Pakisabi...

Nanay, sana alam mo kung gaano kita kamahal. Lahat ng pagtitiis ko, ginagawa ko para sa 'yo. Matagal ko nang gustong sumuko. Simula pa lamang ay ayaw ko na. Palagi kong sinasabi sa sarili ko na hindi ko na kaya. Na mahina ako.

Matagal ko nang gustong bumitaw. Ikaw lamang ang dahilan kung bakit ako nagtitiis. Dahil lahat ng paghihirap ko, kulang pa para tumbasan ang mga paghihirap mo. Maraming bagay ang tiniis mo para sa amin. Maraming bagay ang hindi mo inuna dahil sa amin. Marami kang isinakripisyo para sa amin.

Kahit buong buhay akong maghirap, alam kong hindi ko matutumbasan lahat ng iyon.

Hirap na hirap na ako 'nay. Ang liit-liit na ng tingin ko sa sarili ko. Pakiramdam ko ako na ang pinakawalang-kwentang tao sa mundo. Alam kong ganoon rin ang iniisip ng iba sa kanila. Na wala akong silbi. Na pabigat lang ako.

Gusto ko nang sumuko. Gusto kong takasan ang lahat. Ilang ulit ko nang ginustong mamatay na lang. Kaso sa tuwing naaalala kita at ang mga paghihirap na mararanasan mo kapag nawala ako, napapatigil ako sandali at napapaisip.

Sino na lamang ang magpapaaral sa mga kapatid ko? Sino na lamang ang tutulong sa pagbabayad ng mga utang natin? Ultimo pampalibing ko, gagastusan mo pa. Gusto pa naman kitang bigyan ng magandang buhay. Gusto ko na makita kang masaya. Gusto kong iparanas sa 'yo ang ginhawa na hindi mo naranasan dati.

Alam kong maraming taon ka nang nagtiis para lamang maitaguyod kami. Kulang pa ang lahat ng ginagawa ko para masuklian ko lahat ng paghihirap mo.

Pero nanay... gusto ko na talagang sumuko. Paubos na ang mitsa ng pagtitiis ko.

Alam mo ba ang iniisip ko araw at gabi? Ano ba ang pinakamadaling paraan para matakasan ang problema ko? Salot ako sa lipunan. Sakit ako ng ulo. Wala akong kwentang tao.

Kaya, Nanay, sa panahon na mababasa mo ang sulat na ito, malamang ay wala na ako sa mundo. Patawad kung napakabilis kong sumuko. Wag kang mag-alala, may pera na ibinibigay ang kumpanya namin sa kamag-anak ng namatay.

Gamitin ninyo iyong pampaaral sa mga kapatid ko.

Pakihingi na rin ako ng tawad sa kanila. Hindi ko natupad iyong mga pangako ko.

Nay, 'wag mo na akong ipaglamay. Dagdag gastos lamang. Mahal pa naman ang biskwit at kape. Ipadiretso mo na lamang ako sa sementeryo. Ayos lamang kahit hindi maganda ang kabaong ko, 'Nay. Ibabaon rin naman ako sa lupa.

Lahat ng gamit ko na pwede ninyong ipagbili, ipagbili na ninyo para dagdag sa pera.

Nanay, wag ka sanang malulungkot nang matagal. Isa lamang ako sa mga anak mo. Alam kong balang-araw, isa sa kanila ang makakapag-ahon sa 'yo mula sa kahirapan.

Mahal na mahal kita, Nanay. Mahal na mahal ko kayo.

Natatandaan mo ba 'yung hula sa iyo dati? Yayaman daw ang mga anak mo. Aahon ka raw sa kahirapan. Patawad, 'Nay, mukhang mali ang hula sa akin.

Hindi ko makikita ang seven wonders of the world at baka hindi rin ako ang maging pinakamayaman sa magkakapatid. Pangarapin ko man nang ilang beses, hindi ko makita ang sarili ko na nasa tugatog ng tagumpay. Dahil alam mo, 'Nay, hindi ako kasing tatag mo.

Ikaw na subok na ng panahon.

Ikaw na matapang na hinaharap ang lahat ng problema mo sa buhay.

Ikaw na kahit ilang beses bumagsak, mas maraming beses ka pang bumabangon para ipagpatuloy ang buhay.

Gusto kong maging kagaya mo. Matatag. Masipag. Maprinsipyo sa buhay. Pero hindi na mangyayari iyon. Hindi karapat-dapat na ihalintulad ang katulad ko sa iyo. Larawan ka ng isang matatag na tao. Isa kang dakilang ina.

Napaka-swerte ko at naging nanay kita.

Mahal kita kahit hindi ko man sabihin. Patawad dahil kahit sa mga simpleng salita ay hindi ko masabi sa 'yo kung gaano kita kamahal. Patawad dahil kinulang ako sa gawa. Patawad dahil hindi ko natupad ang mga pangarap natin.

Makailang beses kong pinag-isipan kung ano ang pinakamadaling paraan ng pagkamatay. Pero sa huli, napagtanto ko na hindi rin naman ako pupunta sa langit kapag nagkataon.

Kaya maganda siguro na magmula ako sa lugar na malapit sa langit.

Alam kong sa impyerno ang bagsak ng mga taong nagpapatiwakal. Kung gayon ay lulubusin ko na. Natatandaan mo pa ba dati iyong sinabi ko sa 'yo na gusto kong maranasang lumipad? Heto nanay, mukhang matutupad ko na.

Ilang ikot na lamang at mararanasan ko na ang lumipad.

Kapag sa kabilang dako ako nahulog at sa kasamaang palad ay nabigyan pa ng isang pagkakataong mabuhay, marahil ay ipagpapatuloy ko ang buhay ko. Gaano man kamiserable.

Kapag nabuhay ako, pagsisikapan kong makabawi sa iyo, 'Nay. Babawi ako sa inyong lahat.

Ipapakita ko sa kanila na kaya kong umahon mula sa lusak na kinasadlakan ko. Tutuparin ko na rin sa wakas ang mga pangarap natin.


Isa.

Pakisabi kay bunso na patawad dahil hindi ko siya naibili ng bisikletang matagal na niyang pangarap.


Dalawa.

Pakisabi kay itay na mahal ko rin siya. Hindi nga lamang halata pero mahal ko siya.


Tatlo.

Pasabi sa dalawa ko pang kapatid na pagbutihan nila ang pag-aaral. At sundin kamo nila ang gusto ng kanilang mga puso. Minsan lamang sila magiging matanda. Piliin sana nila ng wasto ang daan na tatahakin nila.


Apat.

Pakisabi sa tiya na kanya na lahat ng damit ko kung kakasya man. Pakisabi sa mga tiya at tiyo ko na mahal ko sila. Lalo na sa bunso kong tiyo at tiya. Pakisabi na sila ang paborito ko sa lahat.


Lima.

Pakisabi sa lahat ng naging kaibigan at kaibigan ko pa rin na salamat sa lahat ng saya na naidulot nila sa buhay ko. Utang ko sa kanila ang kaligayahan na naramdaman ko, gaano man kababaw o kaiksi ito. Pakisabi na sana ay huwag nila akong kalimutan. Pakisabi rin na mahal ko sila, kahit hindi halata.


Anim.

Pakisabi sa mga naging boss ko na maraming salamat sa opurtunidad, pag-aalaga, at kalinga. Utang ko sa kanila ang karunungan na taglay ko ngayon. Pakisabi rin na patawad dahil hindi ko nagawa nang maayos ang lahat.


Pito.

Pakisabi sa lahat ng nakakakilala sa akin na huwag silang umiyak dahil kilala lamang nila ako. Huwag sana nilang sayangin ang mga luha nila para sa taong hindi naman nila nakilala ng lubusan. Pero maraming salamat kako sa pagtanggap sa pagkatao kong nakilala nila.


Walo.

Pakisabi sa Diyos na humihingi ako ng tawad sa Kanya. Patawad sa lahat ng panahon na lumalapit lamang ako sa Kanya kapag nasa kagipitan ako. Patawad kako sa hindi pagsimba. Patawad sa hindi lubusang paniniwala. Patawad sa lahat-lahat at sana man lamang ay pagbigyan Niya ang kahilingan ko na makita ko Siya sa una at huling pagkakataon.


Siyam.

Pakisabi sa sarili mo araw-araw na hindi mo kailangang isisi sa iyo ang nangyari sa akin. Desisyon ko ito at wala kang kasalanan. Pakipaalala sa sarili mo na mahal na mahal kita. Sa abot ng makakaya ko ay sinikap ko iyong ipakita sa 'yo.

Sana ay 'wag mong damdamin ang maaga kong paglisan.

Mahal kita, Inay... at hindi mo kasalanan ang lahat. Wala kang kasalanan. Ako ang sumuko, hindi ikaw.





Sampu.

Pakisabi—

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top