A Piece of You
PANGAKO.
Diyan lang laging magaling si Mama.
Single parent siya at hindi kami mayaman dahil wala siyang pera.
Sa tuwing uuwi siya galing sa paglalako niya ng mga isda sa labas, hindi naman niya iuuwi iyong mga pagkaing ipinangako niyang dadalhin niya.
Nangako rin siyang ililipat na niya ako sa pribadong paaralan pagsapit ko ng mas mataas na antas, pero heto't naghihikahos pa rin kami kahit sa pampublikong paaralan pa rin ako nag-aaral.
"Carrie, 'wag kang aalis dito sa tabi ko. 'Wag kang lalapit sa kanya."
Pero lumapit pa rin ako roon sa lalaking kumakain kasama ng pamilya niya sa loob ng isang mamahaling restaurant.
Siya ang ama ko.
At napakayaman niya.
Ngunit may bago na siyang pamilya.
"Carrie, hindi ba't sinabihan na kita? Bakit hindi ka nakinig sa akin?" sabi ni Mama.
"'Ma, 'wag ka nang makulit. Doon na muna ako kay Papa, mas masusuportahan niya ako dahil may pera siya."
Hindi ako nakinig.
Ginawa ko ang gusto ko.
Mas kaya akong suportahan ni Papa dahil maganda at maayos ang trabaho niya. Mas marami siyang pera… at sa private na ako nag-aaral.
Pero ang pinaka-paborito ko sa lahat… ay iyong sa tuwing uuwi siya galing sa trabaho na maraming dalang tsokolate sa bag niya.
Babalik ako sa kuwarto at kakainin iyong Hershey's.
Pero minsan sa gabi, napapaisip din ako.
Nakauwi na kaya si Mama?
Dahil doon, pinili kong umuwi muna sa kanya nang makatapos ako ng highschool.
"'Ma… kumusta ka na?" banggit ko, pero sinuklian niya lang ako ng malakas at garalgal na ubo. "May sakit ka ba?"
Hindi siya umimik.
Bigla ay inabutan niya ako ng Hershey's. Nangunot ang noo ko dahil unang beses iyon.
"Kunin mo na, Carrie. Baka hindi na rin ako makaabot sa graduation mo…"
Tinanggap ko iyong Hershey's galing sa kanya.
At kinabukasan, habang nasa bahay ako ni Papa… nabalitaan ko na lang na wala na si Mama.
"Carrie, magmula ngayon… ako na ang susuporta sa pag-aaral mo."
At pera pala ni Mama iyong ginagamit niya sa pagpapaaral sa akin sa pribadong eskuwelahan.
Mas pinili ko si Papa na maraming pera at kayang ibigay sa akin ang kahit na ano… kaysa kay Mama na walang pera pero ibinigay sa akin ang lahat.
Inutil ako…
Kasi si Mama… nagkasakit na lang kalalako niya ng isda sa labas.
Pinag-aral niya ako, pinaliguan, binihisan, binigyan ng tirahan at ng pangalan...
Hindi ko kayang kainin iyong Hershey's na ibinigay niya sa akin dahil hindi maatim ng konsensya kong gawin iyon.
Pero isang mensahe mula sa kanya ang tuluyang nagpaluha sa akin… at ang tuluyang nagpabago ng inog ng mundo para sa akin.
Carrie, pasensya ka na at wala tayong pera. Kapag mayaman ka na, alam kong maibibili mo na ang sarili mo ng maraming matatamis.
Tapos nang mag-alaga sa iyo si Mama.
Kainin mo na iyang mga Hershey's… ngumiti ka para sa akin, Carrie, at yayakapin kita kahit amoy-araw ako.
Kapag naubos mo na iyan, kasama mo na ulit ako… pangako.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top