Pangako Ng Kahapon
Pinagmasdan mo ang isang batang babaeng nakatayo sa iyong harapan. Ang suot niyang bestida ay malayang isinasayaw ng malakas na ihip ng hangin. Naglakbay ang iyong paningin sa maamo niyang mukha, at nakita mo ang mga luhang nalaglag mula sa singkit niyang mga mata. Walang tigil sa paglandas sa hapis niyang pisngi.
Parang dinudurog ang mura mong puso at ayaw makita ang lungkot na nababanaag mo sa iyong kaibigan. Pinunas ang mga luha niya na walang tigil sa pagpatak, gamit ang iyong munting palad. Tinuyo ang nabasa niyang pisngi hanggang sa namintana ang natatangi niyang ganda.
"Tahan na, Emily. 'Wag kang umiyak," nakangiting sabi mo sa kanya. Agad sumibol ang kasiyahan sa iyong puso nang mamalas ang matamis niyang ngiti. Batid na may bahid pa rin ito ng kalungkutan ngunit sa tingin mo ay hindi na mahalaga iyon. Basta ang importante ay napangiti mo na siya.
"T-talaga bang a-alis na kayo, Jekjek?" tanong niya. Marahan kang tumango bilang tugon sa kanya. Agad lumamlam ang mapupungay niyang mga mata at nagbabadyang muling pumatak ang pinipigilang mga luha.
Ayaw mo man na nakikita siyang umiiyak at nalulungkot ngunit wala ka namang magagawa. Nagpasya na ang iyong mga magulang na sa ibang bansa na kayo manirahan. Ayaw mo man na sumama sa kanila ngunit alam mong wala kang magagawa. Bata ka pa, wala ka pang sapat na kakayahan upang suwayin ang kagustuhan nila.
Hindi mo gustong malayo sa iyong kababatang si Emily. Ngunit ano nga ba ang magagawa ng isang batang katulad mo? Labing dalawang taong gulang ka pa lamang. Ang tanging magagawa mo lang sa ngayon ay sumunod kahit labag man ito sa iyong kalooban.
"'Wag kang mag-alala, Emily. Ipinapangako ko sa iyong magkikita pa tayo, hindi man bukas, hindi man sa mga susunod na araw, linggo, buwan o taon. Isinusumpa ko sa'yong babalik ako, sa tamang panahon ay magkikita tayong muli." Nakangiti ka nang sabihin mo ito sa kanya. Puno ng pag-asa ang iyong mga mata. Batid mong kahit bata ka pa ay may kakaiba kang nararamdaman ukol sa kanya.
Agad umaliwalas ang kanyang mukha, nang marinig ang iyong tinuran. Ang munti niyang mga mata ay nagkaroon ng kulay at sigla.
Walang pasubali'y agad mong sinakop ang kanyang palad at magkahawak-kamay kayong naglakad patungo sa paborito n'yong tambayan. Bawat hakbang na inyong ginagawa ay nag-iiwan ng bakas sa puting buhangin na malayang humahalik sa inyong mga paa, nagbibigay ng kiliti at ligaya.
Umupo kayo sa ibabaw ng malaking bato at mula roon ay tinanaw n'yo ang banayad na paggalaw ng mga alon sa dagat. Masuyo itong yumayakap sa tahimik na dalampasigan. Sa huling pagkakataon ay sabay n'yong panonoorin ang paglubog ng araw sa malawak at kulay gintong karagatan.
"Kailan naman mangyayari ang pangako mo, Jekjek?" dinig mong tanong ni Emily.
Ngumiti ka nang bumaling ka sa kanya. Hinawi mo ang kaunting buhok na tumabing sa mukha niya, "Pagsapit ng ika-dalawampo't limang kaarawan mo, Emily. Magkita tayo rito sa ating tagpuan." Nakita mong humaba ang nguso niya kaya iyong pinigil ang pagtawa. Natatawa ka nang pitikin mo ang labi niya.
"Aray naman," anas niya.
"Ang pangit mo kasi, mukha kang pato." Bumunghalit ka ng tawa dahil sa iyong sariling kalokohan. Ang tahimik na paligid ay nabalot nang masayang tawanan, mga mumunting halakhak na puno ng kasiyahan.
"Pangit ka d'yan," sabi niya. "Ang tagal pa noon, twelve years old pa lang ako." Napangiti ka nang nakita mong nagbilang siya sa daliri niya. "Thirteen years pa ang hihintayin ko. Ang tagal-tagal naman noon."
"Bakit? Hindi mo ba ako kayang hintayin?"
"Titingnan ko kung kakayanin ko," sagot ng kaibigan mo. Pilit siyang ngumiti bago muling tinanaw ang malawak na karagatan.
Sumilay ang matamis na ngiti sa iyong mga labi. Naglaro sa isipan mo ang iyong mga pangarap pagdating ng tamang panahon. "Hintayin mo ako, Emily. Pagbalik ko rito ay magpapakasal tayo. Pagsapit ng araw na iyon ay isa na akong ganap na engineer," kampanteng turan mo. Bagamat inosente ka pa ngunit sa puso mo, ay totoo ang iyong tinuran.
Nakita mong bahagya siyang nagulat, ngunit hindi naglaon ay umukit ang matamis na ngiti sa kanyang hugis pusong labi. "Sige. Maghihintay ako rito. Pangako mo 'yan ha, babalik ka?" nakangiting tanong niya sa 'yo.
Tumayo ka at humarap sa kanya, itinaas mo ang iyong kanang kamay, "Pangako. Ako si Jericho Montalban, nangangakong babalik ako pagsapit ng ika- dalawampo't limang kaarawan mo. Dito tayo magkita. Ang mga alon sa dagat, pati ang malawak na karagatang iyong natatanaw ay magiging saksi sa ating sumpaan, Emily," nakangiting sabi mo sa kanya. Dinampot mo ang kaputol na patpat at nag-umpisa kang gumuhit ng hugis puso sa buhangin. Buong pagmamahal mong isinulat sa loob ng puso ang pangalan niyong dalawa ni Emily.
Emily & Jekjek 012006.
"Ang galing," natutuwang sabi ni Emily. Pumalakpak pa ito at malapad na ngumiti, matapos makita ang iyong inukit. "Baka naman mabura lang iyan."
"Maglaho man ito, ngunit ang pangako natin sa isa't isa kailanman ay hindi mabubura," masayang sabi mo sa kanya.
Sa huling pagkakataon ay muli niyong pinagmasdan ang buong paligid. Mistulang kumikinang na ginto ang tubig sa malawak na karagatan. Lumingon ka sa kanya at masuyo mong hinawakan ang kamay niya.
"Paalam, Emily." Lumapit ka sa kanya at marahan mo siyang niyakap. Nang humiwalay ka ay tinitigan mo ang kanyang mga mata, "Huwag kang iiyak, babalik ako. Pangako 'yan," bulong mo sa kanya. Kahit ang totoo'y nahihirapan ang iyong kalooban, sapagkat ayaw mong lumisan.
Matamis siyang ngumiti sa 'yo. "Maghihintay ako, Jekjek," turan niya. Naghiwalay ang inyong mga kamay kasabay nang marahan mong paghakbang patungo sa sasakyang naghihintay sa iyo. Baon ang isang pangako sa bata mong puso.
January 20,2019
Muli mong binalikan ang mga alaala ng kahapon, sinariwa mong muli sa iyong puso ang iyong binitiwang pangako.
Ano na kaya ang nangyari sa kanya? Ito ang ang paulit-ulit mong itinatanong sa iyong sarili, tanong na hindi mo alam ang sagot. Mula nang umalis ka sa isla ng Aquerangan ay wala kang naging balita sa kanya. Sa loob ng labing tatlong taon, ni minsan ay hindi siya nawaglit sa iyong isipan. Ang mga tawa ng kahapon na punong-puno ng saya ay nananatili sa iyong puso magpahanggang sa ngayon.
Sinubukan mong hanapin siya sa mga social media, nagbabakasakali ka na masilayan mo siya sa pamamagitan noon. Ngunit nabigo ka, walang Emily Conception na nakita. Kaya nagtiis ka na lamang sa lawaran niya, na nakaguhit sa iyong alaala. Iyon ay hindi naluluma at hindi rin nabubura.
Ngayon ang araw ng katuparan ng iyong pangako. Muli kang nagbalik dito sa inyong tagpuan. Magtatatlong oras ka nang naghihintay, umaasang darating siya, at naniniwalang hindi niya nakalimutan ang sumpaan n'yo. Aminin mo man sa iyong sarili o hindi, batid mong nalulungkot ka. Paano kung nakalimutan ka na niya? Paano kung wala ka nang babalikan pa? Ito ang mga tanong na kanina pa naglalaro sa iyong isipan, parang mga bubuyog na naglilikot at walang sawang bumubulong.
Wala kang ibang magawa habang nakatayo sa ibabaw ng malaking bato. Nakapaloob ang iyong mga kamay sa bulsa ng suot mong pantalon. Ang polo shirt mo ay yumayakap sa iyong katawan, nagpapakita na isa kang ganap na binata. Ang dating batang Jekjek na puro pangarap, ngayon ay isa ng matikas na lalaki. Ang humpak na pisngi ngayon ay mabilog na. Ang dating patpating katawan ngayon ay nagkalaman na. Ang taglay mong kakisigan ay talaga namang angat sa iba.
Nang lumingon ka sa kaliwa, ay natanaw mo ang isang matanda at may akay itong magandang dalaga. Agad lumindol ang iyong puso, kasabay nang pagbaha ng sari-saring emosyon. Nakita mong palapit sila sa batong iyong kinatatayuan.
Suot niya ay bulaklaking bestida na abot hanggang tuhod. Kasing dilim ng gabi ang mahaba niyang buhok at balingkinitan ang kanyang pangangatawan, na bumagay naman sa taglay niyang tangkad. Maamo ang makinis niyang mukha, matangos ang ilong, at kasing pula ng hinog na mansanas ang manipis niyang labi. Natural ang kanyang kagandahan at hindi pinatingkad ng anumang kolorete sa mukha.
Tipid na ngumiti sa iyo ang matanda nang makalapit sila. Bumaling ito sa kasama, "Tawagin niyo na lamang po ako, Ma'am Emily. Naroon lamang ako sa gilid ng pampang," sabi ng matanda. Nakita mong tumango ang nakangiting dalaga sa tinuran ng matanda.
Nanlaki ang iyong mga mata dahil sa iyong narinig. Ito na nga si Emily, ang iyong kaibigan. Ngunit sa hinuha mo'y hindi ka niya nakikita.
Ano'ng nangyari sa kanya? Isang tanong na bumalatay sa iyong isipan. Pinagmasdan mo ang maamo niyang mukha at naroon pa rin ang taglay niyang ganda, kagandahang kakaiba at tunay na nakahahalina.
"Kumusta ka na, Jekjek? Batid kong nariyan ka. Hindi man kita nakikita ngunit malakas ang pakiramdam kong ikaw iyan. Nagbago na ba ang isip mo ngayon? Babawiin mo na ba ang mga pangako mo noon?" narinig mong sabi niya. Nababakas ang lungkot sa maamo niyang mukha at nagbabadya ang mga luha sa walang buhay niyang mga mata.
Sumilay ang ngiti sa iyong mga labi.
Marahan kang humakbang palapit sa iyong kaibigan. Mula sa likuran ng dalagang nakaupo ay lumuhod ka at ikinulong mo siya sa iyong mga bisig. Niyakap mo siya ng buong pagmamahal at walang pag-aalinlangan. Banayad mong ipinatong ang iyong baba sa balikat niya, mula roon ay pinakawalan mo ang luha ng kasiyahan sa iyong mga mata.
"Hindi. Hindi ko babawiin ang binitiwan kong pangako sa iyo, Emily. Sa loob nang mahabang panahon ay iyon lamang ang pinanghahawakan ko. Matagal akong naghintay at nagtiis na sumapit ang araw na ito, dahil ito ang katuparan nang lahat ng mga pangarap ko," bulong mo sa kanya.
Umiling siya nang marinig niya ang iyong tinuran. "Nakikita mo ba ang kalagayan ko ngayon, Jekjek? Gugustuhin mo pa bang pakasalan ako sa kabila ng kalagayan kong ito? Bago ka umalis ay batid kong may malubha akong karamdaman sa mata. At ngayon ay tuluyan na ngang iginupo ng sakit na glaucoma ang aking paningin, ito'y wala ng lunas. Hindi na ako nararapat sa iyo. Masaya ako dahil nagbalik ka at sapat na iyong regalo ngayong kaarawan ko. Ang tuparin mo ang iyong pangakong pakasalan ako ay siguradong kalabisan na," pahayag niya.
"Mahal kita, Emily. Higit pa sa isang kaibigan. Ikaw lang ang bukod tanging nilalaman nito." Inabot mo ang kanyang kamay at buong pagmamahal mo itong itinapat sa iyong dibdib. "Nararamdaman mo ba? Ikaw ang matagal nang isinisigaw ng puso ko, pangalan mo ang nakaukit dito. Simula noong mga bata pa tayo, magpahanggang ngayon, Emily... Minamahal kita."
Kapwa hilam sa luha ang inyong mga mata. "Ma-mahal din kita, Jekjek. Ngunit nangangamba ako dahil sa aking kalaga---"
Agad mong tinawid ang pagitan ng inyong mga labi. Ang marinig mong mahal ka rin ng babaeng pinapangarap mo, ay sapat na. Sapat na itong dahilan para sa iyo upang tanggapin ng buong puso ang kalagayan niya. Nakahanda kang magsilbing sandigan, karamay at maging mga mata niya habang buhay, makasama mo lang siya hanggang sa iyong pagtanda.
END
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top