Kabanata 13

Paano na ngayon ito kung ikakasal na pala kayo ni Carlos? Mahal kong Cristina, paano na tayo? Madami pa akong pangarap para sa atin, madami pa akong gustong sabihin sa iyo. Mga bagay na gusto kong bigyan ng paliwanag dahil hindi ko pa kayang sabihin ng harap-harapan sa iyo. Mahal ko mukhang hindi ko na matutupad ang lahat ng iyon dahil matatali ka na kay Carlos.

Kaibigan ko kayong dalawa, hindi ko naman pwedeng basta-basta na lang sabihin ang nararamdaman ko para sa iyo habang may pwede akong masaktan. Ano na lang ang sasabihin sa akin ni Carlos kapag nalaman niya ang katotohanan? Siya na nga ba ang matagal mo nang hinihintay at hindi ako?

Tahimik lang akong nakikisabay kay Carlos sakanyang paglalakad, madaming tanong sa isip ko na kailangan rin naman ng kasagutan. Hindi ko alam kung dapat ko bang ibuka ang bibig ko at sambitin ang mga tanong na iyon o manahimik na lang dahil alam ko naman na walang patutunguhan. Nakita kong masaya si Carlos habang pinagmamasdan ang singsing na balak niyang ibigay sa iyo. Nais kong malaman mo na saksi ako sa pagmamahal niya sa iyo kahit na madalas ay nag-aaway kayo na parang aso at pusa sa harapan ko.

Sandali kong pinikit ang mata ko, nakita ko ang sarili ko na hawak-hawak ko ang singsing na ibibigay sa iyo ni Carlos, inisip ko na ako ang magbibigay noon sa iyo at sasagutin mo ako ng oo. Pagkatapos noon ay napangiti na lang ako, kung pwede lang na palitan ang bawat eksena sa realidad ay gagawin ko. Ako sana sa pwesto ni Carlos at siya sa pwesto ko ngunit hndi, malabong mangyari iyon dahil kayo ang nagmamahalan at hindi tayo.

"Hindi ba masyado pang maaga sa pagpapakasal, Carlos?" iyon agad ang tanong ko, nagbabaka sakali na mabago ko ang isip niya at hindi na muna niya ituloy ang plano niyang magpakasal sa iyo. Madami pa akong gustong gawin na kasama ka, Cristina. Iyong pwede pa na masabi ko sa sarili ko na akin ka pa.

Bigla siyang tumawa sa hindi ko alam na dahilan, may nakakatawa ba sa tanong ko at ginawa na lang niya iyon? Napakunot na lang ang noo ko at hindi na lang nagsalita, baka kung ano lang ang masabi ko sakanya kapag sumagot pa ako sa naging reaksyon niya. Ayaw ko ng away, lalo na kapag mahal ng taong mahal ko. Baka isumpa mo ako, Cristina kapag nalaman mong sinuntok ko ang lalaking nasa harapan ko ngayon.

"Bakit kailangan pang patagalin kung pwede naman na at mahal naman namin ang isa't isa?" iyon ang sagot niya na ikinagulat ko na lamang. Oo nga naman, handa naman na siya sa lahat, mahal niyo naman ang isa't isa, bakit hindi pa kayo magpakasal na dalawa?

Napagtanto ko na ako pala ang hindi handa sa mangyayaring ito. Kaya pala pinpigilan ko siya dahil alam ko sa sarili ko na kapag nangyari iyon, pwedeng hindi na kami makapasok ni Marco sa buhay mo.Ako pala ang talo sa laban na to, dahil sinasampal na sa akin ang katotohanan na hindi na pwede pero sinusubukan ko pa rin.

Bakit parang ang bilis ng mga pangyayari? Parang kailan lang, munting bata tayo na naglalaro sa ating bakuran. Lumaki tayo nang magkasama, sa hirap at sa ginhawa. Bakit ngayong matanda na tayo ay hindi ko na masabi pa sa iyo iyon? Hindi ko masabi na gusto pa kita makasama sa hirap at sa ginhawa, sa harapan ng Diyos na naging saksi ng lahat ng nagawa natin para sa isa't isa. Ang saksi sa mga ginawa ko para sa iyo, kung meron mang nakakaalam kung gaano kita kamahal Cristina, Siya na iyon.

Hindi na ako nakapagsalita, sinabi ko na lang kay Carlos na susuportahan ko kayo sa lahat ng gagawin niyong desisyon, sinabi ko na rin na alagaan ka niya dapat dahil ako ang unang makakalaban niya kapag sinaktan ka niya. Napatawa naman siya dahil sa sinabi ko, kilala ko naman daw siya at matagal na rin kayong dalawa kaya alam niyo na ang kulang sa isa't isa.

Bawat hakbang ko papunta sa inyo ni Sandra ay parang kirot sa puso ko. Hindi ako makapaniwala na ikakasal ka na, masaya ako para sa iyo pero mas sasaya ako kung ako ang kasama mo sa altar at haharap sa Diyos. Bakit nga ba hindi na lang ako ang ibinigay niya sa iyo ngayong alam naman niya na ikaw ang pinakamamahal ko?

Sigurado naman ako na masasagot ang tanong ko na iyan pero hindi lang ngayon. Ang gagawin ko na lang ngayon ay ang sulitin ang oras na pwede ko pang sabihin sa sarili ko na akin ka pa. Handa na nga ba akong sabihin sa iyo ang katotohanan? Hindi ko alam, masaya ka naman kay Carlos hindi ba? Bakit ko pa kayo guguluhin? Ikakasal na nga kayo, baka kapag umamin ako ngayon ay maging sanhi pa ito ng pagkawasak ng pagmamahalan nating tatlo bilang magkaibigan.

Sinabi mong masakit ang iyong ulo, inalalayan ka naming dalawa ni Carlos. Nakakatawang isipin na dati, ako lang naman ang nagawa noon sa iyo pero ngayon, dalawa na kami. May kahati na ako sa lahat, iyong dati na ako lang ang nakakagawa sa iyo ay nagagawa na rin niya. Minsan nahihigitan pa nga niya, doon ko napagtanto na siguro nga ay kailangan ko nang sumuko sa pagmamahal ko sa iyo. Baka nga kayo naman talaga para sa isa't isa at pnipilit ko lang ang sarili ko na pumasok sa mundo niyo.

Pero mahal kong Cristina, lagi mong tatandaan na may mundo rin tayo. Iyong mundo na wala pa si Carlos sa atin, pinapaalala ko lang sa iyo na pwedeng-pwede kang bumalik kahit kailan mo gusto dito sa mundong tayo ang gumawa at tayo lang ang pwedeng pumasok.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top