Kabanata 11
Noong nalaman mo na ang katotohanan mula kay Sonia dahil nahahalata mo na lagi na siyang nasa bahay namin kasama ang bata ay tinanong mo raw siya. Noong una ay nagalit ka sa akin dahil hindi ko agad sinabi sa iyo ang nangyari. Hindi mo nga alam kung paano ko nakilala si Sonia, pasensya ka na mahal ko. Nagkamali ako noong gabing iyon. Isa sa mga pinagsisihan ko ang gabing nakilala ko si Sonia. Ngunit anong magagawa ko ngayon? Nandito na ang bata at kailangan ko na siyang panindigan, iyon ang sabi ng magulang ko. Iyong mga pagmamahal na hindi naibigay sa akin ng tatay o, dito ko ibubuhos sa anak ko.
Kinausap mo ako tungkol sa batang iyon, sinabi mo sa akin na magpakaama ako dahil iyon ang nararapat. Salamat dahil kahit galit ka sa akin noong mga oras na iyon ay mas pinili mo akong kausapin ng mahinahon dahil gulong gulo na ang isip ko noon. Marami akong tanong sa isip ko na gusto kong masagot ngunit alam kong hindi naman agad ibibigay ng Diyos iyon. Kailangan kong maghintay ng tamang panahon para malaman ko ang sagot. Ang mabuti pa ay mahalin ko na lang ang bata dahil iyon ang nararapat.
Masaya akong makita ang bata, para bang nagbigay ito ng liwanag sa akin dahil lagi itong nakangiti. Malaki ang kanyang pisngi at may kaputian rin. Nagmana siya sa akin dahil medyo maputi ako. Masasabi kong gwapo rin naman ang anak ko, Marco nga pala ang pinangalan ni Sonia sakanya. Hindi ko alam kung bakit iyon ang naisip ni Sonia na pangalan noong bata pero naisip ko naman na wala akong karapatan magtanong dahil wala naman ako noong naghirap siya sa pagpapalaki rito. Masaya na lang ako na kasama ko ngayon ang anak ko at pinapangako ko sa iyo na aalagaan ko ito sa abot ng makakaya ko.
Masaya ako sa aking anak pero mas magiging masaya ako kung ikaw ang ina nito. Noong nakita ko ang bata, inisip ko agad na paano kung ikaw ang maging ina ni Marco? Maalaga ka naman sa mga bata, noon pa lang ay kita ko na iyon sa tuwing nakakakita tayo ng mga pulubi na bata sa may kanto. Lagi mo silang binibigyan ng pagkain at konting pera panggastos nila sa maghapon. Maswerte sa iyo si Carlos dahil alam kong magiging mabuti kang ina sa magiging mga anak niyo. Huwag na huwag ka lang niyang pagbubuhatan ng kamay, ako ang makakalaban niya. Iyon ang ayaw ko.
Lagi ka na pumupunta sa bahay simula noong nalaman mo na anak ko si Marco. Lagi mo siyang nilalaro, halos ikaw na nga ang maging nanay niya dahil pati pagpapalit sa saluwal at damit, ikaw na rin ang nagawa para sakanya. Samantalang si Sonia ay wala nang ginawa kundi ang maglakwatsa, hindi ko alam kung saan siya nagpupunta dahil hindi naman siya nagpapaalam sa akin. Iniiwan niya lang sa akin si Marco kahit alam naman niyang hindi pa ako ganoon kaalam sa pag-aalaga sa bata, mabuti na lang talaga dahil nandyan ka sa tabi ko. Hindi mo ako pinabayaan, tinupad mo ang pangako mo noong bata pa lamang tayo.
Nagdesisyon kami ni Sonia na hindi kami magpapakasal, dito lang siya nakatira sa amin dahil kay Marco. Nauwi rin naman siya minsan sakanila dahil may nobyo raw siya doon, hindi ko rin naman siya mahal kaya ayos lang sa akin na walang kasal na magaganap sa ming dalawa. Pangalan ko lang ang ibibigay ko sa bata pero kahit kailan ay hindi ko naman ibibigay sakanya.
Pinangako ko sa aking sarili na sa iyo ko lamang ibibigay ang apelyido ko kung sakali man na tayo ay ikasal. Hindi pa naman kayo kasal ni Carlos kaya naman may pag-asa pa rin ako na magawa iyon. Hindi ako nawawalan ng pag-asa, habang may buhay, may pag-asa sabi nga nila. Lagi ko namang pinagdadasal sa Diyos iyon, na kahit kayo na ni Carlos ay sana mabigyan mo pa rin ng pansin ang aking pag-ibig para sa iyo, dahil naniniwala ako na tayo pa rin ang para sa isa't isa hanggang sa dulo mahal kong Cristina. Hindi ako magsasawang maghintay sa iyo, pinakamamahal ko.
Sinabi mo rin pala sa akin na madalas na kayong mag-away ni Carlos dahil lagi kang nandito sa bahay para alagaan si Marco. Pinangako ko naman na kakausapin ko si Carlos kapag nakita ko siya, hindi naman pwede ang ginagawa niya. Wala naman tayong ginagawang masama at hindi naman kita inaagaw sakanya. Kung masama lang sana akong tao, noon ko pa ginawa ang pag-agaw sa iyo sakanya pero dahil iyon ang kaligayahan mo ay hindi kita pinigilan. Ayaw ko naman na maligaya nga ako dahil nasa akin ka pero hindi ka naman maligay dahil iba ang mahal mo. Nasaan ang tunay na kaligayahan doon? Ayaw ko naman na magmukhang makasarili sa harapan mo dahil hindi naman ako ganoong klase ng tao.
Mahal kong Cristina, bakit nga ba tayo pinagkaitan ng pagkakataon na mahalin ang isa't isa? Alam mo bang araw-araw kong tinatanong ang sarili ko kung ano ba ang kulang sa akin? Ano nga ba ang nagawa kong mali para hindi mo ako mahalin? Hindi mo ba talaga nakita ang pagmamahal ko sa iyo o ayaw mo lang makita ito dahil iba ang gusto mo? Matagal ko nang gustong itanong sa iyo iyon pero hindi ko na lang ginagawa dahil wala na din naman akong magagawa kahit sabihin mo, mas masasaktan lang ako. Pipiliin ko na lang na mahalin ka sa paraan na alam ko, sa tahimik. Iyong hindi mo alam, iyong ako lang ang nasasaktan. Mahal na mahal kita, Cristina.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top