Kabanata 14

Noong inuwi ka na namin, agad na naghanda ng gamot si Sandra para sa iyo. Hindi ko alam ang gagawin ko noon dahil hindi na maayos ang aking pag-iisip. Gusto kitang masagip sa sakit mong iyon pero wala akong magawa. Na-istatwa lang ako sa tabi habang yakap-yakap ka ni Carlos sa harapan ko.

"Mahal na mahal ko si Cristina" iyon lang ang nasambit ko noong mga sandaling iyon. Gulat na gulat si Carlos sa kanyang narinig, wala na akong pakialam kung anong pagkakaintindi niya sa sinabi ko, ang mahalaga sa akin noong oras na iyon ay nailabas ko na ang matagal ko nang gustong sabihin.

Ilang oras pa ay wala ka pa ring malay mahal ko, habang bumibili si Carlos ng gamot sa sakit ng ulo mo ay kinuha ko iyon bilang oportunidad para makapagpaalam sa iyo, hindi ko na kasi kaya ang sakit mahal ko. Hindi ko pala kayang makita ka na magiging masaya na sa iba, habang ako ay mag-isa na.

Huwag ka mag-alala, hindi mo kasalanan ang pag-alis kong ito sa buhay mo. Sa totoo lang niyan ay ako talaga ang may kasalanan sa lahat ng ito. Kung noon pa lamang ay lumayo na ako sa inyo noong nalaman ko na magnobyo na kayo, siguro ay hindi ganito kasakit ang nararamdaman ko. Isa akong dakilang tanga na nagmamahal lang ng totoo kaya pasensya ka na mahal ko.

Sa totoo lang, hindi ko alam mahal ko kung saan ako dadalhin ng mga paa ko. Dala-dala ko ang anak kong si Marco, gusto ko munang lumayo sa inyong lahat at magsimula ulit na ako lang. Pasensya ka na kung hindi ako nakapagpaalam ng maayos sa iyo, mabuti na rin siguro iyon para hindi ko na marinig pa ang tinig mo.

Gulong-gulo ang isip ko noong naglalakad ako palayo sa iyo. Gusto kitang makita sa huling pagkakataon pero gusto ko ring hindi na dahil alam ko lang sa sarili ko na magiging malaking kurot ito sa puso ko. Isa pa, alam kong ayaw mong gagawin ko ito dahil pinangako natin sa isa't isa na hindi tayo bibitaw sa isa't isa.

Pasensya ka na mahal ko kung binali ko ang pangako ko, akala ko ay kaya ko rin eh. Akala ko ay kaya kong tiisin ang lahat ng sakit sa bawat nakikita ko. Ngunit nagkamali ako, hindi pala madali ang ginagawa ko. Masaya ka naman hindi ba?Iyon naman ang mahalaga sa akin, masaya na rin ako na masaya ka sakanya.

Iniwan na kita dahil pagod na ako, pagod na ako sa sarili ko. Pagod na akong maniwala na isang araw ay mamahalin mo rin ako tulad ng pagmamahal ko sa iyo. bakit nga ba hindi ko na lang tanggapin ang pagmamahal na binibigay mo sa akin at humihingi pa ako ng mas mataas na uri ng pagmamahal mula sa iyo? Sinasaktan ko lang pala ang sarili ko, sinasaktan din kita dahil hindi ako naging totoo sa iyo at sa sarili ko.

Makalipas ang isang taon, tinawagan ako ng aking ina na ikakasal ka na raw kinabukasan. Alam mo bang akala ko ay hindi na tayo darating sa araw na ito? Akala ko ay hindi ka na parte ng buhay ko. Tinawagan niya raw ako para sabihin sa akin na iniimbita mo ako na pumunta sa kasal mo. Kahit pala may nagawa akong mali sa iyo noon, hindi mo pa rin ako nakalimutan. Alam kong madami kang tanong sa isip mo na gusto mong bigyan ng kasagutan bago ka man lang ikasal. 

Pasensya ka na mahal ko ha? Hindi ko kasi maibibigay sa iyo iyon dahil mismong ako hindi ko masagot ang mga tanong na iyan sa sarili ko. Bakit nga ba kita iniwan? Bakit nga ba nawala na lang kami ni Marco bigla sa buhay mo? Mahal na mahal kita, Cristina pero hanggang dito na lang ako sa buhay mo.

Noong narinig ko ang boses ng nanay ko, hindi ko maiwasang hindi maluha dahil bumalik sa akin ang lahat, ang paglisan ko bigla sa tabi niya ay nag-iwan rin ng tanong sa isip niya. Labis akong kinakain ng kahihiyan dahil hindi na ako nakapagpaalam sa kanya ng maayos, dahil sa pagmamahal ko sa iyo ay nakalimutan ko na marami pa rin pala ang nagmamahal sa akin na iniwan ko dahil labis akong nalungkot.

Gusto ko siyang yakapin ng mga oras na iyon pero hindi ko alam kung paano. Tatanggapin niya kaya ang paliwanag ko? Maiintindihan kaya niya na ikaw ang mahal ko at kaya ako umalis ay dahil rin sa iyo? Natatakot ako na baka ikaw ang sisihin niya sa pagkawala ko. Gusto kitang protektahan sa mga sakit na pwede mong maramdaman, gusto kong kahit wala na ako dyan sa tabi mo ay maprotektahan pa rin kita sa paraan na alam ko.

Bakit ba ganoon pa rin kasakit ang puso ko? Lalo na kapag naririnig ko ang pangalan mo, unti-unting dinudurog noon ang puso ko. Akala ko ay maayos na ang isang taon, akala ko ay ayos na ako pero hindi pa rin pala. Sinubukan ko namang iwaglit ka sa isipan ko pero hindi ko magawa, hindi ko kaya. Ganoon siguro talaga kapag malaking parte ng buhay ko ay ang kasama ka, hindi naman siguro basta-basta mawawala iyon pero bait ngayon pa kung kailan kinakalimutan na kita?

Sinasabi ba sa akin ng Diyos na hindi ako dapat tumatakbo sa isang bagay na tinatawag na problema? Dapat ko na nga bang harapin ang katotohanan na wala ka na sa akin? Na wala na talaga tayong pag-asa na maging isa? Pasensya ka na mahal ko, hindi ko pa kaya na makita ka sa ngayon. Hayaan mo munang maghilom ang sugat sa puso ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top