PKL: Apat
--x
Kapag hindi inaantok si Daisy at madami ang iniisip ay nagliliwaliw siya sa kalagitnaan ng gabi. Kapag gumigising siya ng maaga ay nagj-jogging siya patungo sa Nivel Hills at doon niya pagmamasdan ang pagsikat ng araw maging ang paglubog nito. Tanging si Daisy lamang ang nakatayo paharap sa sumisikat na ngayong araw, bahagya lang nakatabon ang kanyang kamay sa mukha niya upang hindi siya gaanong masilawan. Other people would think she's being sentimental, dreamy and weird but chasing the rising sun was one of her coping mechanism aside from wandering around the city streets and exploring different places.
"Teka! Hintay!" Hingal na hingal na tumigil si Cali sa pagtakbo at itinaas ang kamay nito bilang senyas sa kanya na tumigil muna. Napangisi na lamang siya at pinameywangan ito. Nasa gilid lamang sila ng kalsada, tinatahak ang direksiyon patungo sa bahay ni Bella. Pagkatapos kasi ng duty nila sa café, nakatanggap sila ng mensahe sa pager nila mula kay Bella na gaganapin ang reunion nila sa rooftop ng bahay nito. Isasabay na sa birthday ni Bella ang reunion.
"Kung makatakbo 'to, parang hinahabol ng kriminal." Sumalampak ito sa sementadong upuan at nagpahinga roon saglit, hindi alintana ang ingay ng makina at busina ng mga sasakyan maging ang buhay na buhay na gabi sa downtown.
"Bilis na. Gutom na 'ko. Di pa tayo nakakapaghapunan. Hay naku, kulang ka lang sa exercise. Hina naman ng stamina mo," pang-aasar niya rito. Hinila niya ang braso nito kaya wala itong nagawa at napatayo na lang.
"Pasensiya na ha," sarkastiko nitong pahayag at napasigaw na lamang siya nang ipitin nito ang leeg niya sa braso nito. "Masyado ka lang excited makita ang mga baklang 'yon na mas maarte pa sa 'yo."
Natawa siya at napahawak sa braso nito. "Alala ko pa, first week ng training natin hina-harass ka na ni Arnie. Ginawa mo pa akong panakip-butas dahil naturn-off ka ka—" Naputol ang pagsasalita niya nang takpan nito ang bibig niya ng kamay nito.
"'Wag mo nang ungkatin, nakakahiya na ang mga pangyayaring 'yun. At anong panakip-butas ha? Sa hindi kita pinatulan. Pinalabas ko lang at hinayaan silang isipin ang kung ano mang hinala ang nasa utak nila," pagdadahilan niya at mas lalo siyang pinanggigilan sa akbay kaya nagpumiglas siya. Binitawan naman siya nito. Tatawa-tawa lang itong tumakbo palayo sa kanya na hinabol niya naman ngunit kaagad naman silang tumigil nang maging berde ang stoplight.
Nasa kabilang panig ang palengke kung saan marami-rami ang mga taong bumibili doon maging ang mga tricycle at tartanilla di-kalayuan ay abala sa paghahatid ng mga pasahero.
"Siguro, ganoon lang talaga sila. Nanunukso pero ang totoo, alam naman nila na malapit lang talaga tayo. Aba! Kuya kaya kita! Hi Kuya!" Sumama ang timpla ng mukha nito ng tawagin niya itong Kuya. Sa inis ay hinilamos nito ang mukha niya sa malaki nitong kamay kaya marahan niya itong hinampas sa braso.
"Tawagin mo pa akong Kuya, ipapatapon kita sa kalesa," banta nito na tinawanan lang niya. Napakapit siya sa suot nitong jacket nang tumawid na sila. Habit na niya kapag may kasama siyang tumatawid.
Kaklase ni Daisy si Calvin Generoso sa training center kung saan tine-train sila sa Food and Beverages. Sabay silang nag-OJT at tinanggap naman sa in-OJT-han nilang dalawa. Noong una'y, inaasahan na ni Daisy na hanggang doon lang ang koneksiyon niya sa mga kaklase niya sa training center ngunit hindi niya akalaing magiging matalik niyang kaibigan si Cali at kung minsan ay Kuya-kuyahan na niya. Tatlong taon kasi ang tanda nito sa kanya.
Nakahilera na ang mga nakatigil na kalesa sa gilid ng daan, maiwasan ang mga de-makinang sasakyan. Napanguso na lamang si Daisy nang masinghot ang mabahong amoy ng mga kabayo. May nakikita siyang natutuyong dumi ng kabayo sa ibang parte ng kalsada ngunit hindi alintana iyon sa mga tao.
Kumbaga, sanay na ang mga ito sa kalagayan ng lugar. Sumakay silang dalawa ni Cali doon. Sandali pa siyang naging uneasy dahil sa kabayo. Nauna itong sumampa at hinawakan ang kamay niya upang makasampa siya. Napakapit pa siya pinto niyon upang hindi siya mahulog.
"Ngayon lang ulit ako nakasakay ng kalesa. Highschool pa lang noong huli akong nakasakay. May group project kami at gagawin namin sa bahay ng isang kaklase namin," pagkukuwento ni Daisy kay Cali. Para tuloy siyang ignorante ngayong nakasakay na siya sa kalesa ulit.
"Doon pa rin ba nakatira ang kaklase mo? Baka kapit-bahay ni Bella," sabi nito. Nagkibit-balikat lang siya at itinuon ang mga mata sa harap. Tumigil lamang ang kalesa nang may tumawid na tricycle.
"Hindi ko alam e. Wala na rin akong balita sa mga kaklase ko noon simula nang . . . alam mo na," malumanay niyang saad rito. Sandali itong hindi nakaimik. May ideya ito kung bakit pinutol niya ang koneksiyon niya sa mga naging kaibigan niya noong highschool. Wala na itong balita mula sa kanya at ganoon din siya. "Ewan. Wala na rin akong pakialam."
"Ako man din. Pansin mo naman kung bakit. Ayoko namang aalalahanin na ang layo na nila sa 'kin." Marahas itong napabuntong-hininga, naging hindi na komportable sa takbo ng usapan nila. "Oh, malapit na tayo."
Tumigil ang kalesa sa harap ng isang simbahan. Nagbayad na si Cali ng pamasahe nila at piping kinawayan nito ang kabayong tumatakbo papalayo sa kanila, maghahanap na naman ng mga pasahero. Si Cali lang ang may alam kung nasaan ang bahay ni Bella dahil magkasing-barangay lang ang mga ito.
Inilibot ni Daisy ang paningin niya sa dinadaanan nila ni Cali. May mga bata pa ring naglalaro sa labas, malapit sa daan at may ibang nagkukumpulan sa isang tindahan. Nanonood ng tv na ngayon ay colored na kompara sa black and white tv nila noon na may mahabang antenna. May mga iilang binatilyo ang naglalaro ng basketball sa nadaanan nilang basketball court. Napakapit si Daisy sa jacket ni Cali nang makakita siya ng tatlong asong tila interesado sa mga bagong dating.
Tuloy-tuloy sa pagpasok si Cali sa nakabukas na gate sa isang bahay na nangingibabaw ang itsura doon sa lugar dahil mukhang bagong renovate.
"Cali! Daisy!" tawag sa kanila ni Bella na may hawak-hawak na bandehado. Ibinaba nito iyon sa isang mesa at sinalubong sila ng yakap na dalawa. "Dumating na silang dalawa! Sabay pa talaga! Ayiee!" panunukso nito. Kaedad lang niya si Bella kaya naging kasundo na niya sa training classes nila. Bumalik ito sa pag-aaral pagkatapos ng OJT nila.
Naririnig na nila ang maingay na tugtugin mula roon sa baba palatandaan na kanina pa nagsisimula ang reunion nila.
"Loka," mahinang saway ni Cali rito. "Happy birthday nga pala. Tanda mo na. Nasaan na ang iba?"
"Happy birthday, Bella!" masiglang bati niya saka ito pinanggigilang yakapin. Ilang buwan rin silang hindi nagkita dahil abala na sila sa kanya-kanyang buhay.
"Salamat! Itinuro ni Bella ang bandang taas ng bahay. "Nasa rooftop na silang lahat. 'Lika! Pasok na kayo! Tiyak na masosorpresa ang mga baklitang 'yon na magkasama pa rin kayo."
Napapangiti na lang silang dalawa ni Cali at pumasok sa bahay. Magalang silang nagmano sa mga magulang at nga kamag-anak nito na nagkukumpulan sa sala, may separate celebration sa birthday ni Bella samantalang umakyat na silang tatlo patungo sa rooftop. Palinaw ng palinaw ang ingay na naririnig nila, ang mga kantiyawan at huntahan ng batch nila sa training. Nagsigawan ang mga ito nang makita silang dalawa na magkasama ni Cali at agad silang dinumog.
"Daisy! Akala ko hindi kayo makakarating!" Nagulat na lamang siya nang yakapin siya ni Paulito, o mas kilalang Paula sa gabi. "Nakakamiss kayong dalawa!"
Sumali rin si Anthony sa yakapin nila. Ito ng pinakabata sa kanila at itinuturing nilang bunsong kapatid. Pamilya na ang turingan nila sa isa't isa sa anim na buwan nilang pagsasama.
"Blooming ka na ngayon, Ate Daisy! Dahil ba kay Kuya Cali? Uyy!" Sinundot pa nito ang tagiliran niya kaya napaiwas na siya.
"Ano ba! Hindi ako makahinga!" Napalingon sila sa gawi ni Cali na halos ipitin na ng mga bakla nilang kaklase na animo'y isa itong artistang pinagkakaguluhan. Natawa na lamang kami nang halikan siya sa pisngi ni Arnie at nandiri pagkatapos.
"Mommy Yu! Ate Annie!" masiglang salubong ni Daisy sa nakakatanda nilang kaklase sa training at nagdidisiplina sa kanila kapag masyado na silang makulit at maingay.
"Daisy!" Nagyakapan silang tatlo. "Nakakamiss kang bata ka. O siya, sabay ka na sa 'min ni Annie kumain. Kumusta ka na?" tanong ni Mommy Yu sa kanya. Nasa singkuwenta na ang edad nito at katrabaho nito si Annie sa isang kainan sa downtown. Himbis na umasa sa anak nitong nagtratrabaho sa barko ay pinili pa rin nitong magtrabaho.
Makahulugang tumingin si Ate Annie kay Cali na asar na asar na pinagtabuyan ang mga bakla pero kinukulit pa rin nito, tila ba gusto lang nilang guluhin lalo ito. Natawa na lamang siya nang akmang sasakalin nito si Arnie. "Ayos naman po sa trabaho. Paminsan-minsang late si Cali. Napupuyat kasi dahil insomnia niya." Sumabay na siya sa mga itong kumain.
Kaliwa't kanan ang kamustahan ng lahat. Kapag may bagong dadating ay nagsisigawan sila na parang mga baliw, di alintana kung may babato sa kanila sa ingay nila ngayong gabing may natutulog na yata. Nagugulat pa sila nang may biglaang flash mula sa camera ni Bella. May mga ilang hindi nakahabol dahil malayo at hindi na makakaabot sa oras dahil sa trabaho. Gayunpaman, masayang-masaya kaming nagtitipon roon at napapasayaw sa mga disco songs na pinatugtog. Hindi sumali si Daisy sa inuman maging si Cali ay hindi na kinagat ang sulsol ng mga kasamahan nila na uminom pa.
"Ang ganda ng buwan ngayong gabi," usal ni Daisy at dumukwang sa ledge. Nakatingala siya sa bilog na buwan at matingkad nitong liwanag. Kakaunti lang ang mga ulap sa madilim na langit. Itinukod niya roon ang mga siko niya. Magulo man ang mga sala-salabit na kable ng kuryente sa mga poste ay nakadagdag iyon sa aliwalas ng gabi.
Sumandal si Cali, hawak-hawak ang plato nitong may pagkain. Sa ledge ay nakalagay ang softdrinks nilang dalawa, RC. "Nakakatuwa ano? 'Yung akala mong hindi magkakasundo dahil iba-iba ang henerasyon at personalidad ay heto, parang wala lang ang mga buwan na nagkanya-kanya tayo sa ingay natin. Ikaw ba, Daisy? Hindi pa kayo nagkaka-reunion?"
Bumaling siya rito at bahagyang natigilan. Ilang beses na iyong sumagi sa isip niya ngunit iwinawaglit niya bago pa siya gumawa ng kung ano-anong eksenang mangyayari sa reunion. "Hindi ko alam. Apat na taon pa naman ang nakakalipas e, kaka-graduate pa nila sa college sa ngayon. Ewan, hindi ko na rin masyadong pinagtuunan ng pansin. Hindi ako dadalo panigurado. Ikaw?"
Nagkibit-balikat lamang si Cali at pinagmasdan rin ang maliwanag na buwan. "May munting reunion kami. Circle of friends ko lang noong lumuwas ng Japan ang kaibigan ko. Wala na akong balita sa batch, ayoko na ring makibalita."
May ideya na siya kung bakit ayaw nitong makibalita kagaya niya. May mga similarities silang dalawa ni Cali at isa na roon ay ang panliliit nila sa sarili kapag nakita nilang tila nahuhuli na sila. "Ayaw lang natin harapin ang katotohanan paminsan-minsan. Masakit kaya. At saka ewan, ayoko na ring isipin 'yun masyado. Nakakadagdag ng anxiety." tugon na lamang niya at sumandal saka pinagkrus ang mga kamay niya nang maramdaman ang lamig ng hangin.
Hindi na umimik si Cali bagkus nakatingala lang ito sa buwan at mga bituin sa kalangitan na tila ba may hinahanap roon. "Kailan kaya magiging parisukat ang buwan?" out-of-nowhere nitong tanong kaya marahan siyang natawa.
Bahagya tuloy kumunot ang noo niya sa tinanong nito. "Kapag nasira ang mga mata mo." hirit niya rito.
"Ibig kong sabihin, 'yung pagkakataong iba sa normal ang gagawin mo. Hindi 'yung mismong inaasahan ng tao sa 'yo."
"Oh? So balak mong ibahin ang kung ano man ang iniisip ng tao na gagawin mo ano? Ikaw ang bahala. Kasi sa totoo lang, nawala ako sa kadalasang pattern ng buhay. 'Yun bang nabaliko na ang daan ko. Weird ano? Kasi tinuloy ko pa ring tahakin ang daan na iyon." Nasapo niya ang noo niya. "Ano ba 'yan, hindi naman ako uminom ng beer pero parang lasing ako sa pinagsasabi ko."
"Sino bang nagtanong na magiging parisukat ang buwan?" tatawa-tawang paalala ni Cali na ikinatawa ko na lang.
Muli niyang pinagmasdan ang mga bituin sa kalangitan at kinabit-kabit ang mga ito sa isa't isa. Ilang beses na siyang humiling sa mga bituin, hindi naman siya umaasang matutupad iyon, gusto niya lang ibulong sa mga ito ang mga bumabagabag sa isip niya sapagkat kahit papaano ay gumagaan ang pakiramdam niya.
"Siguro, nawawala pa tayo ngayon o di kaya'y nakaabang lang sa dulo ang mga magagandang bagay. Nagsawa na rin ako sa kakaisip kung nasa tamang lugar ba ako ano basta ba pakiramdam ko e komportable naman ako sa ginagawa ko. 'Yun naman ang importante, di ba?" Piping sinang-ayunan ni Daisy ang sarili niya nang hindi na kumibo si Cali. Tahimik lang nilang pinakiramdaman ang kalamigan ng gabi, ang ingay ng videokihan mula sa di-kalayuan at ang kuwentuhan at kulitan ng mga kasamahan nila.
* * *
Panay ang pagbabasa ng nobela ni Daisy nang tumunog ang pager niya. Mensahe iyon galing kay Lirio,
Lumabas ka. Naghihintay ako sa labas ng bahay ng Tita Emerald mo.
Napatigil siya sa pagbabasa at sinarado ang libro niya't bumaba sa pagkakaupo sa high stool kaharap ng mini-bar. Inilapag niya ang libro niya sa counter at binuksan ang pinto ng bahay. Nasa front porch siya na siya nang makita niyang kinakawayan siya ni Lirio sa labas ng nakasiradong gate.
Isinuot niya ang tsinelas niya't tinungo ang maliit na gate saka iyon binuksan. Lulan ng bisikleta si Lirio at mukhang bagong ligo pa dahil mamasa-masa pa ang buhok nito at preskong tingnan sa suot na maluwag na white shirt at fatigue shorts samantalang ang dugyot niyang tingnan sa suot na pajama blouse at pedal, idagdag na bahagya pang magulo ang buhok niya.
"Anong meron at naparito ka?" tanong niya rito. Sabay silang sumakay ng jeep noong uwian sa Miyerkules at sinabihan niya itong mananatili siya sa bahay ng Tita Emerald niya sa weekend sa kadahilanang gusto niyang mag-relax sa dami ng gawain nila. Inipon kasi bago pa sila matabunan lalo na't nalalapit na ang Intrams.
Siningkit lang nito ang mga mata nito. "Nakalimutan mo ba? Sinabi mong sasamahan mo akong bumili ng cassette tapes." Inabot nito ang ulo niya at mahina siyang kinonyatan.
"Ay! Sinabi ko ba?" Inalala niya ang naging usapan nila at napangiwi nang makalimutan na niya iyon sa dami ng iniisip niya o masyado lang talagang occupied siya lalo na't subsob siya sa pagbabasa ng kung ano-anong libro. "Teka lang, bihis muna ako. Ginamit ni Kuya Jerome ang bisikleta kaya aangkas na lang ako sa 'yo." Maluwang niyang binuksan ang gate upang makapasok ang bisikleta nito. "Pasok ka muna. Wala pa akong ligo kaya maliligo pa ako."
"Ano?" maang nito at sinipat ang hitsura niya. Eksaherado pa nitong tinakpan ang ilong nito. "Kaya pala amoy panis na laway," tatawang-tawang pahayag nito na itinaas lang ang mga kamay bilang protekta sa sarili nang akma niya itong hahampasin.
Nagmano lang si Lirio nang madatnan kami ni Tita sa labas. Nagdidilig kasi ito ng mga halaman niya. Umakyat na siya ng kuwarto niya at didiretso na sa banyo upang maligo. Nagsuot lamang siya ng maluwag na dilaw na t-shirt at brown na cotton shorts. Dali-dali siyang lumabas at nadatnan niyang pinagkakaabalahang laruin ni Lirio ang aso.
"Tara na." Nauna na siyang lumabas rito ng gate at saka nila pagtulungang itulak ang bisikleta palabas ng maliit na gate. "Saan ba tayo?" dagdag niya. Sumakay na si Lirio sa bisikleta at umangkas na siya sa likod niyon. Humawak siya sa beywang nito nang magsimula na etong magpadyak.
"Malapit lang sa palengke. May isang bahay doon na nagbebenta ng mga casette tapes at mga plaka. Bili lang ako ng AC/DC at blangkong casette tapes," sabi nito at mas lalong binilisan ang pagpadyak. Naramdaman na lang niyang bumulusok sila pababa patungo sa maliit na bridge. Humigpit ang hawak niya sa damit ni Lirio at ipinikit ang mga mata dahil sa hampas ng hangin na sumasalubong sa kanila.
"Teka, magdahan-dahan ka naman. Aray!" reklamo niya nang may madaanan nila ang isang bato kaya muntik na siyang masubsob rito.
"Bigat mo kasi," reklamo nito. Sumimangot tuloy siya kahit hindi naman siya nakikita nito. "Kapit ka, Daze!"
"Ano?!" Inatake siya ng kaba nang may makasalubong silang isang sasakyan pero tumabi lang si Lirio at mabilis pa rin ang pagpadyak ng bisikleta. Pinagtritripan pa yata siya nito kasi nagzi-zigzag ito sa daan kahit may dumadaan na mga motorsiklo. Panay saway lang siya rito na binabalewala lang nito at patuloy pa rin sa biglaan nitong pagtigil saka papadyak ng mabilis.
Nakarating sila sa may munting palengke ng barangay at saka nito pinadyak ang bisikleta patungo roon. Mabuti na lamang ay kakaunti pa ang mga sasakyan dahil maaga pa kaya nakatawid sila nang maayos. Tumigil si Lirio sa isang lumang bahay na nakabukas ang pinto at mga bintana kung saan masisilip nila ang mga hilera ng casette tapes at mga plaka.
Itinabi ni Lirio ang bisikleta nito sa gilid ng lumang bahay, malapit sa nakabukas na pintuan at naunang pumasok roon. Sumunod siya rito at inilibot ang mga mata roon. Sa isang banda, may isang matanda na nanood ng black and white tv na mataas ang antenna. Isang mexican drama ang pinanood nito.
"Gandang umaga, Mang Fredo. May blangkong casette tapes kayo d'yan?" tanong ni Lirio dito nang makalapit. Lumakad siya patungo sa lagayan ng mga plaka at namangha nang makakita ng isang vinyl record player.
"Ang ganda rito," bulalas niya at may naamoy pa siyang pamilyar na sa kanya. Amoy ng mga lumang libro na katabi lang mga malalaking plaka at ilan sa mga iyon ay mga yellow pages. Sa kanang bahagi ay hilera ng mga casette tapes at pawang mga musika ng foreigners. Dalawa ang nakaagaw ng atensyon niya; ang Beatles at MLTR. Tumabi sa kanya si Lirio, dala-dala ang blangkong casette tapes nito at hinanap ang gusto nitong musika.
"AC/DC." Basa ni Lirio sa natagpuan nitong casette tape. Binasa nito ang nakasulat sa casette tapes na hawak niya. Masking tape ang nakadikit roon, halatang niluma na ng panahon iyon. "Beatles at MLTR? Narinig ko na ang ilan sa mga kanta ng MLTR. 25 Minutes, Sleeping Child at Paint My Love ang gusto ko. Magandang pakinggan ang tunog ng gitara ng Norwegian Wood. Nakikinig ka pala ng music. Bilhin ko na rin ito." Tila nagningning ang mga mata niya sa huling sinabi nito.
Lumapit na ito kay Mang Fredo para kuwentahin ang binili nito at ilagay sa plastik.
"Mahilig ako makinig ng music dahil sa Papa ko at nakakanta naman ako. You took my heart away paborito ko sa MLTR. Gusto ko yung boses ng vocalist, malamig at parang hinehele ako."
Lumapit na ito kay Mang Fredo para kuwentahin ang binili nito at ilagay sa plastik. Nagbayad na si Lirio at nagpasalamat kay Mang Fredo na hindi umimik at tinanguan lang si Lirio saka tinanggap ng huli ang plastik.
"Bakit nangongolekta ka ng blank casette tapes?" usisa niya rito habang naglalakad. Tulak-tulak nito ang bisikleta nito.
"Nirerecord ko ang mga sinusulat kong kanta o pag trip ko lang mag-monologue." Namilog ang mga mata niya sa sinabi nito pati nga bibig niya. Mas lalong napukaw ang interes niya sa kaalamang pareho silang mahilig sa musika.
"So marunong ka ring tumugtog ng instrumento?" tanong niya.
Tumatango-tango si Lirio. "Gitara lang kaya kong tugtugin. Tito ko nagturo sa 'kin. Naging katuwaan ko na hanggang sa naisip kong gumawa ng kanta."
"Talaga? Parinig naman ako! Gusto ko ring makita kitang maggitara. Ang totoo, parte ako ng choir sa chapel namin. Marunong naman akong kumanta," pagkuwento niya rito. May nakakapagsabing sweet daw ang boses niya, hindi pilit at natural kaya natuwa siya lalo at pinag-igihan lalo na mag-improve sa larangan ng pagkanta.
"Sige, dadalhin ko gitara ko. Kita tayo sa lilim ng mangga pagkatapos ng tanghalian at saka mo ipaparinig sa 'kin ang pagkanta mo. Ano, game?" pagyaya nito sa kanya.
"Oo ba!" mabilis niyang pagsang-ayon. Natagpuan ng mga mata ni Daisy ang isang puwesto ilang metro ang layo sa hilera ng mga nagtitinda ng gulay nang makatawid na sila.
"Puto oh!" turo niya doon. "Libre na kita." prisinta niya at masiglang lumapit doon. "Dalawang puto po, Ate."
Kapwa sila nakatunganga at nakaupo sa gutter katulad nang dati, kumakain ng puto, nakaharap sa mga umaangat na sasakyan sa Nivel Hills.
"Kabilang ako sa basketball team ng sophomore ng Gen-Ed sa Intrams. Sa Lunes na laban namin. Evening class ng sophomore kalaban namin," sambit nito matapos ang mahabang katahimikan sa kanilang dalawa. Binalingan siya nito. "Ikaw? May sinalihan ka? Di ba mabilis kang tumakbo? Sumali ka sa track."
Umiling lang siya. Mukhang nang-asar pa talaga na mabilis siyang tumakbo. "Ayokong sumali. Hindi naman ako ganoon ka-sporty. Good luck sa team natin. Sana manalo kayo. Oo nga pala, mas lalong lalakas ang suwerte niyo pag ibinigay mo sa 'kin ang MLTR na cassette tape," hirit pa niya sa huli. Natawa lang ito. Napangiti na rin siya at niyaya na itong umuwi na.
Kalaunan ay ibinigay nito sa kanya ang casette tape ng MLTR at sinabing para talaga iyon sa kanya dahil napansin nitong titig na titig siya sa casette tape na siyang ikinatuwa niya bagay na niyakap niya ito mula sa likuran. Nawalan ito ng balanse at umurangod sila pareho sa damuhan sabay tawanan.
* * *
Pagsapit ng Lunes, pumasok siya na nakasuot ng civilian kagaya ng ibang mga estudyante. Intrams kasi ng tatlong araw at pumasok lang siya para sa attendance. Kinukuyog siya kung saan nina Keisha at Jinry para manood ng games pero nakatakas siya sa mga ito pagkatapos ng lunch at tumambay sa library. Nanghiram lang siya ng libro doon sa fiction section at nagbasa ng kuwento ni Anne with an E nang bulabugin siya roon ni Keisha at Jinry.
"Sabi na nga ba, nandito ka lang. Nagsisimula na ang basketball game ng sophomore Gen-ed at evening class." Hinila ni Keisha ang neck ng suot niyang tshirt. Napatayo tuloy siya nang wala sa oras sa kinalulugmukan niyang upuan. Maging si Jinry ay hinila siya palabas ng library.
Napapatingin ang librarian sa kanila sa nilikha nilang ingay.
"Teka, ang boring kaya manood ng basketball. Mabuti pa manood na lang ako ng soccer. Tapos na 'yun kanina," mababa ang boses na angal niya sa mga mata. Mas trip niyang manood ng football/soccer games sa bahay ng Tita Emerald niya.
Nakalabas na sila ng library ng binatukan lang siya ni Keisha na ikinadaing niya.
"Baliw! Wala ka talagang support sa asawa mo! Kasali sa team si Lirio mo. Halika na!" ani Keisha.
Dinampot ni Jinry ang bag niya mula sa mga shelf doon. Nagpatangay na lang siya sa mga ito ngunit hindi niya nagustuhan ang narinig mula kay Kei. Ilang beses na siyang tinukso ng mga ito kay Lirio dahil nga malapit nga sila sa isa't isa at minsan pa magugulat na lang siya na humahapit si Lirio sa room nila at manghihiram ng notes niya o di kaya'y mantr-trip lang.
"Hindi ko siya asawa!" angal niya rito. Naririnig na nila ang ingay ng mga tao sa labas nang ilang metro na lang ang layo nila sa quadrangle. Tumambad sa kanya ang sigawan at tilian ng mga kapwa niya estudyante, kanya-kanya ng kampi base sa curriculum nila.
Nandoon ang mga ka-batch nila maging ang mga seniors, juniors at freshman. Halo-halo ang mga estudyante at napatda niya na may iilan sa kanila na may hitsura talaga at matatangkad bagay kung bakit tili ng tili ang mga babae at binabae. Nakita niya roon si Lirio na ipinasa ang bola sa kasamahan nitong si Clyde na lagi niyang nakikitang may nakasabit na guitar case sa likod. May tatak ng apelyido ng mga ito ang suot-suot nitong jersey. Pabor sa score ang Gen-Ed ayon sa score na nakasulat sa isang pisara.
Itigil muna ang laro nang inanunsiyo ng isang player na masama ang pakiramdam nito at kailangan ng palitan. Sa pagkakataong iyon, kinuha ni Daisy ang bag niyang hawak-hawak ni Jinry na ngayo'y nasa mga players ang mga mata. Pinalitan ito ng isang lalaki na bahagyang nakayuko at pinaraan ang mga daliri sa alon-alon nitong buhok. Nakasuot ito ng black jersey at gray na rubber shoes. Nang iangat nito ang mukha at nakipag-apir sa pinalitan itong player ay nalaglag ang bag niya sa gulat.
Mulagat na nakatunganga si Daisy nang magsimula na itong maglaro. Ikinurap-kurap pa niya ang mga mata niya para makasiguradong hindi siya naghahalusinasyon. Natutop niya ang bibig niya nang makompirma ngang totoo ito at iisa lang ang lalaking nakatitigan niya sa jeep. Bigla siyang nanlamig at inatake ng nerbiyos, bagay na nararamdaman niya kapag di siya komportable o takot siya.
"Tanga ka ba? Ang bag mo uy." Si Keisha na ang pumulot sa bag niyang naibagsak niya sa lupa. "Daig mo pa ang nakakita ng multo." Atubili niyang tinanggap ang bag niya, nakatitig pa rin sa naglalarong lalaki.
Kanya-kanya na ng pustahan sina Keisha at Jinry kung sino mananalo sa gilid niya samantalang siya ay naumid na ang dilang napatulala sa lalaki.
Sagara ang nakatatak sa jersey nito at ngayon hinaharangan ito ni Lirio upang hindi ito maka-shoot ngunit nagulat na lamang ang lahat nang tumalon ito at i-shoot ang bola. Tilian ang mga evening students nang pumasok ang bola sa ring kaya niyakap ito ng mga teammates nito. Three-point-shot iyon at ang Evening class na ang ahead sa scoreboard.
Dito lang nakatuon ang mga mata ni Daisy. Animo'y hindi na niya alintana ang nakakabinging tili at ingay mula sa mga nanonood, maging ang pagtutulakan ng kung sino sa paligid niya. Dumami ang mga nanonood sa laro. Natatabunan na silang tatlo bagay ikinireklamo ni Keisha at pilit na sumiksik sa mga nang-overtake sa kanila.
"Yawa! 'Wag kayong haharang-harang d'yan! Nanonood kami rito!" sigaw ni Kei sa mga estudyanteng nasa harap namin. Mukhang nasindak naman ito at tumabi ng bahagya para magbigay ng daan sa kanila. Naiyakap ni Daisy ang bag niya nang mabaling ang mga mata nito sa puwesto nila dahil sa munting komosyon.
Panay ang cheer ng Gen-Ed students kasama na sina Jinry at Keisha nang maipasok ni Lirio ang bola sa ring dahil nalingat si Sagara. Agad na umiwas ng tingin si Daisy nang mapansin niyang sumulyap-sulyap ito sa gawi nila, tila may hinahanap. Nagtago kasi siya sa likod ni Jinry at mas matangkad si Jinry sa kanya bagay na hindi siya nito makikita kaagad.
Naagaw ng player sa Evening class ang bola na agad naman nitong ipinasa kay Sagara. Hinarangan ito ni Lirio na matiim ang mga mata, mahahalatang nabubugnot na ito sa takbo ng laro. Nagkakagulo na ang mga tao dahil malapit na mag-time at hindi pa rin nakakahabol sa score ang Gen-Ed Day. Wala naman talagang amor si Daisy sa panonood ng basketball pero kinakabahan siya sa resulta. Hati ang nararamdaman niya at muntik na siyang sumigaw sa galak nang maipasok ni Sagara ang bola.
Hindi na namalayan ni Daisy na nagkakagulo na sa bandang likod niya at nakatunganga lang siya sa laro kaya naitulak siya sa harap. Wala siya sa focus kung kaya't hindi niya naibalanse ang sarili niya at umurangod sa harap.
Naramdaman ni Daisy ang paghapdi ng siko niya na siyang ipinang-tukod niya sa semento. Namula ang mukha niya sa pagkapahiyang naramdaman at nang akmang tatayo na siya habang pinagpag ang damit niya ay dumako ang mga mata niya sa isang pamilyar na sapatos sa harap niya. Nanlaki ang mga mata niya nang makita itong nakatunghay sa kanya.
Bago pa man ito makalapit nang tuluyan ay agad siyang tumayo at sumuot sa mga estudyante palayo ng basketball court. Naiwan sina Keisha at Jinry na nagtataka sa ikinilos niya.
Hingal na hingal na sumalampak siya sa plant circle, sapo ang dibdib niya, malakas ang tibok ng puso, litong-lito at tila natataranta pa.
Nakilala ba siya nito?
Ha, Imposible.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top