Prologo: Ang Hatol

Filipinas, Mayo 23, 1887.
Ang kasalukuyang panahon.

"Handa ka na ba, mahal?" tanong ni Eduardo sa kaniyang asawa, marahan itong tumango at wala man lamang ekspresyon sa kaniyang mukha. Hindi ito umimik at nanatili siyang nakasimangot, malalim rin ang paghinga ng babae.

"Mahal, Clarita, aking mahal . . . kasalanan ko ang lahat ng ito, dapat hindi ko na ginawa ang tanggapin ang imbitasyon sa samahan, dapat hindi ko na iyon ginawa." Napatangis ang lalaki, gusto niya mang yakapin ang kaniyang iniirog ngunit nakaposas ang kaniyang mga kamay sa kaniyang likuran.

"Naiintindihan kita, ngunit huwag mong sisihin ang iyong sarili sa mga nangyari. Hindi ikaw ang maysala, hindi ikaw ang dapat sisihin, hindi dapat sa iyo ibaling ang mga nangyayaring ito." Mariing sambit ni Clarita, ang asawa ni Eduardo na nakatali rin ang kamay, kalaunan ay nagkaroon na ng emosyon ang babaeng kanina ay walang ekspresyon.

Tumulo ang mga butil ng luha galing sa mga mata nito habang humihikbi, hindi na nito napigilan ang kalungkutang dala ng mga nangyayari, sila ngayon ay nasa loob ng malaking munisipyo sa siyudad ng Cabanatuan. Nakasara ang malaking pintuan nito at maraming taong naghihintay sa labas, ang kanilang mga kamay ay nakaposas sa likuran at nakatali rin ang piraso ng isang matabang lubid sa kanilang mga braso patungo sa kanilang mga likuran.

Sila ay nakasuot ng pormal na pananamit, si Clarita ay puting blusa at puting saya na magarbo ang mga burda sa nakapatong ditong patadyong, ang pañuelo rin na nakalagay sa ibabaw ng kaniyang balikat na nakatali sa pagitan ng kaniyang dibdib ay kulay puti rin, may mga palamuti rin ang kaniyang buhok, nakasuksok sa pagitan ng kaniyang tainga ang isang kulay puting payneta na binubuo ng mga ornamentong puti na gawa sa mga balahibo ng ibon, suot rin niya ang kulay puting sapatos na gawa matibay na tela na tinernohan rin ng kulay puting medyas na hanggang sa tuhod ang haba.

Si Eduardo ay nakasuot ng kamisang puti na pinalooban ng kulay itim na eskuno, may lasong itim ring nakatali sa ilalim ng kaniyang kuwelyo patungo sa kaniyang dibdib. Ang salawal niya ay kulay itim rin, ito ay abot hanggang sa talampakan at tumiterno sa suot niyang kulay itim ring sapatos na gawa sa katad.

Nais nilang maging pormal at maganda sa araw na iyon, ang araw kung kailan ipapataw ang kanilang parusa, ang kamatayan sa pamamagitan ng pagbaril nang nakatalikod sa harap ng taong-bayan.

"Kasalanan itong lahat ni Heneral Jacinto! Hindi ko lubos maisip na ipagkakalulo niya ang ating samahan! Hindi ko lubos maisip na nang dahil sa kaniya ay mangyayari sa atin ito!" galit na wika ni Clarita, malalim ang paghinga ito at nais niyang kumawala sa pagkakaposas, pilit siyang pumipiglas ngumit wala na talaga siyang magawa.

"Clarita, pakiusap . . . huwag na nating tangkain pang tumakas, hindi naman na rin tayo makatatakas! Huwag mo nang ipilit, wala na tayong kawala!" muling humikbi at tumangis si Eduardo, napatingin sa kaniya si Clarita na kasalukuyang tumatangis pa rin, napasigaw ito.

"Eduardo, nasaan na ang iyong katapangan? Bakit, bakit gusto mo nang bumitaw? Hindi mo lamang ba inisip ang iyong anak ha? Ang ating anak na si Guillermo! Hindi mo ba siya iniisip? Paano na siya kapag tayo ay nawala?!" umalingawngaw ang kaniyang boses sa loob ng munisipyo, hindi naman ito pinansin ng dalawang guwardiya sibil na nagbabantay sa kanila.

"Makinig ka, si Lorenzo at Antonio ay ginarote kamakailan lamang, tayo naman ay papatawan ng kamatayan sa pagbaril habang tayo ay nakatalikod! Wala nang natitirang tao upang mag-aruga sa ating anak, mamumuhay siya ng mag-isa at nangungulila sa atin, Eduardo!" Napatingin sa ibaba ang lalaki, huminga ito ng malalim saka tumugon sa kaniyang asawa.

"Mahal ko ang ating anak, ngunit kailangan nating tanggapin na hanggang dito na lamang tayo. Hindi ko rin ito gusto, nais kong maging payapa lamang ang ating buhay ngunit ipinagkalulo ni Jacinto ang samahan kaya bumagsak ito at nadamay tayong lahat! Sa huli, siya pa ang nagwagi! Ang traydor pa ang nanatiling nakatayo hanggang huli!" ikinuyom niya ang kaniyang mga kamay dahil sa galit na nadarama.

Sandali pa ay narinig mula sa malaking hagdan ang mga malalakas na yapak na umaalingawngaw sa loob ng munispyo. Napalingon ang mag-asawa sa gumagawa ng mga yapak at napagtanto nila kung sino ito, siya ang Heneral Jacinto na ipinagkalulo ang kanilang samahan sa gobyernong Kastila.

"Kamusta naman ang mag-asawang Reguyal? Ang mag-asawang balak tuligdain ang pamahalaang Kastila?" nakangisi nitong tanong, nangigil si Clarita at balak sana niyang sunggaban ang heneral ngunit hindi niya ito nagawa dahil nakatutok mula sa hindi kalayuan ang mga rebolber na hawak ng mga nagbabantay na guwardiya sibil.

"Hayop ka! Ipinagkalulo mo ang grupo nang dahil lamang sa salapi! Walang hiya ka, isa kang Hudas!" nanggagalaiti na siya sa galit ngunit wala siyang magawa kung hindi ang manatili sa kaniyang kinatatayuan, dahil sa oras na humakbang siya nang kahit isa lamang ay tiyak na malalagutan siya ng hininga.

"Hayop ka, Jacinto! Bakit mo nagawang ipagkalulo ang samahan?! Dapat pala ay hindi na kita tinanggap sa Los Illustrados de las Filipinas sa umpisa pa lamang! Labis akong nagtiwala sa iyo! Hudas ka! Hudas!" sumigaw si Eduardo ngunit katulad lamang ng kay Clarita ay ngisi ang itinugon nito, kalaunan ay kumubo nga si Heneral Jacinto.

"Bakit ko ipinagkalulo ang samahan? Ha, Clarita? Ha, Eduardo?!" ngumiti ito nang labas ang maporselanang kulay na ngipin, pinagpag niya ang kaniyang unipormeng kulay kayumanggi at pinunasan ng isang malinis na tampipi ang mga medalyang nakasabit sa kaliwang bulsa nito sa kaliwang dibdib.

"Simple lamang ang dahilan kung bakit ko ipinagkalulo ang samahan, bukod sa salapi ay . . . pag-ibig." Nanlaki ang mga mata ng dalawa, gustuhin mang umimik ni Eduardo ay hindi nito magawa dahil sa kaniyang narinig.

"A-anong . . . anong . . . anong dahil sa pag-ibig? Hindi kita maintindihan! Anong kinalaman ng pag-ibig sa pagkakabagsak ng samahan?!" hindi muli napigilang sumigaw ni Clarita, muli ay umalingawngaw sa loob ng munisipyo ang kaniyang sigaw.

Napangisi si Heneral Jacinto at lumapit sa babae, hinawakan niya ang pisngi nito na siya namang ikinagulat ni Eduardo. "Bitawan mo ang aking asawa!" sigaw niya ngunit hindi siya pinakinggan ng heneral, akma siyang hahakbang patungo sa kanila habang nakaposas pa rin ngunit sumigaw ang isang guwardiya sibil na nagbabantay.

"¡Un paso y estás muerto!" (One step and you are dead!) nanlaki ang kaniyang mga mata nang matantong nakatutok na sa kaniya ang mga hawak nitong rebolber, nagwika pa ito pagkatapos. "¿Quieres vivir unos minutos antes de que te ejecutemos? Luego . . . un paso más cerca del general Jacinto, ¡y estás muerto!" (Do you want to live for a few minuites before we execute you? Then . . . one step closer to General Jacinto, and you are dead!)

Walang nagawa si Eduardo kung hindi ang panooring bastusin ni Heneral Jacinto ang kaniyang iniirog, may poot man sa kaniyang kalooban at gusto niya man itong sunggaban ay talagang hindi niya magawa. Para siyang bulkang sasabog dahil sa nadaramang poot, malalim ang kaniyang paghinga, halos maihahambing ang pagpapakawala niya ng hangin galing sa kaniyang baga sa pagbugso ng nangagaliiting poot ng isang malakas na bagyo.

Ang mga butil ng pawis sa kaniyang noo ay tanda ng kaniyang pagtitimpi at galit. Nagagawa niyang pigilan ang kaniyang sarili habang nakikita niya ang kaniyang asawa. "Anong klaseng tao ka, Jacinto!" galit nitong wika habang may poot pa rin sa kaniyang puso.

"Ako ang nauna, Eduardo. Pero hindi ako ang wakas, nang dahil sa iyo ay nawala ang itinuring kong pinakaimportanteng tao sa aking buhay, at si Clarita iyon." Sumbat ni Heneral Jacinto sa namomoot na si Eduardo, ikinabigla naman ito ni Clarita.

"Hindi ikaw ang nauna, Jacinto! Bago pa man kita makilala ay dumating na si Eduardo sa aking buhay. Huwag kang ambisyoso na sasabihin mong ikaw ang nauna!" may poot niyang wika, sandali pa ay sumaad muli ang babae.

"Ngunit . . . ngunit bakit? Ang tingin ko sa iyo ay parang kapatid na, Jacinto! Itinuring kitang pamilya! Itinuring kitang isang importanteng tao sa aking buhay! Ngunit—" hindi naituloy ni Clarita ang kaniyang sasabihin nang madama niya ang isang malakas na sampal galing sa rapas na kamay ng heneral, mariing napasigaw si Eduardo dahil sa makabibiglang pangyayari.

"Clarita! Lumaban ka sa kapuwa mo lalaki, Jacinto! Lumaban ka ng pa—" lumingon si Heneral Jacinto sa lalaki at inilabas niya ang kaniyang rebolber, nagpaputok siya sa sahig upang magtigil sa pagagalaiti si Eduardo, dahil nga sa ginawa niya ay napatahimik ang lalaki.

"Batid kong hindi mo pa rin nadarama ang sakit, Clarita. Batid kong hanggang ngayon ay hanggang doon lamang ako para sa iyo! Hindi na mabilang ang mga pagsisikap upang masungkit ko ang iyong puso na singtaas ng bughaw na langit. Ngunit hindi mo nakita ang lahat ng iyon dahil alam mo . . ." Saglit pang tumikhim si Heneral Jacinto at huminga siya ng malalim.

"Dahil manhid ka! Manhid ka, Clarita! Manhid!" saglit pa ay tumulo ang ilang butil ng luha sa mga mata ng heneral, matapos itong sumigaw ay napatangis ito, kaagad rin naman niyang pinunasan ang mga luhang tumulo sa kaniyang mga mata.

"Iyon lamang ba, Jacinto? Oo, manhid na ako kung manhid man ang iyong tingin sa akin. Ngunit naging manhid ako sa iyo dahil sa aking asawa, kailangang tanggapin mo ang mga nangyari dahil bahagi iyon ng ating buhay, dahil ang lubos kong minahal ay si Eduardo!" may poot na tugon ni Clarita, saglit pa ay bumigkas muli siya.

"Hindi lamang ako ang babae sa mundo, Jacinto! Alam mo nga? Natatawa ako dahil umabot pa sa ganito, dahil umabot pa sa pagbitay ang iyong pagkahumaling sa akin. Nakatutuwa ka, nakatatawa ka." Sarkastikong tumawa ang babae, iginulong nito ang kaniyang mga mata at direktang tumingin sa mga mata ng heneral.

"Duwag ka, Jacinto. Isa kang hudas at kaakibat nito ay duwag ka rin. Isa kang malaking kahihiyan sa lahi ng mga Pilipino. Nang dahil sa iyo ay nawalan ng pagkakataong lumaya ang mga tao dito na alipin sa sarili nilang bayan." Natahimik ang lahat, sa pamamagitan naman nito ay pilit na ngumiti ang katangian nang babae.

"Ngunit sa kabila ng iyong ginawa, ipinagmamalaki pa rin kita dahil . . . dahil minsan mong ipinaglaban ang bayang ito laban sa mga manlulupig. Ngunit sa isang iglap, nabago ng pagkahumaling at ng salapi ang iyong pagkatao, huwag mong asahang makakamit mo ang kapatawaran sa amin, dahil kahit kailan, Jacinto. Hindi namin maibibigay iyon sa iyo." Nawala ang ngiti sa kaniyang mga labi at napalitan ito ng kalungkutan, tumalikod si Clarita sa heneral.

"Handa na kaming mamatay, susunod na kami ni Eduardo kila Lorenzo at Antonio sa langit. Nawa ay magpakasasa ka sa nakamit mo, taksil." Sa mga sandaling iyon ay natahimik muli ang lahat sa loob, sumabad na si Eduardo sa usapan.

"Mátanos frente a la gente de esta ciudad, nuestra muerte será recordada por los que nos vigilan hasta nuestro último aliento." (Kill us infront of the people of this city, our death will be remembered by the ones who are watching us until our last breath.) Tumalikod rin si Eduardo, parehong ihinarap ng mag-asawa ang kanilang mga sarili sa malaking pintuan ng munisipyo.

Pareho silang napasambit. "¡Mátanos ya!" (Kill us already!) mariin nilang sigaw, sakto naman ang pagpatak ng alas diyes ng umaga, ang oras kung kailan sila bibitayin.

Bumukas ang malaking pintuan at iniluwa sila nito, bumungad rin sa kanila ang napakaraming tao, ang kanilang mga kaaway, at ang mga taong naging malaking bahagi ng kanilang buhay. Masusing nakatingin sa dalawa ang gobernadorcillo ng Cabanatuan na minsan na nilang tinuligsa ang pamamahala, tuwang-tuwa ito base sa kaniyang ekspresyon habang tinitignan sila.

Ang mga naging kaibigan ni Clarita at ang mga kaibigan rin ni Eduardo ay naroroon at tumatangis, naroroon ang isang matandang babaeng nagngangalang Conchita. Siya ang tiya ni Eduardo, hawak niya ang isang sanggol na lalaki at ito ang anak ng mag-asawang Reguyal–Si Guillermo Reguyal.

Nang masilayan ng mag-asawa si Conchita ay bumaling sila ng tingin dito, saglit pa ay napatangis muli si Clarita at napasambit na lamang siya sa babae. "Alagaan mo si Guillermo, Tiyang! Pakiusap, pakiusap! Mangako ka, Tiyang!" tumatangis niyang saad. Tango lamang ang naitugon ng matandang babae dahil kaagad ring lumakad palayo ang mag-asawa, hindi niya na nasagot ang mga ito, pagtangis rin ang naiganti niya sa kanila.

Ang mga babaril sa mag-asawa ay mga sundalong Kastila na mula pa sa Maynila, ipinadala ito ng Gobernador Heneral sa Cabanatuan at ipinaubaya sa pamamahala ng gobernadorcillo na si Victoriano Buenaventura.

Saglit pa ay pinahinto ang mag-asawa sa paglalakad at habang nakatigil ang mga ito ay nakaamba na ang mga baril sa kanilang likuran. Umalingawngaw sa buong paligid ang tunog ng trumpeta na pinatutugtog ng isang isang sundalo, sumunod dito ay ang pagbabasa ng kapitan sa kanilang hatol sa wikang Kastila.

"El Gobierno español declara a Eduardo Grospe Alberto Y Tolentino Reguyal, ya Clarita Cresencio Jornadal Y Abellana Reguyal, como agresores del gobierno español. Se les impondrá pena de muerte el día veintitrés de mayo del año dieciocho ochenta y siete." (The Spanish Government hereby declare Eduardo Grospe Alberto Y Tolentino Reguyal, and Clarita Cresencio Jornadal Y Abellana Reguyal, as assailant to the Spanish government. Death penalty shall be imposed on them in the Twenty third day of May, year Eighteen eighty seven.)

Pgkatapos basahin ang hatol ay itinutok ng mga sundalo ang mga hawak nilang rebolber sa mag-asawa, nakakasa na ang mga ito, isang kalabit lamang sa baril ay puputok na ito kaagad. Sandali pa ay sinumulan na ang pagbibilang bago magpaputok ang mga sundalo.

"Cinco, cuatro, tres, dos, uno . . ." (Five, four, three, two, one . . .) Saglit pa ay nagkatinginan ang mag-asawang Reguyal at nginitian nila ang isa't isa, at napasambit sila. "Magkita tayo sa kabilang buhay, aking mahal."

Saglit pa ay sumigaw ang kapitan. Ito na pala ang hudyat ng pagbaril sa kanila. "Fuego!" (Fire!) sigaw nito, nakangiti pa rin ang mag-asawa at sabay silang tumingala sa kalangitan.

"Consummatum est." (It is finished.) Ito ang huling sinambit ni Clarita at Eduardo bago tumama ang mga pinakawalang bala sa kanilang mga katawan.

Tiniis nila ang sakit ng pagkakabaril sa kanilang mga likuran alang-alang sa kanilang bayan at sa kanilang mga sarili. Nanatili silang nakangiti kahit masakit na ang mga tama ng bala, hindi nila ito ininda hanggang sa mawalan na sila ng balanse at bumagsak ang kanilang mga katawan sa lupa.

Nakangiti pa rin silang dalawa habang nakabulagta na, sa pagkakataong iyon ay buhay pa rin sila. Saglit pa ay nagtama muli ang kanilang mga paningin bago sila mawalan ng hininga bago sila tuluyang masawi.

Saksi ang mga taong nakapanood ng pagbitay sa kanila sa mga sakripisyong ginawa nila para mapalaya ang mga taong alipin sa kanilang sariling bayan, ngunit hindi iyon nagbunga ng kahit ano dahil nanatiling naghahari ang kasamaan sa kanilang lugar.

Maaalala ng lahat ang kanilang pagkasawi dahil ibinuhos nila ang lahat-lahat, nagsikap sila, nagtiis sila, ngunit ang lahat ng iyon ay walang nagawa dahil sa isang pagtataksil.

Pagtataksil nang dahil sa salapi at pag-ibig.

Sila Clarita Abellana-Reguyal, Eduardo Reguyal, Lorenzo Alberto, at Antonio Buenavista. Sila ang ilan sa mga taong tinangkang palayain ang bayan at isinakripisyo nila ang kanilang buhay para sa inaasam-asam na kalayaan.

Sila ay mga Ilustrado, at ito ang kanilang kuwento.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top