Pangako, Bayani.
"Don't forget to submit your assignment on the LMS by Monday. That's all, class dismissed," litanya ng guro nila sa Araling Panlipunan bago isa-isang nag-alisan ang mga estudyante sa Google Meet.
Napahikab si Alyanna habang kinakamot ang kanyang pisngi. "Paano ko naman sasagutan 'yon? Anong sasabihin ko sa napiling bayani? Na ikinahihiya kong harapin siya? Mas may alam pa ako sa mga K-Pop group kaysa sa history ng Pinas eh..."
Muli siyang humikab at bumukas ng bagong tab upang hagilapin ang buhay ng napili niyang bayani. Ilang oras din siyang nagbasa-basa, ngunit lalo lamang bumigat ang talukap ng kanyang mga mata hanggang sa 'di na niya napigilang lumipat sa YouTube. Napagpasiyahan niyang manood na lamang ng mga dokumentaryo at baka sakaling magising siya.
Sa huli, hindi na nalabanan ni Alyanna ang pagod at unti-unting nilamon ng antok.
◇
Kumunot ang kanyang noo ng maramdaman ang kung anong basa at malagkit na bagay na tumatapik sa kanyang pisngi. Itinulak niya ang malambot at mabalahibong nilalang, at naiinis na nagwika, "Miko, baba sa higaan."
Gayunpaman, ang inakala niyang kanyang aso ay hindi nakinig at nagpatuloy sa pagpeste sa kanya. Umungol siya at upang makahanap ng magandang posisyon ay tumalikod— "Argh!"
Nagkaroon lamang si Alyanna ng ilang segundo upang makita ang kanyang buong mundo na tumagilid habang siya ay bumagsak sa dumi. Siya ay gumulong pababa, napangiwi at ungol sa paminsan-minsang bato at mga sanga na dumadaplis sa kanyang balat. Itinaas ang kanyang mga braso at kamay sa kanyang ulo, nangingilid ang mga luha sa kanyang mga mata. Pumikit siya at sinusubukang protektahan ang kanyang ulo. Tumalbog siya pababa, bugbog ang katawan.
Matapos ang tila walang hanggan, sa wakas ay huminto ang paggulong ni Alyanna, na nagbagsak sa kanya sa putikan. Unti-unti siyang umupo mula sa pagkakadapa at napangiwi. Hindi na niya kailangan ng salamin upang makitang balot na balot siya ng sugat mula ulo hanggang paa. Sa kabaitan ng Diyos, hindi naman siya nabalian ng buto.
Ngunit hindi rin nagtagal ang kanyang selebrasyon. Noong nilibot niya ang kanyang paningin, hindi niya makita ang kanyang kama, ang kanyang laptop, si Miko, o ang kanilang bahay. Nakakakita lang siya ng mga puno, puno, at maraming pang puno... "Shit, nasaan ako!?"
Sa wakas ay binigyan siya ng suporta ng kanyang mga binti, sa kabila ng paghihinagpis ng kanyang mga kalamnan at dugo na tumutulo mula sa mga sugat na natamo niya. Napalamukos siya sa mukha at halos mangiyak na. Hindi niya alam kung nasaan siya at kung anong nangyari.
Napatingin siya sa langit at sisigaw na sana ngunit agad na napahinto nang makita ang usok mula sa 'di kalayuan. "Usok? Baka may tao roon!"
Huminga ng malalim si Alyanna at pinilit na pakalmahin ang sarili. Lalabas siya rito.
Kumapit sa kanyang binti ang mga matatalim na damo, ang mga dahon nito ay tila hinihila siya pailalim kaya't naging mas mahirap ang paglalakad para sa kanya. Ang mga sanga ng naglalakihang mga puno ay umuugoy kasabay ng hangin.
Sa bawat minutong dumadaan, nadama ni Alyanna ang kanyang mga sugat na tumutusok sa kanyang laman, ang kanyang mga buto na sumasakit sa bawat galaw. Malapit na talaga siyang tuluyang bumigay, ngunit sa pagkakataong iyon ay lumapat ang kanyang tingin sa isang lumang gusali. Mayroon ring ilaw na nanggagaling dito.
Nang makalapit si Alyanna rito ay madilim na, bagaman hindi niya maiwasang maramdaman na nakita na niya ang lugar na ito dati. "S-saan ko ba nakita 'to? Nasa Manila pa ba ako?"
Gawa sa bato ang mga pader ng napakalaking gusali, at pumasok siya mula sa butas sa isang gilid. Tahimik ang lugar at ang mga lampara lamang ang nagbibigay gabay sa kanya papasok.
Humahangos na itinuloy ni Alyanna ang paglalakad paloob. Hindi niya maiwasang matakot, ngunit tinatagan niya ang kanyang loob. May mga ilaw at siguradong may mga tao rin. Makauuwi rin siya.
Hindi niya alam kung ilang oras na siyang nag-iikot ngunit nakarating sa kailaliman ng gusaling pinasukan. Huminto siya saglit, sapagkat ang direksyon na kanyang tinatahak ay unti-unti nang nababawasan ang mga lampara.
Nang napagpasyahan niyang lumipat ng ruta, isang mahinang tinig ang nakakuha sa kanyang atensyon, lampas sa mga batong pader. Lumiwanag ang kanyang mukha at pinabilis niya ang paglalakad, patungo sa pasilyo at maliliit na metal na tarangkahan.
Hindi nagtagal ay isang bola ng ilaw dumating sa kanyang paningin, na siyang nagpatigil sa kanya. Hindi maikakaila, dalawang tao ang naglalakad patungo sa pagliko ng pasilyo sa harap niya, ngunit napakalayo niya upang maunawaan ang kanilang sinasabi. Kumalat ang ginhawa sa kanyang dibdib at binuksan niya ang kanyang bibig upang tawagin ang mga ito.
Noon lang, isang CLANG! ang nagmula sa kanyang kanan.
Napasigaw siya at agad na nilingon ang pinanggalingan ng tunog. "Fuck! Kuya, tinakot mo na..."
Nanlalaki ang mga matang pinasadahan ni Alyanna ng tingin ang lumikha ng ingay. Isang matandang lalaki, ang kanyang buong pigura ay balisa at nanunuyong dugo ang nagpinta sa kanyang balat, ay inilusot ang kanyang kamay sa gitna ng mga harang na bakal. "Umalis ka na, Iha!"
Tatanungin pa lamang ni Alyanna kung anong problema ng matanda nang umalingawngaw ang boses ng dalawang lalaking lalapitan niya sana. "¿¡Quién está ahí!? ¡Alto!"
(Sinong nandyan!? Hinto!)
Bago pa makabawi si Alyanna ay itinulak na siya ng matandang lalaki. "Tumakbo ka! Huwag mong hayaang dakpin ka rin ng mga Kastila!"
Umalingawngaw ang mga putok ng baril at sigawan sa apat na dingding ng piitan.
Kastila? Dakpin? May illegal trafficking bang nangyayari!? Nawala ang kulay sa mukha ni Alyanna habang tumatakbo siya sa pinakamabilis na paraang kayang dalhin ng kanyang mga paa.
At hindi nagtagal, naiwala niya ang mga ito... pero siya rin mismo ay naligaw sa lahat ng ikot at liko na ginawa nila.
Nang hindi na niya marinig ang yabag ng mga paang humahabol sa kanya ay tsaka lamang siya huminto at humahangos na sumandal sa pader.
"Binibini?"
Halos mabali ang leeg ni Alyanna sa bilis ng kanyang paglingon sa isa sa mga selda. Madilim ito at ni hindi man lang niya maaninag ang taong nasa loob.
Sa takot at hindi agad siya nakasagot, kaya't muling tumatawag ang boses. "Binibini? Mas makabubuti kung magpahinga ka muna saglit. Ang iyong mga binti ay nanginginig at bumuka muli ang iyong mga sugat. Nakatitiyak na bibigay ang iyong mga tuhod kung patuloy kang tatakbo."
Hindi inaasahang malamlam ang boses ng lalaki. "Huwag kang mag-alala, hinding-hindi ko tutulungan ang mga Kastilang iyon."
Nakahinga ng maluwag ang babae at agad na nagtanong, "Kuya? Alam mo ba kung saan 'yong daan palabas? Wag ka mag-alala, hahanap ako ng tulong! Sisiguraduhin ko na mahuhuli 'yong mga kidnapper na 'yon!"
"... Kidnapper? Anong lenggwahe ang salitang iyong tinuran?" tila hindi makapaniwalang saad ng kanyang kausap.
Napangiwi si Alyanna. "Ahh, English po, Kuya. Ingles. Hindi ho ba kayo marunong? Pasensya na po."
"Ingles? Kamangha-mangha na mahusay ka sa wikang Ingles, Binibini. Ikaw ba ay isang banyaga?"
Ang lalim naman nito mag-tagalog! Napakamot ang babae ngunit sumagot din siya. "Hindi po! Napag-aralan ko po sa paaralan."
"Pumapayag na silang tumanggap ng kababaihan? Ito'y isang mabuting balita," manghang sagot ng lalaki.
"Huh? Kuya, matagal na po! Ilang taon na po ba kayong nakakulong dito?" Umupo ng maayos si Alyanna at minasahe ang kanyang mga binti.
"Ako'y ikinulong dito simula pa noong ikatlo ng Nobyembre."
"Huh? May sense of humor ka rin pala, Kuya!" Hindi na napigilang matawa ni Alyanna. August pa lang!
"... Hindi ko maintindihan ang ilang salita sa iyong sinabi, Binibini."
Tumigil sa pagtawa si Alyanna at napatitig sa madilim na selda sa harapan niya. "Seriously? Uh... Ang ibig ko pong itanong ay seryoso po ba kayo?"
"Oo, Binibini. Kailan man ay hindi magiging biro ang ginawa ng mga Kastila sa ating bansa," wika ng lalaki, ang boses niya'y may bahid ng pait.
Malamig na pawis ang namuo sa noo ni Alyanna nang matamaan siya ng realisasyon. "... A-ano po bang petsa ngayon?"
"Ah? Ngayon ay ika-dalawampu't tatlo ng Disyembre, taong isang libo walong daan siyamnapu't anim."
Oh... Oh.
"H-hindi ba... Hindi ba sa susunod na linggo babarilin si Dr. Jose Rizal!?" Napasinghap si Alyanna, ngunit mas hindi niya inaasahan ang isinagot ng lalaking kausap.
"Hindi ko lubos akalain na kalat na pala ang balita ng aking pagbitay."
Kasabay ng boses ang pagsindi ng lampara sa loob ng selda, ang liwanag nito ay nagpatunay sa takot ni Alyanna. Hindi mabilang na mga kuwadro at mga larawan ang nanumbalik sa kanyang isipan habang nakatayo sa kanyang harapan, sa likod ng mga rehas ng piitan ng Fort Santiago, ang lalaking iginagalang sa kanyang magiting na sakripisyo para palayain ang Pilipinas mula sa kolonyalismo ng mga Kastila.
Isang makabayan, manggagamot, at manunulat na naging inspirasyon sa kilusang nasyonalista ng Pilipinas— José Protacio Rizal Mercado y Alonso Realonda.
Sa pagkakataon na iyon ay naalala ni Alyanna ang nangyari bago siya magising sa kagubatan. Katatapos lamang ng kanilang klase at binigyan sila ng guro ng takdang aralin: sumulat ng liham para sa iyong paboritong bayani. Sa kasamaang palad, nabagot lamang si Alyanna sa pagbabasa ng mga artikulo at panonood ng mga mahahabang dokumentaryo, at tuluyang nakatulog.
Bumagsak ang mga luha sa kanyang pisngi at tinakpan niya ang kanyang bibig, pilit na pinipigilan ang mga hikbi na siyang hindi nagtagumpay. Anong sasabihin niya!? Kung talagang bumalik siya sa nakaraan, ano ang sasabihin niya? Na galing siya sa kinabukasan?
"S-sa kinabukasan— maraming-maraming taon mula ngayon, hindi makakalimutan ng lahat ang sakripisyong ginawa mo. Tatawagin kang Pambansang Bayani ng Pilipinas..."
Nagulat si Jose sa narinig, ngunit wala siyang sinabi.
"Pero... pero humihingi ako ng tawad," nagpatuloy si Alyanna, sinusubukang panatilihing kalmado ang kanyang boses. "Patawarin mo sana ako, kasi minsan mas gusto ko pang makinig ng mga banyagang kanta at pumunta sa ibang bansa kaysa pag-aralan ang kasaysayan ng Pilipinas...
"K-kasi nakalimutan ko na ang lahat ng mayroon ako—buhay, kalayaan at karapatan— ay dahil sa inyong mga sakripisyo. P-patawad!"
Lumuhod si Alyanna sa harap ng mga bakal na rehas, lubos na ikinahihiyang iangat ang ulo para tumingin ng diretso sa mata ng lalaki.
Gayunpaman, sa halip na tungayawin siya nito, ang natanggap niya ay isang tugon na hindi niya inaasahang maririnig.
Yumukdo si Jose sa harap niya at sinabing, "Kabataan ang pag-asa ng bayan. Binibini, ang mahalaga ay napagtanto mo ito bago pa mahuli ang lahat. Hindi mo na mababago ang nakaraan, ngunit may kapangyarihan kang piliin ang iyong aksyon sa kasalukuyan patungo sa kinabukasan.
Inaasahan kong simula ngayon ay matututunan mong mahalin ang iyong bansang sinilangan, Pilipinas."
Nagpaangat ng ulo si Alyanna sa gulat, at nakita ang kislap ng pag-asa sa mga mata ng bayani. Walang tigil ang pagpatak ng mga luha niya, ngunit may ngiti sa kanyang labi.
"¡Ahí está! ¡Oye!" (Naroon siya! Hoy!)
"¡No te muevas!" (Huwag kang gagalaw!)
Sa kabila ng mga boses sa kanyang likuran, tumayo si Alyanna na may bagong itinatag na tapang, sumaludo, at binigkas ang kanyang huling dalawang salita sa pambansang bayani ng kanyang bansa.
◇
Kung totoo man o hindi ang nangyari noon, ang tadhana lang ang nakakaalam.
Tinipa ni Alyanna ang mga huling salita ng presentasyon na kanyang ginagawa nitong mga nakaraang araw. Ito ang huling aralin na binalak niyang ituro sa kanyang mga estudyante sa bawat taon ng kanyang pagiging guro. Isang aral na hinding-hindi niya makakalimutan.
Pangako, Bayani.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top