VIII: THE MISTAKE

    Araw-araw humaharap at kumikilos ang tao ayon sa hamon ng buhay. Mahirap at mabigat na kung minsan pakiramdam nila nag-iisa na lang habang walang malapitan o makapitan dahil sa rami ng mga pagsubok pero, ganoon pa man kailangan pa rin mabuhay na puno ng katatagan at kalakasan sa realidad ng mundo; mapa-masama o mabuti man ang mga taong nakapaligid.

    Nakakalungkot pero, bilang isang tao kung saan kailangan nilang gumawa ng mga bagay para sa sarili at sa nakararami—na dapat maging totoo at may panindigan sa lahat ng bagay na nakikita at hindi nakikita. Mga desisyong hindi alam kung tama ba o mali sa paningin ng iba dahil ang alam lang ng isang nilalang, iyon ang nararapat pero, lingid sa kanilang kaalaman isa pala itong maling desisyon na panghabambuhay na pagsisihan.

   Gaya na lang sa buhay ng tao, maraming mga pagsubok na dumarating lalo na sa mga magulang na unang nakakaranas nito ngunit, sa bawat problemang mayroon sila hindi ba nila naitanong kung bakit ganoon ang nangyayari? Kasi una pa lang alam na siguro nila kung bakit nararanasan nila ang mga bagay na iyon. Bilang magulang alam nila ang tama at mali sa bawat desisyong nagawa nila, kaya kung may mali man sa kasalukuyan, hindi puwedeng sabihin o isisi sa iba ang mga bagay-bagay na nararanasan.

   Paano ko nasabi? Simple lang, may mga pagkakataon na mismong mga magulang ang mga taong nagpapahirap sa kalooban ng anak. Halimbawa:

    "Mag-aral ka ng mabuti upang pagdating ng panahon ay makatulong ka sa amin."

    "Magtrabaho ka muna at huwag mag-asawa dahil kung hindi mababalewala ang pinaaral ko sa 'yo kung magkakapamilya ka agad."

    "Pagkatapos mo, tumulong ka muna at bumili ka nang ganito-ganyan." 

   Oo, bilang anak, obligasyon nila iyon kasi utang nila sa kanila ang buhay na mayroon sila sa kasalukuyan pero, ang punto rito, may iba kasing mga magulang na sa anak isinisisi ang lahat. May iba kasing nagkamali ng desisyon sa buhay kaya nagkapamilya agad kahit bata pa, tapos no'ng nagkaanak mas naghirap ang buhay at halos wala ng magawa para maiahon ang mga sarili sa pagkalugmok sa kahirapan kaya sa anak ibinunton ang galit na siyang na-pressure sa mga nagaganap.

   Kaya ang tanong, ang anak lang ba ang nakagawa ng pagkakamali? Sila lang ba ang naging dahilan para mas maging miserable ang buhay nila?  Oo, may mga kabataan na naliko ng landas at nagkamali ng desisyon gaya ng mga magulang pero, sa kanila lang ba dapat isisi ang lahat? Bakit kailangan ipamukha sa kanila; ito ang dapat mong gawin, ganito ka dapat, at etcetera.

   Una sa lahat hindi maghihirap ang isang pamilya kung tama ang mga naging desisyon ng mismong mga magulang, hindi ko sinasabing lahat ng magulang mali pero, ang realidad ng sitwasyong ito? Sila ang pumili ng mundong ginagalawan nila sa buhay, sila ang hindi tumulong sa sarili nila upang baguhin ang buhay sa kasalukuyan. Kaya kung naghihirap man sila kasama ang pamilya nila ngayon, sila ang pumili noon. 

   Oo, mahirap sila noon, nagtrabaho, nagkapamilya at naghirap. Simpleng buhay ang kinalakhan pero, bakit hindi nila binago noong kabataan nila? Bakit hindi sila gumawa ng paraan para tuluyang maging maayos ang buhay nila? Bakit hindi sila nagsikap sa ikakaganda ng kapalaran nila at bakit hindi sila gumawa ng paraan para tuluyang magbago ang simple sa kaginhawahang buhay nila sa kasalukuyan?

   Maraming paraan upang mabago ang buhay pero, madalas kulang ang tao sa diskarte, disiplina at kasipagan. Gusto nila lahat ng bagay nakukuha sa mabilisang paraan na hindi pinag-iisipan ang kakahantungan sa kasalukuyan. Gusto nila laging nakukuha sa paspasan na sa huli, mauuwi sa kahunhangan. Paano sila matuto sa buhay kung hindi sila daraan sa butas ng karayom. Paano sila giginhawa at magkakaroon ng karunungan kung sa maliit na bagay pa lang hindi na nila kayang maging disiplinado?

   Kung tama ang desisyon nila noon, hindi sana sila maghihirap ngayon. Hindi rin sana nila mararanasang walang makain kung naging tama lang ang desisyon nila noon, tapos may iba pang isinisisi sa mga anak ang kahirapan, bakit pa sila nag-anak kung hindi pala nila kayang buhayin? Mayroon pang iba na naiinggit sa kapit-bahay, ka-Batchmate, at kaibigan kasi iyong mga mahihirap noon, siyang marangya na'ng pamumuhay ngayon dahil sa mga anak na nakatapos, maganda ang trabaho at asensado sa buhay. 

   Kung tutuusin kaya nila uma-senso sa buhay kung tama lang ang desisyon nila noon, wala iyan sa pagiging edukado, mataas, sikat at kung ano-ano pa dahil kung may gusto silang matupad sa mga pangarap sa buhay kayang-kaya nilang maging isang asensado sa buhay sa kasalukuyan. Pu-puwede nilang mapantayan ang mga mayayaman sa kasalukuyan o kung hindi man mayaman at magkaroon ng marangyang pamamahay o kahit hindi man nakatira sa two-storey building pero, may kumpletong mga pangangailangan na magagamit at sapat sa pang-araw-araw na pamumuhay.

    Hindi ba nila alam na kaya maraming kabataan ang nakakagawa ng maling desisyon sa buhay ay dahil sa kahirapang nararanasan? Nagagawa nilang kumapit at lumapit sa mga bagay na sa tingin nila makakatulong para umangat sila pero, sa huli nauuwi sa mas mahirap na kalagayan kung saan pumapasok ang iba't ibang karanasan ng tao sa realidad ng buhay. 

   Ang ilan sa mga ito ay mga sumusunod:

  1. Dahil sa kahirapan ng buhay may mga taong kumakapit sa patalim para makuha ang gusto at kailangan nila.

  2. May mga batang nag-aasawa agad dahil pakiramdam nila mas mainam 'yon para hindi na mahirapan pa sa kanila ang mga magulang sa pagpapakain at pag-aalaga.

 3. Bago sa kanila ang mga bagay na hindi nila nararanasan, gaya ng mga regalong binibigay sa kanila ng mga kasintahan kaya napapamahal sila at natututong magtiwala na siyang nagiging dahilan upang sa kasalukuyan ay maging batang Ina at Ama.

 4. May mga taong napipilitang magtatrabaho sa club dahil sa kahirapan ng buhay—na siyang nakikita nilang solusyon para magkaroon ng pansariling pera at makapagdala ng makakain na ipapakain sa pamilya upang makaahon kahit pa-paano.

  5. May mga taong nagsa-sakripisyo dahil sa pera dahil sa kaalamang 'yon lang ang makakatulong sa kanila upang matustusan ang kanilang pangangailangan,

 6. At may mga sumusuong sa trabahong illegal gaya ng pagdudu-droga, pagnanakaw at kung ano-ano pa dahil sa tingin nila iyon lang ang makakatulong sa kanilang buhay upang guminhawa.

  Nakita ninyo na? Ilan lamang 'yan sa mga bagay na mapapansin natin sa kasalukuyan pero, ang mas malala pa ay may mga kamag-anak at kapamilya kang kaya ng tumayo sa sariling paa pero, nakakapit pa rin sa 'yo. Nasaan ang hustisya? Kahit anong sikap ng tao para umasenso kung mismong sariling pamilya hindi tumutulong sa ikakaginhawa ng buhay ninyong lahat, ano pang silbi ng pagsisikap ng tao?

   Tao ang gumagawa ng sariling kapalaran, kung hindi sila gagalaw habang nasa murang edad pa lang, ano pang aasahan sa susunod na yugto ng buhay nila? Ang magiging resulta na lang ng lahat ng ito ay kawalang disiplinado sa buhay at ang pagiging Isang kahig, Isang tuka na pu-puwedeng maipasa sa anak kung hindi mag-iisip ng mabuti at nararapat ang mga mga anak na isisilang.

  Ayos lang na tumulong tayo sa ating magulang kasi alam nating ngayong nasa katandaan na sila nakita na nila ang mali sa mga naging desisyon nila pero, ang mga kapamilya natin na walang pakialam sa buhay kung hindi maging si Juan Tamad, paano na? Habang buhay na lang ba sila magiging ganoon? Hindi ba nila naiisip ang magiging resulta ng mga ito sa susunod na taon? Magiging Easy go lucky na lang ba sila for a lifetime?  

   Hindi lingid sa ating kaalaman na maraming tao ang naghihirap sa buhay. Mga pamilyang hindi nakakakain ng tatlong beses sa isang araw at sardinas na lang ang pinaghahatian ng buong pamilya. Hindi natin sinasabi na pagkain ito ng mahirap pagkat maraming mayayaman ang kumakain din ng ganyan ngunit, dahil sa kahirapan ng mga tao ito na lang ang kaya nilang bilhin sa perang mayroon sila, kaya parang naging pambansang pagkain na ito ng mga mamamayan ng bansa.

  Kaya naman dahil din dito, maraming mga magulang ang sinisikap mapag-aral ang anak upang magkaroon ng magandang kinabukasan ngunit, sa kasawiang palad may mga anak din na hindi ito pinapahalagahan kaya sa huli nagiging mali rin ang desisyon nito na sa huli isisi sa iba ang nararanasan. Makatao pa ba 'yon? Sila ang gumawa ng desisyon sa buhay kaya wala silang dapat sisihin kundi ang sarili nila. Sila ang may kasalanan kaya nararanasan nilang ang mga bagay na bago sa paningin nila kaya hindi sila marapat magalit sa iba na walang ginawa para maging ganyan sila. Sila ang gumawa ng sarili nilang kabanata kaya wala silang dapat sisihin kundi sarili nila.

   Kaya maraming mga mahihirap na tao, dahil din sa kagagawan nila, kaya nakakainis 'yong mga magulang na isinisisi sa anak ang kahirapang nararanasan nila. Una sa lahat hindi ba? Obligasyon nilang pa-aralin ang kanilang mga anak tapos pag-nahirapan sila sa pagpapaaral, sisisihin ka pa dahil ganoon ang nangyayari.

   Sa mga anak naman na hindi sumunod at puso ang sinunod? Hindi sila dapat sisisihin pagkat tao lang sila at nagkakamali sa mga desisyon sa buhay na siyang nasa itaas ang mga halimbawang dahilan ngunit, nais ko lang ipabatid na'ng buhay puno ng mga pagsubok kaya marapat lang silang gumawa ng tama at maging matapang sa buhay sa kasalukuyan alang-alang sa mga batang umaasa na sa kanila ngayon.

  Huwag din nating isisi sa kanila ang mga nararanasan natin pagkat wala silang muwang doon at hindi naman nila ginustong mabuo sila sa mundo pati lahat ng desisyon na ating ginagawa'y nakasalalay na sa ating mga kamay. Kaya kung bata ka man ngayon, tandaan mo kukupas ka rin at tatanda. Hindi mo kayang pigilan 'yon pagkat nakasulat na 'yon sa aklat ng buhay: tatanda, manghihina at mamamatay rin tayo gaya ng apoy na nagiging abo.

   Sa mga magulang at magiging, sana ayusin natin at pag-isipang mabuti ang mga desisyon sa buhay pagkat isang maling desisyon, katumbas noon ay panghabambuhay na pagkakamali. Atin sanang maunawaan na'ng mali at tamang ating gagawin sa kasalukuyan ay maging resulta sa hinaharap.

  Hindi man mabago ang nakaraang pagkakamali ngunit, pwede pa rin naman maiwasan sa kasalukuyan. Kaya kung nahihirapan man tayo sa kasalukuyan huwag natin isisi sa iba, pagkat kinakain lang natin ang maling desisyong ating nagawa sa nakaraan kaya ang magagawa na lang natin ngayon ay baguhin ito at piliting maitama.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top