Kabanata 7
Sobrang sakit para sa akin na malaman na kinikilig sa maputing batang lalaki na iyon. Ao ba ang meron siya na wala ako? Maputi lang iyon at mas gwapo siya sa akin. Aminado naman ako doon, kita ko naman pero hindi mo man lang ba naisip na ako naman ang nandito para sa iyo simula pa lamang noong una? Ano pa bang dapat kong gawin para makita mo ako at mawaglit ang isipan mo tungkol sa lalaking kakakilala mo pa lamang. Hindi mo pa nga siya kilala ng lubusan pero napansin mo kaagad siya? Ang mga ginagawa ko para sa iyo, kailan mo kaya makikita?
Akala mo naman ay magkikita pa kayo noong lalaking iyon, halata namang laking ibang bansa iyon at parang nagbabakasyon lang dito sa Pilipinas. Ano pa ba ang kulang? Ginawa ko naman ang pag-aalaga at pagmamahal para sa iyo hindi ba? Sumali pa si Sandra, isa ding kilig na kilig sa lalaking iyon. Akala ko noong una ay sa akin siya kakampi dahil kabigan niya ako at matagal na naming kilala ang isa't isa pero mali ako at nakakalungkot dahil nabulag din siya sa kagwapuhan noong batang iyon, parang ikaw lang mahal kong Cristina. Nakakalungkot lang talaga.
Naisipan kong magmukmok na lang sa kwarto dahil sobrang lungkot ko talaga. Balak ko na huwag kang kausapin, ayaw muna kitang makita dahil baka kung ano lang ang masabi ko sa iyo. Kahit inis ako sa iyo ay iniisip ko pa rin kung masasaktan ba kita o hindi sa gagawin ko. Sa huli, mahal pa rin kita kahit nasasaktan ako sa nalaman ko mula kay Sandra. Isa pa, ayaw ko na makita mo akong ganito, dahil kilala mo ako bilang isang bibo at parang wala akong pinoproblema sa mundo. Ayaw ko na rin na pasanin mo pa ang mga problema ko.
Ngunit mali ako dahil hindi ko alam na kinausap na pala ng nanay mo ang nanay ko. Pinapunta ka pala nila sa bahay namin dahil nakita nilang malungkot at tahimik ako sa isang tabi. Dahil nga hindi sila sanay na ganoon ako, alam na nila na may problema. Ikaw ang kaibigan ko kaya naman alam nila na ikaw rin ang makakagamot sa akin sa tuwing malungkot ako. Parang ako lang kapag malungkot ka, hindi ba ganoon rin naman ang ginagawa ng mga magulang mo? Pinupuntahan nila ako at kinakausap dahil gusto nilang sumaya ka, at syempre dahil mahal kita ay gagawin ko ang lahat masilayan ko lang ang nakangiti mong mukha.
Narinig ko na ang katok mo mula sa aking pintuan, nakakatawang isipin na dati ako ang kumakatok sa iyo para suyuin ka at libangin. Hindi ko rin alam kung bakit ako nagkaganito sa iyo, siguro ganito rin ang naramdaman mo noong naging malapit kami ni Sandra sa isa't isa ano? Ganoon rin ba ginawa mo noon mahal kong Cristina?
Lumapit ka sa higaan ko pero nakatingin pa rin ako sa may bintana ng aking kwarto. Naaninag kita pero hindi ako nakibo dahil nga nagtatampo ako sa iyo. Akala mo ba ikaw lang ang pwedeng magtampo sa atin? Aba syempre, ako din! Hindi kasi ako sanay na may ibang lalaki na nagpapasaya sa iyo dahil alam ko sa sarili ko na trabaho ko iyon dahil iyon ang pangako ko sa sarili ko at syempre na din sa iyo, mahal ko.
Nagsalita ka na, siguro ay inip ka na sa iyong pagkakatayo sa likod ko. Unang una mong tinanong kung bakit bigla akong nagbago ng pakikitungo sa iyo. Alam ko na alam mo ang sagot sa tanong mo, hindi mo pa ba nakikita na nagseselos ako? Ang manhid mo naman kung gaoon, makaramdam ka naman na sana.
Hindi ko na napigilan ang sarili ko, sinagot ko ang tanong mo sa sagot na dapat mong marinig. Para na rin siguro matapos ang agam-agam sa isipan ko, gusto ko rin naman na maging tapat sa iyo dahil ikaw ang babaeng mahal ko.
Pinagtapat ko na nagseselos ako sa lalaking nakita natin sa parke. Madami akong tinanong noon sa iyo, bakit siya ay nagustuhan mo agad samantalang ako na lagi mong kasama ay hindi pa ako nakakakita ng kilig na katulad noon sa iyong mga mata? Akala ko ay sasagutin mo ako ng matino dahil seryoso ako sa pagsasabi ko noon sa iyo. Ngunit mali ako dahil tinawan mo lang ako.
Hindi ko alam noon ang mararamdaman ko, bakit lagi na lang bang biro ang lahat sa iyo? Naalala ko, hindi ka nga pala sanay na seryoso ako, lagi kasi akong masaya at makulit kaya kahit seryoso na ako sa harapan mo ay wala pa rin para sa iyo ang lahat ng iyon.
Sandaling tumigil ang tawa mo, nakita mo siguro sa mata ko na hindi na ako natutuwa sa mga pinapakita mo. Agad-agad kang lumapit sa akin, nakita mong lumuluha na ang mata ko at iyon naman ay pinunasan mo, hindi ko sinabi sa iyo pero alam mo bang doon mo unang pinakilig ang puso ko?
Humingi ka ng pasensya dahil sa inasal mo, nangako ka na hindi mo na papansinin pa ang batang lalaki na iyon kung makita mo man siya. Sino ba naman ako para hindi matuwa sa narinig ko? Sa totoo lang, ako ang pinakamasayang tao noong oras na iyon. Parang pinangako mo na din kasi na tayo na ang para sa isa't isa sa pamamagitan ng pagsabi mong iyon.
Nagyakapan tayong dalawa, umiiyak tayo dahil sa tuwa. Sa wakas ay bati na rin tayo. Hindi naman kita matitiis, mahal kong Cristina. Kahit kailan at kahit saan, hindi ko kayang iwan o balewalain ka lamang.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top