Kabanata 7: Ang Kaniyang Hiling

"Eduardo, palagi na bang ganoon ang situwasyon sa loob ng mga simbahan dito sa bansang ito? Hindi ako makapaniwala sa aking narinig mula sa arsobispo at—" hindi na naituloy ni Clarita ang kaniyang iwiniwika nang kaagad na sumabad si Eduardo.

"Ang nasaksihan ninyo, Binibining Clarita. Palagi po iyong nangyayari sa mga simbahan sa tuwing may misa, nasaksihan ko na rin po iyon ng maka-tatlong beses at . . . pinagtawanan kami ng mga tao, kaya iniwasan ko nang magsimba, dahil ganoon lamang naman din ang mga Kastila sa loob. Mga mapagmataas at matapobre." Tango na lamang ang naitugon ni Clarita sa binata.

Sila ay nasa harap pa lamang ng katedral sa sentro ng siyudad ng Cabanatuan, pagkalabas na pagkalabas pa lamang ni Clarita sa loob ay parang maduduwal siya dahil sa amoy at init doon, at naguguluhan rin siya sa mga pinagsasasabi ng arsobispo patungkol sa mga ordinaryong Indio dahil hindi niya alam ang pamumuhay sa bansang kaniyang tinatapakan.

"Kahit saan naman po siguro, Binibining Clarita. Kahit saan naman po siguro ay nauuso ang mga ganitong uri ng pangyayari, kung isa kang mahirap ay aapak-apakan ka ng mga mayayaman hanggang sa sumuko ka." Saad pa ng binata, napailing naman ang dalaga saka siya sumaad.

"Hindi naman ganoon ang situwasyon sa amin sa España, sa katunayan ay tinutulungan naming mga mayayaman ang mga tao doon ngunit dito ay—" hindi nanaman niya naituloy ang kaniyang sasabihin nang sumabad muli si Eduardo.

"Dinidiskrimina ang mga dukha," saad niya habang seryosong nakatingin sa dalaga, napatango na lamang din si Clarita sa iwinika ni Eduardo.

"Baka kayo lamang ang gumagawa noon sa España, Binibining Clarita. Hindi po ninyo masasabi kung ano ba talaga ang situwasyon, ngunit may kani-kaniya po tayong opinyon kaya inirerespeto ko po ang sa inyo, ngunit pinapanigan ko po ang sa akin." Saad pa ng binata, tango na lamang ang naitugon ng binibini saka pakunwaring ngumiti sa binata bago muling sumaad.

"Tama ka roon, sa tingin ko ay . . . pinag-aral ka dapat upang may marating ka, hindi ka lamang dapat isang tagapagmaneho ng kalesa." Pag-iiba ni Clarita ng usapan, saglit pa ay humagikgik ang binata.

"Hindi naman po kasi talaga para sa akin ang pag-aaral, Binibining Clarita. Kontento na po ako sa buhay ko, ang tanging hangad ko lamang po ay ang hustisya para sa aking ama, ngunit alam ko pong malabo na iyong makamit." Tugon niya habang nakangiti pa rin.

Dito niya na pinagbuksan ng pinto ang dalaga upang makasakay sa kalesa, muli ay hindi kinuha ni Clarita ang kamay nito upang alalayan siya, dahil sa mga narinig niya mula sa kaniyang mga kaibigan.

Ang mapait katotohanan.

Ayaw niya nang magkaroon siya ng nararamdaman sa binata, ni hindi niya nga alam kung anong buhay ang mayroon ito at ang mga pinagdaanan nito. Ang tanging alam niya lamang ay kaniya itong tagapagmaneho, hindi niya alam ang personal nitong buhay.

Akma nang patatakbuhin ni Eduardo ang kalesa nang biglang may dumaang isang matandang lalaki, dahilan kung bakit napahinto si Eduardo. May dalang mga paninda ang matanda, nakasabit ito sa bakal na karga niya sa ibabaw ng kaniyang balikat.

Mga manikang gawa sa kahoy.

Nanlaki ang mga mata ni Clarita nang makita niya ang mga paninda ng matanda, biglaan siyang may naalalang isang bagay na mas lalong nagpalungkot sa kaniya.

---

"Ama, may nais po sana akong hilingin sa inyo sa darating kong kaarawan?" wika ni Clarita sa kaniyang ama nang pumasok siya sa kaniyang silid upang sabihin ito.

Ngumiti naman ang lalaki. "Ano ba iyon, Hija? Sabihin mo." Tugon naman ni Joselito na kaniyang ama, saglit pang nanahimik ang walong-taon gulang noong si Clarita bago siya tumugon sa kaniyang ama.

"Ama, nais ko po sana ng, ng isang manika." Tugon niya saka siya napayuko, napahinga naman ng malalim ang lalaki saka siya tumayo at hinaplos ang ulo ng kaniyang anak.

"Hija, alam mo naman ang sinasabi ko patungkol diyan. Pagbibigyan sana kita kung iba lamang ang hihilingin mo, kagaya ng isang aklat, o kaya naman ay talatinigang Pranses, ngunit sa laruan . . . hindi makatutulong sa iyo iyan, aking Clarita. Maunawaan mo sana." Mahinahon nitong saad saka siya ngumiti at nauna nang lumabas ng silid dahil may bagay pa siyang aasikasuhin.

Naiwan sa silid si Clarita na pinipigilan ang pagtangis, ngumiti na lamang ito at dumungaw sa durungawan habang tinitingnan ang mga batang katulad na naglalaro ng kanilang mga manikang gawa sa kahoy na capiz. May mga magagandang kulay na buhok ang mga manika na kulot-kulot pa, may mga magagandang damit, habang akay-akay na parang sanggol.

Habang ang mga batang lalaki naman ay naglalaro ng patintero at sipa, makikita sa mga mata nila ang saya. Bakas sa mga ito na sinusulit nila ang kanilang mga araw sa paglalaro, habang siya ay buong araw na nasa loob ng bahay at ni isang simpleng manika ay hindi siya mabilhan.

Mapait siyang ngumiti.

"Ayos lamang iyon, may mga aklat naman ako at mga pamburda, kaya ko rin namang aliwin ang aking sarili sa pagguhit ang pagpipinta, tama si Ama, hindi ko kailangan ng laruan at mga kaibigan dahil—" hindi niya naituloy ang kaniyang ibinubulong sa kaniyang sarili nang biglang bumukas ang pintuan ng silid at iniluwa nito ang kaniyang Inang si Soledad.

"Sinasabi ko na ba at nandito ang aking munting anghel, pinagmamasdan ang kapuwa niya batang naglalaro sa durungawan." Ngiti nito, kaagad pinunasan ni Clarita ang mga tumulong luha sa kaniyang mga mata at pakunwaring ngumiti.

"Ina, ah . . . hindi po, Ina. Kinausap ko lamang po si Ama patungkol sa darating kong kaarawan." Palusot ng bata, magaan namang ngumiti ang babae saka lumuhod sa harap ng kaniyang anak at niyakap niya ito.

"Patawad kung hindi naibibigay ng nanay sa iyo ang mga gusto mo, nakokonsensiya ako dahil palagi na lamang sa pag-aaral, pananahi, at pagbuburda umiikot ang iyong araw. Hindi ka man lamang makapaglaro kasama ang mga kapuwa mo bata, ayaw kasi ng iyong ama na maapektuhan ang iyong katalinuhan dahil sa susunod na dalawang taon ay ipadadala ka na niya sa España, hindi rin kalaunan ay . . . mawawala na ako." Buntong hininga ng kaniyang ina, lalo pa nitong hinigpitan ang pagyakap sa anak.

"Alam mo namang maysakit ang nanay hindi ba? May enfermedad pancreática (pancreatic disease) ako at hindi na ako aabot ng isang taon, kaya nais kong masulit ang mga araw na kasama kita . . . dahil kung hindi ay pagsisisihan ko ng labis." Napaluha ito, nanatiling walang imik si Clarita at patuloy na ang pag-agos ng luha sa kaniyang mga mata.

"Nais kong makitang masaya ka, ngunit paano ka sasaya ganito naman ang situwasyon mo? Naaawa ako para sa iyo, anak ko."

---

Naalala ni Clarita ang mga bagay na iyon dahil sa pagkikita niya sa manikang paninda ng matandang lalaking dumaan, saglit pa ay may isang butil ng luhang tumulo sa kaniyang kanang mata.

"Binibining Clarita, ano pong nangyayari, ayos lamang po ba kayo?" natauhan siya nang makitang seryosong nakatingin sa kaniya si Eduardo, nanlaki ang kaniyang mga mata nang matanto iyon.

Saglit pa ay inilabas ni Eduardo ang isang kulay puting tampipi at saka niya ito inilahad kay Clarita, ilang segundo pa ang lumipas bago matanto ng dalaga ang ginawa ng binata. Tinanggap niya rin ang ibinigay nitong tampipi at ipinamunas niya sa tumulong luha sa kaniyang kanang mata.

"Bakit po kayo tumangis, Binibining Clarita? Pabago-bago po ang pakiramdam ninyo?" tanong nito, huminga naman ng malalim ang dalaga saka siya napangiti, ibinalik niya ang kinuhang tampipi kay Eduardo na kaagad naman nitong inilagay sa kaniyang bulsa.

"May naalala lamang ako doon sa dumaang matandang lalaki kanina, may mga bitbit siyang manika na gawa sa kahoy hindi ba?" panimula nito, tumango naman ang binata bilang tugon.

"Alam mo kasi, hinangad kong magkaroon ng ganoon noong bata pa lamang ako, ngunit ayaw ng aking ama dahil baka daw makaapekto ang mga laruang yaon sa aking pag-aaral." Saglit na huminto si Clarita bago siya muling sumaad.

"Nagpapaalala rin ang mga manika sa ina kong pumanaw, dahil katulad ng pagmamahal ng mga batang babae sa mga laruang iyon ay ganoon din ang pagmamahal ni Ina, o mas higit pa kung tutuusin. Kaya nais kong magkaroon ng ganoon, ngunit baka sabihin naman ng iba na isip-bata ako kaya huwag na lamang kahit nais kong bumili upang ipalamuti man lamang sana sa aking silid." Saad niya pa, ngumiti naman si Eduardo sa binibini.

"Ganoon po ba? Siguro ay hindi kayo naging masaya sa inyong pagkabata, Binibining Clarita?" usisa pa ng binata, ngiti at tango ang panimulang tugon ng dalaga rito, ilang segundo ang lumipas ay nagsalita siya.

"Tama ka, wala akong naging kaibigan noong bata ako. Maski rin noong nag-aaral ako sa España, unabis ay wala talaga kahit isa. Ngunit ngayon ay mayroon na, sila Ermita, Lolita, Teodora, at siyempre Ik—" napahinto si Clarita sa kaniyang pagwiwika.

"Binibining Clarita?" pagtatanong ni Eduardo, saglit pa ay diretsong tumingin si Clarita sa mga mata nitong makikinang.

Ngumiti siya.

Hindi lamang basta ngiti.

Ngiting may halong tamis at saya.

"Ikaw, ikaw Eduardo. Kayo ang mga kaibigan ko." Patuloy ni Clarita, napasinghap naman ang binata at hindi siya kaagad nakaimik, dahil ay isang dalaga dalaga ang tumingin nang direkta sa kaniyang mga mata habang nakangiti na may halong tamis at saya.

Itinuturing niya itong kaibigan.

"I—Ikina—Ikinagagalak k—ko po, Bi—nibining Clarita." Utal niyang tugon saka humarap sa daan, kaagad niyang pinatakbo ang kalesa, ang mga kalapati sa kalsada ay nagsilipad nang madapurak sila ng kalesa, tumungo ang mga ito sa kampanaryo ng katedral na ngayon ay umuugong ang batingaw.

Magtatanghali na, ngunit halos walang gagawin ang mga mag-aaral ngayong Dominggo dahil walang klase, hindi rin naman sila maaaring lumabas ng seminaryo, kailangang nasa kanilang mga silid lamang sila kaya walang gaanong kagana-gana ang mga araw kapag walang klase.

Ibinaba si Clarita sa tarangkahan ng seminaryo, pagkababa ng dalaga ay nginitian niya si Eduardo saka siya nagwika rito, bago pa man makababa si Eduardo ay nabuksan na ni Clarita ang pintuan at biglaan na lamang siyang tumalon mula sa kalesa.

"Binibining Clarita!" sigaw ni Eduardo na kaagad ring tumalon upang bumaba, ngunit tumakbo na kaagad ang binibini patungo sa loob ng seminaryo. Ngunit bago pa man ito makapasok nang tuluyan ay nagwika ito.

"Eduardo! Patawad sa aking ginawa, nagmamadali lamang ako dahil may nakalimutan akong gawin! Salamat nga pala sa paghatid!" wika ni Clarita saka ito pumasok sa loob, napangiti na lamang ang binata at huminga siya ng malalim.

"Alam kong nagdadahilan ka lamang po, Binibining Clarita. Narinig ko ang sinabi sa iyo ni Binibining Ermita, Binibining Teodora, at Binibining Lolita, dahil nagkataong patungo po ako sa iyong silid upang sabihing nasira ang gulong ng kalesa at kailangang gawin nito. Narinig ko ang mga sinabi nila, lalo na ang kay Binibining Ermitang sa wikang kastila niya pa isinaad—" saglit siyang napatigil.

"Nakakalimutan niyo po yatang nakapag-aral rin ako kahit paano, at isa na doon ang wikang Kastila. Kaya alam kong iniiwasan niyo ako kahit . . . mayroon kayong nararamdaman sa akin, ganoon din ako sa inyo, Binibining Clarita. Ngunit tama nga si Binibining Ermita, langit at lupa ang ating pagitan."

"Pero siempre te seguiré amando aunque nunca supiste que lo hago, es mejor que se escondan estos sentimientos." (But I will always continue to love you even though you never knew that I do, it is better for this feelings to be hidden.) Mapait siyang ngumiti saka pinatakbo ang kalesa upang idala ang kabayo sa kuwadra.

Nang magawa ito ni Eduardo ay pinakain at pinainom niya muna ang kabayo bago siya lumabas sa pinagkakakulungan nito, isinara niya nang mabuti ang kukungan saka siya umalis sa kuwadra upang sana ay tumungo sa kusina upang tulungan si Juanito at ang iba pang mga katulong na lalaki sa kung ano man ang ginagawa nila doon.

Ngunit may nasalubong siyang dalawang lalaking kaedad niya, parehong nakasuot ang mga ito ng magaganda at makikintab na eskuno, pantalon, at sapatos. Batid niyang mga mayayaman ang mga ito, nababatid iyon ni Eduardo dahil sa hutsura at pananamit nila.

Maayos, malinis, at kagalang-galang.

Batid niya rin kung sino ang mga ito dahil alam niya ang pagkatao at pangalan ng mga ito, hindi niya na rin ikabibigla kung puntahan man siya ng mga iyon rito upang tuyain.

Ang mga dati niyang kaibigan–noong siya ay nakaaangat pa at wala pa sa ganoong paghihirap.

Sila Lorenzo Villafuerte at Antonio Esguera.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top