Tangent Lines

Lumilipas ang oras na pahina nang pahina ang ulan. Unti-unting nagsisilabasan ang mga taong para bang nagsitago para lang makaligtas sa pagkabasa. Parang pag-ibig ko sa kanya, unti-unting humihina at lumalabas sa sistema ng aking katawan.


Pagkatapos nung araw na iyon, pinilit niyang lumayo sa akin. Hindi na niya ako pinapansin o kinakausap. Kung tutuusin, wala pa akong karapatang masaktan nang todo dahil nanliligaw pa lang naman siya. Pero kung iisipin, kinimkim ko rin nang matagal na panahon ang aking pagtingin sa kanya. Pinipilit niyang lumayo. Pinipilit kong lumapit.

Isang araw, napagdesisyunan kong kausapin na siya. Hindi ako nabubuhay para sayangin ang mga minutong lumilipas. Hangga't maaari sana ay may nagagawa akong makabuluhan sa buhay ko. Alam ko na kapag ipinaglaban ko ang nararamdaman ko, magiging makabuluhan ang mga minutong ginuguol ko rito.

"Daniel, mag-usap naman tayo, please," pakiusap ko sa kanya. Tiningnan niya ako saglit ngunit iniwas niya rin agad ang kanyang tingin. Para bang ayaw niyang magtama ang aming mga mata. Para bang gusto niyang itago ang tunay niyang nadarama.

"Ano ba'ng gusto mong sabihin?" tanong niya.

"Alam kong aalis ka na rin matapos ang ilang buwan. Pero hindi ba pwedeng lubusin na lang natin ang natitirang panahon ng magkasama? Mahaba-habang panahon na rin ang nasayang. Sasayangin pa rin ba natin ang iba?"

"Masasaktan ka lang kung ipipilit mo 'yang gusto mo."

"Mas masasaktan ako kung maghihintay ako sa wala," sabi ko tapos natahimik na lang kaming dalawa.

Maya-maya, naramdaman ko ang paglapat ng kamay niya sa kamay ko. Hinawakan niya ito na para bang ayaw na niyang pakawalan pa. Hindi ko maiwasang mapangiti dahil dito. Kahit papa'no, nabawasan ang sakit na nararamdaman ko.

Nagpatuloy ang mga araw. Bumalik kami sa dating kami. Itinuloy niya ang panliligaw niya sa akin. 'Di naglaon, sinagot ko rin siya. Para bang ayaw ko nang patagalin ang paghihirap naming dalawa. Ang gusto ko lang ay maramdaman kung paano maging masaya sa piling niya.

Lumipas ang panahon at dumating na rin kami sa countdown ng aming relasyon. Ilang araw na lang bago siya umalis. Ilang araw na lang bago niya ako iwan. Ilang araw na lang para masulit ang panahon na magkasama kaming dalawa. Ilang araw na lang para maging masaya.

"Rein, paano na kayo ni Daniel pagkatapos ng pag-alis niya?" tanong ng isa kong kaibigan. Katulad ng dati, isang tipid na ngiti lang ang isinagot ko sa kanya. Hangga't maaari ay ayaw kong pag-usapan ang tungkol sa paglisan niya.

"Kaya niyo 'yan! Malalagpasan niyo rin 'yan," sabi niya tapos niyakap niya ako. Sinubukan kong pigilan ang pagpatak ng namumuong luha sa mga mata ko pero hindi ko na nagawa. Mas masakit palang malaman mula sa ibang tao na totoong aalis na siya.

Tinapos ko ang aking pag-iyak. Pinilit kong maging masaya dahil sa alam kong magkikita kaming dalawa. Inayos at hinanda ko ang sarili ko para sa panahong iyon. Ito na ang huling pagkakataon para magkausap kaming dalawa. Ito na ang huling pagkakataon para maipakita ko kung gaano siya kahalaga.

"Kanina ka pa?" tanong ni Daniel sa akin. Tiningnan ko siya. Nakangiti siya na para bang walang problema. Sana nagagawa ko rin ang nagagawa niya. Sana naitatago ko rin ang tunay kong nadarama.

"Hindi naman," sagot ko.

Umupo siya sa tabi ko. Ilang minuto ang lumipas pero walang naglalakas ng loob na magsalita sa aming dalawa. Marahil ay alam namin na kahit na ano'ng sabihin namin, paroroon at do'n din ang bagsak. Hindi rin namin maiiwasan ang pag-usapan ang bagay na alam naming makakasakit lang sa aming dalawa.

"Pagbutihan mo yung pag-aaral mo do'n, ha?" panimula ko sa usapan.

"Oo naman. Wala naman akong balak na sayangin yung pagkakataon na 'yon, eh. Saka gagawin ko ang lahat para maging mabilis lang yung pag-aaral ko do'n."

"Sira ka talaga. 'Wag mong madaliin. Baka kung ano pang mangyari, eh."

"Kailangan kong gawin 'yon, eh," sabi niya. Napalingon ako sa kanya. Ano ba'ng gusto niyang iparating?

"Maiiwan ko yung puso ko rito. Kung tatagalan ko yung pag-aaral ko do'n, baka wala na akong mabalikan. Ayaw kong mawalan ng buhay," sabi niya sabay ngiti. Isang ngiti na alam naman namin na pilit. Isang ngiti na alam naman naming puno ng kalungkutan.

"Saan mo gustong pumunta?"

"Dito na lang tayo. Gusto kong lubusin ang panahon na magkasama tayo," sabi ko kaya lalong humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko.

Nanatili kami sa gano'ng posisyon ng ilang oras. Nag-usap kami na para bang wala nang bukas. Hindi ko alam kung paano niya nagagawang palabasin na madali lang ang lahat. Alam kong nasasaktan din siya katulad ko. Pakiramdam ko, alam niyang alam kong hindi ko mapanghahawakan ang iniwan niyang pangako.

Dumating kami sa panahong kailangan na naming maghiwalay. Hindi man namin masabi nang direkta, halata naman sa ipinapahiwatig ng mga salitang binitawan namin sa isa't isa. Sa sandaling panahon, nakita namin ang halaga ng bawat isa. Sa sandaling panahon, kailangan na naming pakawalan ang isa't isa.

"Hanggang dito na lang talaga siguro tayo," sabi ko habang sinusubukang pigilan ang pagpatak ng luha mula sa aking mga mata.

"Mahal na mahal kita, Rein. Sana tandaan mo 'yan."

"Sige, mauna ka na. Kailangan mo nang magpahinga. Maaga pa ang alis mo bukas," sagot ko at sa huling pagkakataon, niyakap niya ako. Sa huling pagkakataon, hinalikan niya ako.

 Umalis na rin siya sa tapat ng bahay ko. Pumasok ako sa loob at dumeretso sa aking kwarto. Itinulog ko lahat ng sakit na nararamdaman ko.

Lumipas ang mga buwan at nagising ako dahil sa lakas ng mga patak ng ulan. Rinig na rinig ang kulog at kitang-kita ang kidlat. Para bang nakisama ang panahon sa nararamdaman naming dalawa. Masakit man pero kailangan naming palayain ang isa't isa.

Ginawa ko ang mga dapat kong gawin sa araw na iyon. Nang matapos ko ang mga iyon, pinagmasdan kong muli ang langit. Para bang titigil na ang ulan. Napangiti ako. Magandang senyales na yata 'yon.

Lumilipas ang oras na pahina nang pahina ang ulan. Unti-unting nagsisilabasan ang mga taong para bang nagsitago para lang makaligtas sa pagkabasa. Parang pag-ibig ko sa kanya, unti-unting humihina at lumalabas sa sistema ng aking katawan. Oo, marahil naging tangent lines kami: we were once together then parted forever pero naisip kong mas ayos na rin pala ang ganoon. Sa gano'ng paraan ko mas napahalagahan ang sarili ko. Masakit pero mas nalaman ko kung sino nga ba ako.

Buwan at taon ang lumipas. Wala akong narinig mula sa kanya. Nakalimutan kong iniwan niya pala ang puso niya sa akin. Nakalimutan kong may iniwan pala siyang pangako. Nakalimutan ko rin ang sakit na naramdaman ko at nakakilala ako ng iba't ibang klase ng tao.

"Rein, kapag nanligaw ba ako sa'yo may pag-asa ako?" Tanong sa akin sa isang text. Napakunot ang noo ko. Hindi ko alam kung kanino nagmula ang mensaheng iyon. Hindi ko alam kung anong dapat isagot sa ganitong sitwasyon.

"Hindi ko alam." Sagot ko.

Maya-maya lang, nakaramdam ako ng pagkalabit mula sa likod ko. Paglingon ko, isang bungkos ng bulaklak ang sumalubong sa akin. Biglang bumilis ang pagtibok ng puso ko. Gusto ko mang pigilan, pero isang ngiti ang nabuo mula sa mga labi ko.

"Ano'ng sagot mo sa tanong ko?" tanong niya sa akin.

"Sino ka ba muna?" tanong ko naman sa kanya. Tinanggal niya ang nakaharang na bulaklak sa mukha niya. Nagulat ako nang makita ko siya.

"A-akala ko hindi ka na babalik," nauutal na sabi ko.

"Sabi ko naman sa 'yo babalikan ko yung puso ko, 'di ba?" nakangiting sagot niya.

"Pero tangent lines na tayo, eh. Naging tayo pero naghiwalay rin tayo."

"Sino'ng may sabi? Perpendicular nga, 'di ba? Kahit sa anong anggulo, right. Parang yung nararamdaman ko sa 'yo. Kahit saan ako mapunta, hindi mabubura, laging tama." Napangiti ako. Hindi ko na sinagot ang tanong niya. Alam na ng mga puso namin kung ano ang nararamdaman namin para sa isa't isa.

Tama siya. Perpendicular nga kaming dalawa: kahit sa anong anggulo, tama.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top