayaw magpaawat sa argumento.
Kumakain sila ng turon nang magsalita si Lirio. "Tinanggap mo na ba ang alok ni Daddy?"
Nabitin sa ere ang pagkagat niya sa turon sa tanong nito. "Alam mo?"
Kibit-balikat na ipinatong nito ang siko nito sa mesa. "Na inalok ka niya ng trabahong bantayan ako? Oo naman. Narinig ko kayo sa garden no'ng napadaan ako. I'm not angry about it but it's for your own good right as long 'wag mo 'kong ilaglag masyado kay Dad. Tirhan mo naman ako ng dignidad."
Kumunot lang ang noo niya sa dignidad na sinabi nito. "Hindi pa ako pumayag," sabi na lamang niya.
"Ano? Makakatulong yung suweldo sa 'yo. Teka, ayaw mo naman bang magka-utang na loob? Trabaho 'yon, Noah. May kapalit yung pagbabantay mo sa 'kin," giit nito at uminom ng orange juice nito.
Ewan niya kung paano niya natitiis ang kadaldalan nito. Siguro, dahil alam nito ang sitwasyon ng pamilya niya.
"Pag-iisipan ko pa." Ang totoo, nagulat siya sa offer ng ama nito na hindi niya aakalaing aatasan siya ng trabahong iyon. Para bang tiwalang-tiwala ito sa kanya pagdating sa pasaway nitong anak.
"Tanggapin mo na basta tulungan mo ako sa pagkukulang ko sa school." Napangiwi na lamang siya sa sinabi nito. Mukhang maiipit pa yata ang loyalty niya.
"Baka di natin maabutan ang program. Bilisan mo d'yan," aniya rito at tumayo na pagkatapos maubos ang kanyang turon. Pangatlong turon na ang nakain nito at lumubo na ang pisngi nito dahil doon.
Nauna na siyang lumabas ng canteen at tumungo sa center building. Buti naabutan nila ang sabayang pagbigkas nina Daisy. Nakasuot ito ng puti at dilaw na katutubong damit na bagay naman rito at katabi nito si Raspberry habang nagre-recite ng tula na ginawa ng mga ito.
"Cute ni Daze, ano?" Nginisihan pa siya ng loko at tinapik-tapik ang balikat niya. Hindi na lang siya umimik at itinutok ang mga mata sa stage. "Alam mo, napakabait ng babaeng 'yan. Kaya kang sakyan sa mga trip mo sa buhay. Hindi ko pa siya nakikitang magalit at malabo atang mangyari iyon."
"Maganda 'yung katabi niya. Di ba sinabi mong maganda siya?" pag-iiba niya ng usapan rito, nangingiti na dahil napasimangot ito. Akala siguro nito ay uupo lang siya at hayaan itong tuksuhin siya kay Daisy kaya inasar na rin niya ito sa kaibigan ni Daisy na si Raspberry.
"Bakit ba ipagduldulan n'yo sa 'kin si Berry? Utang na loob naman, may girlfriend ako." Luminga-linga pa ito. Kaya lang naman nila inaasar si Lirio sa kaibigan ni Daisy dahil alam nilang ayaw ng babae kay Lirio. "Mamaya, marinig niya at magselos na naman 'yon."
Kung tatanggapin niya ang alok ng ama nito, tiyak na ibubuking niyang may lovelife na ito pero ayaw rin naman niyang magalit sa kanya si Lirio at magkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan.
Tiningnan niya ang nakangiting si Daisy sa gilid ng stage pagkatapos ng performance. Kausap nito si Berry na nakangiti na rin. Kontento na siyang nakamasid rito sa malayo. Hindi pa sila gaanong nag-uusap at natuturete siya pag nasa malapit lang ito.
* * *
Puwede namang simpleng salo-salo ang gagawin nila bilang despedida party daw niya. Lilipat na si Daisy at ng pamilya niya sa probinsiya na ikinalungkot nina Alex at Cali, mga kaibigan niya matapos niyang tumigil sa pagkokolehiyo at piniling pumasok sa isang training center. At magtrabaho sa isang Cafe.
"Nag-abala pa kayo," nakangiting sambit ni Daisy nang makapasok sila sa isang karaoke room. Tila sumasayaw ang iba't ibang kulay ng ilaw roon na nagsilbing tanglaw sa loob. Hawak na ni Cali ang remote control samantalang naupo naman agad sa sofa si Alex. Babae si Alex, magkaedad silang dalawa at kilala na niya dahil naging schoolmate niya ito noong highschool at classmate noong elementary.
"Last bonding na rin naman natin 'tong tatlo dahil lilipat ka na sa Balamban. Si Cali, balik-kolehiyo. Ako naman, luluwas ng Japan para mag-Japayuki." Binuntunan lang nito ng tawa ang huling sinabi nito. Baliw talaga na ikinangiti na lang ni Daisy. Si Cali na ang namili ng mga kanta. Ito na muna daw ang bibirit.
"Puwede ka namang manatili muna dito sa siyudad e," hirit ni Cali sabay enter sa isang kanta na uso pa noong panahon ng 90s, ang generation nila.
"Naku, third wheel lang talaga ako rito e," hirit ni Alex at humiga pa talaga sa sofa. Di na bago sa kanilang dalawa ni Cali ang mga ganoong hirit sa mga kasama nila. Kalauna'y nasanay na sila at di na naasar dahil hindi naman totoo. Gusto lang sila nitong asarin. Cali and Daisy treat each other as siblings. Sa katunayan ay tinuring na si Cali na adopted son daw ng kanyang ina. Bagay na feel na feel naman ng binata.
Habang nagkakatuwaan ang tatlo sa pangatlong karaoke room ay sa dulo ng karaoke establishment na iyon ay nandoon ang kilalang trio ng ANS noon.
Walang kamalay-malay sina Daisy at Noah na nasa iisang establishment lang silang dalawa.
Nagkakangiwian silang dalawa ni Noah at Lirio nang kumanta si Shawn. Matalino naman si Shawn. May hitsura. Consistent dean's lister. Responsible at may magaling na leadership skills. Ngunit hindi ito biniyayaan sa singing department.
Kinakanta nito ang kanta ng Eraserheads na paborito nitong banda. Bumulong si Lirio kay Noah na ngayo'y uminom lang ng beer na nasa aluminum can. Mag-iisang oras na rin sila roon at nagpa-extend silang tatlo. Naboboryo na kasi sila sa kolehiyo kaya iyon na ang paraan nila para guminhawa ng konti ang pakiramdam.
"Pustahan tayo, pag nalaman ng magiging girlfriend yan na sintunado yan. Bigla yang hihiwalayan." Natawa pa si Lirio at may kumawalang tunog roon na animo'y baboy lang. Dahil doon natawa na rin Noah. Sinamaan tuloy sila ng tingin ni Shawn.
"Humanda kayo ng dalawa sa 'kin pag ikinalat ninyo na ganito boses ko," pagsusungit sa kanila ni Shawn sabay bigay ng microphone kay Lirio na siyang kakanta na sa puntong iyon.
"Good luck na lang sa future girlfriend mo. Wag sana siyang mabingi sa 'yo." Pasimpleng tinadyakan ni Shawn ang binti ni Lirio na tatawa-tawang lumayo lang.
Ang kinanta naman ni Lirio ang ang classic na Let It Be ng Beatles. Parang nag transport sa panahon ng 60s sa song choices niya at ni Lirio.
"Badtrip ako sa isang prof namin na bakla. Gusto atang mag one-on-one kaming dalawa." Nandidiri ang ekspresyon ni Shawn. "Di pa naman ako baliw kung papatulan ko kung ano man ang alok niya sa 'kin."
Bahagyang napangiti si Noah nang maalala ang pagka-aburido nito sa prof na bukod-tanging binigyan ito ng 2 kahit maayos naman ang class performance nito. Magkaklase silang dalawa sa subject na iyon. Pareho din sila na Political Science samantalang Business Management naman kay Lirio.
"Malapit na rin naman ang Finals. Kakausapin ko, baka pagbigyan na ang 1. Nagpapakipot lang 'yon."
"Bakit hindi na lang ikaw ang natipuhan niya? Mas malakas naman ang dating mo sa 'kin." Iyon ang sabi ng ilan. Gawa na rin kasi ng hilatsa ng mukha niya nitong mga nakaraang araw. Mas mukha rin siyang masungit na tipo daw ng mga babae at wala siyang pakialam roon.
"Nah. Ikaw lang itong habulin ng mga bakla." Napangiwi lang ito sa sinabi niya. Nag-smirk lang siya't kumuha ng pulutan nila na mani na nakalagay sa mababang table sa gitna.
Maganda ang boses ni Lirio kaya walang reklamo sa kanila ni Shawn. Siya naman ang sumunod na kumanta. Complicated Heart ng Michael Learns to Rock ang pinili niya.
"Na naman? Naririndi na nga mga tainga ko dahil lagi ka na lang kumakanta niyan kahit na nasa gitna tayo ng klase," reklamo ni Lirio nang ibigay nito sa kanya ang mic.
"Walang basagan ng trip." Tinapik lang niya ang balikat nito't tumayo na upang kumanta.
Makalipas ang ilang minuto at tapos na siyang kumanta. At naalala na naman niya si Daisy ay naubos na rin ang beer nila. Si Shawn na ang nag-utos sa kanyang mag-order ulit ng drinks. This time, isang bote naman ng beer at dagdagan na rin ang pulutan nila. Natakam siya sa sisig sa menu kaya iyon na ang oorderin niya.
Lumabas si Noah. Sa puntong ito, wala siyang ideya na madadaanan niya ang karaoke room kung saan nandoon si Daisy kasama ang mga kaibigan nito na sina Cali at Alex.
Panay ang tawanan nina Daisy at Alex nang gumiling-giling si Cali sa tugtog ng isang disco song. Makikita ang isang music video sa malaking screen.
Tumungo sa counter si Noah upang bumili ng ni-request ni Shawn. Ito naman ang magbabayad kaya dinagdagan na lang niya ng junk food para sa kanila. Isang crew ang nagdala ng pulutan nila sa tray. Si Noah naman ang bumitbit sa isang bote ng beer.
Sa pagkakataong iyon ay nadaanan niya ang karaoke room ni Daisy sa puntong ito na ang kumanta. Pagkat nakasirado ang pinto roon ay hindi naman soundproof ang kuwarto kung kaya't naririnig pa rin niya ang kumakanta sa loob. Biglang kinabahan si Noah nang marinig ang boses ng babaeng kumakanta roon.
"I always remember, it was late afternoon. And it lasted forever and ended so soon."
Natigilan siya. Naalala ang mukha ng dalaga. Ang cute nitong mukha, ang ngiti nito sa kanya at ang masayang pagkaway nito habang nakalubog ang mga paa nito sa low tide na karagatan. Tila isa itong anghel ng mga oras na iyon gawa ng sikat na araw na tumama rito. It's a scene from the past that brought warmth to him.
Bumalik lang siya sa kasalukuyan nang makita siya ni Lirio. Nakasingit ang ulo nito at itinuro ang loob ng karaoke room na inupahan nila sabay napangiwi. Tinutukoy nito ang makabag-damdaming kanta ni Shawn kaya natawa na lamang si Noah at binilisan ang paglalakad tungo sa dulo ng hallway na iyon.
Sa kabilang banda, biglang kinabahan si Daisy pagkatapos niyang kumanta ng Cry. Naalala na naman niya si Noah. Ang nakasimangot nitong mukha at seryuso nitong mga mata habang nile-lecturan ang grupo nito sa English. Mababakas ang determinasyon sa mga mata ng binata noon.
Naipilig niya ang ulo at itinuloy ang paglapakpak kay Alex na siya ngayong kakanta ng kanta ng Carpenters.
Ang grupo nina Shawn ang unang lumabas sa gusaling iyon. Medyo tipsy at nagpahinga muna sa gilid ng kalsada.
"Mabuti na lang wala akong klase sa umaga," ani Lirio na hinihilot ang balikat nito.
"Maaga ako bukas," ani Shawn. Tahimik lang si Noah, nakakunot ang noo nang maalala ang boses kanina sa karaoke room. Baka naghahallucinate na naman siya. Napabuntong-hininga si Shawn. "Good luck sa Finals ninyo, mga pre."
"Makakapagtapos rin tayo ng pag-aaral. Woo!" Itinaas pa ni Lirio ang mga kamay nito sabay tayo na rin. Medyo nahihilo na rin si Lirio kaya napakapit siya sa balikat ni Noah. Pinagigitnaan nilang dalawa si Lirio.
"Yeah right," sang-ayon ni Shawn. Si Noah ang huling tumayo. "Ano, kanya-kanya na ng uwi?"
Sabay na tumango sina Lirio at Noah. Sa eksenang iyon ay lumabas na ng karaoke establishment sina Daisy, Cali at Alex.
"In fairness, nabawasan ang stress ko," ani Alex at itinaas ang mga kamay. Nakatingala si Daisy sa madilim na kalangitan. Gabi na pala.
Nag-bump ng kamao si Cali kay Alex. Boyish si Alex at opposite man sila ni Daisy ng personality ay nagkakasundo pa rin naman sila. "Bumisita ka rito, Daisy. Wag mo kaming kalimutan."
"Samahan n'yo ko papuntang airport," hirit naman ni Alex. Panay ang tawanan nila nang mapansin ni Daisy ang isang papalayong pigura. Pamilyar iyon sa kanya.
Nagpaalam na siya sa dalawa na iba ang direksiyon pauwi. Nang lumingon siya sa gawi ng papalayong bulto ay wala na ito.
Si Noah iyon na nakasakay na ng jeep. Madadaanan ng sinakyan niyang jeep ang naglalakad na Daisy. Hindi niya mapapansin sapagkat nakatalikod siya rito at nasa harap lang ang mga mata ni Noah.
Kahit gabi na, hindi naman natakot si Daisy na maglakad lang. Ginagawa niya iyon kapag itong marami siyang iniisip. May university naman sa probinsiya nila kaya puwede siyang mag-aral ulit ayon na rin sa kanyang ina na desidido siyang ibalik sa kolehiyo.
Napabuntong-hininga si Daisy. Lilisan na siya sa siyudad na iyon.
Sapat na kaya iyon para kalimutan niya ang mga alaala doon? The new place will make her temporarily forget the place she used to live. That way, hindi rin niya maalala masyado ang mga karanasang nasaktan siya.
Ibinulong na lang niya sa mga tala na sana'y magiging maayos ang lahat.
* * *
"Sige na, ilakad mo naman ako kay Noah." Bahagyang natigilan si Noah nang marinig ang boses na iyon. Katrabaho niya yata.
"Babae ka uy, hintayin mong alukin ka ng date at bakit si Noah? Parang di naman 'yun nagsasalita," ani Aaron na katrabaho niya rin doon sa fastfood chain. Sandali siyang nagtagal sa banyo ng mga employee.
"Wala ba siyang experience sa mga girls? Baka puputi na ang uwak bago pa 'yon kumilos. Maganda naman ako at matalino. Oo, mas matalino si Noah. 'Yun ang nagustuhan ko sa kanya at di niya 'yun ipinagmamayabang saka masipag siya. Gusto ko yung lalaking may direksiyon sa buhay. Hindi iyong tambay lang." Hindi alam ni Noah kung sasaya sa sinabi ng babae. Gusto niyang tumawa nang mapakla. Kung alam lang nitong minsan sa buhay niya ay nawalan siya ng direksiyon.
Napabuntong-hininga na lamang siya at napailing. Kung ibang lalaki ang makakarinig na may gusto ang babae sa kanila, tiyak na lolobo ang atay ng mga ito sa sinabi ng babae pero iba sa kanya. Di naman 'yon umeepekto. Kung kanino man, e malamang, 'yung babaeng kapangalan ng bulaklak noong highschool sila pero malabo na 'yon.
"Seryusong tao si Noah. Sigurado ka bang makakayanan ng utak mo 'yan?" Aaron said in a mock tone.
Di na nakatiis si Noah at pabagsak na binuksan ang pinto na ikinapitlag ng dalawa na ngayo'y naglalagay ng seasonings sa manok. Natutop ng babae ang bibig nito na si Klarissa pala, nagulat na nasa loob pala siya ng banyo. Ang pinag-uusapan ng mga ito.
"Magmo-mop lang muna ako ng sahig," balewalang sambit niya na hindi apektado sa narinig. Nilayasan niya ang mga ito at tumungo sa kung saan nakalagay ang mop. Katatapos lang ng lunch time kaya kakaunti na lang ang nasa loob ng fastfood kung kaya't hindi siya nahirapan sa paglilinis.
Wala na siyang pakialam sa mga ganoong bagay. Napabuntong-hininga na lamang siya at napakamot sa batok niya't tumingin sa dumadaang sasakyan sa kalsada.
* * *
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top