Panic I

Habang nanunuod ng telebisyon ang pamilya Nuevo ay kumakain sila. Masaya silang nagke-kwentuhan, hanggang sa narinig nila sa TV na may isang uri na ng virus ang nakapasok sa bansa.

"Hindi naman iyan makakapasok sa bahay natin. Huwag na lang kayong lumabas kung gusto niyo pang mabuhay nang matagal." sabi ni Nessa

"Nakakatakot rin kaya Mama, sabi sa internet marami raw iyang napatay sa bansang Italy. Kung ako ang tatanungin, alam kong hindi kaya ng Pilipinas ang virus na iyan. Ang dami kayang palpak ng bansang ito," sabi ni Kenneth habang kumukuha ng hotdog.

"Patayin niyo na nga lang ang TV. Puro bad news na lang ang nakikita ko. Pagkatapos kumain ay matulog na kayo mga anak," sabat naman ni Kennedy

"Opo, Papa. Ako na rin po ang maghuhugas ng mga pinagkainan. Pagkatapos po ay matutulog na rin ako." sabi ni Keren

"Ang bait mo talaga Keren, buti na lang talaga at hindi ka gumaya sa Kuya Kenneth mo na puro internet ang inatupag. Mag-aral kang mabuti ha? Darating ang araw na magiging doktor ka," sabi ni Kennedy sa anak pagkatapos ay ngumiti siya rito.

"Opo, Papa." sagot ni Keren

Sa kabilang banda, nanunuod rin pala ang pamilya Samugui. Takot na takot sila sa pwedeng mangyari. Agad na nagsalita ang Mama nila.

"Bukas na bukas din, lalabas kami ng Papa niyo para bumili ng mga stock. Mukhang matatagalan ito."

"Sabi sa internet, marami raw namatay sa Italy gawa ng virus na iyan." sabi ni Cherry

"Naku, pwede pa bang umuwi ang Ate Clarice mo? Tawagan mo nga, sabihin mo lumiban na lang muna sa trabaho. Mas safe kung nandito lang tayong lahat," pag-aalala ni Cecille sa anak.

"Sige po Mama, tatawagan ko siya mamaya." sagot ni Cherry sa kanyang Mama

Meron ring pamilya sa lansangan, ang pamilya Batongbakal. Si Juan, Dina at ang mga anak nilang sina Ding at Digna. Bata pa ang mga ito, nasa pitong taong gulang at walo.

"Bakit parang takot ang mga tao? May mga takip rin sa bibig ang iba." sabi ni Dina

"Ewan ko, baka iyan ang uso. Hayaan mo na, ganoon naman kasi ang mga tao," sagot ni Juan sa asawa habang nag-aayos ng pagkain para sa pamilya.

"Pero Juan, iba ang kinikilos nila. Parang takot, may gyera ba?" tanong ulit ni Dina

"Huwag mo na isipin, ako na ang aalam para sa iyo bukas. Pupunta ako sa bahay noong kakilala ko. May TV roon kaya makakapanuod ako ng balita," sagot ni Juan habang sinusubuan si Ding at Digna.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top