Kabanata 1: Isang Bagong Mag-aaral

Filipinas, Enero 7, 1885.
Dalawang taon na ang nakararaan.

Masusing naglalakad ang isang babae na may dalang maliliit na kampanilya at pinatutunog ito sa pasilyo upang marinig ito ng mga kababaihang nahihimbing pa sa pagtulog. Sandali pa ay bumukas ang pintuan ng isang silid at iniluwal noon ang isang magandang dalaga, nakangiti ito at sumunod na sa babae na pinapatunog ang mga kampanilya.

Natuwa ang babae sa ikinilos ng dalaga at pinapurian niya ito. "Magaling, Binibining Margarita. Kay-aga mo namang nagising ngayong araw!" papuri nito, napatawa ang dalaga ng marahan saka ikinumpas ang dala niyang abaniko.

"Maganda po kasi ang naging tulog ko, Maestra Bonita. Kaya po maaga rin po akong nagising at hinintay ko na lamang po ang inyong hudyat, maganda rin po ang pakiramdam ko ngayon dahil sa aking palagay ay may magandang mangyayari." Ngumiti si Ginang Bonita at saka siya tumugon sa dalaga.

"Tama ka, may isa ngang magandang pangyayaring magaganap ngayong araw. Isang karangalan para sa seminaryong ito ang mangyayari! Ako ay nasasabik na sa totoo lamang." Tugon nito, ikinataka naman ito ni Margarita at siya ay napatanong.

"Ano po ang magaganap?" tanong niya sa ginang, hinarap siya nito at inilingan, tumugon ang ginang sa dalaga. "Binibining Margarita, isang paglabag sa mga patakaran ng seminaryong ito ang pakikialam o pakikiisyoso sa mga pangmatandang usapan. Kung ang ate lamang ang iyong kaharap ngayon, malamang ay nasigawan ka na niya. Huwag mo nang gagawin iyon sa susunod." Tugon nito.

"Ipagpatawad niyo po, Maestra Bonita." Ngumiti ang ginang sa paghingi ng tawad ng dalaga, nagpatuloy lamang ito sa pagpapatunog ng mga kampanilya hanggang sa magising na ang ibang mga kababaihang mag-aaral ng seminaryo.

Ang Seminario de Señora Lucifera Para Señoritas (Miss Lucifera's Seminary For Young Ladies) ay isang prehistilyosong paaralan na para lamang sa mga kababaihan, itinatag ito ni Lucifera Halili-Marquez, kasama ang kapatid na si Bonita Halili-Del Rosario.

Parehong biyuda na sa kanilang mga asawa ang magkapatid kaya nagdesisyon ang panganay na si Lucifera na magtayo ng isang seminaryo para sa mga kababaihan, dahil pareho naman silang nakapag-aral at dahil sa mga pamana ng kanilang mga asawa, ay naitayo nila ang isang seminaryo. ito ang pinagmulan ng isang prehistilyosong paaralan na iginagalang at itinatangkilik ng sangkatauhan.

Marami nang nakapagtapos sa seminaryong iyon at karamihan sa mga kababaihang iyon ay mga donya na at ang iba ay ikinasal na at namumuhay na sa sari-saring mga lugar sa palibot ng Pilipinas.

Isa sa mga mag-aaral sa seminaryo ay si Margarita Bartolome, isang mayaman, maimpluwensiya, at iginagalang na binibini na tubong Quezon. Ipinadala siya ng kaniyang pamilya sa lungsod ng Cabanatuan sa Nueva Ecija, upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa nasabing seminaryo.

Matalino ang binibini at gustong-gusto ng kaniyang mga guro, siya ay tinitingala dahil sa kaniyang katalinuhan at dahil sa mga karangalang kaniyang nakamit. Kaya naman mataas rin ang tiwala ng binibini sa kaniyang sarili pagdating sa mga bagay na talaga namang tinitingala siya.

Bukod sa pagtingala ay marami ring kalalakihang humahanga sa kaniya, sa edad niyang labing walo ay marami na siyang tinanggihan at inilaglag na mga manliligaw, dahil sa kaniyang paniniwala na masasayang lamang ang kaniyang katalinuhan kung mag-aasawa naman siya kaagad.

Nang dahil nga rito ay nagkaroon ng masamang ugali ang binibini. Mapagmataas ito at nais niyang siya lagi ang nangunguna sa lahat, dahil sa takot ng kaniyang mga kamag-aral sa kaniya ay nanatili silang tahimik at pinabayaan na lamang nilang magreyna-reynahan ito sa kanilang paaralan.

Kalaunan nga ay nagising na ang mga ibang kababaihan at sila ay nagsibihis na upang magtungo sa kanilang unang klase, magagarbo ang kanilang suot na mga blusa at saya, sari-sari ang mga kulay at magkakaiba ang mga disenyo.

Ngunit katulad ng nakasanayan nila ay nangingibabaw sa kagandahan si Margarita na nakasuot ng kulay pulang blusa at saya. Ang kaniyang pañuelo ay pula rin hanggang sa kaniyang suot na sapatos at medyas. Maging ang alahas na kaniyang suot ay pula rin. Mga batong mahal na kung tawagin ay rubi ito, mula sa kaniyang brotse na ubod ng kinang hanggang sa kaniyang hikaw na kumukuti-kutitap. Pula rin ang kaniyang payneta at disenyong rosas ang uri nito, nakasukbit ito sa kaliwang bahagi ng kaniyang ulo, malapit sa kaniyang kaliwang tainga.

Sandali pa ay dumating ang isang dalagang may kabigatan ang katawan kasama ang isa ring dalagang mas bata sa kaniya ng isang taon. Ang mga dalagang ito ay ang mga bulaklak sa pader ng seminaryo, walang pumapansin sa kanila dahil sa kanilang anyo at pananamit.

Si Ermita Hernandez, ang dalagang may kabigatan ay maluluwag ang damit at mga luma at kupas na rin. Kadalasan kasing pagkain ang bigay sa kaniya ng kaniyang mga magulang imbis na mga bagong kasuotan kapag ito ay nagpapadala sa kaniyang dormitoryo. Tinutuya rin siya ng karamihan dahil sa kaniyang katawan, ngunit matapang ang dalaga kaya hindi niya na lamang pinapansin ang puna ng iba.

Sa kabila ng kaniyang katabaan ay hindi maikakailang maganda ang binibini, mula sa kaniyang makahel-kahel na buhok at makikinang na mga mata, mga nakatindig na mga pilik, may katangusang ilong, malalambot at matatabang pisngi, at makapal at mamula-mulang labi. Ang kaniyang hitsura ay nakatago sa kaniyang katabaan, kung susuriin ay maganda siya. Hindi lamang sa panglabas na kagaya ni Margarita, ay mas lamang siya pa panloob na kagandahan.

Matapang ang dalaga dahil siya ay taga-Malabon, nakakaya niya ang mga panunuya ng iba at hindi na lamang siya umiimik tungkol doon, siya rin ang sumasalo ng mga panunukso sa kaniyang kaibigang si Lolita na itinuring na siyang isang ate.

Si Lolita Congreso, ay ang dalagang mas bata kay Ermita, kadalasang tinutuya at pinaglalaruan ng mga iba pang kadalagahan sa seminaryo, tahimik ngunit matalino si Lolita, at dahil sa ganoong ugali niya ay wala siyang naging kaibigan bukod kay Ermita na itinuring na niyang kaniyang sariling ate.

Ang hitsura ni Lolita ay hindi malalayo sa ibang mga dalaga, sakto ang pagkakayumanggi ng kaniyang balat, dahil hindi siya lumalabas ay malambot at makinis ang kaniyang kutis. May pango siyang ilong dahil siya ay purong Indio, may mga mata siyang kaakit-akit, at may manipis at mamula-mulang labi, kapag siya ay ngumiti ay maihahalintulad siya sa isang anghel. Tubong Malabon rin ang dalaga kaya naman nang siya ay makakilala ng kabayan niya ay madali niya itong naging kaibigan.

Umupo ang dalawa sa likurang bahagi ng silid-aralan, nanatili silang tahimik habang nagbabasa lamang ng isang aklat upang mas mapalalim pa ang kaniyang bokabularyo sa wikang Kastila.

Dumating ang isang katulong upang magpunas ng mga durungawan, katulad ng parating natatamasa ng katulong kay Margarita ay panlalait at panunuya, kasama ng dalagang nanunuya sa katulong ay ang mga kaibigan niyang Peninsulares na tubong Heneral Tinio sa Natividad, at Guimba sa Nueva Ecija.

Sinimulang patirin ng isang dalaga ang katulong habang may hawak itong timba na may lamang tubig at basahan. Dahil dito ay natumba ang katulong at tumapon sa sahig ang dala niyang panglampaso. Nabasa rin ng tubig ang kaniyang suot na simpleng puting blusa at kupas na sayang bulaklakan ang disenyo.

Pakunwaring sinita ng isa pang dalaga ang pumatid sa katulong. "Ano ba ang iyong ginawa Sonya? Bakit mo naman pinatid itong maruming Indiong ito, hindi ka ba nandidiri diyan? Hindi dapat iyan ang mga pinapatid mo dahil mas lalo pa silang madudumihan!" nang-uuyam na wika ni Paulita Claro, ang dalagang umawat sa pumatid na tubong Heneral Tinio sa Natividad.

Balingkinitan ang katawan ng dalaga ngunit sa mukha ay mas masahol pa sa isang aso. Dinadala lamang ng kolorete ang kaniyang hitsura at ang kulay ng kaniyang kutis na mas kayumanggi pa sa kulay ng tangilis na barnis. Hindi na nga marikit sa panglabas na anyo ay hindi pa rin sa pangloob, isang palalo at hambog na nilalang.

"Talaga ba, Paulita? Sayang naman ang aking lakas kung ganoon. At baka nadumihan pa nga ako, tama ka naman sa iyong winika!" tugon ng pumatid na si Sonya Buenavalidad, ang dalagang tubong Guimba sa Nueva Ecija.

May hitsura ang dalaga ngunit hindi siya ganoon karikit, sa katunayan ay mas marikit pa ang katulong na kanilang tinutuya kung ito ay katulad lamang nila. Katulad nilang may pangbili ng mga magagandang kasuotan, dekalidad na kolorete, matitibay na sapatos, at magagandang aksesorya-sa madaling salita ay katulad nilang mararangya.

Nagtawanan ang dalawang dalaga habang pinagmamasdan ang katulong na nilalampaso ang tubig sa sahig at ibinabalik niya ang mga ito sa timba. Halos mamatay na sila sa tuwa habang pinagmamasdan itong ginagawa ang bagay na sa tingin nila ay makarurumi sa kanila, ganito ang tatlo silang tatlo sa seminaryo-mga mapagmataas at hipokritang kababaihan, na kapag nandiyan lamang ang maestra ay titino ng biglaan.

Ang dalawang ito ang kaibigan ni Margarita Bartolome, katulad niyang maitim ang budhi, katulad niyang karapat-dapat nang gawaran ng puwesto sa impiyerno.

"Ano ba kayong dalawa? Tama lamang na ginawa niyo iyan sa isang maduming gusgusin! Tignan niyo nga ang kaniyang buhok oh? Hindi pa iyan nasusuklay, malamang ay punong-puno na iyan ng kuto! Kayrami ring mga bungang araw sa kaniyang balat, halatang hindi siya nagkilinis ng katawan! Baka magkasakit pa tayo diyan!" si Margarita na ang sumunod na nagwika, ikinumpas niya ang kaniyang kulay pulang abaniko at itinakip niya ito sa kaniyang namumulang mga labi dahil sa epekto ng inilagay niyang kolorete.

"Iwanan niyo na iyang maruming Indio! Mamalasin lamang tayo kapag lumapit tayo diyan, tignan niyo naman siya . . . mukhang mangkukulam! Baka kulamin tayo niyan, Margarita!" pang-uuyam pa ni Paulita, tinalikuran nila ang katulong na naglalampaso pa rin, mariin itong napabulong.

"Kung may pangkulam nga lamang sana ako ay matagal ko na kayong kinulam, masyadong mapagmataas ang mga bruha. Hindi naman din magaganda." Saad niya saka niya iginulong ang kaniyang mga mata at nagpatuloy sa kaniyang gawain.

"Kapag lamang naging marangya itong si Rebecca na inyong inaapak-apakan, matitikman ninyo ang batas ng isang api!" bulong pa nito, huminga ng malalim ang katulong na si Rebecca at nang matapos niyang lampasuhin ang nabasang sahig ay sumunod niya nang pinunasan ay ang mga durungawang kanina pa nababalot sa makapal na agiw.

Sandali pa ay napasambit si Ermita kay Lolita habang nakatakip pa rin ang binabasa nilang aklat sa kanilang mga mukha. "Lolita, sa tingin mo ba ay hanggang kailan pa ang mga kasaang ito ni Margarita? Sa tingin ko ay hindi na ako makatatagal kung magpapatuloy ito." Bulong niya sa dalaga, saglit pang bumuklat ng isang pahina ang dalaga na nakasuot ngayon ng salaming pangbasa, habang nagbabasa ay tumugon siya kay Ermita.

"Hindi ko masasabi, Ate Ermita. Hindi ko masasabi kung hanggang kailan ngunit sa tingin ko ay malapit na siyang bumagsak." Humawak ito sa kaniyang salamin saka siya ngumiti, ikinakunot naman nito.

"Hindi ka makakasiguro-" Pinutol ni Lolita ang sasabihin ng dalaga, kaagad itong tumugon. "Nakasisiguro ako, malapit na Ate Ermita. Malapit na." Wika niya, huminga ito ng malalim saka inagaw ang aklat na binabasa nito.

"Napapala mo ito sa kababasa mo ng mga fantasíang nobela! Magtigil ka na nga sa pagbabasa nito!" winaglit ni Ermita ang aklat at itinago ito sa dala niyang bayong. Ibinigay niya ang aklat ng wikang Kastila at ito ang ipinabasa niya dito.

"Ito ang basahin mo, kaysa sa mga ganitong akda . . . matututo ka pa diyan kaysa rito!" wika ni Ermita, wala namang nagawa si Lolita upang makuha ang binabasa niyang aklat, sa huli ay napilitan siyang basahin ang aklat na ibinigay sa kaniya ni Ermita.

Makalipas ang ilang sandali ay pumasok ang dalawang ginang, si Bonita at si Lucifera. Kaagad tumahimik ang buong silid, umayos ng upo ang lahat, itinuon ng mga dalaga ang atensiyon nila sa mga ginang na kanilang mga maestra.

Dito na umalis sa silid ang kanina pang nagpupunas ng mga durungawan na si Rebecca, hindi naman ito napansin ng mga maestra dahil nakalabas na siya kaagad bago pa man ito makapasok.

Si Lucifera ang kanilang rektora na siyang pinakamataas sa lahat ng mga maestro at maestra doon, pangalawa si Bonita na bise-rektora na siya namang isang maestra sa kanilang mga asignatura. Nasa likod ng ginang si Bonita at humudyat ito na magsisimula na ang klase.

"Buenos dias clase!" (Good morning class!) wika nito, kaagad namang nagsitayo ang mga mag-aaral at bumati sa rektota. "Buenos días, Señora Lucifera. Es bueno verte hoy!" (Good morning, Miss Lucifera. It is nice to see you today!) tugon ng mga mag-aaral, napangiti ang rektora at humudyat siyang umupo na ang buong klase.

"Estar sentada." Saad nito sa kanila, kaagad namang sumunod ang mga mag-aaral at umupo na sila sa kanilang mga silya. Ipinatong nila ang kanilang mga kamay sa lamesa at muling itimuon ang atensiyon sa rektora.

"May isang magandang pangyayaring magaganap ngayong araw, may isang bagong mag-aaral na mula sa España ang mag-aaral dito sa ating seminaryo. Isang napakahalagang panauhin niya at pinili ng kaniyang ama na rito siya ay mag-aral kaysa sa Maynila dahil kaniyang nabalitaan na maganda ang pamamalakad dito sa seminaryong ito kaysa sa iba." Nagkatinginan ang mga mag-aaral at kani-kaniyang bulong sa kanilang mga katabi, kaharap, at kalikod, ngunit ito ay pinigilan kaagad ni Lucifera.

"Manahimik kayo!" sigaw ng rektora, muli ay isinara ng mga dalaga ang kanilang mga bibig at naging tahimik ang buong silid. "Mahalagang mag-aaral ang binibining inyong masisilayan mamaya, kaya bigyan niyo siya ng paunang respeto at igalang niyo siya. Nakasalalay sa inyo ang kaniyang sasabihin patungkol sa seminaryong ito, at hindi ako makapapayag na makritiko tayo!"

"Opo rektora!" tugon ng mga dalaga, tango lamang ang naging tugon ni Lucifera saka siya nagtungo sa durungawan at dumungaw sa labas ng silid-aralan.

Sandali pa ay may humintong isang karuwahe at dalawang karetela sa tapat ng kanilang dormitoryo, ang mga karetela ay napupuno ng mga magagandang kagamitan, mga aparador na gawa sa kahoy na capiz na may mga magagandang nakalilok na disenyo. May isang malaking kama rin na gawa sa nasabing kahoy at maganda rin ang mga inililok na disenyo nito.

May mga magagandang lampara, lamesa, at mga upuan ring kasama ang mga gamit sa karetela. Bumukas ang pintuan ng karuwaheng nauuna sa dalawang karetela at iniluwa nito ang lulang isang dalaga at isang ginoo.

"Nandiyan na ang Binibini!" bulalas ni Bonita, nang siya ay dumungaw sa labas. "Nandiyan na siya, Ate! Halina at atin siyang paunlakan!" wika niya sa kapatid niyang rektora. Tango lamang ang naging tugon nito at sabay silang lumabas ng silid-aralan.

Pagkalabas ng kanilang mga maestra ay kaagad ring dumungaw ang mga dalaga sa labas upang makita kung ano ang nagaganap, nabighani ang lahat sa mga kagamitang nasa karetela, pati na rin sa dalagang bumaba na lulan ng karuwahe.

Napasambit si Lolita kay Ermita. "Sabi ko sa iyo, Ate Ermita. Simula sa araw na ito ay magbabago na ang lahat, may maglalagay na rin kay Margarita sa dapat niyang lugaran!" ngiti ng dalaga saka humawak siya sa suot niyang salamin.

"Ikaw talaga, kung ano-ano ang iyong iwiniwika. Kababasa mo iyan ng nobela!" ganti naman ni Ermita saka bumalik siya sa kaniyang silya at umupo roon, napatawa ng marahan si Lolita saka umupo sa tabi ng dalaga.

Nagpatuloy ang pagtingin ng mga kadalagahan sa bagong saltang ngayon ay kinauusap na ng rektora, dahil nga nabighani ang lahat dito ay nagdahilan ito ng pagkainggit at galit kay Margarita, sa tingin kasi niya ay nalalamangan siya nito.

Nagpatuloy pa ang tagpong iyon ng ilang minuto at nagtapos nang muling bumalik ang rektorang si Lucifera at ang kaniyang kapatid na si Bonita sa silid-aralan, naging matahimik muli ang buong silid.

"Mga binibini, ipinakikilala ko sa inyo ang isang dalagang inyong magiging kamag-aral simula ngayon, siya ay mula sa España, labing walong taon ang kaniyang edad. Marami na siyang karangalang nakamit, matalino siya, at marangya ang kaniyang pamilya . . ." lumingon ang rektora sa pintuan at inanyayahan niyang pumasok ang binibini, nakangiti itong nagwika habang nakatingin sa mga mag-aaral.

"Ako nga pala si Clarita Abellana, nawa ay maging magkakaibigan tayo."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top