PKL: Dalawampu
---x
Masama ang pakiramdam ni Daisy kanina pa at pilit niyang ibuka ang mga mata niya sa klase.
"Daisy, namumutla ka," puna ni Daphne sa kanya nang magkita sila sa bench, sa lilim ng punong mangga. Sa tapat lang ng TLE Building.
"Are you sure you're okay? Puwede natin 'tong i-postpone." Bakas sa mukha ni Daphne na nag-alala ito sa kanya. Hindi niya akalaing makakasundo niya si Daphne dahil usap-usapan na maarte ito at may pagka-maere pero ang totoo, nanibago lang ito sa buhay public school.
Sanay naman kasi ito sa private school at mukhang nakapag-adjust na ito sa eskuwelahan nila. Nakasabay pa nga niya itong kumain ng lunch sa corridor.
"Pabalik-balik 'yung lagnat ko. Ayoko namang um-absent dahil natataon na may quizzes at tests," katwiran niya saka sinapo ang kanyang noo dahil bigla siyang nahilo.
"Cancel muna tayo, Daisy." Nagsimula na itong magligpit ng mga gamit nito. "Umuwi ka na muna at magpahinga," payo pa nito at tumango na lamang siya kaysa magpumilit pa. Ito na rin ang umalalay sa kanya.
Kumikirot ang ulo niya at parang masusuka siya habang lulan ng jeep. Nang tuluyan na siyang makarating sa bahay ay dumiretso na siya sa higaan niya dahil nahihilo na naman siya. Nakahinga siya nang maluwag nang lumapat na ang katawan niya sa higaan. Nagtataka na ang kanyang ina kung bakit pabalik-balik ang lagnat niya. Pina-absent siya nito kinabukasan at tumungo sila sa Hi-Precision Diagnostics para i-check magsagawa ng tests sa kanyang katawan.
Nagtaka lang si Daisy nang makita niyang nanlulumong nakikinig sa isang medical staff ang nanay niya. Nang bumaling ito sa kanya ay tila mapapaiyak pa ito. Napatayo mula sa inuupuan niyang steel chair.
"Ma? Anong problema?" Umiling lang ito.
"Nirekomenda na sa hospital natin ipabasa itong resulta mo sa medical. Kaya mo pa ba, Daisy? Baka nahihilo ka pa at mag-taxi na lang tayo," malumanay nitong pahayag at inalalayan siyang lumabas sa establisyemento. Nagpara ito ng taxi at doon sila sumakay.
Hindi alam ni Daisy kung bakit sa hospital sila tutungo. Di ba sila puwedeng direktahin ng medical staff kung ano talaga ang problema sa kanya? Sa isang pampublikong hospital sila nakarating at kaagad na lumapit ang kanyang ina sa isang nurse doon at tinanong kung ano ang ibig sabihin ng results.
Biglang nahilo si Daisy at natagpuan na lang niya ang sariling nakasakay ng wheelchair, tulak-tulak ng nurse at takang-taka na kung ano ang nangyayari. Nagulat na lamang siya na nakahiga na siya sa isang kama at iniinspeksiyon ng doktor at nurse. Dahil sa mga nangyayari ay nakatulog siya at nagising na lamang na madilim na ang paligid. May mga kasama rin siyang mga pasyente roon na chine-check up ng mga nurse at tinuturukan ng injection.
"May dengue ka, anak," malumanay na pag-amin ng kanyang ina na tila maiiyap pa sa kalagayan niya. Napadako ang mga mata niya sa nakaturok na dextrose sa kanyang kamay. Unti-unti niyang nauunawan kung bakit pabalik-balik ang lagnat niya at ang mga rashes sa kanyang balat na biglang tumurok.
Nanubig ang mga mata ni Daisy nang mapagtantong may sakit siya at walang katiyakan kung gagaling siya. "Sinabi ng doktor na mabuti na lang in-admit kita dahil mas lalong lalala ang lagay mo. Napakababa ng platelet count mo anak, baka maging huli na ang lahat pag di kita pina-check up." Niyakap na lang siya nang ina niya at hinayaan siyang tahimik na umiyak.
Kinabukasan, napagtanto na ni Daisy ang lahat-lahat nang kunan siya ng dugo sa pamamagitan ng pagturok sa kanya. Ang pag-check sa dextrose niya. Ang pagkain niya ng hospital food umaga hanggang gabi. Ang kanyang ina ang nag-aalaga sa kanya roon habang ang kanyang ama naman ay ang nag-iisang nagpapatakbo sa barbecue-han nila. Nakatulala lamang siya doon, iniisip kung paano siya napunta sa ganoong kalagayan.
Pangatlong araw niya doon at wala na siyang lagnat. Bumubuti na rin ang pakiramdam niya at saka lamang niya naisip na ilang araw na siyang absent sa eskuwelahan. Tumungo siya sa phone booth upang ipaalam kay Lirio na may sakit kaya um-absent siya ngunit himdi niya sinabi kung ano iyon. Ayaw niyang mag-alala ang mga kaibigan sa kalagayan niya. Bumalik siya sa ward niya't nagbasa na lang ng libro na dinala ng kanyang ina kahapon para may pagkaabalahan siya roon.
Siya lamang mag-isa doon at kampante naman siya na kaya niyang alagaan ang sarili niya at di naman siya pasaway sa mga nurse doon.
"Daisy?" Nagulat siya nang tumawag sa kanyang pangalan roon. Napalingon siya sa gilid na si John Dale pala na nagulat rin na natagpuan siya doon. Dumako ang mga mata nito sa nakakabit na dextrose sa kamay niya.
"May dengue ka rin?" maang nito. Nangunot tuloy ang noo niya't binaba ang libro sa kandungan niya. Umayos ito ng tayo at napabuntong-hininga. "Na-admit ang nakababata kong kapatid rito. Tuluyan na siyang gumaling at bukas ay baka puwede na siyang makauwi. Bakit hindi mo ipinaalam sa 'min na may dengue ka na pala?"
"Ayokong mag-alala sila. Saka ko na sasabihin pag magaling na ako," malumanay niyang sagot na may maliit na ngiti sa mga labi. "'Wag mo muna sabihin sa kanila, JD."
Pinaningkitan lang siya ng mga mata nito. "Mas lalo silang mag-alala kung wala silang kaalam-alam sa nangyayari. 'Yung kaibigan mong si Berry, panay ang sulyap sa binakante mong upuan. Nagtataka na 'yon kung bakit sunod-sunod na ang absences mo. Di ka naman kasi uma-absent sa klase nang biglaan."
Napabuntong-hininga na lang siya. "Oh sige, kung mapilit sila, sabihin mo sa kanila pero wag mong i-broadcast sa buong section. "
"Takot ka lang ata bisitahin rito." Tumango siya bilang sang-ayon. Ayaw niyang i-pity ng kung sino at gagaling pa siya. Positibo ang feedback ng doktor at bumabalik na rin sa normal ang platelet count niya. "Oh siya, alagaan mo sarili mo. Pupuntahan ko muna kapatid ko at baka hinahanap na ako."
"Oh sige." Nakangiting kinawayan niya ito nang tumungo ito sa silangang bahagi ng palapag kung saan nandoon naka-confine ang mga mas batang pasyente ng dengue.
* * *
"Ano?" bulalas ni Lirio. Sumenyas lang si John Dale na babaan niya ang boses niya at baka may makarinig sa mga kaklase nila.
Dumukwang siya sa mesa upang marinig niya nang maayos si John Dale.
"Nasa hospital si Daisy kaya siya um-absent ng ilang araw. May dengue siya at kasalukuyang nagpapagaling. 'Wag kang mag-alala, hindi naman malala ang lagay niya. May dengue rin kasi ang kapatid ko kaya nakita ko siya doon," paliwanag ni John Dale. "Ayaw niyang malaman ng iba. Ayaw yatang magpabisita."
Tipikal na gagawin ni Daisy kapag ayaw nitong malaman ng iba ang nangyayari rito. Kahit parang araw ang aura nito, nakangiti lagi at hindi yata nagagalit ay may nakatago pa ring detalye ng disposisyon nito. Kaya pala, ramdam niyang may mali nang mapansin niyang sunod-sunod na ang absences nito. Nade-detect kasi niya na uma-absent lang ito kapag may problema.
Dumako ang mga mata niya kay Noah na abala sa pakikipag-usap kay Jecille at napasinghal na lamang siya nang maalalang tila wala naman itong pakialam sa absences ni Daisy. Naningkit tuloy ang mga mata niya. "Samahan mo akong bumisita sa kanya. Ikaw ang may alam kung saan siya naka-confine."
Bumuntong-hininga lang si John Dale. "Oo na. Pagkatapos ng klase natin tayo pupunta. Wala ka bang pagkakaabalahan mamayang hapon?"
Tatakasan na lang muna niya si Henry na siyang study buddy niya mamaya. "Wala."
Lihim na tinaningan ni Lirio si Noah. Kung magtatanong ito tungkol kay Daisy ay sasabihin niyang may dengue ang dalaga at kung hindi naman, hindi niya sasabihin at bahala na itong mag-alala. Lagi na lang nitong kasama si Jecille at mukhang tuwang-tuwa pa na kasama ang babae. Nakatagpo na pareho ang lente ng pag-iisip at katalinuhan. Tila may nalasahan siyang pait sa bibig niya nang maalala si Daisy.
Tumunog na ang bell hudyat na tapos na ang klase at hindi pa rin siya tinanong ni Noah tungkol kay Daisy. Napasimangot siya nang lihim dahil tila wala itong pakialam.
Isa lang ang tao na nasa isip niya na concern kay Daisy. Ang matalik nitong kaibigan na si Raspberry. Wala siyang plano kung paano pakitunguhan si Raspberry bagkus ipapaalam lang niya dito ang dahilan kung bakit absent si Daisy.
Lumapit siya rito na kausap o mas tamang sabihing tinatarayan nito ang study buddy nitong si Klint.
"Berry," tawag niya rito. "Puwede ka bang makausap?" Nagtaka naman ito sa tanong niya. Palipat-lipat lang ang tingin ni Klint sa kanilang dalawa na parang may namamagitan sa kanila. Sabay lang nilang sinamaan ng tingin si Klint na itinaas ang mga kamay.
"Oo na. Bukas na tayo mag-study," tila pagsukong sambit nito kay Berry at dinampot ang mga gamit nito.
"Anong meron?" kunot-noong tanong ni Berry.
"Wala ka bang gagawin ngayong hapon?" tanong niya rito. Kung ano man ang plano nito ngayong araw ay tiyak na magbabago. "Tungkol ito kay Daisy. Kung gusto mong malaman kung nasaan siya, sumama ka sa 'kin."
"Ha? Teka, anong nangyari sa kanya?" nag-alalang tanong nito. Napakamot siya sa tainga niya. Mas maganda talaga ito kapag hindi mataray ang mukha nito. Tumikhim siya.
"Malalaman mo nga pag sumama ka sa 'kin. Hahapit muna tayo ng mga prutas para sa kanya." Nang mapagtanto nito ang sinabi niya ay tila nanlumo ito at napatango ito. Mukhang may ideya na ito sa kalagayan ni Daisy. Madali itong maka-pick up bagay na naobserba niya rito bukod sa matalino ito. "Hanapin muna natin si John Dale. Siya ang nakakita kay Daisy. Baka andoon lang 'yon sa canteen, hinatak ni Daphne. Halika na."
* * *
Kahit na alam niyang may posibilidad na malalaman ng ibang kaklase nila na may dengue siya ay nagulat pa rin siya nang makitang magkasama siyang binisita nina Lirio at Berry bitbit ang isang plastic na may lamang mga mansanas at orange. Naglikot tuloy ang mga mata niya na parang may kulang sa mga ito.
"Okay ka na?" tanong ni Berry at umupo sa gilid ng kama at inabot ang kanyang mga kamay. "Nag-alala na kami sa 'yo dahil hindi ka na pumasok nang ilang araw."
Pinisil niya ang malambot na kamay ni Berry at ngumiti. Gustuhin man niyang maiyak dahil na-touch siya sa ginawa nito ay ayaw naman niyang maging emosyonal. "Gumagaling na ako. Masakit 'yung mga tusok." tukoy niya sa mga daliri niya na paulit-ulit tinusok ng karayom para makakuha ng dugo. "Pero para naman 'yon sa ikagagaling ko. Mino-monitor lang ang dugo ko."
"Hindi pa alam ni Ma'am kung bakit ka absent ng tatlong araw. Abala naman kasi 'yon pero tinatanong niya kung ano na ang nangyayari sa 'yo. Natanggap ko ang mensahe mo sa pager. Akala ko, nilagnat ka lang. Hindi pala," ani Lirio na pasimpleng kinuha ang mga prutas sa plastic at nilagay sa isang mangkok kung saan doon nilagay ng kanyang ina ang lansones na ngayo'y papaubos na.
"Saka ko na kasi ipapaalam pag gumaling na ako. Nasaan nga pala si John Dale? Siya ang naghatid sa inyo panigurado," tanong niya at luminga-linga.
"Nasa kapatid niya. Ngayon na kasi ang alis nila." Si Raspberry na ang sumagot.
"Marami ba akong na-miss sa klase? Naku, babawi pa ako pagbalik," nakangusong sambit ni Daisy at tinanggap ang inabot na orange ni Lirio na nabalatan na nito.
"'Wag mo muna isipin 'yon. Ang importante ay gumaling ka at makapagpahinga. Saka mo na isipin ang tungkol sa eskuwela," wika ni Lirio na binalatan rin ang isang orange.
"Tama si San Miguel, Daisy. Magpahinga ka muna. Hindi naman masyadong mabigat ang mga gawain sa school as long as bubuti ang lagay mo. 'Wag kang pumasok agad. Pahinga ka muna ng isang araw." Parang Ate na payo ni Raspberry.
"Areglado!" Pabiro pa siyang sumaludo rito.
May napansin siya. Hindi kasama ng mga ito si Noah. Sabagay, busy 'yung tao. Hindi niya maiwasang malungkot.
* * *
"Bakit hindi mo sinabi sa 'king bumisita pala kayo noong isang araw kay Daisy?" May himig ng inis sa tono ni Shinoah nang lapitan siya at magtanong. Gumawi ang mga mata niya kay Daisy na masiglang nakikipag-usap kay John Dale at Daphne doon sa canteen. Vacant time kasi nila ng mga oras iyon at kababalik lang ni Daisy sa eskuwela ngayon. Magaling na ito at nagbalik na ang kulay sa mukha, hindi gaya noong nasa ospital pa ito.
Sinunod nito ang payo ni Raspberry na magpahinga muna ng isang araw pagkatapos nitong lumabas ng hospital. Nang araw na bumisita sila ni Berry rito ay sabay na rin silang umuwi ng huli.
Tahimik lamang sila sa biyahe pero napapansin ni Lirio na mukhang gumaan na ang pakiramdam nito nang malaman kung ano ang totoong kalagayan ni Daisy. Tunay na nagmamalasakit talaga ito sa nagkasakit nitong kaibigan. Kahit paano ay napanatag si Lirio.
Binalingan niya si Noah na nakasimangot ang mukha. "Wala ka naman kasing pakialam nang araw na binisita namin siya. Di hindi ka bumanggit ng pangalan ni Daisy. Puro Jecille, mag-aaral pa kami Jecille, Jecille, Jecille blah blah blah. Oo, nakatagpo ka na ng katapat mo pero nakalimutan mo naman si Daisy." Sa inis na rin niya ay padaskol siyang tumayo sa kanyang kinauupuan.
Ni hindi na siya nito hinabol para magpaliwanag pa at tiyak niya'y may nasaling siya rito. Wala na siyang pakialam. Tinungo niya ang puwesto ni Daisy.
"Tsaran! Dito ako tinurukan ng dextrose. Kita n'yo?" Itinaas pa ni Daisy ang kanan nitong kamay na may palatandaan ng tusok ng dextrose. Ipinakita nito iyon kina Daphne at John Dale na parehong napangiwi lang.
"Proud ka pa ha." Marahan niyang ginulo ang medyo kulot nitong buhok at natawa. Natawa na rin sina Daphne at John Dale.
Nagawi ang mga mata ni Lirio kay Noah na makatingin sa puwesto nila. Pinaningkitan lang niya ito ng mga mata. Bahala na itong makonsiyensiya.
* * *
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top