Kabanata 5
Pumasok na tayo nila Sandra, masaya kami dahil kahit papaano ay bumalik na ang sigla mo. Naikwento ko din pala sakanya ang pag-alis ng tatay mo at kung paano ka nalungkot dahil rito. Umamin siya sa akin na gusto ka raw niyang puntahan noon pero hindi niya magawa dahil hindi naman raw siya papayagan ng mga magulang niya dahil may pagsusulit tayo.
Tahimik ka noong pumasok tayo sa loob ng silid-aralan natin. Hindi na lang kami kumibo ni Sandra dahil alam naman namin ang pinagdadaanan mo, nakakalungkot na nakikita naming pinipilit mong maging masaya kahit sa totoo ay malungkot ka talaga.
Reses na natin noon, tahimik ka pa rin. Iniisip na namin ni Sandra kung paano ka namin papasayahin dahil kami mismo ay nalulungkot na dahil sa inaasal mo. Nakakahawa ka pala kapag nakakalungkot ka, akala ko sakit lang ang nakakahawa kalungkutan rin pala. Ang lalim na siguro ng iniisip mo, hindi na namin maabot ni Sandra. Nakatingin ka lang sa malayo, ni hindi ka nga tumitingin sa amin.
Tinawag ka ng kaklase nating si Sonia, hindi naman natin siya laging kinakausap kaya naman nagtaka ako na tinawag ka niya sa pangalan mo. Ano kaya ang kailangan niya sa iyo? Naiisip ko noon na baka hindi ko lang napansin pero baka nagkakausap na kayong dalawa. Kilalang mataray si Sonia sa eskwelahan kaya sana naman ay wag niya iyon gagawin sa iyo.
Ngunit tama nga ang hinala ko, tinarayan ka niya at sinigawan sa harapan ko. Tanging hikbi mo lamang ang naririnig ko sa aking likod. Sinabihan ka ni Sonia na iniwan ka na raw ng tatay mo at hindi na muling babalik pa. Ano ba ang ginawa mo sakanya at ganoon na lang ang trato niya sa iyo? Hindi lang pala sa iyo, sa lahat pala ng tao.
Nais siyang sabunutan ni Sandra noon para maipagtanggol ka niya pero pinigilan ko si Sandra dahil ayaw ko namang mapahamak siya, mamaya ipatawag pa ang mga magulang natin at iyon pa ang maging dahilan kung bakit mas lalo kang maging malungkot. Syempre ayaw ko mangyari iyon kaya sa abot ng makakakaya ko, habang pwede pang pag-usapan ay pag-usapan na lamang.
Nagulat na lang ako noong lumaban ka kay Sonia sa paninigaw mo sakanya, itinulak mo pa nga siya kaya natumba siya at napaupo sa damuhan. Noong una ay tinawanan pa ni Sandra si Sonia pero sumenyas ako sakanya na tulungan niya si Sonia kaya naman agad niya iyong ginawa. Mahal kong Cristina, ano na bang nangyayari sa iyo? Iyan na ba ang nagagawa ng kalungkutan? Hindi na kita kilala.
Tumakbo papalayo ang kasama ni Sonia at agad na tinawag ang principal at guro natin. Ito na ang bagay na ayaw kong mangyari, ang humarap tayo sakanila at kasama ang magulang natin. Ikaw naman kasi, kailan ka pa natuto lumaban? Hindi ka naman dating ganyan, tahimik ka lang at pinapalagpas ang mga bagay. Dahil ba ito sa kakasama mo kay Sandra? Kilala ko si Sandra, isa din siyang palaban pero mabait naman kahit papaano ang babaeng iyan.
Nasa guidance office tayo habang pinagsasabihan kayo ni Sonia ng mga magulang niyo. Sinabi kasi ni Sonia na hindi siya ang nauna mang-away pero umalma si Sandra, kaya hindi na alam kung sino pa ang nagsasabi ng totoo sainyo. Buti na lang ay may CCTV footage na pwedeng mapanuod kaya naman napatunayan na si Sonia ang nauna dahilan para itulak mo siya.
Hiyang-hiya naman ang magulang ni Sonia sa atin at panay ang kanyang paghingi ng tawad. Si Sonia ay galit pa rin, nakasimangot at walang imik. Ni hindi ka nga niya tinitigan sa mata, napakawalang respeto ni Sonia, alam na niya na siya ang ,ali pero hindi pa rin niya ginawa ang alam niyang tama.
Umuwi na tayo at sa kotse pa lamang ay pinagsasabihan ka na ng nanay mo sa harapan ko. Hinihintay ko lamang siyang kumalma saka ko ipapaliwanag ang mga pangyayari. Syempre ayaw ko naman na hindi mo masabi ang tunay na nararamdaman mo. Dahil hindi ka makapagsalita para sa sarili mo ay ako na ang gagawa noon para sa iyo. Ayaw ko rin na madagdagan ang lungkot sa mga mata mo, iyon din kasi ang nagbibigay kahinaan sa akin. Mahal kita Cristina at pinangako ko na sa sarili ko na poprotektahan kita sa abot ng aking makakaya.
Noong sinabi ko ang tunay na dahilan ng paglaban mo kay Sonia ay naintindihan na ni tiya kung bakit mo iyon nagawa pero katulad ko ay nagulat siya dahil hindi ka naman raw ganoon dati. Isa ka lang raw tahimik at masunurin na estudyante, lagi ka nga raw nakakakuha ng medalya, kahit kailan raw ay hindi mo binalak mang-away ng kahit na sino sa mga kaklase natin, ngayon ka lang talaga lumaban. Mahal kong Cristina, ano na nga ba ang nangyayari sa iyo? Hindi na yata ikaw ang babae na minahal ko.
Sinubukan ko na pasukin kita sa kwarto mo para kausapin ka tungkol sa nangyayari sa iyo, akala ko noong una ay ay ipagtatabuyan mo ako dahil wala akong naririnig na salita mula sa iyo pero noong nakarinig ako ng hikbi mula sa iyo ay agad akong lumapit at hinimas ko ang likod mo para ikaw ay pakalmahin.
Sinabi mo sa akin kung bakit ka lumaban kay Sonia, sinabi mo na natatakot ka na magkatotoo ang sinabi ni Sonia tungkol sa tatay mo. Naniniwala ka kasi sa isang konsepto ng isang maganda at buong pamilya kaya gaoon na lang ang takot mo. Katabi mo ako noon pero wala akong magawa kundi ang yakapin ka lang at patahanin, sinigurado ko sa iyo na hanggang sa isip mo lang ang lahat ng iyan at kahit kailan hindi magkakatotoo iyan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top