PKL: Labing-Anim
---x
Gaya ng nakagawian, sa bahay siya ng Tita Emerald siya tumira pagsamantala sa bakasyon dahil lumuwas na naman ng Mindanao ang pamilya niya maliban lamang sa kanya at si Desiree. Isinama ng mga magulang niya si Dean. Ang Kuya Jerome niya naman na anak ng Tita Emerald niya ay lumuwas ng Palawan at doon nagbakasyon kaya sila lang ang tao sa Berntsen's Residence.
Masayang-masaya si Daisy dahil nakabalik na naman siya doon dahil nakakalma ang kalikasan sa paligid. Maaga silang natutulog at nagigising rin. Sinanay sila ng tiyahin niyang matulog nang maaga at kaysarap pakinggan ang huni ng kuliglig at ihip ng hangin tuwing gabi maging ang pag-abang ng pagsikat ng araw sa umaaga.
Hindi pa nakakapaghilamos si Daisy nang magdesisyon siyang lumabas ng bahay at tumambay sa front porch sana, tangan-tangan ang librong di pa niya tapos basahin.
Humikab siya nang marinig niyang may tumatawa sa kung saan. Nahindik siya nang makita niya sina Lirio at Shinoah na nagbibisikleta at parehong nakangisi sa kanya. Sa pagkataranta niya, pumasok siya sa loob ng bahay at nang matingnan niya ang itsura niya baso na nakapuwesto sa mini-bar ay naibagsak niya ang sarili sa sofa sa panlulumo.
Nakita na siya ng dalawa na nakalublob sa may sapa noong nakaraang araw, bakit mahihiya pa siya?
Kinabukasan, sabay silang naligo ni Desiree sa labas ng bahay. Pinaliligiran ng matataas na bakod ang bahay. Isa pa, intact naman ang mga damit nila kaya di sila gaanong masisilipan. Wala namang masyadong dumadaan doon dahil maaga pa. Kinukuskos niya ang buhok niyang may shampoo. Nanlaki ang mga mata niya nang makita niya ang dulo ng buhok na Lirio at mas lalo siyang nagulat nang kasama nito si Shinoah na nakita rin siya't sumaludo pa habang lulan ng bisikleta.
Dali-dali siyang pumasok sa pinto patungong kusina na nagsilbing daan sa bakuran na iyon. Tumutulo pa ang tubig na may sabon at shampoo sa mat.
"Ate! Andito mga kaibigan mo oh!"
Pinandilatan niya ng mga mata si Desiree na tumawa lang. Pinalipas niya muna ang limang minuto saka siya lumabas pero bigo siya dahil bumalik din ang mga ito, nagbibisikleta at nagtatawanan nang makita siyang naligo na sa bola ng shampoo. Di ba nito ramdam na naiilang siya dahil nakita siya nitong naliligo?
Hinanda na ni Daisy ang simangot sa mukha niya nang itulak niya ang bisikleta niya papunta sa dalawa. Si Lirio ay may pilyong ngisi sa mga labi at si Shinoah naman ay ngumiti lang na parang may halong pang-aasar. Mukhang aasarin siya ng mga ito sa nakita nito kanina.
"Tigilan n'yo ako sa mukha n'yong iyan ha." Mas lalo lang natawa ang dalawa.
"Parang kang binuhusan ng malamig na tubig. Paano kaya kung maligo tayo ng dagat? Ganoon pa rin ba ang hitsura mo? Mukhang tilapia na namutla sa sabaw ng sinigang," biro ni Lirio. Akmang hahampasin niya ito nang lumayo ito at tatawa-tawang nagtago sa likod ni Shinoah.
Hawak-hawak pa rin ang handle ng bisikleta ay naniningkit ang mga matang tinanong niya ang mga ito, "Bakit n'yo pala ako pinalabas at bakit may bike? Saan tayo pupunta?" tanong niya sa mga ito.
Ang makulit na Lirio. Hindi na tinantanan ang pager niya.
"Basta, sumabay ka na lang sa 'min ni Noah. Nababagot na kasi kami at naisip naming isama ka na lang," sagot ni Lirio at sinenyas na sumakay na sila ng bisikleta. Lumulan na rin sa tulak nitong bisikleta si Noah. Sumakay na rin siya sa bisikleta niya. "Sa JY Square lang tayo, may bibilhin lang saka tayo tatambay sa isang clearing, sa may Eco-tech. Katabi lang ng isang Stallion ranch."
"Ha? Eh sa kabilang daan 'yun, at marami ang sasakyang dumadaan doon," angal ni Daisy. Ang totoo, hindi pa masyadong confident si Daisy na makipagsabayan sa mga sasakyan habang nagpepedal ng bike.
Nginisihan lang siya ni Lirio. "Nandito naman kaming dalawa ni Noah. 'Wag kang matakot. Marami kang hindi mararanasan kung paiiralin mo ang takot," katwiran pa nito. Tinanguan lang siya ni Noah tanda na nakaalalay ang mga ito sa kanya. Nagpadyak na nang bisikleta dahil nahuhuli na siya sa mga ito.
* * *
Habang nagpapadyak silang tatlo ay nakaramdam ng saya si Daisy, ang hindi maipaliwanag na kasiyahan kasama ang mga kaibigan niya, habang nadadaanan nila ang mga punong niyog, ang mga sangang nakaharang sa ibabaw maging ang pag-iwas nila sa mga habal-habal.
"Teka, hintay!" sigaw niya sa mga ito dahil bumibilis na ang pagpadyak ng bisikleta ng mga ito.
Humalakhak lang si Lirio. "Wooh!" Tumayo pa talaga ito sa bisikleta nito at mas lalong binilisan ang pagpadyak. Paraan ng pang-aasar nito sa kanya.
"Teka lang! 'Wag n'yo 'kong iwan!" sigaw niya kay Noah, ingat na ingat sa pagpedal dahil baka mabundol siya ng maliit na bato at mapunta sa lubak-lubak na parte ng kalsada. Bumungad sa kanila ang malawak na damuhan at ilang kilometro mula doon ay bulubundukin kung saan may mga bahay na nakatirik doon. Sa parteng iyon ay may sibilisadong daan na madadaanan ng mga sasakyan. May daan doon pababa sa lugar nila.
Humina naman ang pagpadyak ni Noah at hinintay siya. Napakapit siya sa bisikleta nito at napahingal nang wala sa oras. "Halimaw ba 'yung si Lirio?"
Nagkibit-balikat lang si Noah na may ngiti sa mga labi. "Siguro? Mababaw lang ang kaligayahan ng isang 'yon."
Napansin ni Daisy ang kumot sa basket ng bisikleta nito. "Gagamitin natin 'yan sa picnic? Aba, naghanda talaga kayo at mukhang sigurado kayong sasama ako."
"Alam kasi naming wala kang masyadong ginagawa kundi nagbabasa lang sa may front porch o di kaya'y sa may pugon," sabi nito pero natigilan lang nang mapagtanto ang lumabas sa bibig nito.
"Wala nga akong pinagkakaabalahan masyado ngayong bakasyon. Ano, tara na?" yaya pa niya't tinuloy na ang pagpedal.
Malawak ang ngiti ni Daisy nang mapagtanto niyang nasa likod lang niya ito, ni hindi siya inuungusan. Tila naiinip na si Lirio nang makarating na sila sa paanan ng major road.
"Tagal n'yo naman! Anong ginawa n'yo ha?" nang-aakusang tanong nito.
"Wala ano. Nag-usap lang kami ni Noah sandali," katwiran niya't sumunod rito na tumawid.
Nang araw na iyon, bumili sila ng mga pagkain sa JY, nagbisikleta sa may Eco-tech at tumambay sa isang malawak na clearing habang pinagmamasdan ang mga puno sa paligid. Minsan magkasama silang magbisikleta sa kung saan-saan. Minsan, tinatanggihan niya dahil pagod siya, umiiwas sa mga ito o abala sa pagbabasa ng libro na galing sa built-in shelves ng Tita niya.
* * *
Isang umaga, naghahanda na para sa enrollment si Daisy. Masaya siya dahil huling taon na niya sa highschool, bagong mga gamit, bagong mga alaala. Mabusisi ang enrollment ng ANS at isa sa mga kondisyon niyon ay ang magsuot ng school uniform. Lumang maroon skirt niya ang suot niya na wala siyang balak palitan dahil last school year na at ang puting blouse niya.
"Tita! Alis na po tayo!" tawag niya sa Tita Emerald niya na siyang sasama sa kanya sa enrollment. Pagbukas niya ng gate ay nagulat siya nang madatnan niyang nakaabang sa labas ng gate sina Shinoah at Lirio. Nakasuot din ito ng school uniform, khaki pants at polo shirt saka school shoes.
"Mga kaklase mo?" tanong ni Tita Emerald kaya tumango siya.
"Opo, Tita. Baka makisabay po sa 'tin," sagot niya't lumapit sa dalawa. Nagmano ang mga ito kay Tita Emerald.
"Naku, wala ba sa inyo ang manliligaw sa pamangkin ko?" Parang nahirinan ng laway si Daisy sa nanunuksong tanong ng kanyang tiyahan. Si Lirio naman ay pasimpleng siniko si Noah na parang may alam nito habang sinamaan lang ito ng tingin ni Noah.
"Naku, Tita Em! Kami na po ang bahala kay Daze! Bantayan n'yo na lang po ang bahay ninyo at si Desiree. Walang mag-aalaga sa kanya. Whole day po kami sa school e," sambit ni Lirio na lumapit sa tiyahin niya't pasimple itong hinila pabalik ng gate. Anong pinaplano nito? Nagtatakang tiningnan niya si Noah, humihingi ng kasagutan pero iniwas lang nito ang mga mata.
"O siya, mag-ingat ka d'on, hija. Heto, dagdagan ko na itong baon mo. Hindi mo sinabing whole day pala ang enrollment ninyo. Di naman ganyan sa ANS noong kapanahunan namin." Nagbigay ng karagdagan na baon ang tiyahin niya na atubili niyang tinanggap. "Mag-ingat kayo ha!"
Pinagkrus niya ang mga kamay niya at humarap sa dalawa na nagsisikuhan lang. Ginaya niya ang hitsura ni Raspberry na mukhang mataray. "Pinaplano n'yo ha? Alam n'yong kailangan natin ng guardian para pumirma ng slips natin."
Pinaraan ni Lirio ang mga daliri nito sa basa pa nitong buhok. "Diskarte lang 'yan, Daisy. Ipepeke natin ang pirma ng mga guardians natin. Ako ang pipirma sa'yo, ikaw kay Noah, si Noah naman ang pepeke ng pirma sa 'kin. Kabisado mo naman ang pirma ng mga magulang mo, di ba?"
Teka, bakit hindi niya iyon naisip kaagad? Naistorbo pa niya ang tiyahin niya. "Eh? Baka mahuli tayo! Mahalata pang wala tayong kasamang guardian."
"Di naman sila gaanong mahigpit. Basta hindi ka magpapahuli," katwiran naman ni Noah na parang lang rito ang gagawing diskarte raw ni Lirio. Napanguso na lamang siya't sumabay na sa mga ito. Nag-abang silang tatlo ng habal-habal. Nang may tumigil na dalawang motorsiklo ay napagtanto ni Daisy na hindi niya naisip na sasabay siya sa isa.
"Lir," pag-agaw niya ng atensiyon kay Lirio na sumampa na sa motorsiklo.
"Doon ka na sumabay kay Noah. Malikot akong sumakay ng motorsiklo," labas-ilong na katwiran nito. Kunot-noong natawa siya't tinungo na ang motorsiklong sasakyan nila ni Noah.
Nagkatinginan pa silang dalawa sabay iwas ng tingin. Napakamot na lang sa leeg niya si Daisy.
"Ikaw na mauna. Ako na sa likod," ani Noah na sinang-ayunan lang niya. Abot-abot ang pagpigil niya nang hininga nang sumampa na sa likod niya si Noah. Ramdam na ramdam niya ang presensiya nito sa likod niya at halos iyuko niya lalo ang ulo niya't isandal sa drayber.
"Uy, okay ka lang ba?" tanong nito sa kanya. Tumango naman siya bilang sagot. Nakahinga na siya nang maluwag nang makarating na sila sa major road at sumakay na ng jeep. Sinamaan lang niya ng tingin si Lirio na siyang ikinataka nito pero inirapan lang niya ito. Paano ba makaganti rito?
Nang makarating na sila sa Abellana ay marami na ang nagpapa-enroll. Kaagad silang tumungo sa bulletin board kung saan nakapaskil ang magiging section nila. Napamaang siya nang makita ang pangalan nina Kei at Jin, ang mga kaibigan niyang malalakas ang mga radar. Naloko na.
"Uy, classmate." Nag-apir pa ang dalawa nang makita nito ang pangalan nito sa listahan. May nadagdag at may nabawasan pero kaklase niya pa rin si Klint, Marc, Noah, Lirio at higit sa lahat ang bestfriend niyang si Raspberry. Didikit na lang siya rito hindi kina Jin at Keisha. Tama, 'yon ang gagawin niya.
Nakasabayan niya si Raspberry na mag-enroll kasama ang nakakatanda nitong pinsan na tumayong guardian nito habang siya'y pineke lang ni Lirio ang pirma ng kanyang guardian. Mabuti na lamang hindi sila nahuli sa kalokohan nila.
Matapos mag-enroll, bitbit ang mga libro nila ay sumakay na sila ng jeep at napagdesisyunan na hindi sila bababa sa paanan kungdi sa ibabaw. Napapagitnaan siya ng dalawa sa jeep, tila siniksik pa siya lalo nang dumami na ang pasahero. Hapon na kasi sila natapos at uwian na ng mga trabahante.
"Excited na ako sa pasukan," basag ni Daisy sa katahimikan nilang tatlo. Bumaba na ang ilan sa mga pasahero sa may JY kaya lumuwag na roon. "Sana hindi strict 'yung adviser natin ano? May trauma kasi ako sa mga malditang teacher. Nangyari iyon nang pagalitan ako noong nilagnat ako kasi di ko pinansin ang tawag sa 'kin ng teacher," pag-ungkat niya sa alaalang iyon noong elementary pa siya.
"Bakit ka pumasok? Nagpahinga ka na sana dahil may sakit ka," katwiran ni Noah. Sa kaliwa niya ito nakaupo at halos sumandal na siya rito dahil paangat na ang jeep sa uphill, sa may Plaza Housing na sila.
"Kilala ko ba 'yan? Sa daming beses na akong tinamaan ng chalk at pambura, di ko alam kung sino sa kanila," nakangiting biro ni Lirio kaya lumalim tuloy ang kaliwang dimple nito.
"Pasaway ka kasi. Hindi ka mapalagay sa isang lugar. 'Yung kakulitan mo, nandiyan pa rin," komento niya kay Lirio. "Ikaw, Noah? Napagalitan ka na ng teacher no?"
Tumango ito at biglang naging seryuso ang mga mata. "Oo. Lagi kasi akong absent. Binabantayan ko 'yung mga kapatid ko. Napapahaba kasi ang oras ng nanay ko sa tong-its, sa may kapit-bahay."
"Lagi ba daw talo?" Hinawakan ni Lirio ang kanyang braso tanda na ayaw siya nitong pagsalitain. Napagtanto siguro nitong ayaw nitong maging seryuso masyado ang usapang iyon.
"Oo. Minsan panalo. Kung nanalo ka noong una, siyempre masaya ka at pupusta pa kaya ayokong sumugal e."
"Pa'no kapag sumugal ka sa isang bagay na di naman pera?" Sinadya pa siyang tapunan ng makahulugang tingin ni Lirio na ikinataka lang ni Daisy.
Nagkibit-balikat lang si Noah. "Ewan. Depende." Ilang minuto ang lumipas ay dumating na sila sa babaan at nagpara na sila. Bumaba na sila't tumawid ng kalsada. Sumalubong sa kanila ang dalisdis na daan, hahatakin sila niyon ng gravity pag di sila nag-ingat. Dahan-dahan silang naglakad pababa at namamangha na lang si Daisy sa mga tanawin sa baba. Ang iba't ibang klase ng bahay, may mga saging sa gilid ng bundok at ang mga nadadaanan nilang talampas at halamang baging at mga puno.
Pababang naglakad sila nang lapitan siya ni Lirio. Nauunang naglakad sa kanila si Noah, bitbit rin ang libro nitong nakatali sa straw.
"Ano na naman, Lir?" pataray niyang sita rito pero ngumisi lang ito at bahagya siyang natakot na tila kumislap pa ang mga mata nito.
Nagulat na lamang siya nang itulak siya nito nang malakas at dahil hindi niya inaasahan iyon ay nawalan siya ng balanse sa paglalakad at nagtuloy-tuloy sa pagtakbo sa downhill. Napatili siya nang wala sa oras.
"Lirio! Teka! Teka! Paano ba magpreno?" Hindi niya mapigil ang sarili niyang magtuloy-tuloy sa baba at hindi rin nakatulong na bitbit niya ang mabibigat niyang mga libro. Nakataas lang ang malayang kamay niya, pilit pumreno.
"Teka, teka!" sigaw pa rin niya. Napalingon si Noah sa kanya na nanlaki ang mga mata nang makita siyang tumakbo nang pabulusok papalapit rito. Malapit na ito sa paanan ng slope. Mahahagip niya ito. "Noah! Tabi!"
Akala niya ay tatabi ito ngunit nagulat na lamang siya't napasinghap nang salubungin siya nito, saluin at sa isang iglap ay yakap-yakap na siya nito. Maging ito man ay naestatwa. Nanlalaki ang mga mata ni Daisy, nakayakap rito. Nakapulupot ang isang kamay nito sa beywang niya habang ang isang braso niya ay nakayakap sa leeg nito.
Pumalakpak ang walanghiyang si Lirio kaya dali-dali siyang napabitiw kay Noah. Ang bilis ng tibok ng puso niya, sa pagkakalapit niya kay Noah at ang muntik niyang pagkadisgrasya.
"Walanghiya ka Lirio!" Hinabol niya nang walang humpay si Lirio at bago pa man niya mahagip ang buhok nito ay tatawa-tawa itong tumakbo papalayo sa kanila. Nasa patag na daan na sila't ilang kilometro na lang ang layo ng bahay nila.
Bumagal ang pagtakbo ni Daisy, nanghihina pa rin sa eksena kanina. Halos hindi siya makatingin kay Noah na inabutan na siya. "Sorry kanina," usal na lamang niya.
"Kung di kita nasalo, baka nagtuloy-tuloy ka na sa puno ng saging. At okay lang 'yon." Nagtaka tuloy siya kung bakit pinipigilan lang nitong ngumiti at tumakbo papalapit kay Lirio.
"Hay naku, ang hirap intindihin ng mga lalaki," nakangusong sambit niya sa ere at hinabol ang dalawa.
Kumawala ang isang malawak na ngiti sa mga labi niya't sinamyo ang bango ng mga puno sa paligid at pinagmasdan ang papalubog na araw. Nilingon lang siya ng dalawa na tinamaan ng sinag ng araw, kapwa ito nakangiti sa kanya habang hinihintay siya.
* * *
Maagang gumising si Daisy at nakangiti niyang pinagmasdan ang unti-unting pagsikat ng araw sa verandah. Nagtimpla na siya ng kanyang kape at ngayo'y inuubos na lamang niya ang ni-toast niyang slice bread na may palaman na cheese. Summer had always been her favorite season, apart from not having to worry about school stuffs, she had plenty of time to read and doing other things that could make her happy for a while.
Napag-isipan na muna niyang maglakad-lakad sa labas. Maganda talaga ang panahon at kasama na roon ang mood niya. Masaya siya sa araw niya na iyon. Pakiramdam niya ay malaya siya. Napangiti siya sa mga nagdadapuang mga ibon sa mga puno roon. Para siyang nasa probinsiya sa lugar ng Tita Emerald niya. Kakaunti ang mga bahay at nahaharangan ng mga burol na kulay luntian. Sasakay pa ng habal-habal bago makarating sa sulok na iyon ng Cebu City.
Nakapaskil ang ngiti sa mga labi niya nang may mamataan siyang lalaking naglalakad at saka lang napawi nang kaunti ang ngiti niya nang mamukhaan ito.
Si Noah. Nag-flash sa isip niya ang kahihiyan niya noong enrollment nang mayakap siya. Nag-iinit ang mukha niya nang lingunin siya si Noah na bahagyang nasorpresa nang makita siya. Mabagal ang hakbang na lumapit ito sa kanya samantalang siya'y nanatiling nakatayo.
"Hi. Magandang umaga," nakangiting bati nito sa kanya. Mukhang maganda rin ang gising nito dahil maaliwalas ang mukha, kaibahan sa ekspresyon ng mukha nito pag nasa school sila.
"Hi Noah. Magandang umaga rin. Nakapag-breakfast ka na?"
"Kape lang at tinapay." Tumango-tango siya. "May pupuntahan ka? Samahan na kita?"
"Ay naku, naglakad-lakad lang ako. Gusto ko lang maglakad ngayong umaga. Ikaw?"
"Gusto ko ring maglakad. Okay lang ba sa'yo may kasama?"
Tuluyan na siyang napangiti. Ito pa yata ang nahihiya sa kanya. "Hindi, okay lang."
Tahimik lang silang naglalakad sa gilid ng daan, nakatanaw sa mga bahay roon at tanawin na walang eksaktong direksiyon. Sinamyo ang hanging-umaga na sinasayaw ang mga dahon ng puno na nadadaanan nila. Tinanaw niya ang asul na kalangitan.
"Alam mo bang gusto ko talaga ang summer? Bukod sa walang klase at mga alalahanin sa eskuwela, ang ganda lang gumising na hindi ka nagmamadali. Na ini-enjoy mo lang ang araw at walang plano. May mga oras ka na ganito, naglalakad lang tayo na di natin inaalala kung saan tayo tutungo," nakangiting sambit niya habang nakatitig pa rin sa kanila. "Kung sana'y ganito na lang lagi ano?"
Saka siya lumingon rito at bahagya pa siyang napaurong dahil nakatitig pala ito sa kanya. Nailang siya sa pagtingin nito sa kanya na tila ba sa kanya lang nakapokus ang buong atensiyon nito.
"Oo, sana ganito na lang lagi." Ngumiti ito nang misteryuso pagkatapos at ibinalik ang mga mata sa harap. "Walang problema."
"Ang bata-bata mo pa para pag-isipan masyado ang problema. Tingnan mo ang paligid mo, di ba ang payapa lang ng ganito. Kahit na dalawang buwan lang, hayaan natin ang sarili nating enjoyin ang mga araw kaysa mag-alala pa sa future natin na malabo pa naman."
"Gustong-gusto mo talaga ang summer. Ayaw mo sa ulan?"
Naipilig niya ang ulo. "Depende sa mood ko pero pag kasi tag-ulan, ang mellow ng pakiramdam ko. Ikaw?"
Tiningala nito ang kalangitan. "Pag umuulan, tila dinadamayan ako ng panahon. Ang panahon na ang magbubuhos ng lahat ng mga alalahanin ko sa buhay. Siguro, ayaw ng iba ang tag-ulan dahil nga maaantala ang mga gawain nila ngunit sa akin, may kapayapaang taglay ang ulan. Tila sinasabi ng mga patak na ulan na sila na ang bahala sa bigat. Ang mga butil ng ulan ang mag-aalis at papawi sa mga kinikimkim ko. Kaya kahit papaano'y, narerelax ako sa ulan."
"Ang ulan na ang iiyak sa iyo." Naiintindihan na niya kung ano ang ibig sabihin nito.
"Oo, ganoon nga. At may mga magandang alaala na rin ang tag-ulan sa akin."
Napansin ni Daisy ang tindahan kung saan may binebentang ice candy na mango flavor kaya niyaya na lang niya si Noah doon.
"Wala pa tayong matinong agahan." Hindi naman ito nakatutol sa kanya nang ibigay niya rito ang isang ice candy na may ngiti sa mga labi.
Magkatabi silang umupo sa isang bench malapit sa tindahan na iyon nang makita nila si Lirio na lulan ng bisikleta nito. Namataan sila ng binatilyo kaya nag-break ito at andoon na naman ang ngising aso nito.
"Oy, ano 'yan? Bakit hindi ko alam na magkikita pala kayo ngayong umaga?"
"Nagkataon lang na nagkita kami ngayong umaga dahil maaga kaming nagising di tulad sa isa diyan na tulog-mantika," sagot naman ni Noah.
Itinabi nito sa bench ang bisikleta nito at kaagad na tumabi kay Noah saka ito inakbayan. "May lakad ba kayo mamaya?" Umaariba na naman ang pagiging mapang-asar nito. "Wala. Malisyoso ka masyado, Lir. Bakit, may lakad ka?"
"Maliligo tayo sa pool," kaswal nitong deklara. "At ikaw Daze, di ka puwedeng sasama kung di ka magsusuot ng swimsuit, pwede one-piece at two-piece, depende kung anong gusto ni Noah."
Pilyo pa ang ngiti ng kurimaw at binatukan lang ito ni Noah. Daisy was taken aback and she laughed. Lokong Lirio.
"Tumigil ka nga! Tantanan mo si Daisy. Di ka ba nakapag-agahan at kung ano-ano pinagsasabi mo?"
"Biro lang! 'To naman. Naisip ko lang na maligo tayo ng pool. Maganda ang panahon at mainit. Gusto kong samahan n'yo ako. Nakakabagot pag ako lang sa pool. Ipapaalam ka namin Daisy."
Nagusot ang ilong niya. "Kung papayagan ako ni Tita. Puro pa naman kayo lalaki at kung narinig ni Tita ang sinabi mo kanina. Tiyak na di talaga ako papayagan."
"Kami na ang bahala."
"Pumayag na ba ako?" Lumingon tuloy ang dalawa sa kanya na tila ba sinasabi ng mga mata na pumayag na siya. "No way, pati ikaw Noah?"
"Oo. Pero hindi ka namin pipilitin kung ayaw mong sumama," usal nito.
Tumayo si Lirio at tumabi sa kanya kaya napausod tuloy siya at kulang magdikit silang dalawa ni Noah sa ikinapitlag ni Daisy.
"Puwes, ako. Mamimilit na sumama ka sa amin dahil alam kong puro tambay ka lang sa bahay ng Tita mo sa piling ng mga libro mo. Ayaw mo ba kaming ka-bonding?" Nag-puppy eyes pa ito na ikinatawa niya. Ang kulit na lalaki.
"Oo na, oo na. Samama na ako. Sabay nating kumbinsihin si Tita."
Katakot-takot na mga titig ang sumalubong sa dalawang binatilyo. Ang kapatid naman niyang si Desiree ang biglang bumasag sa katahimikan, palipat-lipat ang tingin sa dalawang lalaki. Nasa sala silang lahat at magkakatabi silang tatlo samantalang nasa one-seater sofa naman ang kanyang Tita Emerald at nasa likod nito si Desiree.
"Sino sa inyong may gusto kay Ate?"
Nagulat silang tatlo sa tanong ng makulit niyang kapatid. Wala tuloy makapagsalita hanggang si Lirio ang nagsalita. Mas lalong naligalig si Daisy sa mga lumabas na salita sa bibig ng madaldal niyang kaibigan.
"Magtiwala po kayo sa amin. Wala kaming gagawing masama sa pamangkin ninyo. Malinis po at dalisay ang harangin namin kay Daisy."
Nagkatinginan silang dalawa ni Noah at mukhang isa lang ang nasa isip nila - ang patahimikin si Lirio.
"Dalisay, nanliligaw kayong dalawa kay Ate?"
"Tama na 'yan, Desiree. Magkaibigan lang kaming tatlo. Nagkataon lang na puro sila lalaki. Maiintindihan ko naman po kung di po ninyo ako papayagan."
"Hanggang alas otso lang siya ng gabi."
Nagkatinginan silang tatlo. Ibig sabihin ay payag na ang Tita niya. Lihim siyang napangiti.
* * *
Nagpahanda si Lirio sa mga katiwala nila sa bahay sa babaunin nilang pagkain. Grilled pork, lechong manok, kanin, kinilaw na isda, salad at may kasama pang softdrinks ang dala nila. Pinayagan lang talaga sila ng tuluyan kapag may kasama silang matanda at iyon ay ang driver ng pamilyang San Miguel na si Mang Noli na pinagkatiwalaan na ni Lirio. Mukhang malapit rin si Noah rito at naikuwento nga ni Lirio ang origin ng pagiging malapit nilang dalawa ni Noah.
"Intrams no'n, nung nasa freshman pa kami at magkaaway kami sa basketball. Tinik siya sa lalamunan namin dahil magaling talaga siyang lumusot sa depensa namin pero kahit asar ako kay Noah ay hindi ko naman ikinasaya na makita siya sa waiting shed na parang inabandonang pusa kaya kinulit ko na siyang sumakay sa sasakyan at pinanatili ko muna sa bahay namin," pagkukuwento ni Lirio. Ito ang katabi ni Mang Noli habang nasa passenger seat naman silang dalawa ni Noah.
"Hindi ka pumasok sa klase mo noong araw na iyon hanggang sa hapon na. Pinick-up mo lang ata ako para may dahilan ang pag-absent mo," dugtong naman ni Noah.
"Di ah! Nagmamalasakit lang ako pero parang totoo na rin."
Natawa na lang tuloy si Daisy sa palusot nito. "Kakatwa nga ang samahan ninyo eh. Isama na si Shawn eh suplado ang impresyon ng schoolmates natin sa kanya."
"Ako lang naman ang nakakatiis sa dalawang boring na 'yan."
"Kahit di na kayo classmates, malapit kayo."
"Pinagkakatiwalaan ko ang dalawang 'yan. Silang dalawa ang kasama ko sa lahat ng mga kaganapan ko sa buhay."
"Naks pare, na touch naman ako. Pa-kiss nga. Mahal din kita."
"Buang!"
Nang makarating na sila sa munting resort na iyon ay namangha siya sa magandang tanawin. Nasa elevated area kasi ang resort pool at pag maglunoy ka sa pool ay matatanaw ang tanawin sa baba. Kakaunti lamang ang mga tao roon at mukhang di pa masyadong dinadayo. Nagkataon rin na weekdays.
Si Mang Noli na ang naghanda ng mga pagkain nila at katulong nito si Noah. Tinutulak naman siya ni Lirio na magbihis kaya natatawa na lang siya rito at tinaboy na ito nang makapasok na siya sa CR ng babae upang magbihis ng swimming clothes. Ang Tita Emerald niya ang mismong nag-check sa susuotin niya roon. Ayaw nitong magsuot siya ng flimsy na swimsuit at pumayag naman siya kaya eto rash guard at maliit na shorts ang suot niya na angkop lang bilang swimming attire. Nagbihis na siya at nagtagal pa nang kaunti sa loob ng CR. Nang makarating na siya sa pool area ay nakita niya ang dalawa na nakasuot na ng swimming trunks. Si Lirio ang unang nakakita sa kanya.
Eksaherado ang pagbagsak ng balikat ni Lirio at disappointment sa mga mata.
"Sayang, di ka nag-swimsuit," pagbibiro nito.
Ginigiit pa rin nito ang pagsusuot niya ng swimsuit kaya napapailing na lang siya.
"Magpalamig ka muna." Hindi nakahuma si Lirio at dahil nasa gilid lang ito na pool ay naitulak ito ni Noah at nabasa tuloy sila sa pag-splash ng pool sa tubig.
Natawa lang silang dalawa at nang makabawi ay lumingon sa kanya si Noah. Naningkit ang mga mata nito sa kanya at may purpose ang bawat hakbang nito palapit sa kanya. It was her first time seeing that playful glint in his eyes.
Napatili siya sa pagkagulat n nang bigla siyang buhatin ni Noah. Napakapit siya sa balikat nito at nanlalaki ang mga matang napatingin rito. She smiled playfully and even in those seconds, her breathe hitched. "Hold you breath," sabi nito.
Sinunod niya ang sinabi nito. Naramdaman na niyang tumalon si Noah karga pa rin siya. Bumagsak silang dalawa sa tubig. Nang maiahon nilang dalaawa ang mga mukha sa tubig ay natawa na lamang si Daisy. "Noah!" bulalas niya sa pagitan ng pagtawa niya maging ito ay natatawa na rin. Sinabuyan pa siya nito ng tubig at gumanti naman siya.
Nakapaskil pa rin sa mga labi nito ang isang malawak na ngiti. And she liked those kind of smiles of him, carefree and playful. His eyes just lit up with happiness so Daisy just decided to float in front of him, smiling at him.
"Bakit?"
"Ang laking kaibahan ng nakangiting mukha mo sa seryusong mukha. Kung lagi kang ngumingiti, tiyak na mahahawaan mo ang mga tao sa paligid mo."
"Talaga?"
Nakangiting tumango-tango siya at nagthumbs-up pa.
"Hindi ako basta-bastang ngumingiti nang walang dahilan. Dapat meron. At ngayon, ikaw 'yon." Sukat sa sinabi nito ay tinalsikan siya nito ng tubig. Natawa siya at gumanti rito. Nagsabuyan lang silang dalawa ng tubig hanggang sa makisali si Lirio sa kanila. Inakbayan nito si Noah at umaktong lulunurin ang kaibigan at nang bumaling ito sa kanya ay agad naman siyang lumangoy papalayo kay Lirio na may masamang balak.
Naglaro sila ng tayaan roon at kapag taya si Lirio ay nagtatago siya sa likod ni Noah at kahit pilit siyang abutin ni Lirio ay hinaharangan pa siya lalo ni Noah. Hindi naman nagrereklamo ang binata na humahawak rito.
Nang maging taya si Noah ay nagtatago naman sa likod niya si Lirio.
"Lirio! Ang bigat mo!" reklamo niya rito pero natatawa naman dahil kontodo kapit ito sa balikat niya. Si Noah nama'y pilit inabot si Lirio at napapagitnaan siya ng dalawa. Para makawala ay lumubog siya ngunit nabigla siya nang yakapin siya ni Noah hanggang sa iahon nila ang mga mukha nila. He flashed that familiar playful smile of his.
"Taya!"
"Andaya! Akala ko si Lirio!" Lumangoy siya papalapit rito at ito nama'y lumangoy rin papalayo sa kanya.
"Langhiya ka, Noah!" Umalingawngaw ang sigaw ni Lirio. "Ako naman ang yakapin mo. Naiinggit ako."
At umaktong parang bakla si Lirio na ikinatawa ni Daisy. Nandidiring lumayo tuloy si Noah kay Lirio na bumilis ang paglangoy at may balak pang yakapin si Noah.
Ang kukulit ng dalawa at hinayaan na niya ang mga ito roon at umahon na sa pool. Ginutom siya sa kulitan nilang tatlo roon kaya naghanda na lamang siya ng kakainin ng mga ito. Tinawag na niya ang dalawa nagwre-wrestling na sa pool.
* * *
Kapwa sila tumambay sa gilid ng pool kung saan matatanaw ang papalubog na araw at pagpapalit ng kulay sa kalangitan.
"Ang ganda," usal ni Daisy sa magandang tanawin sa harap nila at naipilig ang ulo. Tumama sa pisngi niya ang sinag ng papalubog na araw. "Hindi ako magsasawang pagmasdan ang paglubog ng araw."
"Pati ang pagsikat ng araw."
"Sulitin na natin ito dahil sa susunod na buwan, pasukan na naman kaya . . ." Sinabuyan silang dalawa ni Noah ng tubig sa pool ni Lirio. Madaya ito at mabilis nakaahon nang habulin ni Noah. Nagtulakan ang mga ito sa pool. Humarap siya sa magkaibigang nagkukulitan at sumandal sa gilid ng pool.
She's happy that she enjoyed her summer days with these two.
* * *
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top